Unang laban ni Catra.
--------------
Catra
Ito ang araw kung kailan gaganapin ang aking unang pagsubok sa academia na ito. Habang naglalakad ako sa pasilyo kasama si Wendy, hindi ko maiwasang mamangha sa ganda, laki at lawak ng lugar na ito.
Idagdag mo pa ang kulay gintong pader, sahig at ang mga Flame Lantern na nakalutang sa itaas. Pagkalabas namin sa gusali na ito, tumungo kami sa pinakamalaking gusali na nasa tapat namin.
Pagkapasok namin, dumiretso kami sa hagdan at bumaba sa basement ng gusali na ito. Habang pababa kami, labis na pagkamangha ang aking nararamdaman.
Pula ang kulay ng pader, gayundin ang kulay ng mga hagdan. Sa bawat pagtapak namin sa hagdan, ay siya namang pagliwanag nito na nagbibigay ilaw sa amin, upang makita namin ang aming tinatapakan.
Katahimikan lamang ang namutawi sa amin, hanggang sa marating na namin ang kulay pula, at napakalaking pinto na ngayo'y nasa aming harapan.
"Narito na po tayo," wika ni Wendy kaya napatingin ako sa kan'ya.
"Kinakabahan ako sa pagsubok na iyan," kinakabahang sambit ko sa kan'ya.
"Sa totoo lang, marami ang bumagsak sa pagsubok na ito. Napakahirap ng pagsubok pero may tiwala ako sa 'yo. Sigurado akong magtatagumpay ka sa pagsubok," nakangiting wika niya.
Hindi ko alam kung pinapalakas niya ba ang aking loob, o pinapahina dahil sa kaniyang winika. Marami ang bumagsak? Gano'n kahirap ang pagsubok?
"Tara na po?" aya niya sa akin.
Tumango na lamang ako sa kaniya bilang sagot. Pagkabukas namin sa isang napakalaking pinto, napapikit na lamang kami ni Wendy dahil sa nakasisilaw na liwanag, na nagmumula sa loob nito.
Pagkadilat namin ng aming mga mata, mas lalo na lamang akong namangha dahil sa laki, lawak at ganda ng lugar na ito. Pagkapasok namin sa loob, napakaraming upuan ang nasa bawat sulok ng Battlefield. Sa pinakagitna nito, nakita namin si Raha Fredrick na nakatayo at tila, kanina pa kami hinihintay.
"Kaya mo po 'yan Ate Catra. Tiwala akong maipapasa mo ang pagsubok na ito," sambit ni Wendy bago lumipad at tumungo sa isa sa mga upuan.
Makalipas ang ilang saglit, dahan-dahan akong naglakad palapit kay Raha Fredrick. Habang papalapit ako nang papalapit sa kaniyang kinaroroonan, mas lalo lamang bumibilis ang pagtibok ng aking puso.
"Kumusta ka na, Catra?" bungad na bati sa akin ni Raha Fredrick.
"A-Ayos lang p-po. M-Medyo kin-nakabahan," nanginginig na sagot ko sa kan'ya.
"Huwag na nating patagalin pa. Simple lang naman ang pagsubok na ibibigay ko sa 'yo," nakangiting saad niya.
"A-Ano po iy-yon?" nauutal na tanong ko sa kaniya.
"Kailangan mo lang akong talunin sa isang laban," nakangising tugon niya.
Napalunok na lamang ako ng laway nang wala sa oras. Iniisip ko pa nga lang ang mangyayari, mukhang matatalo na ako.
"Batay sa nakikita ko sa itsura mo, mukhang sumusuko ka na," sambit niya habang nakangisi.
Huminga muna ako nang malalim sabay sabing, "Hindi ako sumusuko, tinatanggap ko ang pagsubok."
Mayamaya, ay hinubad niya na ang kaniyang damit na pang-itaas, at inihagis sa kung saan. Ito ang unang beses na makakaharap ko ang isa sa mga kasapi ng Guardians of Fiore. Hindi lamang siya kasapi, siya rin ang pinakamalakas sa kanilang lahat.
"Handa ka na ba?" tanong niya na nagpatango sa akin.
"Requip!" malakas na sigaw ko bago nagpalit ng baluti.
Gumawa ako ng magic circle sa aking paa. Mula sa aking paa, binalot ito ng isang nagliliwanag na kapangyarihan. Mula sa kulay itim na sapatos, bigla na lamang itong binalot ng kulay gintong metal. Unti-unti itong umangat hanggang sa marating na nito ang aking mga binti.
Itinaas ko ang aking isang kamay, at muling gumawa ng isang malaking magic circle sa itaas ng aking ulo. Unti-unti itong bumababa sa aking katawan. Kasabay nito, ay ang pagbalot ng isang napakatigas at kulay gintong metal sa kabuuan ng aking katawan.
Nang mabalot na nito ang aking katawan, lumikha ulit ako ng isang napakalaking magic circle sa aking likuran. Unti-unti kong inilabas ang aking pakpak, na gawa sa kulay pilak na metal.
"Golden Wings Armor!" malakas na sambit ko.
"Requip magic. Hindi na rin masama," wika ni Raha Fredrick.
"Hindi lang 'yan ang kaya kong gawin," mayabang na sambit ko sa kaniya bago gumawa ng panibagong magic circle.
"Word of Blade!" malakas na sigaw ko bago lumipad nang napakataas.
"Seven Highly Swords!" sigaw kong muli.
"Natatandaan ko ang mahikang iyan..."
Hindi niya na natapos ang kaniyang sasabihin, nang bigla ko na lamang siyang inatake. Tanging pag-atras, at pag-ilag na lamang ang kaniyang nagawa sa bilis ng aking pag-atake.
"Ang pitong espada na nagmula pa sa mga bathala. Pinapahina nito ang kahit na anong kapangyarihan o mahika," saad niya habang umiilag sa pag-atake ko.
Nagulat na lamang ako nang bigla siyang naglabas ng apoy sa kaniyang paa, at ginamit ang mahikang ito upang lumipad nang napakataas. Habang nasa ere, naglabas siya ng apoy sa kaniyang mga palad at umikot.
"Fire Illusion!" malakas na sigaw niya habang patuloy pa rin sa pag-ikot.
Mayamaya, bigla na lamang akong pinalibutan ng napakaraming espada na gawa sa apoy. Upang maprotektahan ang aking sarili, nagpalit ulit ako ng baluti.
"Requip!"
Mula sa pagiging gintong sapatos, binalutan ito ng kulay pulang metal. Agad na naglaho ang aking mga pakpak, at napalitan ng kulay pulang kapa. Gayundin ang nangyari sa kulay ng aking suot na baluti. Sa likod ng aking baluti, unti-unting lumitaw ang kulay dilaw na simbolo ng apoy.
"Red Flameless Armor," mahinang sambit ko.
Mayamaya, bigla na lamang akong inatake ng mga espada na gawa sa apoy subalit, walang laban ang kahit na anong uri ng apoy sa aking baluti. Ang aking suot na baluti ay may kakayahang ipawalangbisa ang kahit na anong uri ng maiinit na mahika.
Makalipas ang ilang sandali, tumigil na rin sa pag-atake ang mga sandatang ito, at tuluyan na ring naglaho.
"Hindi tumalab ang, kapangyarihan ko laban sa 'yo?" nagtatakang tanong niya.
"Ito ang Red Flameless Armor, pinoprotektahan ako nito sa anumang uri ng maiinit na mahika," nakangiting paliwanag ko sa kaniya.
"Gano'n ba? Kung gayon, tumaas ng kalahating porsyento ang pag-asa mong manalo laban sa akin. Subalit, hindi ako magpapatalo!" malakas na saad niya bago gumawa ulit ng apoy sa kaniyang mga palad.
"Fire Illusion, Dragon!" malakas na sigaw niya bago lumikha ng napakalaking dragon na gawa sa apoy.
"Isang dragon?" gulat na tanong ko habang nakatingin sa isang malaki, at napakahabang dragon na ngayo'y lumilipad sa ere.
"Para malaman mo, isa rin akong summoner," nakangiting saad niya.
"Para malaman mo rin, kaya ko ring lumikha!" inis na sambit ko sa kaniya.
"Word of Blade!" sigaw ko bago lumikha ng magic circle sa aking harapan.
"Dark Sword!" sigaw kong muli bago humugot ng espada mula sa loob.
Susugod pa lang sana ako sa dragon, nang bigla na lamang akong nanghina, at napaluhod sa hindi malaman na dahilan. Pagkatingin ko sa aking baluti at mga espada, nagliliwanag ang mga ito na para bang isang bituin.
"Anong nangyayari?" naguguluhang tanong ko.
"Umabot ka na sa limitasyon mo," nakangiting saad ni Raha Fredrick.
Makalipas ang ilang sandali, bigla na lamang uminit nang uminit ang aking baluti. Wala na akong iba pang nagawa kung 'di ang, sumigaw nang sumigaw dahil sa labis na init na aking nararamdaman.
Mayamaya, tuluyan nang naglaho ang aking baluti, gayundin ang mga espada na inilabas ko.
"Ikinalulungkot kong sabihin sa 'yo, nabigo ka sa isang pagsubok," mahinahong saad niya bago tumalikod.
Maglalakad pa lang sana siya palayo, nang bigla na lamang akong sumigaw nang napakalakas, dahilan upang mapahinto siya at muling mapalingon sa akin.
"Anong sinabi mo?" nanggagalaiting tanong niya sa akin.
"Totoo naman 'di ba? Hindi mo ibinubuhos ang kalahating porsyento ng kapangyarihan mo, upang magtagal ka sa isang laban. Napansin ko kanina habang inaatake kita gamit ang aking sandata, kayang kaya mong tunawin ang mga sandatang iyon pero hindi mo ginawa. Umilag ka lang nang umilag upang matipid mo ang iyong kapangyarihan. Nakakatawa ka, gan'yan ka ba kahina? Mandaraya!" mahabang paliwanag ko sa kaniya.
"Alin sa mga ginawa ko ang pandaraya? Hindi sa lahat ng oras, kailangan mong umatake. Minsan, kailangan mo lang talagang umatras, at maghintay ng tamang oras upang lumaban," paliwanag niya rin sa akin bago ipinagpatuloy ang kaniyang paglalakad.
"Ayos ka lang po ba?" nag-aalalang tanong ni Wendy na kalalapit lang.
"Tama si Raha Fredrick, umabot na ako sa aking limitasyon," sagot ko sa kaniya.
"Sumama ka sa akin. Dadalhin muna kita kay Daisy," mungkahi ni Wendy.
Habang tumatagal, parang nanlalabo na ang aking mga mata. Nakakaramdam na rin ako nang pagnipis ng hangin sa aking paligid. Ganito ba ang epekto sa salamangkero, kapag naubos ang mahika namin?
"Huwag ka pong bibitaw Ate Catra..."
Hindi na natapos ni Wendy ang kaniyang sasabihin nang bigla na lamang dumating ang isang lalaki.
"Anong nangyari sa kaniya?" tanong nito kay Wendy.
"Lumagpas na po siya sa kaniyang limitasyon. Marahil, naubos na ang taglay niyang mahika. Kapag hindi natin siya nadala kaagad kay Daisy, posible na mamatay siya," malungkot na paliwanag ni Wendy.
"Ako na ang magdadala sa kaniya kay Daisy," mungkahi ng lalaking ito.
"Sige po," pagsang-ayon ni Wendy.
Sinubukan kong alamin kung sino ang lalaking ito pero, dahil sa panlalabo ng aking paningin, hindi ko siya maaninag ang kaniyang itsura.
"Sino ka ba?" nanghihinang tanong ko sa kaniya.
"Tsk! Napakahina mo talaga, babaeng salamangkero..."
Iyan na lamang ang huling salitang narinig ko, bago ako mawalan ng malay.
Ipagpatuloy...