Academia's Mark
--------------
Catra
Pagkadilat ko ng aking mga mata, agad kong nasilayan si Wendy na nakapikit ang mga mata, at nakahiga sa aking tabi. Bahagya ko siyang siniko at ginising.
"A-Ate Catra," mahinang sambit niya habang kinukusot-kusot ang kaniyang mga mata.
"Nasaan tayo?" tanong ko sa kaniya habang pinagmamasdan ang buong paligid.
"Narito tayo sa silid ni Daisy," sagot niya bago tumayo.
"Sino 'yon?" nagtatakang tanong ko sa kaniya.
"Kaklase rin namin siya. Mahusay siya sa paggamit ng healing magic," paliwanag niya sa akin.
"Salamat," tipid na sambit ko sa kaniya.
"Gising na pala kayo," nakangiting sambit ng batang babae na kararating lang.
Luntian ang kulay ng kaniyang mga buhok. Gayundin ang kulay ng kaniyang mga mata na kasingtingkad ng kulay ng mga dahon. Ang kaniyang ilong ay napakatangos. Luntian din ang kulay ng kaniyang labi, na nakaaakit at napakalambot.
"Daisy," masayang wika ni Wendy, bago tumakbo patungo sa direksyon ng babaeng iyon, at agad na niyakap.
"Umayos ka nga!" inis na sigaw ni Daisy na nakatayo sa tapat ng isang lamesa.
"Paumanhin," nahihiyang tugon ni Wendy.
"Ano nga pa lang nangyari?" sabat ko sa usapan nila.
"Naubusan ka lang naman ng mahika," mabilis na sagot ni Daisy.
"Alam mo kasi, ang lahat ng bagay ay mayroong limitasyon at hangganan. Kapag naubos ang mahika ng isang salamangkero, kasabay no'n ay ang panghihina nito hanggang sa mamatay. Mapalad ka kasi nagawa pa naming maagapan, ang tuluyang pagkaubos ng mahika mo," maarteng paliwanag ni Daisy sa akin.
Agad akong bumangon sa aking hinihigaan, at takang napatingin sa kanilang dalawa. Muling nanumbalik sa akin ang aking ala-ala, tungkol sa naganap sa huling laban ko kay Raha Fredrick.
"Nabigo ako," malungkot na sambit ko.
Muli kong itinaas ang aking palad, at wala sa sariling tinitigan ito. Hindi ko namalayang, unti-unti na palang nagsisipatakan ang aking mga luha sa aking mga binti.
"Ate Catra," nag-aalalang sambit ni Wendy.
"Natalo ako sa laban. Ibig sabihin, kailangan ko ng umalis sa lugar na ito," malungkot na saad ko habang patuloy sa pagpatak ang aking mga luha.
Simula pa lang sa umpisa, alam kong hindi na ako magtatagumpay. Binigay ko naman ang lahat ng makakaya ko pero, bakit hindi pa rin ako nanalo?
"Napakahina ko!" malakas na sigaw ko na halos umalingawngaw sa kabuuan ng silid na ito.
"Sinong may sabing mahina ka?" singit ng isang lalaki na kararating lang.
"Kuya Julius," wala sa sariling sambit ni Wendy.
"Anong kailangan mo rito, Julius?" tanong ko sa kaniya bago punasan ang aking mga luha, gamit ang likuran ng aking palad.
"Nagtagumpay ka, Catra. Pumasa ka sa pagsubok," saad ni Julius, bago sumilay ang isang napakatamis na ngiti sa kaniyang labi.
"Nagtagumpay?" hindi makapaniwalang tanong ko sa kaniya.
"Pero 'di ba, hindi niya nagawang ipasa ang pagsubok na ibinigay sa kaniya ni Raha Fredrick?" naguguluhang tanong ni Wendy.
"Wala bang salamat diyan? Ako na nga ang nakiusap at lumaban para sa 'yo e," pagmamaktol ni Julius bago sumimangot.
"Hindi ka ba nagbibiro? Nakapasa talaga ako?" naguguluhang tanong ko sa kaniya, bago sumilay ang isang ngiting abot hanggang tainga.
"Magpasalamat ka na lang. Alam mo kasi, gano'n kalupit ang isang g'wapong kagaya ko," pagmamayabang niya habang nakangisi, at saglit na kumindat.
"Ang yabang mo talaga. Pero mas ayos na ito kaysa naman kahapon, nakakatakot ka kapag nagagalit," wika ko sa kaniya bago tumayo, at yumuko sa kanilang lahat.
"Maraming salamat," nakangiting saad ko sa kanilang lahat habang nakayuko.
"Masaya ako para sa 'yo Ate Catra. Masaya ako kasi nakapasa ka na sa academia na ito," saad ni Wendy bago ngumiti.
"Maligayang pagdating sa aming academia, Catra. Masaya akong makita at makilala ka," maarteng wika ni Daisy.
"May kapalit ang ginawa ko para sa 'yo," wika ni Julius bago umiwas ng tingin.
"Ano 'yon?" nagtatakang tanong ko sa kaniya.
"Mamaya na gaganapin ang laban namin ni Flegil. Gusto kong naroon ka at panoorin mo ako, kung gaano ako kagaling," sagot niya habang nakaiwas ng tingin.
"Iyon lang pala e, walang problema," mabilis na sagot ko sa kaniya.
"Ika-dalawa ng tanghali. Hihintayin kita roon," saad niya bago umalis nang tuluyan.
Makalipas ang ilang sandali, bigla na lamang tumakbo palapit sa akin si Wendy, at agad na niyakap ako.
"Masayang masaya ako para sa 'yo, Ate Catra," wika niya habang nakayakap.
"Oo na, bitaw na," utos ko sa kaniya na agad rin naman niyang sinunod.
"Hindi ka pa ganap na estudyante ng Apreia Academy, hangga't wala ka pang tatak na academia's mark. Mas maganda siguro kung pumunta muna kayo kay Miraya," mungkahi ni Daisy na nakatayo ngayon sa tapat ng isang lamesa.
"Sino si Miraya?" nagtatakang tanong ko sa kanila.
"Si Ate Miraya po ay ang naglalagay ng academia's mark sa mga baguhan. Siya rin po ang kanang kamay ng master natin," paliwanag ni Wendy.
"Master? Mayroong master ang academia? Si Raha Fredrick ba ang tinutukoy ninyo?" nagtatakang tanong ko sa kanila.
"Oo, ang bawat academia ay mayroong master. Master ang namamahala sa isang academia. Siya rin ang nagbibigay ng parusa sa sinumang estudyante na lumalabag sa batas ng mga salamangkero. Si Raha Fredrick naman ang nagbabantay, at nangangalaga sa academia na ito. Si Hera Diana naman ang katuwang ni Raha Fredrick sa pangangalaga ng Apreia Academy," mahabang paliwanag ni Daisy.
Napatango na lamang ako sa kaniya bilang tugon. Makalipas ang ilang minuto, napagpasyahan ko na ring umalis roon, at lumabas kasama si Wendy.
Habang naglalakad kami ni Wendy sa isang napakalawak na pasilyo, may bigla na lamang sumigaw sa amin.
"Mahinang babaeng salamangkero!" sigaw ng isang lalaki na nasa aming likuran.
Pagkalingon ko sa aming likuran, muli ko na namang nasilayan ang isang hambog, at mayabang na salamangkerong nakilala ko.
"Ano 'yon, mayabang na salamangkero?" inis na sigaw ko sa kaniya.
"Pumunta ka mamayang ika-dalawa ng tanghali sa Battlefield. Tandaan mo, ako si Flegil, ang pinakamalakas na salamangkero sa buong academia!" malakas na sigaw niya bago maglakad patungo sa kabilang direksyon.
"Magkakilala po kayo?" gulat na tanong ni Wendy.
"Huwag mo ng alamin, sumasakit ulo ko sa kaniya!" inis na tugon ko kay Wendy.
"Tara na nga po," aya niya sa akin, bago maglakad.
Pagkalipas ng ilang minutong paglalakad, huminto na lamang kami sa isang malaking pinto na kulay pilak. Katulad ng sa Deria Restaurant, mayroon ding nakalagay na simbolo sa pintong ito.
"Ate Miraya, nariyan ka po ba?" sigaw ni Wendy.
"Pasok!" sigaw rin ng babaeng nasa loob.
"Ikaw ba ang bagong estudyanteng kapapasa pa lang kahapon?" bungad na tanong ng babaeng napakaganda, pagkapasok namin.
"Kahapon?" gulat na tanong ko.
"Mahigit isang araw ka po kasing nawalan ng malay," nahihiyang sagot ni Wendy, bago magkamot ng batok.
"O-Oo," nahihiyang sagot ko sa kaniya.
Masasabi kong napakatangkad niya at napakaganda. Nakatirentas ang kaniyang buhok at napakaputi nito. Ang kaniyang balat ay mas maputi pa sa isang niyebe.
Ang kaniyang mata ay katulad nang kay Julius, kulay asul ang mga ito. Matangos din ang kaniyang ilong. Napakalambot at napakapula rin ng kaniyang mga labi. Ang suot nitong damit ay kulay asul na bestidang umaabot sa kaniyang mga binti.
"Maupo muna kayo," aya niya sa amin ni Wendy.
Mayamaya, lumapit siya sa isang kabinet at may kinuha na kung ano. Pagkalapit niya sa amin, inilapag niya muna ang isang maliit na kahon sa mesa at binuksan. Pagkabukas niya, agad kong nasilayan ang tatak ng Apreia Academy.
Ito na iyon. Magiging ganap na akong estudyante ng academia na ito. Unti-unti ko ng matutupad ang aking mga pangarap.
"Saan mo ba gustong ilagay ang marka ng Apreia Academy?" tanong niya sa akin sa malambing na tono.
"Sa likod na lang po ng kanang palad ko," nakangiting sagot ko sa kaniya.
"Kung gano'n, pakilapag ng kamay mo sa mesa," utos niya sa akin, na agad ko ring sinunod.
Makalipas ang ilang segundo, kinuha na niya ang pantatak na nasa loob ng maliit na kahon na ito, at idinikit sa likod ng aking kanang braso. Napadaing na lamang ako nang malakas, dahil sa init na aking naramdaman. Para bang sinusunog ang aking balat.
"Iyan, tapos na. Ngayon, ganap ka ng estudyante ng academia na ito," nakangiting bati sa akin ni Miraya.
"Salamat po!" nakangiting wika ko sa kaniya.
"Huwag ka nga magsabi sa akin ng po. Una sa lahat, halos magkaedad lang tayo. Pangalawa, rango lang ang itinaas ko sa 'yo. Pangatlo, isa rin ako sa mga magiging kaklase mo," paliwanag niya.
"Sige po," nahihiyang sagot ko.
"Sige lang pala," pagtatama ko.
"Umalis na nga lang kayo," pagmamaktol niya.
"Tara na po." Tango na lamang ang aking ibinigay kay Wendy bilang tugon.
Muli na naman kaming naglakad patungo sa Deria Restaurant. Muli ko na namang naalala ang simbolo ng Apreia Academy sa tapat ng pinto no'n.
Bakit nga kaya nagpakita sa akin ang dragon at ang Phoenix?
"Pasok na po tayo," aya ni Wendy na sinang-ayunan ko rin kaagad.
Habang naglalakad kami patungo sa counter upang kumuha ng pagkain, hindi ko maiwasang mailang dahil sa tingin ng mga tao na narito. Bulungan sa buong paligid, iyan lamang ang aking napansin.
"Hayaan niyo na po sila. Gan'yan po talaga ang mga estudyante rito kapag may bago," mahinang paliwanag ni Wendy.
Tumango na lamang ako sa kaniya, at hindi ko na pinansin ang mga nasa paligid ko. Bahala na sila kung gusto nila akong pagbulong-bulungan. Sisikat na yata ako rito sa academia na ito, sa maikling panahon lamang.
Malapit na sana kami ni Wendy sa counter, nang bigla na lamang akong nakaramdam nang napakalakas na enerhiya. Ngayon ko lamang ito naramdaman. Habang lumilipas ang segundo, mas lalo lamang itong lumalakas.
"Ate Catra, ayos lang po ba kayo?" nag-aalalang tanong ni Wendy.
"Nararamdaman mo ba kung ano ang nararamdaman ko?" tanong ko na ikinakunot ng kaniyang noo.
"Nakakaramdam ka rin ba ngayon nang napakalakas na mahika?" tanong ko sa kaniya.
"Huwag niyo na lang po pansinin. Sa aking palagay, ang nararamdaman mong mahika ay nagmumula sa isang taong may kakaibang uri ng taglay na kapangyarihan," paliwanag niya.
"Kakaibang uri?" naguguluhang tanong ko sa kaniya.
"Siya po kasi ang pinakamalakas na salamangkerong nakilala ko sa buong buhay ko. Isa sa mga Lost Magic ang taglay niyang mahika. Kung ikukumpara sa kapangyarihan ng mga guardians, mas malakas po ang salamangkerong ito. Kaya niya rin pong higitan ang kapangyarihan ni Raha Fredrick, na siyang may pinakamataas na rango ng guardians," mahabang paliwanag ni Wendy.
"Kung gano'n, bakit hindi siya kabilang sa mga guardians? Bakit nandirito pa rin siya hanggang ngayon sa academia na ito samantalang, kaya niya naman pa lang makuha ang pinakamataas na rango nang gano'n kadali?" naguguluhang tanong ko sa kaniya.
Sasagot pa lang sana si Wendy, nang bigla na lamang hiningi ng babaeng nagbibigay ng pagkain sa amin, ang aming order.
Sino nga kaya siya?
Ipagpatuloy