Chapter 4
JEANNA
"Bakit parang walang effect, bes?" tanong ko kay Twinkle habang nakatingin kay Jerico na busy sa mga tambak ng papel sa harapan niya.
"Inip na inip? Matutong maghintay. Huwag masyadong pa-obvious at baka mabuking ka pa." Saway naman niya sa akin.
"Akala ko ba magical 'yong spell sa libro mo? Bakit parang walang epekto? Sinasabi ko sa'yo Twinkle, kapag nalaman kong scam 'yang magic spell mo, isisilid kita sa baul na pinanggalingan ng libro mo."
May pagbabanta kong sabi pero siyempre joke lang. Ewan ko ba, sa pagkakaalam ko ay kapag magic ang gamit ay instant ang resulta pero parang iba naman sa itinuro sa akin ni Twinkle.
Inirapan niya ako. "As if namang alam mo kung nasaan ang baul ng lola ko. Umayos ka nga, Babaita. Masyado kang mainipin. Kape at noodles na lang ang instant ngayon. Saka sinabi ko na sa'yo na hindi ako sure sa effectivity nito dahil ngayon pa lang nasusubukan."
"Ano bang sabi ni Lola Marya? Na-try na raw ba nilang gamitin 'yan dati? Tawagan mo kaya para tanungin."
"Sa pagkakatanda ko ay walang baon na cellphone si lola sa sementeryo. Pero kung mapilit ka naman ay mag-spirit of the glass na lang tayo tapos ikaw na lang ang magtanong sa kaniya tutal, ikaw naman ang atat diyan."
Napapikit ako sa pagkadismaya sa sarili kong idea. Oo nga pala, namatay na ang lola ni Twinkle bago pa kami mapadpad dito.
"Sorry, nakalimutan kong wala na pala si Lola Marya." Nahihiyang paghingi ko ng paumanhin sa kaniya. Naging insensitive ako dahil sa pagiging desperada ko na mapansin ni Jerico. Alam ko namang kahit loka-loka ang babaita ay malungkot pa rin siya sa pagkawala ng lola niya. Siya pa naman ang paboritong apo nito.
"May alam kong spell na makatutulong na hilingin sa isang yumao na dalawin ka sa panaginip o sa personal para makausap mo. Gusto mo i-try natin? Malay mo effective." Hindi ko mawari kung nagiging sarcastic lang siya o seryoso sa mga sinasabi niya.
"Kung galit ka dahil sa pagpaalala ko tungkol kay Lola Marya ay sorry talaga. Hindi ko naman sinasadya. Huwag naman tayong aabot sa pagtawag sa kaluluwa niya. Hayaan na natin siyang manahimik." Nahihintakutan kong sabi sa kaniya at napa-sign of the cross ako. Naniniwala ako sa spirit of the glass kahit hindi ko pa ito nasusubukan. Mahirap na. Baka kung kaninong ligaw na kaluluwa pa ang matawag namin.
Natawa ito sa sinabi ko. O mas tamang sabihin ay napahagalpak ito. Nagtinginan ang mga katrabaho namin sa direksyon namin at bakas sa mga tingin nila na na-wi-weirduhan sila sa amin. Ilang ulit ko siyang kinalabit pero walang epekto. Patuloy lang siya pagtawa na parang nanonood ng isang nakakatawang palabas. Sa inis ko ay hindi ko na napigilan ang sarili ko na hilain ang buhok niya.
"Aray! Bakit ka ba nananabunot?!" inis niyang tanong habang nakatingin ng masama sa akin.
"Pinagtitinginan na tayo. Umayos ka." Halos pabulong ngunit nanggigigil kong sabi sa kaniya. Para siyang nagising mula sa isang mahabang panaginip at nagpalinga-linga sa paligid. Nang makita niyang nakatingin sila sa amin ay awkward itong nag-peace sign sa kanila at dali-daling itinutok ang paningin niya sa harap ng computer. Nagkunwari na lang din akong dedma sa mga tingin nilang nakakailang. Bumalik na rin ako sa aking gawain.
Nagitla ako sa boses ng nagsalita sa harapan ko. "Ako ba ang pinagtatawanan ninyo kanina?" Inis na pambungad sa akin ni Jerico. Nagpalinga-linga muna ako at sinigurado munang ako ang kinakausap niya. Sinigurado ko rin na walang nakatingin sa amin bago ako sumagot.
"H-hindi. Bakit ka naman namin pagtatawanan?" Kabadong sagot ko sa kaniya. Maging si Twinkle ay hindi napigilang tumingin sa amin at halata rin sa kaniya ang pagkabigla sa tanong ni Jerico.
"I caught you two staring at me while talking. At bigla na lang humagalpak ng tawa iyang kaibigan mo. May problema ba kayo sa akin?" Seryosong sabi nito dahilan upang hindi ako agad nakapagsalita. Hindi naman salubong ang mga kilay nito at hindi rin nakakunot ang noo ngunit bakas sa boses nito ang pagkainis.
"W-wala. Ibang bagay ang pinag-uusapan namin. Hindi ikaw 'yon. P-pasensya ka na." Nahihiyang sabi ko. Parang may kung anong kumirot sa puso sa inaasal niya sa amin ngayon. Kanina lang ay atat na atat akong makita ang epekto ng ginawa namin ni Twinkle, ngayon ay para akong pinagsakluban ng langit at lupa. Nasasaktan ako sa ginagawa ni Jerico. Pakiramdam ko ay ang laki ng galit niya sa akin.
Walang emosyong tumalikod ito sa amin at bumalik sa puwesto niya. Nasu-suffocate ako sa atmosphere ng opisina ngayon. Sakto namang breaktime na. Makakalabas muna ako.
Dali-dali akong lumabas at hindi na hinintay si Twinkle.
Nagtungo ako sa pinakamalapit na cafeteria at umorder ng maiinom. Nakaramdam ako ng sobrang pagka-uhaw. Umupo sa puwesto kung saan walang makaka-share sa table. Doon ko mabilis na nilagok ang in-order ko.
Pagtapos no'n ay tumunganga ako sa window glass upang tanawin ang mga sasakyang dumadaan. Nawala ang sigla ko sa trabaho at ganoon din sa pagpapapansin kay Jerico.
"Ano namang inihahaba ng nguso mo diyan?" tanong ni Twinkle sabay upo sa bakanteng upuan.
Sa halip na sumagot ay inirapan ko lang siya. Siya naman ang dahilan kung bakit nagalit sa akin si Jerico.
Sinundut-sundot niya ako sa tagiliran at mapungay ang mga mata niyang nakatitig sa akin na parang maamong pusa na nagpapaawa.
"Sorry na, Babaita. Hindi ko naman sinasadya. Gusto ko lang sanang takutin ka dahil alam kong matatakutin ka sa mga multo. 'Yon nga lang ay napalakas ang tawa ko at inakala niyang siya ang pinagtatawanan ko. Puwede mo naman kasing sabihin na tungkol sa reaksyon mo ang pinagtatawanan ko, pero natulala ka agad."
Nagpanting sa mga tainga ko ang sinabi niya.
"Humihingi ka ba ng sorry o naninisi ka lang? Alam mo naman pala ang dapat isagot sa kaniya pero tumunganga ka rin lang." inis na sumbat ko sa kaniya.
"Hep! Hep! Tama na. Baka naman maging friendship over pa tayo dahil sa nangyari. Nabigla lang din ako sa inasal niya. Para makabawi ako ay kakausapin ko siya mamaya. Sasabihin ko ang totoo para ma-clear ang pangalan mo. Okay ba 'yon?"
"Gagawin mo 'yon?" Paninigurado ko.
"Oo naman. Sa kapal ba ng taba sa mukha ko, sa tingin mo ay hindi ko kayang kausapin siya? Watch and learn. Sa akin ka matututo ng mga moves para humarot."
"Paano kung sungitan ka niya?"
"Ano namang pake ko? Kakausapin ko lang naman siya para sabihin ang totoo. Maniwala man siya o hindi ay wala akong pakialam. Hindi naman ako ang may gusto sa kaniya."
Hinila ko ulit ang buhok niya. "Sira ka talaga!"
"Tara na doon at baka ma-late tayo. Lalo lang tayong pagtitinginan doon." Pag-aya niya sa akin.
PAGBALIK namin sa opisina ay matamlay pa rin akong bumalik sa aking gawain kahit pa nangako si Twinkle na lilinawin niya ang lahat kay Jerico.
Mabilis na natapos ang maghapon pero hindi pa rin natitiyempuhan ni Twinkle si Jerico.
Nakarating na kami sa labas ng kompanya.
"Jeanna, naman. Daig mo pa ang nagpi-penetensya para sa semana santa. Ayusin mo nga 'yang itsura mo. Maghintay ka lang, makakahanap rin ako ng tiyempo para makausap siya."
Pagkasabi niya no'n ay saktong dumaan sa harapan namin si Jerico.
"Jerico!" Sigaw ni Twinkle sa kaniya. Nagtataka itong tumingin sa dako namin at ako naman ay nagulat sa ginawang iyon ng kaibigan ko. Nakalimutan yata niyang mataas na ang posisyon nito kaysa sa amin at hindi na kami mga estudyante pa.
Tumingin ito kay Twinkle at nagsalita.
"What is it again?" Medyo inis nitong tanong. Hindi naman nagpatinag ang kaibigan ko sa reaksyon ni Jerico at diretso sa mata pa niya itong tinitigan.
"Hindi ikaw ang pinagtatawanan namin kanina. I mean, pinagtatawanan ko. Tinatakot ko kasi si Jeanna. Matatakutin kasi siya sa mga multo. Natawa lang ako sa reaksyon niya. Huwag ka sanang magalit sa kaniya."
Hanga talaga ako sa fighting spirit nitong kaibigan ko. Akalain mong nasabi niya nang diretso iyon nang hindi man nauutal o natataranta.
"At bakit sa akin kayo nakatingin? Mukha ba akong multo?" Sarcastic na tanong ni Jerico.
"Hindi. Bakit patay ka na ba? As in, patay na patay kay Jeanna?" Mapang-asar na banat naman ni Twinkle. Hiyang-hiya ako sa ginagawa niya. Ngayon ko lang na-realize na hindi pala ako laging bilib sa overflowing confidence niya.
"Huwag kang pilosopo. Sino ba namang hindi maiisip na siya ang pinag-uusapan kung hindi kayo sa kaniya nakatingin habang nag-uusap." Ganti naman ni Jerico. Alam ko namang nature na niya ang hindi magpatalo kaya nasisiguro kong mahaba-haba pang pagtatalo ang mangyayari sa kanila kapag hindi ko pinigilan si Twinkle sa kakangawa.
"Well, hindi mo malalaman na nakatingin kami sa'yo kung hindi ka rin nakatingin sa amin. Sino nga ba ang tinitingnan mo? Si Jeanna ba?" Mapanghamon pa niyang tanong.
"Ibig sabihin pala ay sa akin talaga kayo nakatingin." Nakangising sagot ni Jerico.
Hindi ko na hinintay pang makasagot si Twinkle at inaya na siyang umuwi na.
"Tama na yan. Umuwi na tayo, Twinkle. Nakikipag-away ka na naman." Mahinahon ngunit may panggi-gigil kong sabi. Hindi naman siya umangal pa sa paghila ko sa kamay niya palayo kay Jerico.
Ngunit, hindi pa man kami nakakalayo ay nagsalit muli si Jerico.
"Oo, si Jeanna nga ang tinitingnan ko."
Bumilis ang t***k ng puso ko sa sinabi niya. Awtomatiko akong lumingon sa kinaroroonan niya.
Kabado man ay pinilit kong itago ito at tinanong siya. "A-ako ang tinitingnan mo?"
Kahit papaano ay may mumunting butil ng pag-asa ang sumilay sa puso ko. Wala naman sigurong mawawala kung magbabakasakali akong may espesyal rin siyang pagtingin niya sa akin.
"Oo. Nakaka-distract kasi ang tingin mo sa akin na parang may krimen akong ginawa. And no offense, ha?" Napahawak muna siya batok niya bago itinuloy ang sasabihin niya.
"Parang pinagnanasaan mo ako. Honestly, kinikilabutan ako sa mga tingin mo kanina."
Literal na napamulaga ang mga mata ko sa sinabi niya. Pinagnanasaan? Like, hello? Crush ko siya, baka nga in love na ako, pero 'yong pinagnanasaan ko siya? Never in my wildest dreams. Naging basehan niya ang tingin ko sa kaniya? So, mukha na pala akong m******s tumingin? 'Yong kilig ko kanina ay mabilis ring napalitan ng inis. Medyo makapal ang mukha niya sa part na 'yon.
Nginitian ko muna siya nang pagkatamis-tamis. "Honestly, ako ang mas kinilabutan sa sinabi mo. Pinagnanasaan kita? Saang lupalop naman ng opisina mo nakuha 'yang ideya na 'yan? I'm sorry kung hindi naging maganda ang dating sa'yo ng tingin ko but I want you to know na walang dahilan para pagnasaan kita. Huwag masyadong mataas ang tingin sa sarili. Try mo rin magkape ng matapang para mas kilabutan ka sa mga naiisip mo."
Tumalikod agad ako at pumara ng masasakyan. Hindi ko na hinintay pa ang magiging sagot niya dahil alam kong hindi siya magpapatalo.
Pagdating ko sa boarding house ay agad akong sumalampak sa kama. Pinagsusuntok ko ang unan habang ini-imagine kong siya 'yon. Nakakagigil ang kapal ng mukha niya! m******s pa yata ang tingin niya sa akin.
Natigilan lamang ako nang hingal na pumasok si Twinkle sa kwarto namin.
"Grabe ka naman, Jeanna. Talagang iniwan mo ako doon?" Pambungad niya sa akin.
"Pasensya ka na. Tumaas ang presyon ko sa sinabi niya. Kikiligin na sana ako no'ng sabihin niyang sa akin siya nakatingin. Ang kapal ng mukha niyang pagmukhain akong m******s. Akala mo naman never siyang lumapit sa akin dati with chocolates pa." Inis na sabi ko.
"So, ano? Itutuloy pa ba natin ang Oplan Gayuma natin? Sa totoo lang, naloka rin ako sa sinabi niya. Akala ko nga simula na 'yon ng magandang pagtitinginan niyo. Iyon pala malaswa ang pagkakaintindi niya sa mga tingin mo."
"Hindi ko na alam, Bes. Sigurado ka bang spell 'yon para maakit ang isang tao? Para kasing iba ang naging epekto sa kaniya. Hindi na nga siya naakit, nambintang pa. Mukha ba ako m******s tumingin?"
"Hindi naman siguro. Baka mali lang siya ng interpretation."
"Siguro?! Ibig sabihin may part na m******s nga ako tumingin?!" Hindi makapaniwalang tanong ko sa kaniya.
"Hey! Stop it already. Masyado ka nang napa-praning. Kung ako sa'yo ay hayaan mo na siya. Kalimutan mo na lang ang tungkol sa mga spell. Baka nga ini-scam lang ako ni lola. Huwag na nating ituloy pa at baka sa susunod ay maging mortal enemies pa kayo ay hindi lovers."