But no! Hindi ko gagawin ang ginawa nina Mommy at Daddy. Kahit sirang-sira na ang buhay ko ay hindi ko pa rin kayang gawin na sumira ng ibang relasyon. I'm not into adultery. Hindi ako kagaya nila.
"Aliyah!" daing ni Haris nang dumiin ang paggamot ko sa kaniyang pisngi.
Nandito kami ngayon sa kwarto ko at kung papaanong hindi ako nagtagumpay sa paglalayas ko kanina ay hindi ko rin alam. Matapos mag-sorry ni Mommy ay binawi rin niya ang sinabi nito kanina.
But that doesn't mean na napatawad ko na siya. I'm still hurt, hindi lang sa nagawa niyang pagsampal sa akin, kung 'di sa masasakit na salitang ibinato niya sa akin. I am emotionally damaged.
Hindi nila alam kung gaano kasakit na manggagaling pa mismo sa bibig ng sarili mong ina ang mga salitang iyon. Masakit na sa akin na maiwanan ng ama, dumagdag pa sa sakit si Mommy na parang hindi niya naiintindihan ang nararamdaman ko bilang nag-iisang anak niya.
"Ouch!" daing ulit ni Haris nang hindi ko mamalayang napadiin ulit ang bulak sa sugat niya dahilan para mabalik ako sa ulirat.
Mariin akong lumunok bago itinigil ang ginagawa. Actually, naparito lang naman siya dahil kagustuhan niyang i-review ako, pero bigla akong nakonsensya nang makita ang hiwa sa kaniyang pisngi gawa ng matulis at mahaba kong mga kuko.
Tahimik kong iniligpit ang nakakalat na mga first aid at inilagay sa lagayan nito. Itinulak ko iyon upang itago sa ilalim ng lamesa na nasa harapan namin. Pareho kaming nakaupo sa carpented floor, pareho ring nakasandal sa sofa na nasa likod namin.
Suminghot ako nang may magbara sa lalamunan, kapagkuwan ay umayos ng upo. Pilit kong itinuon ang atensyon sa mga notes at paulit-ulit na binabasa, pero ni isang salita ay hindi nagsi-sink in sa utak ko.
"What about you? Hindi mo ba gagamutin ang pisngi mo?" untag ni Haris.
Saglit kong kinapa ang aking pisngi. Hindi ko matandaan na nasugatan din niya ako kanina dahil hindi naman siya nanlaban.
Umiling ako. "Wala namang sugat."
"But I know that hurts... big time."
Napabuntong hininga ako bago siya binalingan. Hindi naman kami gano'n sobrang lapit ni Haris sa isa't-isa. May tamang espasyo pa rin ang pumapagitna sa aming dalawa. Kaya isang sapak ko lang ay saktong tatama iyon sa mukha niya. Kung hindi lang din siya napuruhan kanina.
"Hindi porket na pinapayagan kitang maglabas-masok sa kwarto ko para turuan ako sa mga lesson, o ginamot kita ng isang beses ngayon ay mabait na ako sa 'yo. Hindi pa rin kita tanggap, Haris," madiing wika ko. "Hindi kita tatanggapin bilang kapatid ko. O kahit maging isa sa pamilya ko."
"I know..." Tumango-tango siya, ilang sandali nang matawa siya sa kawalan.
Maang ko siyang tinitigan. Hindi ko mawari kung bakit nararamdaman ko na parang ang bait niya sa akin? Magmula pa kanina noong ipinagtanggol niya ako kay Mommy.
Nakakahabag ng puso iyong kaalaman na alam niya kung ano ang mga pinagdaanan ko. Alam niya kung gaano ako nasasaktan sa pamilya ko. Nakakagulat din na kaya niyang pigilan ang kasal nina Mommy at Benjamin para lang mag-sorry sa akin si Mommy.
Hindi ko alam kung saan nanggagaling si Haris kung bakit niya ito ginagawa sa akin. Concern lang ba talaga siya dahil tila kapatid na ang turing niya sa akin? Kaya rin ba sobra kung mag-alala siya, na kaya niyang halughugin ang lugar namin para lang makita at mahanap ako?
Lumamlam ang mga mata ko.
Sa totoo lang, sa lahat ng ayoko, ito 'yun.
Ayoko na pinapakitaan ako ng awa, ayokong malaman na may ibang tao ang nag-aalala sa akin. Hindi ko gusto na may mabait sa akin, na pilit kinukuha ang loob ko dahil madali akong ma-turn off.
Kagaya na lang ng ginagawa ni Larisa. Kaya kahit anong gawin niyang panunuhol sa akin ay hindi ko rin magawang kaibiganin siya. Pero sa lahat ng hindi ko aakalain, kay Haris ko gustong magpa-comfort.
Gusto kong murahin ang sarili ngunit huli na. Hindi ko napansin ang dahan-dahan kong paglapit kay Haris. Inangat ko ang mukha ko upang abutin siya. Tuluyan akong pumikit nang magdikit ang mga labi namin.
Naramdaman ko ang mga pilikmata niyang unti-unting humimlay. Hindi siya umawat, bagkus ay hinayaan lang ako nito. Walang pagtulak o pagpigil ang nangyari. Nagmistulan itong bato na nanigas na sa kaniyang pagkakaupo.
Tumagal ng ilang segundo ang pagkakahalik ko sa kaniya. Hindi naman gumagalaw, nakadampi lang at animo'y ninanamnam ko lang ang bawat sandaling pareho kaming payapa sa piling ng isa't-isa.
Mayamaya lang din nang matauhan ako. Nagmulat ako at mabilis na humiwalay. Naabutan ko ang marahang pagdilat ni Haris. Malakas akong umubo, kapagkuwan ay patay malisya na ibinalik ang atensyon sa lamesa.
Kahit labag sa kalooban ko ay nag-review nga ako, hindi ko na pinapansin si Haris sa gilid ko dahil katulad ko ay wala na rin siyang imik. Sa sobrang bigat din ng pakiramdam ko ay hindi ako tumagal at nakatulugan ko na lang iyong mga nire-review ko.
Kinabukasan nang magising ako na nakahiga na sa kama. Kaagad kong nilingon ang lamesa kung saan ako nakatulog kagabi. Malinis na ang lamesa, nakaligpit na ang mga notes at wala na rin si Haris.
Araw ng linggo ngayon, ibig sabihin lang ay walang pasok. Mabilis kong hinanap ang cellphone ko para kontakin si Precy at ilang araw na yata siyang walang paramdam sa akin. Gusto kong gumala at magliwaliw.
Nakapatay ang linya ni Precy dahilan para maibato ko ang cellphone. Hindi kami magkaklase, lalong hindi ka-schoolmate at sa kabilang University siya nag-aaral. Nakilala ko lang siya dahil sa circle of friends.
Mabigat ang naging paghinga ko. Hindi rin nagtagal nang bumangon ako mula sa pagkakahiga. Dumeretso ako sa CR mula sa loob ng kwarto ko para makaligo. Kalaunan, suot ang halter sando at maikling tattered shorts ay bumaba rin ako.
Basa pa ang buhok ko ngunit hindi ko na iyon pinansin pa. Mula naman sa sala ay naabutan ko si James. Sumipol siya dahilan para samaan ko ito ng tingin. Tumigil naman siya sa harapan ko at bulgar na tinitigan ako pamula ulo hanggang paa.
"If there's something sexy in the morning, it's you, baby girl," natutuwa niyang sinabi, nagulat pa ako nang akbayan niya ako.
"Ano ba!"
Siniko ko ito ngunit sa tangkad at laki niya ay naisama niya ako papasok ng kusina kung saan naroon na sina Mommy, Benjamin at Haris. Si Benjamin ang nasa kabisera ng lamesa, si Mommy ang nasa kanan niya at si Haris ang nasa kaliwa.
Maraming pagkain ang nakalatag sa lamesa, nagmistulang mayroong celebration kaya imbes na pagtuunan ng pansin ang kamay ni James sa balikat ko ay nangunot ang noo ko. Mukhang magsisimula pa lang din silang kumain ng agahan.
"Nandiyan na pala kayo, Alice at James. Sakto at kakain na tayo," pahayag ni Benjamin.
Dahan-dahan nang malingunan ko si James mula sa pagitan ng leeg at balikat ko. Tinapunan ko rin siya ng tingin mula ulo hanggang paa. Suot niya ang black tuxedo. Mukhang kauuwi lang nito galing trabaho.
Sunday lang yata ang available niyang araw kaya siya nakakauwi rito sa bahay. I wonder, may sarili siguro siyang condo unit. Well, hindi naman malabo at natural na mayaman ang pamilya nila.
Inirapan ko ito bago tinabig ang braso niya. Nilingon ko si Mommy, pati ang upuan sa tabi niya. Nilingon ko rin ang upuan sa tabi ni Haris. Pareho ko silang ayaw na makatabi. Lalo ngayon na naaalala ko iyong paghalik ko kay Haris kagabi.
Halos mamula ang mukha ko sa kahihiyan. Wala akong dahilan para gawin iyon dahil hindi naman ako nakainom. Kaya pinauna ko na lang din si James na maupo sa tabi ni Haris, sa gilid niya ako naupo.
"Ayan, we're now a complete family," ani Mommy, rason para manlamig ang katawan ko. Mariin ko siyang tinitigan.
Nagtagis ang bagang ko. Ilang beses na nagdilim ang paningin ko, pero ilang ulit ko ring pinigilan ang sarili na magwala. Marami pang satsat na naganap ngunit nauna na akong maghain ng sarili kong pagkain.
Alam kong nakatingin silang lahat sa akin. Wala naman akong pakialam kaya nagpatuloy lang ako sa pagkain ko. Gutom ako, kahit papaano rin ay ayokong masira ang araw ko kahit pa nasira naman na talaga.
Paminsan-minsan akong nililingon ni Haris, na kahit hindi ko siya deretsang tingnan ay seryoso lang din ang mukha niya. Samantala, si James naman ay panay ang paglalagay ng ulam sa pinggan ko.
"Stop it!" singhal ko rito sabay tapik sa kaniyang kamay. "I'm losing my appetite. Stop it now."
Tumawa lang si James at kaagad din namang inalis ang mga inilagay niyang pagkain. Deretso niya iyong isinubo habang nakadungaw sa akin. Mukha lang naman siyang nakikipagkaibigan, pero ayoko.
Parehong hindi ko sila matanggap ni Haris. Kaya kahit anong bait nila sa akin, mananatiling basura ang trato ko sa kanila.
"Hindi ko alam na madali lang kayong naging close na dalawa," untag ni Benjamin, sabay pa namin siyang nalingunan ni Haris.
Pagak akong natawa. "No—"
"Anyway, nandito na rin naman na kayong lahat. Gusto naming ihayag na sa susunod na taon na ang kasal namin ni Benjamin," wika ni Mommy. "We're going to be a real family! I'm so excited!"