Chapter 12 - Bagsik ng Galit ng Heneral ng Gemuria
*~~Hemira~~*
"Pangahas! Sa tingin mo ba ay madadaig mo ako dahil lamang sa saksak na iyong ginawa sa akin! Nagkakamali ka!" Agad niya akong inatake ng kaniyang espada.
Sinalag ko naman iyon ng aking sandata at hinampas siya ng aking buntot kung saan siya may sugat. Dahil doon ay tumalsik siya.
"GAAAAAAAAAHHHHH!" sigaw niya sa sakit nang magpagulong-gulong sa sahig.
"Maliit lamang na sugat ngunit masyado mong dinaramdam." pang-uuyam ko sa kaniya.
Galit na galit siyang tumayo. "IKAAAWWWWW!" Muli niya akong inatake ng kaniyang espada at umilag naman ako.
Patuloy lamang siya sa kaniyang pag-atake sa akin at patuloy lamang din ako sa pag-ilag ngunit ang huli ay sinalag ko na ng aking espada.
Magkalapit ang aming mga mukha at matalim na nakatingin sa isa't isa.
Muling may kumatok nang malalakas sa pinto.
"Hemira!" tawag nila Neb sa akin.
"Ito lamang ba ang iyong kakayahan? Ang ilagan nang ilagan ang aking mga atake?!" asar na asar na tanong sa akin ni Siduma kaya napatinging muli ako sa kaniya.
"Huwag kang masyadong magmadali. Nagsisimula pa lamang naman tayo." seryoso kong sabi at dahil doon ay higit siyang napikon. Hinampas niya ako ng kaniyang buntot ngunit nakaiwas agad ako at siya naman ang hinampas ko ng aking buntot sa kaniyang mukha.
Tumalsik siya sa may pinto at lumagabog iyon.
"Hemira! Ano nang nagaganap d'yan?! Buksan mo ang pinto sapagkat hindi namin mabuksan ito!" sigaw naman ng isang tinig ng lalaki na parang pamilyar sa akin.
Si Gelim!
"Hemira! Sumagot ka naman upang malaman naming ayos ka lamang!" Umiiyak naman ang tinig ni Anol.
Patuloy sila sa paglagabog sa may pinto at may pagtama pa ng talim ng espada roon na halatang nais na nais na nilang mabuksan iyon.
"Oo, Anol! Ayos lamang ako!" sagot ko sa kanila upang hindi na sila mag-alalang masyado.
"Mabuti naman kung ganoon. Akala ko talaga ay may masama nang nangyari sa iyo!" Si Neb naman iyon at bakas ang labis na pag-aalala sa kaniyang tinig.
"Huwag na kayong mag-alala dahil hindi ang isang mahinang makarang katulad ng babaeng ito ang makalalagot sa aking buhay." paninigurado ko sa kanila.
Tumayo nang muli si Siduma kaya inihanda ko na ang aking sarili sa pagkikipaglaban.
Ngunit nagtaka ako nang bitawan niya ang hawak niyang espada at bumalik ang espada na iyon sa pagiging tubig.
Seryoso lamang siyang nakatingin sa akin. "Pinagbigyan na kita sa iyong laro. Ngayon ay ako naman." Umusal siya ng kung anu-anong mga salita at may lumabas na itim na mahika sa kaniyang katawan na tumungo sa akin.
Iniwasan ko iyon ngunit kumakalat ang mahikang iyon sa tubig hanggang sa maabot na niyon ang aking buntot.
Pinigilan ko ang mapasigaw ngunit sa sobrang sakit ay hindi ko na napigilan pa. "GAAAAAAHHHHHH!" Paakyat nang paakyat ang mahikang itim sa aking katawan.
Tila kinukuryente ako sa napakataas na boltahe.
"Hemira! Bakit ka sumisigaw?! Anong nangyayari sa iyo?! Hemira!" natatarantang sigaw muli ni Neb ngunit may itim na mahika ring pumunta sa may pinto na lumabas sa mga silong niyon at doon ay narinig ko rin ang sigaw nila ni Anol at Gelim.
"Napakasarap sa tenga ng inyong mga sigaw. Tila ba nakadaragdag iyon sa aking kapangyarihan. Gusto kong muling marinig ang inyong nakaaliw na mga tinig," wika ni Siduma at mas lalong nadagdagan ang sakit na aking nadarama.
"GAAAAAAAAHHHH!" sigaw namin.
Tila dinidikdik na nang pinong-pino ang aking mga laman at pakiramdam ko ay sasabog na ako. Tila rin nakatubog ako ngayon sa kumukulong tubig dahil sa nararamdaman kong pagkasunog ng aking balat.
Dahil dito ay nabitawan ko na ang aking espada.
"Magagawa mo nga akong matalo sa labanan ng sandata ngunit hinding-hindi mo matatakasan ang bagsik ng aking mahika!" sigaw ni Siduma at saka tumawa nang matinis. Tawa na tila nagtugumpay siya sa isang malaking laban.
"Sabihin mo sa akin kung nasaan si Aloja!" utos niya ngunit kinagat ko ang aking labi upang hindi makapagpakawala muli ng sigaw ng sakit.
"Hindi mo ibubuka ang iyong bibig?!"
Hindi pa rin ako umiimik. Paniguradong labasan na ang mga litid sa aking leeg at sentido sa pagpipigil ko na mapasigaw.
"Tingnan natin kung hindi mo pa sabihin sa akin ang sagot sa aking katanungan." Umusal siyang muli ng mahika at lahat ng matutulis na bagay na naririto sa silid ay nagsigalawan.
Ikinumpas niya ang kaniyang kamay sa aking direksyon at doon ay lumipad papunta sa akin ang ilan sa mga matutulis na bagay na iyon na siyang humiwa sa aking katawan.
"GAAAAAAAAAHHHHHHHH!" sigaw ko nang muli sa sakit.
*~Tagapagsalaysay~*
Nagpalipad ng mga bato at ilang mga bagay na matutulis si Siduma papunta kay Hemira na siyang humiwa sa iba't-ibang parte ng katawan nito. Pinakanapuruhan ang napakagintong buntot nito ngunit nangibabaw pa rin ang ganda at kislap niyon.
Doon mas lalong napagbigyang pansin ni Siduma ang kaniyang buntot at nabakas ang pagkamangha sa mukha nito. "Ngayong aking napansin ay napakagandang tunay ng iyong buntot. Napaniwala n'yo ako ni Neb na ikaw si Aloja dahil sa kislap niyan pati ang iyong eleganteng mga palikpik ngunit masasayang lamang ang mga iyan sa pagpaslang ko sa iyo. Sana'y ako na lang ang nagmamay-ari niyan." nakangusong sabi nito na tila isang batang naiinggit.
Dahil doon ay ginamit iyon ni Hemira na pagkakataon upang takasan ang mahika nito habang ang atensyon nito ay nasa kaniyang buntot.
Sinubukan niyang kumawala sa itim na mahikang nakabalot sa kaniya ngunit nagsimula na namang kainin ng mahikang iyon ang kaniyang katawan.
"GAAAAAAAHHHHHH!" sigaw niyang muli sa sakit. Tila mapapatid na ang kaniyang litid sa lakas ng kaniyang pagsigaw ngunit hindi mapapantayan niyon ang sakit na lumalamon sa kaniya. Kaunti na lamang ay mawawalan na siya ng ulirat dahil sa dinaranas niyang iyon.
Lumangoy-langoy si Siduma sa kaniyang harapan. "Huwag mo nang subukan pang kumawala sa aking mahika. Mas nakamamatay iyan kaysa sa mahikang inilagay ko kay Aloja. Mas masakit na nanaisin mo nang kitilan na kita ng buhay upang hindi mo na danasin ang sakit na iyan, tama ba ako? Kung sinasabi mo na sa akin kung nasaan si Aloja, sana ay kanina ka pa mapayapang nagpaalam sa mundong ito na hindi dinaranas ang ganiyang sakit."
Nakangisi ito nang mapang-uyam sa kaniya.
Hindi muli siya nagsalita.
Bumuga ito ng hangin sa katigasan ng kaniyang ulo. Muli nitong pinalutang ang mga matutulis na bagay at pinalipad papunta sa kaniya kaya lalong nadagdagan ang hiwa sa kaniyang katawan niya.
"GHHHHH! pilit niyang impit sa kaniyang sigaw. Dumurugo na ang kaniyang mga sugat na kumukulay na sa tubig.
Mas lalo lamang nainis si Siduma dahil hindi siya nagpapatinag sa kahit anong pagpapahirap nito sa kaniya ngunit nang may maisip ay napangiti ito nang matamis. "Oo nga pala, hindi ba't ikaw ang heneral ng mga mandirigma sa kahariang Gemuria? Nakamamangha. Nasa harapan ko ngayon ang isang napakalakas na tao. Kaharian ng Gemuria ang pinakamataas na kaharian sa lupa at ang heneral ng mga tagaprotekta ng kahariang iyon ay akin lamang pinahihirapan ng ganito? Tsk! Tsk! Tsk! Kung ganito na kawalang silbi ang kanilang heneral, maaaring wala ring silbi ang hari at reyna ng kahariang iyon." mapang-uyam nitong sabi na pumanting sa kaniyang pandinig.
Natulala siya sa kaniyang narinig kahit na patuloy pa rin ang pagsakit ng kaniyang buong katawan sa nakabalot na mahika sa kaniya. "A-anong iyong s-sinabi?" Dahan-dahan siyang tumingin dito habang nanlalaki ang mga mata.
"Ang aking sinabi? Alin? Iyong walang silbi ang inyong hari at reyn—"
"LAPASTANGAAAAAAAAANNN!" napakalakas na sigaw niya na dumagundong sa silid at nagpapiksi rito.
Tumibok ang mga ugat sa kaniyang sentido at nagtagis nang madiin ang kaniyang mga bagang.
"HAAAAAHHHH!" Nagwawala na siya sa poot na nararamdaman at pilit siyang lumangoy papunta rito upang ito'y atakihin ngunit binalot lamang siyang muli ng itim na mahika nito. "GAAAAAAAAAHHHHH!" sigaw niyang muli ngunit pinilit niyang tumingin kay Siduma. Napakatalim ng kaniyang tingin dito dahil sa pagpuno ng poot sa kaniyang dibdib.
Nabakas naman sa mukha nito na tinablan ito ng takot dahil sa nakita nitong apoy ng poot sa kaniyang mga mata kahit na nasa ilalim pa rin siya ng mahika nito na patuloy na nakapagbibigay ng matinding sakit sa kaniya.
Tumikhim ito at kumurap-kurap saka ibinalik muli ang tapang sa mukha. "Bakit ikaw ay poot na poot? Wala namang mali sa aking sinabi. Nabalitaan ko rin na binihag ang prinsesa ng inyong kaharian. Naririto ka ba upang sundan ang prinsesang iyon na nasa kamay na naming mga mostro? Payo ko lamang sa iyo, huwag ka nang sumubok sapagkat siguradong isang malamig nang bangkay ang babaeng iyo—"
Napatigil siya sa pagsasalita nang walang anu-ano'y nasa harapan na niya si Hemira at sinakal siya nito.
Napakabilis ng pangyayari na nakawala ito sa kaniyang mahika nang hindi niya nalalaman.
"Acccckkkkkkk!" Sobrang higpit ng pagkakasakal nito sa kaniya at hindi na siya makasinghap ng hangin.
Poot na poot itong nakatingin sa kaniya. "ANG MGA SALITANG IYAAAAN!..." sigaw nito na muling dumagundong sa silid. "KATUMBAS NGAYON AY WALANG KASING SAKIT NA KAMATAYAN!" Mas bumakat ang mga ugat nito sa sentido pati na sa mga kamay dahil nanggigigil na ito nang lubusan.
Takot ang nangibabaw sa kaniyang mukha nang mapatitig siya sa mga mata nito. Nagbago ang mga iyon at hindi na nabibilang sa isang tao kundi sa isang mabangis na nabubuhay. Nagkaroon din ng ilang bakas ng itim na tinta sa balikat nito.
Tumitirik na ang kaniyang mga mata nang malakas siya nitong ibinalibag sa pader na nagkaroon ng malaking barag sa kaniyang pagsalpok.
Nagdugo ang kaniyang noo at napasuka siya ng dugo. Ramdam niya na may ilang nabaling buto sa kaniyang katawan dahil sa pagbalibag nito sa kaniya.
Bago pa man siya makabawi ay nasa harapan niya na ito at sinakal siyang muli. "Accccckkkkk!"
Inangat siya nito sa ere at hindi siya muling makahinga sa higpit ng sakal nito sa kaniya.
Napatitig siyang muli sa mukha nito. Uhaw na uhaw ito sa dugo at pakikipaglaban at handang pumatay nang walang pagdadalawang isip. Ni tila hindi na nito iniinda ang maraming hiwa sa katawan nito na patuloy lamang sa pagdurugo.
Muling siya nitong ibinalibag sa iba pang direksyon na naglikha ng malakas na galabog.
Nagpagulong-gulong siya sa sahig at pahigang tumigil ang kaniyang katawan sa paggulong.
Hindi na siya makagalaw dahil sa malulubhang pinsalang kaniyang tinamo.
Dahil doon ay umusal siya ng mahika at muling lumutang ang mga bagay na matutulis sa loob ng silid. Ikinumpas niya ang kaniyang kamay sa direksyon ni Hemira at lumipad ang mga iyon patungo rito ngunit...
"Contego servo mihi!" bigkas ni Hemira sa isang mahika at ang mga matutulis na bagay na sasaksak sana rito ay naabo na lamang nang dumaplis na sa katawan nito.
Nanlaki ang mga mata niya. "Ika'y isa ring maheya?!"
Hindi siya sinagot nito at pinulot nito ang espadang nabitawan kanina sa sahig. Lumangoy na ito papalapit sa kaniya at siya naman ay napaurong nang napaurong habang nakaupo sa sahig hanggang napasandal na siya sa pinto.
Wala na siyang matatakbuhan pa.
Ngumiti si Hemira at napuno ng pangingilabot ang kaniyang katawan nang makita niya ang ngiting iyon.
Ngiting kamatayan ang hatid sa kaniya.
May humampas muli na kung anong bagay sa may pinto kaya napatingin siya roon.
"Hemira!" Batid niyang hinahampas ni Neb ng buntot nito ang pinto upang makapasok at unti-unti na iyong nasisira sa patuloy nitong paggawa niyon.
"Ang mga katulad mo na pangahas ang dila at hindi batid kung gaano kalapastangan ang mga salitang binibitawan ay dapat nang mawala sa mundong ito," wika ni Hemira na nagdulot ng hilakbo sa buo niyang pagkatao kaya napatingin siya rito.
Napakalamig ng tingin nito at seryosong-seryoso. "Katapusan mo na!" Sasaksa'kin na siya nito sa kaniyang dibdib nang biglang bumagsak ang nasirang pinto.
Namilog ang mga mata nila Neb sa nakita nilang gagawin ni Hemira kay Siduma.
"Huwaaaaaggg!" sigaw nila upang pigilan ito.
Napatigil naman ang babaeng mandirigma sa gagawin nito.
"Huwag mo siyang patayin! Kung papatayin mo si Siduma, mas lalo lamang na matatakot ang mga makara sa inyong mga tao! Siya'y isa pa ring makara Hemira!" pigil ni Neb ngunit itutuloy pa rin ni Hemira ang pagsaksak sa makara.
"Nakalimutan mo na ba kung ano ang ating misyon Hemira?!" sigaw naman ni Anol sa kaniya na nagpatigil muli rito. "Iyon ay ang paaminin si Siduma na siya ang nagbigay kay diwata Aloja ng karamdaman upang malinis ang pangalan ng kaibigan mong Keledones na si Uriway! Hindi ba't iyon ang kabayaran mo sa kaniya sa pagliligtas niya sa iyong buhay!" Lumuluha na ang irik.
"Tama si Anol! Kailangan niyang maparusahan ngunit hindi iyon sa iyong paraan! Iyon ay sa paraan ng aming lahi!" wika naman ni Gelim.
Nanginginig naman sa takot si Siduma habang pinapakiramdaman si Hemira kung itutuloy nito ang pagpaslang sa kaniya.
Doon ay natauhan na si Hemira sa mga narinig at nabitawan na ang espadang hawak saka napaupo na lamang sa panghihina.
Natanto niyang nawalan siya ng kontrol sa kaniyang sarili.
Si Siduma naman ay magbabalak pa sanang tumakas ngunit binugahan siya ni Anol ng itim na tinta sa mukha kaya hindi na nito makita ang pupuntahan. Agad din naman siyang tinalian ni Gelim ng baging na halamang dagat na nakapipigil ng mahika.
Ibig sabihin ay habang nakatali iyon kay Siduma ay hindi nito magagamit ang kahit anong mahikang batid nito.
"Akala mo siguro ay makakatakas ka pa sa lahat ng ginawa mo kay diwata Aloja at kay Hemira pati na sa ating kaharian!" galit na wika ni Anol sa kaniya kahit na nalulungkot ito dahil malapit siya sa puso nito.
Agad na nilapitan ni Neb si Hemira na hinang-hinang nakaupo lamang sa sahig at puno ng hiwa ang katawan. "Hemira ayos ka lamang ba?" tanong niya rito dahil mukhang wala ito sa sarili.
Napansin niya ang unti-unting pagkawala ng ilang itim na tinta sa balikat nito ngunit hindi niya na iyon inintindi pa. "Kailangang gamutin ang iyong mga sugat." Kumuha siya ng mga dahon na nasa kwintas ni Siduma at inilagay ang mga iyon sa mga sugat nito.
Tumigil na ang pagdurugo ng mga iyon ngunit tulala pa rin ito. "Hemira!" panggigising niya sa diwa nito ngunit sa lubusang panghihina ay napasandal na ito sa kaniyang dibdib.
Natigilan siya at napigil bigla ang kaniyang paghinga. Dahan-dahan din siyang napalunok.
Unti-unti ay sinilip niya ang mukha nito. Bakas ang matinding pagod nito roon sa pakikipaglaban at mabigat rin ang paghinga nito.
Miski rin sila nila Anol at Gelim ay mga nanghihina dahil sa mahikang ginamit sa kanila ni Siduma.
Gayunpaman ay binuhat niya si Hemira dahil batid niyang wala na itong lakas upang lumangoy pa ngunit pumalag ito kaya kaniya itong nabitawan sa tubig at tumayo na ito nang sarili. "K-kaya ko ang aking sarili." malamig na sabi nito ngunit napa-upong muli ito at tila ba mawawalan na ng malay kaya naman binuhat na niya itong muli.
"Tara na at tumungo na tayo sa lugar parusahan upang dalhin ang traydor na si Siduma roon. Hinihintay na tayo nila diwata Aloja roon," wika niya at tumingin ito sa kaniya.
"Ngunit—"
"Hayaan mo nang buhatin kita hanggang doon upang makabawi ka ng iyong lakas mamaya at maiprisinta nang maayos ang iyong sarili sa aming diwata." seryosong sabi niya kaya hindi na ito pumalag pa.
Wala na rin naman talaga itong lakas pa sapagkat naibuhos niya ang lahat ng iyon nang mawalan siya ng kontrol kay Siduma sa kanilang paglalaban.
Hawak hawak ni Gelim ang nakataling si Siduma upang hindi ito makatakas ngunit nang may maalala siya ay hinawakan niya ang balikat ni Neb kaya napalingon ito sa kaniya. "Ngayon naman siguro ay maaari n'yo nang ipaliwanag sa akin ang tunay na nangyayari." seryoso niyang wika.
Huminga na ito nang malalim. "Wala na tayong oras kaya naman—"
"Kung gayon, isang tanong na lamang ang iyong sagutin at hindi na ako mangungulit pa." Nakatingin siya nang matiim dito.
"Iyong wikain."
"Ang Hemira kanina na dala ng mga kawal at dinala sa may lugar parusahan, siya ba si diwata Aloja?" Bakas sa mga mata niya ang labis na pagnanais na makuha ang sagot sa kaniyang katanungan.
Huminga muli ito nang malalim. "Oo, siya nga at kailangan na nating magmadaling dalhin ang Sidumang iyan doon upang—"
"Kung gayon ay tayo na." Lumangoy na siya papaalis hila-hila si Siduma na puno ng itim na tinta ang mukha at sumunod na sa kaniya si Anol.
Naiwan naman si Neb na nakanganga dahil sa hindi natapos na pagsasalita. Nang makabawi ay unti-unting nalukot ang kaniyang mukha sa pagkainis."Tsk! Walang modo ang isang iyon ah! Magtatanong-tanong ngunit hindi naman ako patatapusin sa aking sinasabi!" Inis na inis talaga siya ngunit nang mapatingin sa buhat niyang si Hemira ay nakatingin lamang din ito sa kaniya.
Nakaramdam siya ng pagkahiya kaya napaiwas siya ng tingin dito. Namula rin ang magkabila niyang pisngi dahil nakasandal muli ito sa kaniyang dibdib kung saan paniguradong naririnig muli nito ang malakas na t***k ng kaniyang puso. "T-tayo na nga at sundan na sila."
Lumangoy na siya paalis sa silid na iyon buhat si Hemira.
Samantala, sa silid na iyon na kanilang nilisan at kung saan naganap ang labanan nila Hemira at Siduma, isang nabubuhay ang nakasaksi nang lahat ng iyon na hindi napapansin ng kahit sino sa kanila.
Pinulot nito ang isang maliit na piraso na bahagi ng katawan ng malaking kabibe na winasak ni Hemira kanina lamang. Pinagmasdan nito iyong mabuti. "Uhaw na uhaw siya sa dugo,” wika nito.
Binitawan na nito iyon at umalis na roon.
Sa kabilang banda...
~Bon~
"Bakit hindi nagpapadala ng mensahe sila Hemira? Kanina pa ako padala nang padala ng mensahe gamit ang kabibeng mensahero ngunit hindi man lamang sila sumasagot sa mga iyon?! Nasaan na ba sila?! Ilang minuto na lamang ay magsisimula na ang pagpapataw ng parusang kamatayan kina diwata Aloja!" paikot-ikot na aking sabi sa aking sarili.
Napatingin ako kina diwata Aloja na nakatingin lamang sa akin pati na si Uriway. Nakaupo lamang sila sa isang mahabang upuan.
Lumapit ako kay diwata Aloja at lumuhod sa kaniyang harapan. "Diwata, lubos na akong nag-aalala kina Hemira. Kanina pa ako padala nang padala ng mensahe sa kanila ngunit tila ba hindi nila natatanggap ang mga iyon. Ni isang sagot ay wala silang pinadadala sa akin. Paano kung hindi madala ni Hemira sa tamang oras ang traydor na ating hinahanap? Paano kung matuloy ang parusa sa iyo at mapugutan ka ng ulo? Sinubukan ko nang ilagay ang isa sa ating kawal bilang Makasa ngunit hindi pumayag ang makasang papalitan niyon sa aking hininging pabor." dire-diretsong sabi ko.
(Ang MAKASA ay nangangahulugang Makarang Tagaparusa. Ito ang pumupugot sa ulo ng mga makarang napakalaki ng pagkakasala gamit ang malaking palakol.)
"Paano kung sabihin ko na lamang sa lahat na ikaw talaga si diwata Alo—"
"Bon, maghunos dili ka." pagputol ni diwata sa aking litaniya. "Alam kong nag-aalala ka lamang para sa akin ngunit hinihiling ko sa iyo na huwag mo iyong gagawin. Huwag mong sirain ang planong lahat tayo'y nagkasundong sundin. Hayaan mo lamang na dumaloy ang mga pangyayari. Malaki ang tiwala ko kay Hemira kaya dapat ay ikaw rin. Hindi ba't kayo ni Anol ang naging daan upang magtagpo ang landas naming dalawa. Ngayon ay panindigan mo ang bagay na iyon. Wala kang pagsasabihan na ako ang diwata ng karagatang ito." seryoso niyang sabi sa akin.
Napahinga na lamang ako nang malalim dahil sa katigasan ng kaniyang ulo.
Kakaiba talaga itong si diwata Aloja. Kapag siya ay nagbigay na ng kaniyang tiwala sa isang nabubuhay, kaya niyang ipagkatiwala pati ang buhay niya sa nabubuhay na iyon at sa tingin ko naman ay sa tamang nabubuhay napunta ang napakalaking tiwala niya ngunit ang hindi ko lamang maintindihan ay bakit hindi pa sila nagpapadala ng kahit anong mensahe man lamang sa akin.
Mahabang oras na ang lumipas.
Biglang may pumindot sa aking noo at napatingin ako kay diwata Aloja habang nakaluhod pa rin sa kaniyang harapan.
"Nangungunot na naman ang iyong noo." natatawang sabi niya.
Napangiti na lamang ako.
Napatingin ako kay Uriway at nakangiti rin siya ngunit inalis niya agad iyon nang tumingin ako sa kaniya.
Biglang may pumasok sa may pintuan na kawal na aming kakampi. Yumuko ito sa aming diwata. "Mahal na diwata, naririyan na ang mga kawal na magdadala sa inyo sa entablado ng parusahan."
Nanlaki ang aking mga mata at ako'y napatayo. "Ngunit bakit napakabilis naman yata?! Hindi ba dapat ay mamaya pa iyan magsisimula?!"
Mas lalo itong napayuko. "Marami nang makarang manonood ang naiinip at pati na rin ang mga makasa na siyang magpaparusa sa kanila ay minadali na rin ang preperasyon upang patawan na ng parusa ang ating diwa— mali, ang taong nagkatawang makara na si Hemira at ang Keledones na si Uriway."
Tumayo na ang diwata. "Kung gayon, isuot n'yo nang muli sa aking ulo ang telang sako."
Namimilog pa rin ang aking mga matang napatingin sa kaniya. "Diwata!"
Hindi niya ako pinansin at siya na ang kusang nagsuot niyon sa kaniyang ulo. Pinatali niya na rin ang kaniyang kamay sa kawal na iyon at ganoon din si Uriway na mayroon ring telang sako sa ulo.
Dinala na silang dalawa sa entablado.
Higit na hindi na ako mapakali. Lumabas na rin ako ng silid na ito at tumayo sa pinakamalapit na parte sa entablado.
Pinadalhan kong muli ng mensahe sila Neb gamit ang kabibeng mensahero.
"Patayin ang tao at keledones na iyan! Parusahan!" sigawan ng daan-daang makara na nakapalibot sa entablado. Marami ring ibang mga nabubuhay na pangkaragatan ang naririto ngayon upang sumaksi sa pagpaparusang magaganap kina Uriway.
Maraming mga kawal ang nakapalibot sa entabladong iyon upang walang makalapit na mga makara roon.
Sinuutan ang buntot nila diwata Aloja at Uriway ng makakapal na kadena na mayroong malaking bakal na bilog. Iyon ay upang hindi sila makatakas.
Malakas pa rin ang hiyawan ng mga makara rito. Marami sa kanila ang bumato ng kung anu-ano kina diwata Aloja ngunit hinarang naman ng mga kawal na aming kakampi ang mga iyon.
"Sisimulan na natin ang pagpapataw ng kamatayan sa dalawang kriminal na ito ng ating kaharian!" sigaw ng makasa na nasa entablado. Kinuha na niya ang kaniyang malaking malaking palakol na siyang gagamitin upang ipampugot sa ulo nila diwata Aloja.
Naghiyawang muli ang mga makara. Tuwang-tuwa silang tunay sa nagaganap. Ang iba'y naluluha pa sa lubos na kagalakan.
Hindi na ako makahinga dahil sa mga nangyayari.
"Unahin natin ang kriminal na ito na nagngangalang Hemira na siyang nagwakas sa buhay ng ating diwata!" sigaw ng makasa na lalong nagpalakas sa hiyawan ng mga makara.
"Pugutan na ng ulo ang isang iyan!"
"Isang salot sa ating kaharian!"
"Patayin ang taong iyan!" sigaw nang marami.
Hindi maaari ito!
Tumingin ako sa may pintuan ng lugar na ito ngunit wala pa ring dumarating na Hemira.
Nasaan na ba sila?! Nagsisimula na ang pagpaparusa ngunit mukhang hindi pa sila darating!
Nagkaroon ng siksikan at agresibong paggalaw ang mga makara kaya naman napunta ako sa may hulihan. Lumangoy ako paitaas ngunit marami pa rin ang nakaharang kaya naman kakaunti lamang ang aking nakikita.
"Itigil iyan!" sigaw ko upang ipatigil ang pagpaparusang gagawin ngunit walang nakarinig dahil sa lakas ng hiyawan ng mga makara sa paligid.
Walang nais pumansin sa akin.
Paikot-ikot na sa entablado ang makasa at iwinawasiwas nito sa paligid ang hawak nitong palakol.
Ang lakas na ng kabog sa aking dibdib.
"Malaki ang tiwala ko kay Hemira kaya dapat ay ikaw rin. Hindi ba't kayo ni Anol ang naging daan upang magtagpo ang landas naming dalawa. Ngayon ay panindigan mo ang bagay na iyon. Wala kang pagsasabihan na ako ang diwata ng karagatang ito." Muling kong narinig sa aking isipan ang sinabing iyon ni diwata ngunit hindi ako makapapayag na malagay muli sa kapahamakan ang kaniyang buhay.
Kahit ako pa'y parusahan ni diwata Aloja sa gagawin kong pagsuway sa kaniyang utos ay wala akong pakialam, huwag lamang siyang mapahamak at mawala sa aming kaharian muli.
Lumangoy ako at sumiksik sa mga makara makapunta lamang muli malapit sa entablado. Marami ang nagalit sa akin ngunit nakipagsiksikan pa rin ako.
Napatingin ako sa may entablado at nakita ko roon na iwawasiwas na ng makasa ang palakol nito papunta sa leeg ni diwata Aloja kaya naman—
"Diwa—"
BLAAAAAAAAAAAGGGG!
Napakalakas na pagbukas ng pinto ng lugar na ito kaya natigilan ang lahat pati ako at napalingon kami roon.
"Itigil ang pagpaparusa!" sigaw ng isang babae na lalong nagpatahimik sa lahat.