CHAPTER 16
Kasabay nang pagkalabog sa loob ng opisina ni Daddy ay ang mabibigat na mga yabag. Kagustuhan kong tumakbo palayo ngunit naging huli na ang lahat nang marahas na bumukas ang pinto sa harapan ko.
"Alice!" Pagsinghap ni Mommy habang nanlalaki ang dalawa niyang mata.
Ilang segundo lang nang matanaw ko sa likod nito ang kalalapit lang na si Benjamin. Maging siya ay gulat na gulat. Nakaawang ang kaniyang labi at halos hindi makapaniwala kung dungawin ako.
Lumipat ang atensyon ko kay Mommy. Umabante siya at akmang hahawakan ang mga kamay ko nang mabilis akong umilag. Napipilan ko siyang tinitigan, na kahit nanlalabo na ang mga mata para sa nagbabadyang luha ay kinaya ko pa ring himayin ang bawat facial features niya.
Kailan man ay walang nagsabi sa akin na kamukha ko si Mommy. Wala akong nakuha sa kaniya kung 'di ang pagiging babae. Palagi kong naririnig na kay Daddy ako nagmana, na sa kaniya ko lahat nakuha.
Kahit nga sa ugali, sa kaniya ako madalas na ipinagkukumpara. Kaya hindi ko ma-gets kung paanong hindi ko tunay na ama ang isang Sebastian Ventura? Paano nila nasabing hindi kami magkadugo gayong kitang-kita na para kaming pinagbiyak na bunga?
"Alice," muling pukaw ni Mommy dahilan para mapakurap-kurap ako sa kawalan.
"Did I heard it right?" sambit ko na pinipilit maging matigas ang boses, kahit pa gustung-gusto ko nang lumuhod at magwala. "Si Daddy? Hindi ko totoong ama?"
Bumuntong hininga si Mommy. Nakagat pa niya ang pang-ibabang labi habang hindi mapakali ang mga mata niya.
"Alice, makinig ka muna sa akin. I can explain, okay?"
Umiling ako. "Oo at hindi lang ang sagot."
Napamaang si Mommy sa harapan ko. Saglit niyang nilingon si Benjamin mula sa balikat niya. Isang tango naman ang ginawa nito para sa kaniya. Mayamaya nang harapin ulit ako ni Mommy. Sa pagkakataong ito ay nag-aalo na ang itsura.
"Yes, Alice... hindi ka totoong anak ni Sebastian—" Hindi ko na siya pinatapos magsalita nang itaas ko ang isang kamay.
"Iyon lang ang gusto kong malaman."
Tumalikod ako, gusto ko nang umalis at tumakbo palayo dahil ano mang oras ay sasabog na ang dibdib ko sa halu-halong emosyong lumulukob sa akin. For Pete's sake, ayokong umiyak sa harapan nila.
Hindi ko kaya na malaman nilang sobrang babaw ko. Ayokong makita nilang mahina ako. Kahihiyan iyon para sa akin. Ngunit isang hakbang pa lang ang nagagawa ko nang mahawakan ni Mommy ang braso ko.
"Let me explain, Alice, please..." pagsusumamo ni Mommy, dinig ko ang pagkabasag ng boses niya. "Hindi ka man totoong anak ni Sebastian at hindi mo man siya tunay na ama, isa ka pa ring Ventura."
Hindi ako nagsalita ngunit iyong utak ko ay halos magmakaawa na rin ng karugtong ng paliwanag na iyon ni Mommy. Mas humigpit ang pagkakahawak niya sa braso ko, kulang na lang ay lumuhod siya para hindi ako makawala dahil sapilitan ko pa ring binabawi ang braso ko.
"May dugo ka pa ring Ventura, anak."
Nangunot ang noo ko. Sa narinig pa ay dagli akong napanawan ng lakas. Nahila ako ni Mommy at tuluyang ipinaharap sa kaniya. Nagulat na lang ako nang maabutan ko ang pagluhod niya, rason para mapaigtad ako.
"Listen, Alice..."
Suminghap si Mommy na para bang hirap na hirap siyang magpaliwanag, o kung paano nga ba niya ipapaliwanag ang bagay na pilit niyang itinatago sa akin.
"Si Sebastian, may kambal siya, si Sa—Samuel Ventura..." Nangatal ang labi ni Mommy at hindi na napigilan ang pag-agos ng mga luha niya. "We made a mistake, Alice. Siya ang nakasiping ko noong gabi na akala ko ay nakauwi na si Sebastian galing America. Sa kalasingan ko ay hindi ko namalayan na hindi pala si Sebastian ang kaniig ko. Hindi iyon alam ni Sebastian, tinago ko... kasi takot na takot ako, Alice. Hindi ko sinabi sa kaniya dahil ayokong magkahiwalay kami, not until three years ago, nalaman niya. He conducted a DNA test between you and him... and you know what's next, Alice..."
Unti-unting pumatak ang luha sa aking pisngi habang mariin kong tinititigan si Mommy. Mas nakakagulat pala na malamang bunga ako ng isang gabing pagkakamali, kaysa malamang hindi ko nga totoong ama si Daddy Sebastian Ventura.
"Alicia..." Dinaluhan ni Benjamin si Mommy sa sahig ngunit umiling lang si Mommy, nagpatuloy siya sa kaniyang pagtangis habang hawak-hawak ang mga kamay ko.
"I'm sorry, Alice, kung ngayon ko lang ito nasabi. I'm sorry kung naduwag ako at hindi ko magawang banggitin sa 'yo kahit isang beses noon. I'm sorry, anak."
"I never heard of him— that Samuel Ventura," malamig kong turan.
Kilala ko ang buong angkan ni Daddy, pero wala naman akong naririnig na ganiyang pangalan. Wala nga siya kahit sa mga picture album na nandito sa bahay.
"Where is he now? Gusto ko siyang makita," segunda ko na inilingan ni Mommy.
"Pa—patay na siya, Alice... bago ka pa man maisilang ay namatay siya sa sakit na cancer. But you know what?" Dagling natawa si Mommy. "Hindi ako nagluksa noon, natuwa pa ako dahil maisasakatuparan kong itago ang pagkakamali naming dalawa sa pamilya niya at pamilya ko. Nagawa kong maging isang Ventura at kalahati ng yaman ng mga Ventura ay napunta sa akin. I made you have a good life, Alice, ini-spoil kita sa lahat ng bagay na gustuhin mo, sa ganoong paraan ko nakitang makakabawi ako sa 'yo. But then, yeah, I'm sorry, Alice... I'm so sorry."
Napalatak ako sa hangin. Kumubli ang isang matabang na ngiti sa labi ko. Dahan-dahan nang lumuhod ako sa tapat nito upang ipagpantay ang mga mukha namin ni Mommy. Nagkatitigan kaming dalawa.
Bakas sa mukha niya ang kalituhan sa inaakto kong ito. Panay ang paggalaw ng kaniyang mga mata, pasalit-salit ng tingin sa dalawang mata ko. Kalaunan nang marahan ngunit nandidiring kinalas ko ang mga kamay niya sa braso ko.
"I didn't think you could get any worse..."
Hindi ko lubos maisip na magagawa ni Mommy ang ganitong bagay, magmula sa pakikipagtalik sa mismong kambal ni Daddy Sebastian, kahit pa sabihing pagkakamali lang ang gabing iyon.
Hanggang sa pagtatago niya ng katotohanan na inabot ng twenty years. Kung hindi marahil nalaman ni Daddy noon, paniguradong bulag pa rin siya at baka kagaya kong nagpapalinlang pa rin sa isang katulad ni Mommy.
"You are worse than the evil. And don't even try to call me your daughter, Alicia, wala akong ina na kagaya mo."
"Alice!" suway ni Benjamin kaya saglit ko siyang tiningala, ngumisi ako.
"Think twice before you marry this woman, Uncle. Baka matulad ka rin kay Sebastian."