"Kanino ba dapat, Haris?" nang-uudyo kong tanong sabay sundot sa tagiliran niya.
Napaigtad ito, kamuntikan pa kaming mabangga dahil sa biglaan niyang pag-apak sa brake. Sakto kasing nag-red light kaya huminto siya. Marahas niya akong nilingon at malamig na tinitigan.
Lulan ng sarili kong kotse ay siya ang naging driver ko pauwi sa bahay. Pinaiwan na muna niya ang kotse nito sa Bottle Ground. Aniya ay babalikan na lang daw niya iyon, kung hindi bukas ay sa Monday.
Nakakagulat na sa kaniya pa manggagaling ang salitang iyon. Hindi ko alam kung bilang kinakapatid niya ba ako, o talagang trip lang niyang pagbawalan ako. Pero kanino ba dapat? Sino ba dapat ang para sa akin?
"Hmm... kung hindi ko lang alam na may girlfriend kang tao, mag-a-assume talaga ako na gusto mo ako." Malakas akong humalakhak, saka pa nagtaas ng kilay dito. "Tell me, Haris, gusto mo ako?"
Saglit siyang natigilan. Napansin ko pa ang paghigpit ng pagkakahawak niya sa steering wheel. Lumabas ang ugat doon. Lalo akong ngumuso, gustung-gusto kong itago itong galak na nararamdaman ko na hindi ko rin malaman kung para saan.
Dahil ba sa katotohanang apektado siya sa akin? Dahil ba iniisip ko na gusto niya ako, kahit may Larisa naman siya?
I like the thrill, but yeah, hindi ko rin gusto na may girlfriend siya habang nagugustuhan niya ako. Ayoko nang may kahati. Ayoko nang may sabit. Dahil higit sa lahat, ayokong gayahin ang ginawa nina Daddy at Mommy.
O baka masyado lang din talaga akong assuming? Hindi naman talaga ako gusto ni Haris. Sadyang naiinis lang siya sa akin. Pagak akong natawa sa isipan ko.
Nagtagis naman ang bagang ni Haris mula sa sinabi ko. "Alin sa katangian mo ang magugustuhan ko, Aliyah?"
Alin ba?
"My body of course, lalayo pa ba tayo?"
Muli akong tumawa. Samantala ay halos lumubog na si Haris sa kinauupuan niya mula sa driver's seat. Dinaig ko pa ngayon ang nakainom at lasing. Hindi ko inakala na ang sarap palang asaring ng isang 'to.
Pulang-pula na ang kaniyang pisngi, maging ang dalawang tainga niya na nagmukha na siyang kamatis na tinubuan ng mukha. Kung totoo nga lang din na umuusok ang ilong sa galit ay nagawa na niya iyon.
"In your dreams," untag niya sa mababa ngunit matigas na tinig. "Walang-wala ka sa kalingkingan ni Larisa. So don't assume, Aliyah Denice. Hindi iyan mangyayari."
Umangat ang sulok ng labi ko. "Huwag kang pakampante, Haris. Baka bigla kang ma-fall sa akin. Aba, sa sinabi mong iyan ay hindi talaga kita sasaluhin. Ikaw din."
Inungasan ko ito. Saglit kong sinuklian ang mariing paninitig niya habang nananatili akong nakangisi— tingnan lang natin.
Ngunit hindi rin ako sigurado. Gusto kong sapakin ang sarili kung bakit ba ako ganito ngayon sa kaniya. Para ko lang hinahamon ang isang Pari na magkasala.
Dahan-dahan nang umayos ako ng upo. Narinig ko ang pagsinghap niya sa kawalan, pati na rin ang bigat sa paggalaw niya. Kalaunan nang mag-go signal at sa biglang pagharurot niya ay naramdaman kong kumawala sa katawan ko ang kaluluwa ko.
"Haris!" tili ko ngunit sa kadahilanang walang masyadong traffic ay naging dere-deretso ang pagmamaneho niya.
Niyakap ko ang sariling katawan. Oo at sa dami ng problema ko ay kagustuhan kong mamatay, pero tangina naman, ngayon na nasa harap ko na si Kamatayan ay para akong naputulan ng buntot.
Sa sobrang bilis din ng pangyayari ay namalayan ko na lang na nasa tapat na kami ng bahay. Halos sumubsob pa ako sa windshield sa paghinto ni Haris dahilan para malaglag ang puso ko.
"The fvck?!" singhal ko rito, mula sa pagkakayuko ay mabilis akong umahon, damang-dama ko ang pagtataas-baba ng dibdib ko sa paghahabol ko ng hangin.
Hindi ko na ito nakita sa driver's seat. Naabutan ko na lang ang marahas niyang pagsarado ng pinto. Sinundan ko siya ng tingin at deretso lang din siyang naglakad papasok ng bahay.
"Sino ngayon ang pikon?" bulalas ko habang nanginginig ang kalamnan.
Kaagad akong bumaba at hinabol siya sa loob ng bahay. Nang maabutan ito sa sala ay mabilis kong hinaklit ang kaniyang leeg. Sinakal ko siya nang patalikod na naging mitsa para sabay kaming matumba sa sahig.
Nadaganan niya ako, pero hindi ko na iyon pinansin at literal na headlock ang inabot niya sa akin. Hinawakan nito ang braso ko habang patuloy siyang dumadaing ngunit sa gigil at inis ko ay hindi ako nagpatinag.
Ang posisyon namin ay nasa ibabaw ko siya. Bali ang ulo niya ay nakaunan sa dibdib ko. Nagmukha lang akong wrestler at kulang na lang ay referee para sa aming dalawa.
"Ikaw ang pikon, Haris," bulong ko sa bandang ulunan niya. "Hindi mo ba matanggap na kami na ni Anthony?"
"Alice..." singhap niya.
Kaya namang kumawala sa akin ni Haris. Sa laki ng katawan niya ay kayang-kaya niya akong balibagin, pero hindi ko alam kung bakit parang nanghina ang katawan niya. Lalo siyang bumigat. Sadya yatang sumuko na ito na makipagtalo sa akin.
"O hindi mo kayang makitang may kasama akong ibang lalaki? Kahit si James... parang pinagseselosan mo?"
Sige, ipilit mo pa, Aliyah.
"Gusto pa naman sana kita. Kaya lang ay ayaw mo naman sa akin," pagbibiro ko.
Humagikhik ako, tuluyan akong nanghina kaya lumuwang din ang pagkakasakal ko sa kaniya. Sakto naman nang may marinig akong sunud-sunod na mga yabag.
"What the hell, Alice??" Dinig kong bulyaw ni Mommy nang lumabas siya galing sa kusina.
Kasunod nito si Benjamin sa likod niya. "Haris! Anong nangyayari?"
Hinila ako ni Mommy palayo kay Haris. Madali lang din naman kaming nagkalayo dahil hinang-hina na rin ang katawan ko. Mabilis na naupo si Haris galing sa pagkakahiga upang tanawin ako.
"Ano ba, Alice?! Sumusobra ka na!" sigaw sa akin ni Mommy at pilit niya akong pinapaharap sa kaniya. "Tama na! Napakasalbahe mo! Kung sana lang ay alam kong magiging ganito ka ay pinasama na lang sana kita sa Daddy mo!"
Nagulat ako sa sinabi niya. Nalusaw ang kaninang mumunting saya sa puso ko. Kahit sina Benjamin at Haris ay dagling natigilan. Nakita ko ang tangkang paglapit ni Haris sa gawi namin ni Mommy, pero maagap siyang pinigilan ni Benjamin.
Mayamaya nang makabawi sa gulat ay tumawa ako, iyong tawa na animo'y nababaliw na. Gamit ang nanlalabong mga mata ay tiningala ko si Mommy. Nagbabadya sa akin ang mababaw kong luha, ganoon pa man ay matalim ko siyang tinitigan.
"Sana ay hindi ka na nga nagdalawang-isip, Mommy. Sana nga ay pinasama mo na lang ako kay Daddy. Iyon sana ang pinakamagandang nagawa mo sa buhay ko," matigas kong pahayag habang nakakuyom na ang mga kamao.
Ngayon ako mas lalong nagsisi kung bakit nanatili pa ako rito sa bahay, kung bakit hinayaan ko pang dumating sa puntong ito na sasaktan ako ng sarili kong ina.
"Malala ka pa kay Daddy. Alam mo ba 'yon, Mommy? Si Daddy, kahit papaano ay nahiya pa at lumayas ng kusa. Ikaw? Harap-harapan mong pinapakita sa akin 'yang kalandian mo. Hindi ka ba nahihiya—"
Sa lakas nang pagsampal sa akin ni Mommy ay tumilapon ako sa sahig. Kaagad kong hinawakan ang namanhid kong pisngi na ngayon ay alam kong bumakat doon ang mga daliri niya. Instant blush on, the fvck.
"Alicia!" suway ni Benjamin at nilapitan si Mommy, pero hindi rin siya nagpaawat.
Well, kanino ko ba nakuha at namana ang pagiging warfreak?
Dinaluhan ako ni Haris. Lumuhod siya sa gilid ko at maingat akong inalalayan ngunit tinabig ko lang ang kamay nito. Nasaktan man ang balakang ay unti-unti akong tumayo. Nangingisi kong tinapatan ang masamang paninitig ni Mommy.
"Say it again, Alice... hinding-hindi ako makikiming palayasin ka rito," nanggagalaiti niyang sinabi na ikinatawa ko.
Umakto akong parang prinsesa na yumuko sa harapan niya. "There you go! Ang matagal ko nang hinihintay. Noon pa man, kahit hindi mo hilingin, lalayas talaga ako. It's my fvckin' pleasure to leave this fvcking house."
"Alice!" paghabol ni Mommy nang lampasan ko sila. "Fine! Lumayas ka!"
Total ay nakaayos naman na ang ilang gamit ko at nakapag-impake na rin ako ng mga damit ko ay walang problema kung ngayon ako aalis. Dere-deretso akong pumasok sa kwarto ko. Mula sa ilalim ng kama ay hinila ko roon ang maleta ko.
Hindi na ako nagpalipas ng minuto. Hinayaan ko na ang ibang gamit na naiwan ko sa kwarto. Hila-hila ang maleta nang bumaba ulit ako sa sala. Nagulat na lang ako nang naroon na sa pinto si Haris.
Galit din ang kaniyang mukha, marahil sa kaninang pananakit ko sa kaniya. Ngunit hindi maipagkakaila ang labis na pag-aalala sa kaniyang mukha. Pati na ang mga mata nito ay namumula na rin.
"Apologize to her, Tita Alicia. Otherwise, I will not allow you to marry my Dad either," seryoso at nangangalit na banta ni Haris.
"Haris!" pukaw ni Benjamin, umiling siya habang nakatingin sa mga ito.
"Aliyah's life has been ruined since she lost her father. And her life will be ruined even more if you kick her out of this house. So please, take back what you said, Tita."
Haris...
Ang sabi ko kanina— if he falls for me, I will not catch him. Pero kung ako ba ang mahuhulog sa kaniya? Handa ba niyang iwan si Larisa para sa akin?