Chapter 17

1107 Words
CHAPTER 17 Naka-uniporme man ay hindi ako pumasok ng school kinaumagahan. Bagkus ay dumeretso ako sa isang sementeryo kung saan madalas na inililibing ang mga namayapang kaanak ni Daddy Sebastian. Tahimik kong tinatahak ang malawak na Memorial Park na iyon. Hindi pa gaano ang tao at masyado pang maaga. Sobrang lamig din ng simoy ng hangin na halos yakap-yakap ko ang sarili habang naglalakad. Nang makarating sa pwesto ng mga Ventura ay isa-isa kong dinungaw ang mga lapida na naroon, isa-isa ring binasa ang mga pangalang nakaukit. Hanggang sa mapadpad ako sa dulo. Naroon ang may kalakihang bahay, o mausoleum kung tawagin. Hindi naman naka-lock ang gate nito, tila pa naiwanan itong nakabukas at nakalimutang isarado ng kung sino mang huling dumalaw dito. Dahan-dahan nang itulak ko iyon dahilan para maglikha ito nang malakas na ingay sa paligid. Tinanaw ko ang nitso na nasa gitna ng mausoleum. Unti-unti nang pumasok ako para lapitan iyon. Lumuhod ako sa harapan nito, kapagkuwan ay masuyong hinaplos ang pangalang nakaukit sa lapida nito. Samuel Angelo Ventura. Honestly, hindi ako naparito sa Memorial Park para makita o makasama ang totoo kong ama. Gusto ko lang maramdaman sa puso ko iyong galit para sa lalaking ito. Hindi ko pa alam ang buong kwento, pero base sa kwento ni Mommy at sa pagkakaintindi ko; pinagsamantalahan niya ang Mommy ko. Kinuha niyang pagkakataon na lasing si Mommy at ang katotohanang pauwi na si Daddy Sebastian ng Pilipinas. Kung ako ang nasa katayuan ni Mommy noon, I would file a case against this man. Séxual violence and identity theft. Pero mas inisip ni Mommy ang relasyon nila ni Daddy Sebastian. Mas natakot siya na mawala sa kaniya ang yaman ng mga Ventura. Nagkataon lang din na may sakit na cancer si Samuel Ventura at maagang nawala sa mundo. Lahat ay pumabor kay Mommy, without even knowing, gaano man katagal, lahat ng lihim ay may hangganan— walang sikretong hindi nabubunyag at walang sinungaling na tao ang nagtatagumpay. Mapait akong napangiti. Bumagsak ang kamay kong humahaplos sa lapida. Mariin kong tinitigan ang picture frame na naroon nakapatong sa nitso. Hindi na kataka-taka na nalito si Mommy at hindi rin maipagkakailang kamukha ko nga siya. Tunay nga na kambal ni Daddy Sebastian. Kung sa litrato ang pagbabasehan, wala silang pinagkaiba. Kahit ayos ng buhok at kung paano ngumiti ay parehong-pareho. Hindi ko lang alam sa personal kung ano ang pagkakaiba ng mga ugali nila. Masasabi ko na si Daddy Sebastian ay nakahilera sa mga may mabubuting puso at isang mabuting tao. Ngayon ko na-realize, hindi naman pala ako mabuting nilalang. At itong ugaling mayroon ako ay literal na nakuha ko sa totoo kong ama. Pagak akong natawa, kasabay nang malayang paglandas ng luha ko sa aking pisngi. Sa totoo lang din ay wala na akong maintindihan, ang gulu-gulo ng pamilyang kinabibilangan ko. Napakakomplikado at hindi ko mawari kung paano ko ito matatagalan. Una, anak ako sa labas ni Mommy. Pangalawa ay bunga ako ng isang gabing pagkakamali. Pangatlo, patay na ang tunay kong ama. Pang-apat, hiwalay na si Mommy at Daddy Sebastian. Panglima, ikakasal ulit si Mommy kay Benjamin. Pang-anim at higit sa lahat, kailangan kong tanggapin ang lahat. Kailangan sa isang iglap ay matanggap ko lahat. Ni hindi nila ako binigyan ng tsansang magsalita, o kunin ang opinyon ko sa lahat ng desisyong gagawin nila. Palagi akong nagugulat na may ganito at ganiyan na. Hindi ba mahalaga sa kanila iyong nararamdaman ko? Hindi ba importante iyong opinyon ko? Pero kung sabagay, sino ba ako para kay Daddy Sebastian? Sino ba ako para kay Mommy? Anak ako ng taong pinagsamantalahan siya. No wonder, madalas siyang nagagalit sa akin. Kaya rin wala kaming maayos na bonding at hindi kami ganoon ka-close. Hinayaan niya lang na si Daddy ang maging kasangga at dikit ko dahil wala rin namang idea si Daddy sa kasinungalingan ni Mommy noon. Masaganang nag-umapaw ang luha sa mukha ko. Umiiyak ako sa harapan ng lapida at bahala na kung makita man ako ng kaluluwa ni Samuel Ventura— kasalanan niya ang lahat ng 'to. I hope he rot in hell. Sa nagdaang oras ay nandoon lang ako. Pinalipas ko ang buong maghapon bago ako nagpasyang umalis. Wala pa akong kain-kain, pero dumeretso na ako sa Bottle Ground para lumaklak ng alak, para kahit papaano, kahit panandalian lang ay makalimutan ko muna iyong problemang dinadala ko. Tatlong oras akong nasa loob ng bar. Nang marindi sa ingay sa dancefloor ay mas pinili kong lumabas. Dala-dala ko ang isang bote ng alak ay pumwesto ako sa gilid ng kotse ko. Naupo ako sa gutter ng kalsada. Medyo nahihilo na ako at dahil sa namumugto kong mga mata ay nahihirapan na akong aninagin ang paligid ko. Inaantok na rin, pero bahala na. Nagpatuloy ako sa paglaklak sa boteng halos maubos ko na. Napasinok ako at naihilamos ang isang palad sa mukha. Mayamaya nang tingalain ko ang lalaking huminto sa harapan ko. Naningkit ang mga mata ko at hindi ko ito magawang makilala. Sinundan ko pa siya ng tingin nang dahan-dahan siyang maupo sa gilid ko. "Kanina ka pa hinahanap ni Tita Alicia. Nalaman niya na hindi ka pumasok, kaya halos ipahalughog no'n ang mundo para ipahanap ka," malamig na tinuran nito, kaya nalaman kong si Haris ang lalaking ito. Mapakla akong natawa. "Naniniwala ka talaga sa pag-aalala niya, Haris?" Hindi siya nagsalita ngunit ramdam ko ang paninitig niya sa akin, tila ba pinag-aaralan nito kung bakit ganito ang itsura ko. Kung bakit namamaga ang mga mata ko at mukha akong namamalimos sa kalsada. "Hindi siya nag-aalala. Nagi-guilty lang siya sa lahat ng kasinungalingan niya kaya siya ganiyan umasta sa akin. Kailan man ay hindi ko naramdamang minahal ako ng Mommy ko, Haris. At kung may isang tao lang na nagmalasakit sa akin, si Daddy 'yon— mas minahal pa ako ng taong hindi ko naman literal na kadugo." Muli akong natawa. Kalaunan nang harapin ko si Haris. Nanlalabo ang mga mata ko at masyado na ring umiikot ang mundo ko, para lang akong nakatingin sa isang madilim na lugar. Kaya mas pinili kong pakiramdaman ito. Hinawakan ko ang kaniyang pisngi. Narinig ko ang mumunting pagsinghap ni Haris ngunit hindi naman siya lumayo, o kahit itulak ang kamay ko. Ngumiti ako habang hinahaplos ang kaniyang pisngi. Mas lumapit pa ako sa gawi niya at tiningala ito. Siya naman ay nananatiling nakadungaw sa akin, nakatitig at pinapanood ang bawat galaw ko. "Tayo na lang kaya, Haris?" nanlalambing kong pahayag. "Tayo na lang... para hindi matuloy ang kasal ni Mommy. Gusto kong sirain ang buhay niya sa pamamagitan nito, kahit mali, kahit may girlfriend ka pa. Please, let's have a deal, Haris..."
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD