Hemira 13

3058 Words
Chapter 13 - Itim na Makara ~Bon~ "Itigl ang pagpaparusa!" sigaw ng isang babae na nagpatahimik sa lahat. Nanlaki ang aking mga mata nang makita ko kung sino iyon. Si Hemira! Nasa kaniyang tabi si Neb at Anol. Sa wakas! Naririto na sila! Hindi ko napigilang mapaluha dahil sa wakas ay nakarating na sila. "Paanong nariyan ang babaeng iyan kung gayong siya ay nasa entablado ngayon at dapat nang pinarurusahan?" "Namamalik mata lamang ba ako?" "Hindi ba't siya ang makarang tao naman talaga? Bakit siya nariyan?" "Baka siya'y isa lamang kambal ng babaeng iyon." bulungan ng mga makara sa paligid. Napuno ng pag-uusap ang buong lugar na ito. Naalala ko bigla si diwata Aloja kaya naman agad akong lumangoy papunta sa kaniya habang ang atensyon nang lahat ay na kina Hemira. Inalis ko ang telang sako sa kaniyang ulo at hindi ko inaasahan ang kaniyang ekspresyon. Kalmadong-kalmado lamang siya at ngumiti pa sa akin na tila ba hindi siya galing sa bingit ng kamatayan. Akin na ring kinalas ang tali sa kaniyang mga kamay. Inalis ko rin ang kay Uriway. "Maligayang pagdating Hemira!" bati niya kay Hemira kaya napunta na sa kaniya ang atensyon nang lahat at nang masilayan na siya ng mga makara ay napasinghap silang lahat. Pati ang makasa na narito sa entablado ay nabitawan ang hawak nitong palakol sa pagkatigagal. Lahat ng mga bibig ng mga narito ay nakabuka at nanlalaki ang kanilang mga mata bukod lamang sa amin na mga nakaaalam. Wala ni isang nagsalita o makapagsalita sa gulat. Kinalas ko na ang mga kadena sa buntot nila diwata at Uriway gamit ang susing aking hawak. "Kasama mo na ba ang tunay na traydor na nagtangka sa aking buhay?" tanong ni diwata kay Hemira. Pulos dahon ang katawan ni Hemira na tila nagmula siya sa isang matinding labanan ngunit nakikilala ko ang mga dahong iyon. Pagmamay-ari iyon ni Siduma. "Opo, mahal na diwata." sagot niya. Pumasok na ang isang lalaking kawal habang hawak-hawak ang isang nakataling babaeng makara. Si Gelim iyong kawal at nang mapagmasdan ko ang nakataling babaeng makarang kaniyang hawak ay nanlaki ang aking mga mata. Siduma?! Si Siduma ang traydor?! Lumangoy na sila Hemira papalapit sa amin. Nagpapalag pa si Siduma sa pagkakatali nito. Ngunit papaanong—?! Hindi kailanman pumasok sa aking isipan na gagawan ni Siduma ng masama ang aming diwata kahit isang beses. Katulad ko'y kasa-kasama na siya ni diwata simula kaniyang pagkabata kaya naman imposibleng saktan niya at hangaring kitilan ito ng buhay. Binanggit niya sa akin noon na kaya siya naging manggagamot ay upang siya ang gagamot sa aming diwata kung ito ay magkakaroon ng karamdaman kaya naman bakit niya magagawa ang ganoong bagay sa aming diwata na kaniyang lubos na pinahahalagahan? Napatingin ako kay diwata Aloja at nasaksihan ko ang lubos niyang pagkatigagal. Hindi rin siya makapaniwala sa kaniyang nalaman. Nasa harapan na namin sila Hemira at tiningnan ni diwata si Siduma sa mga mata nito. "N-ngunit bakit?..." wala sa sariling tanong niya rito. "Pinagtangkaan niya ang aking buhay sa pag-aakalang ako ikaw, diwata. Gumamit siya ng mga itim na mahika habang nakikipaglaban sa akin." paliwanag ni Hemira sa kaniya dahil wala namang balak umimik si Siduma. Parehas kaming nangunot ang noo ni diwata sa sinabi niyang iyon. "Ngunit hindi marunong gumamit ng mahika si Siduma. Hindi siya isang maheya," wika ko. "Subalit—" Hindi natapos ni Hemira ang kaniyang sasabihin nang biglang may itim na usok ang lumabas sa katawan ni Siduma. "AAAAAAAAHHHHH!" sigaw nito habang lumalabas sa katawan nito ang usok na iyon. "Gelim, ano ang nangyayari?! Hindi ba't ang halamang iyan ay nakapagpipigil ng mahika kaya paanong nakagagamit pa rin siya nito?!" natatarantang tanong ni Neb kay Gelim. Palaki nang palaki ang itim na mahikang lumalabas sa katawan ng manggagamot. Paitim din nang paitim ang mahikang iyon. "Magsilayo kayong lahat!" biglang sigaw ni Hemira. Mukhang nakaramdam siya na may hindi magandang mangyayari kaya naman agad kong hinila sila diwata at Uriway upang mailayo ko sila sa nagbabadyang panganib. ~Tagapagsalaysay~ Sa lakas ng puwersang lumabas mula sa katawan ni Siduma ay nagsiliparan palayo ang mga makarang nasa paligid nito. Yakap yakap ni Neb si Anol upang hindi ito liparin. Si Hemira naman ay nanatili na nasa kaniyang puwesto at pilit na kinakaya ang puwersang tumutulak sa kaniya palayo. Si Gelim ay hawak pa rin ang halamang tali ni Siduma kahit na sumigaw na ng babala si Hemira. "Gelim! Bitawan mo na siya kung hindi ay mapapahamak ka!" sigaw ni Hemira rito. "Hindi ko siya pakakawalan! Hinding-hindi ko hahayaang makatakas ang traydor na ito na nagpahirap kay diwata Aloja!" determinadong sabi nito at lalo lamang hinigpitan ang pagkakahawak sa tali ni Siduma. "AAAAAAAAAHHHHH!" Lalong lumakas ang sigaw ni Siduma at kasabay niyon ay mas malakas pang mahika ang lumalabas sa katawan nito. Lumangoy palapit si Hemira kay Gelim at itinulak ito palayo mula sa manggagamot at doon ay sumabog ang itim na mahika sa paligid ni Siduma. Tumalsik si Hemira dahil sa nangyaring pagsabog at ganoon na rin sila Neb at Anol na sinubukan ding lumapit sa mga ito. Sa lakas ng pagsabog na iyon ay tumalsik si Hemira sa malayo at sumalpok ang kaniyang katawan sa isang pader. Gumuho ang pader na iyon at natabunan siya ng malalaking tipak ng mga bato. "HEMIRA!" sigaw nila Aloja, Uriway at Bon dahil sa nasaksihan ng mga itong nangyari sa kaniya. Sila Neb at Anol naman ay nagpagulong-gulong sa buhanging sahig at dahil doon ay nawalan ng malay ang dalawa. Napuno ng sigawan ang buong lugar dahil sa nangyari. Nagkagulo ang mga makara at ang iba pang pangkaragatang nabubuhay. Lumangoy sila papalabas ng pinto at ang iba'y sa mga guhong pader lumabas upang mailigtas ang kanilang mga buhay. Nag-ipon ang itim na mahikang iyon at bumuo ng anyo ng isang babaeng makara. Kulay itim ang buntot at mga palikpik nito. Wala rin itong suot na panakip sa dibdib at tanging ang mahabang itim na itim na buhok nito lamang ang tumatakip doon. Nawalan naman ng malay si Siduma at napahiga na nang tuluyan nang mawala na ang itim na mahikang lumabas sa katawan nito. Nanlaki ang mga mata nila Bon sa kanilang nasasaksihan. Tiningnan nila ang itim na makara na lumabas mula sa katawan ni Siduma. Nanlalaki ang mga mata nito at hindi makapaniwalang napatingin sa sarili. "H-hindi maaari ito... Bakit ako bumalik sa pagiging ganito?!" galit na galit na sigaw nito. Tumingin ito sa walang malay na si Siduma at nakita nitong naabo ang halamang baging sa katawan ng mangagamot. Doon nito napagtanto na kagagawan ng halamang baging iyon ang paghiwalay nito sa katawan ni Siduma. "Aaaaaaaahhh!" tili nito sa galit. Nanghina na nang lubos ang mahika ng itim na makara dahil sa pakikipaglaban kay Hemira at nang makarating na sa lugar parusahan ay roon na tuluyang nawala ang bisa ng mahika nito kaya naman nagawa na itong mapalabas ng halamang baging ng wala sa oras sa katawan ni Siduma. "Humiwalay na naman ako sa aking panibagong katawan! Iyon na lamang ang aking huling tsansa na magkaroon ng nabubuhay na katawan! Kasalanan n'yong lahat ito! Ako na sana ang nagmamay-ari ng kahariang ito ngunit ito ang ginawa n'yo sa akin!" sigaw nito at masamang tumingin kay Aloja saka walang anu-ano'y agad na sinugod ang diwata. Hinarang naman ito ng mga kawal na nakapalibot kay Aloja at iwinasiwas ng mga kawal ang espadang hawak sa kaniya ngunit hindi inaasahan ng mga ito ang nangyari. Tumagos lamang ang mga atake nito sa kaniyang katawan na tila ba isa siyang hangin. "P-paanong—?!" Hindi makapaniwala ang mga kawal. "Ako'y parte lamang ng tubig ngayon sapagkat wala na akong katawan kaya naman walang silbi sa akin ang inyong mahihinang atake!" sigaw niya sa mga ito. Pilit pa rin siyang inatake ng mga ito kahit na tumatagos lamang ang mga iyon sa kaniyang katawan. "Mga hangal!" sigaw niya at bumigkas ng isang mahika. Nagkaroon ng itim na mahikang pumasok sa mga mata ng mga kawal na iyon. "GAAAAAAAHHHH!" sigaw ng mga ito sa sakit habang hawak ang mga mata ngunit ilang sandali lamang ay tumigil na sa kanilang pagsigaw. Inalis na nila ang kanilang mga kamay na nakataklob sa kanilang mga mata. Nagkaroon ng nangingitim na mga ugat sa paligid niyon at ilang sandali ay nakipaglaban na sa isa't isa na tila ba magkakaaway. Nilagpasan niya ang mga ito ngunit kumuha muna siya ng espada sa isang kawal na natalo ng isa pang kawal at ngayon ay palapit na siya kay Aloja. Ang makasa naman ang humarang sa kaniya upang protektahan ang diwata. Sinubukan din siyang hiwain nito gamit ang malaking palakol na hawak ngunit hindi rin siya tinatablan niyon katulad ng sa mga kawal. Tumatagos din lamang ang mga atakeng iyon sa kaniyang katawan. "Narito pa ang isang hangal," wika niya patungkol dito na walang tigil sa pag-atake sa kaniya. Muli siyang bumigkas ng mahika at katulad sa mga kawal ay mayroon ding pumasok na itim na mahika sa mga mata nito. "GAAAAAAAHHHH!" sigaw nito sa sakit at mayamaya lamang ay may gumapang na ring mga itim ugat sa mga mata nito. Hindi na siya nito inatake pa. Ngumisi siya kay Aloja. "Paslangin mo si Aloja!" utos niya sa makasa at itinuro ang diwata. Hindi naman inaasahan nila Aloja na susundin ngang tunay ng makasa ang utos ng itim na makara. Sinubukan nitong atakihin si Aloja ngunit sinalag ni Bon ang atake nito. "D-Diwata... L-Lumayo na kayo sa l-lugar na ito! A-ako na ang b-bahala rito! Tumakas na kay—" Hindi na natapos pa ni Bon ang sinasabi sapagkat hinampas siya ng makasa sa katawan gamit ang buntot nito at tumalsik siya sa loob ng silid kung nasasaan sila kanina nila Aloja. "Bon!" sigaw ni Aloja at Uriway dahil sa nangyari sa kaniya. Napaubo ng dugo si Bon dahil sa natamo niyang pinsala. Palapit na ang makasa kay Aloja ngunit si Uriway naman ang humarang rito. ♫Hmmmmmm.....♫ Nagsimulang humimig si Uriway upang akitin ang makasa. Tumigil naman ito sa paggalaw. Napangiti si Uriway dahil nagtagumpay siya na pigilan ito ngunit nanlaki ang kaniyang mga mata nang bumuwelo na ito upang siya ay hiwain ng malaking palakol nito. Hindi niya ito naakit sapagkat hindi naman ito tao. "Takpan mo ang iyong tainga, diwata!" mabilis na sabi niya kay Aloja na ginawa naman kaagad nito. "Aaaaaaahhhhhhhh!" Napakalakas na kaniyang tili at naglikha iyon ng malakas na malakas na puwersa kaya naman nilipad ang makasa palayo sa kaniya. Nabasag din ang bakal na palakol nito sa lakas ng kaniyang tili. Habol ang hiningang tiningnan niya ang makasa at napunta ito sa malayo at wala ng malay. Namilog ang mga mata niya. "D-diwata! Nagawa ko!" tuwang-tuwa niyang sabi kay Aloja. Natuwa rin ito nang lubos dahil sa pagkatalo niya sa makasa ngunit biglang nangisay ang katawan niya nang isang itim na mahika ang bumalot sa kaniyang katawan. Nanlaki ang mga mata ni Aloja dahil sa nangyayari at napasinghap ito. Hahawakan na sana siya nito ngunit nalaglag na siya sa buhanging sahig. "Uriway!" Gimbal na gimbal si Aloja at agad na lumangoy papunta sa humandusay na keledones. Nakapikit na ang mga mata ni Uriway. "Uriway!" panggigising ni Aloja rito ngunit nanatiling nakapikit ang mga mata nito. "Kyaaahahahahah!" matinis na pagtawa ng itim na makara. "Ikaw ay ubod ng sama!" sigaw niya rito. "Batid ko iyon Aloja. Hindi mo na kailangan pang ipagsigawan iyon. Kung noon pa sana ay ibinigay mo na sa akin ang iyong kapangyarihan ay hindi na sana umabot ang lahat sa ganito. Hindi na sana nadamay pa ang iyong mga mahal sa buha—" Napatigil ito sa pagsasalita nang makita ang nangyayari sa kaniya. Nagliliwanag ang kaniyang katawan. Napakaliwanag na nakasisilaw sa mga mata. Nagkaroon din ng pag-ikot ng tubig sa kaniyang paligid. Lumangoy siya pataas upang ito ay makaharap. "Sa wakas! Makikita ko na ang iyong kapangyarihan Aloja! Kapangyarihang mapapasaakin din!" puno ng kasabikang bulalas nito. Ngunit ilang sandali lamang ay humupa ang pag-ikot ng tubig sa paligid ni Aloja. Nawala rin ang liwanag sa katawan niya na nagpawala sa sabik na sabik na ngiti ng itim na makara. Bigla siyang nanghina at bumulusok ang katawan niya sa may entablado na puno na ng sira. Agad namang lumangoy papunta roon ang itim na makara. "Anong nangyari sa iyo? Bakit hindi mo itinuloy ang paggamit sa iyong kapangyarihan?" puno ng pagkadismayado nitong tanong. Hindi siya umimik ngunit bakas sa mukha niya ang lubos na panghihina. "Hindi pa rin ba kaya ng iyong katawan na gamitin ang iyong kapangyarihan dahil kagagaling mo lamang sa karamdamang inilagay ko sa iyo?" Napatingin siya rito habang nanlalaki ang mga mata dahil natanto nito ang kaniyang pagiging mahina sa mga oras na iyon. Bigla naman itong nakaramdam ng labis na inis. "Kung gayon ay wala ka na palang silbi! Ibigay mo na sa akin ang kapangyarihang iyan at ipapakita ko sa iyo ang tamang paggamit niyan!" Lumangoy ito palapit pa sa kaniya. "Hindi! Kahit ano pa ang iyong gawin, kailanma'y hindi mapapasaiyo ang kapangyarihang ito miski na ang kahariang ito!" matapang sa sagot niya rito. Sumeryoso ang mukha nito dahil sa pagtanggi pa rin niya sa nais nitong mangyari. "Kung gayon ay ang ikalawang plano na ang aking gagawin." Isasaksak na nito sa kaniya ang espadang hawak nito. Napapikit na lamang siya nang mariin dahil batid niyang katapusan niya nang talaga... Subalit ilang sandali lamang ay nakarinig siya na tila may sinaksak ngunit nagtaka siya sapagkat wala siyang nararamdamang kahit anong sakit o saksak sa kaniyang katawan. Dahan-dahan niyang minulat ang kaniyang mga mata at namilog ang mga iyon nang bumungad sa kaniya ang likod ni Uriway. Tumagos ang mahabang talim ng espada sa likod nito at parte pa iyon na malapit sa puso. Hinugot ng itim na makara ang espada nito sa katawan ni Uriway at doon ay tuluyan nang napahiga sa tabi niya ang keledones. "URIWAAAAAY!" Siya'y gimbal na gimbal. Nangatal ang buong katawan niya at namimilog pa rin ang mga mata sa hindi pagkatigagal. Napatingin siya sa dibdib nito at nakita niya roon ang hiwa na gawa ng itim na makara. Patuloy ang pagdurugo niyon na humahalo sa tubig kaya naman napabalik na siya sa kaniyang sarili at lumangoy palapit dito. Tinakpan niya kaagad ng kaniyang mga kamay ang sugat nito. "Di... Diwata..." Lumuluhang tawag nito sa kaniya ngunit nakangiti ang mga labi nito. Bakas doon na masaya ito dahil naligtas siya nito. "M-mabuti naman at... w-walang nangyari s-sa inyo na m-masama..." paputol putol nitong wika dahil sa paghahabol ng hininga. "B-bakit mo ginawa iyon?... H-hindi mo dapat ibinuwis ang iyong buhay para sa akin... " Walang tigil ang kaniyang mga luha na kitang-kita kahit nasa katubigan sila. Umiling ito nang bahagya. "A-ang nais ko sana ay... m-maging kabilang sa inyo... ngunit m-mukhang hindi na iyon m-mangyayari pa..." Puno ng luha ang mga mata nito. "Uriway..." Napapikit siya nang mariin sa pagluha. Inangat nito ang kamay nito at hinaplos ang kaniyang pisngi. "N-ngunit kahit p-paano naman... ay m-mayroon akong n-naitulong sa iyo... Kaya m-masasabi kong H-hindi ako... naging walang silbi..." Nanatili pa rin ang ngiti sa mga labi nito at kasiyahan sa mga mata nito subalit unti-unti ay pumikit na iyon. Nawalan na rin ng lakas ang kamay nitong iyon at tuluyan nang lumupaypay sa sahig. "Hindi maaari ito... Uriway..." Niyakap niya ang katawan nito habang nagluluksang tumatangis. Buong buhay niya ay masasama ang tingin niya sa lahat ng lahi ng mga mostro ngunit dahil dito ay napatunayan niyang mayroong may maputi ang puso kahit na may itim na dugo. Na mayroong mga nais magbago at mamuhay nang payapa at walang sinasaktan na kahit sino o ano. "S-salamat Uriway... M-maraming salamat sa pagliligtas mo sa akin... Hinding-hindi ko ito malilimutan." Hinaplos niya ang buhok nito. "Tsk." pagpalatak ng itim na makara. "Tama na ang makabagbagdamdamin ninyong pagpapaalaman sa isa't isa. Magkikita na rin naman kayo sa kabilang buhay mayamaya lamang." Ngumiti ito nang matamis. Pinukol niya ito ng masamang tingin. Ngumisi ito. "Wala na sigurong susulpot pang muli upang pigilan ang pagkitil ko sa iyong buhay, tama ba ako Aloja?" Masama lamang siyang nakatingin rito ngunit nang may makita siya sa may likuran nito ay panandalian siyang natigilan at siya naman ang napangisi. Napataas naman ang isang kilay nito sa pagtataka. "Iyon ay akala mo lamang," wika niya at doon ay natanaw nito si Bon hindi kalayuan sa kanila na mayroong hawak na isang puniyal. "Hemira!" sigaw nito at saka inihagis ang puniyal na iyon papunta sa puwesto nila. Napalingon ang itim na makara sa likuran nito dahil doon papunta ang puniyal at pagkalingon nito ay si Hemira ang nakita. Nasalo na ni Hemira ang puniyal na inihagis ni Bon saka niya nginisian ang itim na makara. "Mukhang ikaw lamang ang pupunta sa kabilang buhay." Isinaksak niya ang puniyal na iyon sa dibdib nito. Tumagos iyon sa loob ng katawan nito kasama ang kaniyang kamay. Ilang segundo ang lumipas ngunit walang nangyaring kakaiba rito. Natawa ito dahil doon. "Hangal! Hindi ka ba natuto sa mga kawal kanina na nagtangkang humiwa sa akin gamit ang kanilang espada? Kahit gaano pa katalas ang iyong sandatang gamitin ay walang silbi iyon! Tatagos lamang iyon nang tatagos sa aking kataw—" Bigla itong napatigil sa pagsasalita nang makitang naglalaho na sa tubig ang mga kamay nito. Hindi pa rin niya inaalis ang pagkakasaksak ng puniyal niya sa katawan nito at doon ay nagliwanag ang patalim na iyon at kasabay niyon ay ang unti-unting pagkawala na ng katawan nito sa tubig. Sinubukan nitong bumigkas ng mahika ngunit hindi na iyon gumagana kaya puno ng pagtataka at pagkapoot itong napatingin sa kaniya. "Ang puniyal na ito ay kayang pumatay ng kahit ano. Kahit na isang katulad mo." seryosong wika niya saka ngumisi nang mapagtagumpay. "HINDEEE!" sigaw nito habang unti-unting naglalaho at doon ay tuluyan na itong nawala sa tubig. Katahimikan ang namayani sa lahat dahil sa nangyari. Napatingin si Hemira sa hawak niyang puniyal at unti-unting nawala ang liwanag niyon. Napatingin siya kay Aloja na nakatulala rin sa kaniya nang may lubos na paghanga. "N-nagawa mo Hemira. Natalo mo siya," wika nito at nang makabawi na ay ngumiti na nang malawak sa katuwaan. Abot mata ang ngiting iyon. "Natalo niya ang itim na makara." "Napakalakas niya." "Ligtas na ang ating diwata!" "Ibig sabihin ay ligtas na rin ang ating kaharian!" sigaw ng mga makara sa paligid at saka ay naghiyawan sa pagdiriwang ng pagkatalo sa itim na makara.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD