Hemira 13.1

2433 Words
Chapter 13.1 - Punyal ~Tagapagsalaysay~ Lumangoy agad palapit si Bon kina Hemira upang ipagbunyi ang pagkatalo nito sa mostrong makara ngunit napatigil ito nang mapansing sumuka ng dugo ang inaakala nilang wala ng buhay na si Uriway. Dahil doon ay ito na ang pinuntahan ni Bon. Naroroon din sa Aloja at nakayakap pa rin sa keledones. Agad naman ding lumangoy si Hemira palapit sa mga ito. "Uriway! Uriway!" tawag kaagad ni Hemira rito. Isinandal naman ni Aloja sa dibdib nito ang ulo ng nag-aagaw buhay na keledones. "Bon, tumawag ka ng manggagamot! Ngayon din!" utos nito kaya naman agad nang lumangoy paalis si Bon. Nanginginig na ang mga kamay ni Aloja dahil sa paghahalo ng labis na pag-aalala para kay Uriway at kasiyahan dahil hindi pa ito nawalan ng buhay tulad ng kaniyang inaakala. Tiningnan ni Hemira ang napakalalim na sugat ni Uriway at nakuyom niya ang kaniyang mga kamao. "Kung bumalik lamang kaagad ang aking ulirat ay hindi sana mangyayari ito kay Uriway." Nagtatagis na ang kaniyang mga bagang sa pagsisi sa sarili. Napatingin sa kaniya si Aloja at umiling-iling ito. "Huwag mong sisihin ang iyong sarili Hemira dahil ako ang tunay na dahilan nito. Dahil sa aking kapakanan ay binuwis niya ang kaniyang buhay. Kung hindi lamang sana ako ganito kahina ngayon ay gagawin ko ang lahat upang makapagpatubo ng halamang makagagamot sa kaniya." Natigilan siya dahil sa sinabi nito at napatingin sa sarili. Mayroon siyang mga dahon sa kaniyang katawan na kinuha niya sa kwintas ni Siduma pangpahilom sa kaniyang mga sugat. Dahil doon ay tinanggal niya lahat ang mga iyon at inilagay sa sugat ni Uriway ngunit wala na itong epekto sapagkat nagamit na ang mga iyon sa kaniyang mga sugat. Pinulsuhan niya si Uriway at mayroon pa itong pulso ngunit mahina na. "Diwata! Hemira! Naririto na ang manggagamot!" sabi ng paparating na si Bon kasama ang isang matandang makarang manggagamot. Agad itong lumapit sa keledones at tiningnan ang sugat nito. "Napakalalim ng kaniyang sugat. Malapit din iyon sa kaniyang puso kaya naman maliit na tyansa na lamang ang mayroon siya upang mabuhay. Hindi kakayanin ng kahit anong dala kong lunas ngayon ang makagagamot sa kaniyang sugat." malungkot na sabi nito sa kanila. "Kung mayroon lamang sanang napakabisang lunas tayo ngayon para sa mga ganitong sugat ay maaari pang maisalba ang kaniyang buhay." dagdag pa nito. Biglang naalala ni Hemira ang makukulay na dahon na ibinigay sa kaniya ni Salom. Kinapa niya ang loob ng kaniyang kasuotan sa pagbabakasakaling mayroon pang natitirang makulay na dahon doon. "Ano ang iyong ginagawa, Hemira?" tanong ni Aloja sa kaniya dahil sa kaniyang ginagawa at nang may makuha siyang isang kulay pulang dahon na nakaipit sa kaniyang kasuotan ay agad niyang itinapal iyon sa sugat ni Uriway. Tiningnan nila kung ano ang mangyayari. Tumigil agad ang pagdurugo sa sugat nito at mabilis din iyong sumara. Lubos na namangha ang manggagamot sa nasaksihan nito. Pinulsuhang nito si Uriway at malawak na napangiti ang manggagamot dahil bumalik na sa dati ang pulso ng keledones. "Ligtas na siya sa panganib." Dahil doon ay lubos na katuwaan ang naramdaman nina Aloja, Hemira at Bon. Si Hemira naman sana ang gagamutin ng mangagamot sapagkat puno siya ng mga sugat at hiwa sa kaniyang katawan dahil sa pagkakadagan ng malalaking guhong bato ng pader ngunit sinabi niyang si Siduma na lamang ang gamutin sapagkat isa rin itong biktima sa pangyayari. Isinama na ni Bon ang manggagamot papunta sa walang malay na si Siduma. Pumunta si Hemira sa gibang silid kung saan naroroon ang dalawang espadang pagmamay-ari niya. Kinuha niya na iyon at lumangoy na rin papalabas doon. Nasa kaniya na ang kaniyang puniyal at inilagay niya na ang kaniyang dalawang espada sa may lalagyanan sa kaniyang baywang. Sila Neb at Anol naman ay nagkaroon na ng malay at nang maalala ng mga ito kung ano ang nangyari bago mangawalan ng malay ay agad na hinanap siya ng mga ito. Nang makita na siya ay kaagad na lumangoy palapit sa kaniya. "Hemira!" tawag nsa kaniya ng mga ito kaya napalingon siya. "Oh! Anol! Ne—" Hindi pa niya natatapos ang kaniyang sasabihin ay niyakap na kaagad siya ni Neb pagkalapit na pagkalapit sa kaniya. Ang higpit ng yakap nito na tila ba hindi nais nito na siya'y mawala. Itinulak niya ito palayo ngunit ayaw nitong bumitaw sa kaniya. "Napakapadalos-dalos mo sa iyong mga kinikilos! Bakit mo iyon ginawa kanina? Paano kung dahil doon ay nawalan ka ng buhay?!" naiinis na sermon nito at lalong yumakap sa kaniya. "Kung hindi ko iyon ginawa ay maaaring si Gelim na ang natabunan ng mga guhong batong iyon na hinding-hindi ko naman hahayaang mangyari. At saka isa pa, hindi ka dapat nag-aalala nang gan'yan sa akin sapagkat bilang mandirigma ay kadikit ko na ang kapahamakan at kamatayan." Nagawa niya nang makaalpas sa pagkakayakap nito sa kaniya. Lihim na pinunasan nito ang mga luha nito. Labis talaga itong nag-alala para sa kaniya. "Hemira!" masayang-masayang tawag ni Anol sa kaniya. "Anol! Mabuti naman at walang nangyari sa iyong masama!" Niyakap niya ito at higit na nagliwanag ang bilog na katawan nito. Umiyak naman ito. "Akala ko'y napahamak ka na kanina. Nakita ko ang nangyari sa iyo bago ako mawalan ng malay kaya naman labis ang pag-aalala na aking naramdaman nang ako ay magising." Humiwalay na sila sa isa't isa. Pinunasan ni Hemira ang kaniyang mga luha. "Maraming salamat sa iyong pag-aalala sa akin. Ayos lamang naman ako." nakangiti niyang wika rito. Nangunot naman ang noo ni Neb sa kaniyang sinabi. "Bakit siya'y pinasalamatan mo nang mag-alala siya sa iyo ngunit ako'y iyong pinagalitan? Hindi naman iyon patas magandang mandirigma ng Gemuria." Tila batang nagtatampo ito sa kaniya kaya napangiti siya ngunit hindi na niya ito pinansin. Lumangoy na sila papunta kay Aloja. "Diwata!" masayang tawag din ni Anol kay Aloja nang makita ito. Napangiti rin si Neb sapagkat hindi napahamak ang kanilang diwata. "Mabuti naman at ligtas rin kayong dalawa, Neb at Anol." nakangiting wika ni Aloja sa kanila. Tiningnan nito si Hemira at nginitian nang malawak. "Hemira, tunay na napahanga mo ako. Nagawa mong makaalis sa pagkakadagan sa iyo ng napakalalaking mga batong iyon. Hindi iyon magagawa ng mga normal na nabubuhay lamang." manghang-manghang wika nito sa kaniya saka pinagmasdan kung gaano kalalaki ang mga batong kanina lamang ay nakadagan sa kaniyang katawan. "Nagkakamali ka diwata. Hindi ako nakaalis doon sa aking sariling kakayahan lamang." Ang lawak ng kaniyang ngiti. Nangunot naman nang bahagya ang noo nito sa pagtataka. "Ngunit papaano?" Lalong lumawak ang kaniyang ngiti. "Mayroong mga tumulong sa akin." ~Pababalik tanaw~ Nang madaganan si Hemira ng mga bato ay hindi na niya magawang maigalaw ang kaniyang katawan. Hirap na rin siyang huminga sapagkat wala ng hangin ang pumapasok sa loob dahil sa mga batong nakaharang. Sinubukan niyang tumayo ngunit wala na siyang lakas. Ubos na ubos na ang kaniyang lakas ngunit nais na nais ng kaniyang isipan ang makaalis doon. Nais niyang protektahan sila Aloja ngunit hindi niya na iyon magawa dahil sa nangyaring ito sa kaniya. Sa kabilang banda, si Gelim naman ay tumalsik hindi kalayuan dahil sa malakas na pagtulak sa kaniya ni Hemira upang mailigtas lamang siya. Nakita niya ang nangyari rito kaya naman lalangoy na sana siya upang tulungan ito ngunit nakita niyang aatakihin na ng itim na makara si Aloja. Susugurin niya sana ang itim na makarang iyon ngunit nasaksihan niya ang nangyari sa mga kawal. Hindi umepekto ang mga hiwa ng espada sa itim na makarang iyon kaya naman napaisip siya. Kung siya ay susugod at kakalabanan din ang mostrong makara gamit ang kaniyang espada ay tila ba sumugod lamang siya sa libo-libong mga mostro na walang dala-dalang sandata na panglaban ni isa. Tiyak na mamamatay lamang siya at walang magagawa upang maprotektahan ang kanilang diwata. Naalala niya si Hemira. Si Hemira ang nakatalo rito kanina at ibig sabihin ay ito lamang din ang makakatalo sa itim na makara ngayon. Mabilis siyang lumangoy papunta sa guhong mga bato upang tulungan si Hemira. Napansin niya ang mga makara na nagtatago hindi kalayuan. Kailangan niya ng tulong ng mga ito ngunit walang nais na tumulong sa kaniya. "Magiging duwag na lamang ba kayo at magtatago kaysa ang tulungan ako rito upang mailigtas ang ating diwata?!" Malayo sa kanila ang itim na makara at sila Aloja kaya hindi sila napapansin ng mga ito. Nakatungo lamang ang mga makarang iyon at halatang takot na lumapit sa kaniya dahil maaari silang mapansin ng itim na makara. "Nais n'yo bang mawala muli sa atin si diwata Aloja?! Ano ba ang inyong naramdaman noong akalain nating pumanaw siya? Hindi ba't lubusang pagluluksa ang ating naramdaman? Nais n'yo na naman ba iyong maramdaman?!" sigaw niya sa mga ito. Halatang nabagbag ang damdamin ng mga ito dahil sa kaniyang sinabi. Mayroong isang lalaking makara ang lumangoy palapit sa kaniya at inangat ang isang malaking tipak ng bato ngunit hindi nito kaya iyon. Lumapit na rin ang dalawang babaeng makara upang tulungan iyon. Dahil doon ay nagkaroon na rin ng determinasyon ang iba pa kaya naman lumapit na sila at tulong tulong na inangat ang mga bato. Natagalan sila sapagkat napakaraming mga bato ang gumuho ngunit sa saktong oras ay naialis nila si Hemira roon at nagawa nitong mailigtas si Aloja. ~Katapusan ng Pagbabalik tanaw~ Malapit lamang si Gelim sa kanila kaya naman narinig nito ang pagsasalaysay ni Hemira sa nangyaring iyon kay Aloja at dahil doon ay namula ang pisngi nito sa pagkahiya. "Ganoon ba?" Tumatango-tango at tumingin si Aloja sa mga makarang nakapalibot sa kanila. Lumuluha ang marami sa mga ito. "Patawarin mo kami diwata sa aming kaduwagan. Wala kaming inisip kanina kundi ang iligtas lamang ang aming mga sariling buhay at iwan ka sa kapahamakan." "Oo nga po diwata. Karapat-dapat lamang po na kami'y inyong parusahan dahil na rin sa mga ginawa namin sa inyo kanina..." "Nararapat ang kaparusahan sa amin diwata..,” wika ng mga makara habang nakayuko at lumuluha. Puno ng pagsisisi ang mukha ng mga ito. Lumangoy siya papalapit sa mga ito at pinunasan ang mga luha sa mata ng isang batang babaeng makara na nasa harapan. "Kayo'y huwag nang lumuha pa. Wala akong parusang ipapataw sa inyo bagkus ay ipinagmamalaki ko kayong lahat sa inyong matapang na pagliligtas at pagtulong kay Hemira." sinserong wika niya na nagpaluha lalo sa mga ito. "Napakaputi talaga ng iyong puso diwata," wika ng batang makara sa kaniya at nginitian niya ito. Napatingin na siya kay Gelim. Naluluha rin ito ngunit nang magtama ang kanilang mga tingin ay nag-iwas kaagad ito ng tingin. Lumangoy siya palapit dito. Nanlaki ang mga mata nito nang nasa harap na siya nito. "Kahanga-hanga Gelim ang iyong ipinakitang katalinuhan sa pagpili ng desisyon. Maraming salamat sa pagkuha sa kanilang loob upang matulungan ninyo si Hemira na makaalis sa guhong mga bato dahil kung hindi ay maaaring wala na akong buhay ngayon." pagpapasalamat niya rito ngunit ikinagulat nito ang kaniyang tono na tila ba kilala niya ito. "Kilala mo ako diwata?" hindi makapaniwalang tanong ni Gelim sa kaniya. "Bakit hindi? Ika'y isa sa mga pinuno ng mga grupo na kawal. Hindi ba't naroroon ako sa seremoniya ng pagbibigay sa inyo ng inyong mga puwesto. Ika'y isa sa mga tumatak sa aking isipan dahil nakikita ko sa iyo na ikaw ay isang magiging magaling na pinuno." nakangiting wika niya. Nakaramdam naman ng labis na kagalakan si Gelim dahil sa sinabi niyang iyon kaya naman lumuhod at yumuko kaagad ito sa kaniya. "Akin kayong pagsisilbihan diwata higit pa sa aking kakayanan, iyan ay aking pangako." Tumango naman siya sa sinabi nito. "Maraming salamat Gelim." Lumangoy naman siya papunta kay Bon na nakatitig sa kaniya. Tiningnan niya ang katawan nito at mayroon nang nakabalot na mga tela na may dahon ang ilang bahagi sa katawan nito. "Hindi ba malubha ang iyong mga pinsalang natamo Bon?" nag-aalalang tanong niya rito. Ngumiti ito nang malawak. "Hindi naman po diwata. Dinulutan na ng mangagamot kanina ang aking mga sugat kaya naman ayos na ako." "Ngunit Bon, may nais lamang akong itanong. Hindi ba't ikaw ang naghagis kay Hemira ng kaniyang puniyal? Paano mo nalamang kakailanganin iyon ni Hemira sa pagtalo sa itim na makarang iyon?" Natigilan naman ito ngunit pagka ay ngumiti nang muli. "Iyon ba diwata? Noong hampasin ako ng makasa ng buntot nito kanina at tumalsik ako sa loob ng silid kung saan tayo naroroon kanina ay nawalan ako panandalian ng malay. Nang bumalik ang aking ulirat ay nakita ko ang pagkakasaksak kay Uriway upang ika'y iligtas kaya naman lalangoy na sana ako upang ika'y saklolohan ngunit naagaw ang aking pansin ang isang bagay na nagliliwanag katabi ng iba pang sandata sa silid na iyon." "Iyon ba ay ang puniyal ni Hemira?" "Ganoon na nga diwata." Tiningnan ni Bon ang puniyal na iyon na kasalukuyang nasa baywang ni Hemira. Napatingin din doon si Aloja. "Bigla na lamang na may bumulong sa aking isipan na kailangan kong kunin ang puniyal na iyon kaya naman kinuha ko iyon at nang makita ko si Hemira na nasa likuran na ng itim na makara ay kaagad ko siyang tinawag upang makuha ang kaniyang atensyon at inihagis ko sa kaniya ang kaniyang puniyal na siyang tumapos sa buhay ng itim na makarang iyon." Nakaramdam naman ng pagkamangha si Aloja dahil sa isinalaysay na iyon ni Bon. "Napakarami ninyong nagligtas sa akin. Maraming salamat Bon dahil isa ka sa mga iyon." sinserong wika niya. Yumuko naman ito sa kaniya. "Iyon ay aking responsibilidad, diwata." Nang iangat na nito ang mukha ay napatitig ito sa kaniya. Iyon ay dahil nakatingin na siya kay Hemira na ngayon ay kasama nila Neb at Anol. Nakita nito sa kaniyang mga mata ang labis na kasiyahan. "Napakapalad ng ating kaharian sapagkat dumating dito ang isang katulad ni Hemira. Hindi-hindi talaga ako nagkamali na ipagkatiwala sa kaniya ang aking buhay miski na ang ating kaharian. Maraming salamat Bon sa pagdadala mo sa kaniya sa akin. Lubos akong nagpapasalamat sa inyo ni Anol." puno ng pasasalamat na wika niya rito. Hindi naman nito batid kung ano ang mararamdaman dahil sa kung paano siya nagpasalamat dito bilang diwata ng mga ito ngunit ngumiti na rin ito. Ilang sandali lamang ay umalingawngaw ang pagsigaw ni Anol sa pangalan ni Hemira kaya napatingin sila sa mga ito. "Hemira! Hemira!" patuloy na sigaw ni Anol at pati ni Neb nang mawalan ng malay si Hemira. Namilog ang mga mata nila pareho at kaagad nang lumangoy papalapit sa mga ito. Isinandal ni Neb ang ulo ni Hemira sa dibdib nito at niyugyog nang mahina ang mga balikat nito upang gisingin. "Hemira! Imulat mo ang iyong mga mata! Hemira!" Ngunit hindi ito nagmulat pa.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD