Chapter 3

1083 Words
CHAPTER 3- LOVE SPELL JEANNA "Bes? Effective ba talaga ang pagpapaganda para mapansin? Eh, bakit dedma pa rin si Jerico sa akin?" Reklamo ko kay Twinkle habang nakahiga sa kama. Lahat na lang ng latest fashion at looks ay sinubukan ko na baka sakaling umubra pero wala. Kahit pa nasa harapan na ako ni Jerico ay parang invisible lang ako. "Napapansin ka rin no'n. Baka nahihiya lang na purihin ka. Bakit ba parang atat kang mapansin ka niya? You look so desperate now. Dati-rati lang ay kontra ka sa pananaw ko na humarot para magka-lovelife." "H-hindi naman ako humaharot, ah? Masama bang magka-crush? Paghanga lang naman 'yon." Depensa ko naman. Ewan ko ba sa sarili ko kung bakit nagkakaganito ako magmula nang malaman kong nagta-trabaho kami sa iisang kompanya ni Jerico. "Paghanga? Eh, halos ipagduldulan mo na ang sarili mo sa kaniya. Kung nakikita mo lang sana ang sarili mo sa tuwing dumaraan siya o di kaya ay malapit sa'yo ewan ko lang kung matatawag mo pang paghanga 'yang nararamdaman mo." "Hindi ko na alam ang gagawin ko, bes." Frustrated na sabi ko sabay takip ng unan sa mukha ko. Mabilis na lumipas ang mga araw at gamay na namin ni Twinkle kahit papano ang mga gawain sa opisina pati na rin ang ugali ng mga katrabaho namin. Sa bawat araw na lumilipas ay parang torture sa akin. Lahat na lang ng pagpapapansin kay Jerico ay nagawa ko na. Kahit hindi ko trabaho inaako ko na rin basta may kinalaman sa kaniya. Sinunod ko na rin ang katwiran ni Twinkle na kung gusto kong magka-lovelife ay dapat akong kumilos. Kulang na lang mag-circus na ako sa loob ng opisina para makatagal man lang siya na tingnan ako. Pati latest fashion at looks pinatos ko na rin para magmukhang tao sa tuwing makikita niya. Nawawalan na ako ng pag-asa na maging malapit kami. "Frustrated agad? Kung hindi makuha sa santong dasalan ay siguro dapat nang daanin sa santong paspasan." Tinanggal ko ang unan na nakatabon sa mukha ko at tumingin kay Twinkle. Inaabangan ko ang bagong idea niya. "Santong paspasan? You mean, lalasingin ko siya para may mangyari sa amin at 'pag nabuntis niya ako ay wala na siyang ibang choice kundi pakasalan ako?" Pangunguna ko sa sasabihin ni Twinkle. "Hindi. As if namang makasama mo siyang uminom. Hindi ka pinapansin, remember?" "O 'di kaya... magpapanggap akong may malubhang sakit, aaminin ko sa kaniya ang feelings ko at sasabihing ang maging boyfriend siya ang dying wish ko. Dahil doon ay maaantig ang kaniyang kalooban at pagbibigyan ako sa hiling ko." "Tumigil ka nga, Jeanna! Ang baduy ng naiisip mo. Ano bang akala mo doon sa tao? Shunga? Ikaw na rin ang nagsabi na matalino siya. Let me explain first, okay?" "Okay, fine! Make sure mas maganda ang idea mo." "Kilala mo naman ang lola ko, 'di ba? Mahilig 'yon sa mga magical thingy at dahil nag-iisa akong magandang apo niya ay pinamana niya sa akin ang kaunting kaalaman niya." Buong pagmamalaki niyang sabi sabay pakita sa akin ng isang libro. Mukhang luma na at kaunting buklat lang ay makakalas na ang pahina. "At ano naman 'yan? Parang hinugot pa 'yan sa baul. Amoy ancient na." "Medyo tama ka sa part na 'yon. Galing pa talaga ito sa koleksyon ni lola na itinago niya sa baul. Ibinigay niya ito sa akin bilang regalo no'ng graduation natin at sa tingin ko ay masusubukan na natin ang effectivity nito." "Ano ba kasi 'yan?" "Book of spells and rituals." Proud niyang sabi. Akala ko malala na ang naiisip kong paraan para magpapansin pero mas malala pa pala ang takbo ng kokote niya. "Seryoso? Nagpapaniwala ka pa diyan? Hindi na uso 'yan ngayon saka desperada lang ang pumapatol sa ganiyan. Konti na lang ay iisipin ko ng may lahi kayong mangkukulam at pinagpraktisan niyo ang mga kapit-bahay nating namatay na hinihinalang kinulam daw." Alam kong mahilig si Twinkle sa mga kakaibang mga bagay na nababasa niya sa mga libro pero hindi ko akalaing gugustuhin niyang subukan namin 'yon. "Exactly! Desperation is the best ingredient. At desperada ka nang mapansin ulit ni Jerico pero in denial ka lang. Sa tingin mo lang wala ng kumakapit sa mga ganitong bagay pero marami pa rin. Kung tutuusin mas okay pa nga ito kaysa sa pagpapa-cute mong wala namang effect. And for your information, wala kaming lahing mangkukulam. Nasa lahi lang namin ang pangongolekta ng kakaibang mga bagay." "Bahala ka nga diyan! Basta ayaw kong subukan 'yan. Mamaya kung ano pang mangyari." "Kahit pa hindi ka na niya mapansin hanggang sa mag-expire ang matres mo?" Napaisip ako sa sinabi niyang iyon. Wala naman sigurong mawawala sa akin kung susubukan ko. "Madali lang ba 'yan?" Nagningning ang mga nito na parang batang nakatanggap ng paborito niyang lollipop. "Payag ka na? Hindi talaga ako sigurado kung effective ito kasi 'di ko pa nata-try, pero hindi rin natin malalaman kung hindi natin susubukan." "Paano kung mabuking tayo?" Nag-aalalang tanong ko. "Ang nega mo talaga! Mabubuking tayo kung may makakakita sa atin o ipagsasabi natin." "Basahin na nga natin ang procedure diyan at nang masimulan na." Binuklat niya ang pahina kung saan nakalagay ang ritwal para mapa-ibig ang taong gusto mo. "Mayroon siyang 5 steps na kailangang sundin. Mukhang mahaba-habang trial ito,bes." Excited na sabi niya. "Kailangan ba natin gawin 'yan sa loob lang ng isang araw?" "Hindi naman. Ang nakalagay dito ay bawat ritwal ay nangangailangan ng mahabang pasensya sa paghihintay na umepekto ito at matinding obserbasyon sa taong ginagamitan nito. Ang unang step ay kumuha ng pitong dahon ng laurel, pulang laso, panulat at pulang kandila." "Dahon ng laurel? Iyong panlagay sa adobo?" Paninigurado ko. "Oo, pero yung maayos naman siyempre. Alangan namang ang gamitin natin ay yung durog na at literal na panlahok na sa adobo." "Anong next?" "Gamit ang panulat ay isulat sa mga tuyong dahon ng laurel ang pangalan ng taong gustong paibigin at itali ito gamit ang pulang laso. Sindihan ang pulang kandila, sambitin ang 'visnu-purana-om' ng tatlong ulit at hilingin ang pag-ibig ng taong iyong iniibig ng taimtim bago sunugin ang mga dahon ng laurel sa dalit ng pulang kandila." "Ngayon na ba natin gagawin iyan?" Ewan ko ba. Nai-excite ako na ewan sa plano namin. First time kong sumubok ng ganitong mga bagay. Nahawa na talaga ako ng tuluyan sa best friend ko. Baka nga tama naman siya na ang kapalaran sa pag-ibig ay hindi hinihintay kundi hinahabol. "Siyempre! Para maobserbahan na natin siya kapag may pasok na ulit."
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD