1
WARNING:
Mature content: This story contains graphic depictions of sexuality, violence and strong language. Eighteen years old below are not allowed.
No part or event in this story is derived or copied from real life. This is all work of fiction originally formed in my mind and imagination.
©️All Rights Reserved 2022
TIIM-BAGANG na pinigil ni Kyzer ang mga luha na gustong maglandas sa kaniyang mga mata habang tinatanaw ang paglapat ng dahon ng pintuan sa Emergency Room ng ospital na kinaroroonan niya.
Iyon na lamang ang bukod tangi niyang nagawa nang mga oras na iyan, 'ni hindi na niya kaya pang ihakbang ang kaniyang mga paa, pakiwari niya ay namimigat ang mga iyon.
"Kylie. . . " nanginginig ang boses na sambit niya sa paanas na paraan. "Please, lumaban ka!" dugtong pa niya na hindi na napigil ang maluha.
Ilang sandali siyang natulala sa kinatatayuan habang nag-iisip ng malalim kaugnay sa nangyari kung bakit humantong si Kylie sa ganitong kalagayan. Napailing-iling siya sa isip na napakabilis lamang ng mga pangyayari.
Pagkaraa'y kumilos siya at tiningnan ang kaniyang mga kamay na nagpupulas sa dugo ni Kylie. Nanginginig ang mga iyon at hindi niya mapigilan.
Muli siyang napatiim-bagang at hindi na napigil ang mapahagulhol. Buong buhay niya ay noon lang siya nakadama ng ganoon katinding takot.
Muli siyang tumingin sa Emergency Room. "Please. . ." anas pa niya bago nanlalata na napasandal sa dingding doon sa hallway at padausdos na napaupo.
Ilang sandali rin siyang nanatili sa kaniyang ayos bago kumilos at kinuha ang cellphone sa bulsa upang ipaalam sa mga magulang ang nangyari.
Hawak na niya ang cellphone ngunit hindi niya iyon magawang pindutin upang i-dial ang numero ng mga magulang niya.
Hindi niya alam kung ano ang sasabihin, kung paano ipapaliwanag sa mga ito ang nangyari kay Kylie.
Nagpatuloy siya sa pag-iyak habang tinititigan ang nanginginig na mga kamay kung saan hawak ang cellphone na nang sandaling iyan ay nabahiran na ng dugo sa kaniyang kamay.
Hinawakan niya iyon gamit ang libre niyang kamay upang pigilan ang panginginig niyon.
Napasinghap siya habang napapatiim-bagang nang hindi umubra ang nais niya. Naalala niya ang yosi sa kaniyang bulsa. Binitawan niya sa tiled floor ang cellphone at kaagad na dinukot sa bulsa ang sigarilyo pero nadismaya nang makitang nadisporma na ang stick ng mga iyon. Ganunpaman ay naisip niya na maaari pa ring mahithit ang isa sa mga iyon upang makalma siya. Kinuha niya ang lighter at akmang sisindihan ang isang stick nang sigarilyo nang isang pares ng paa ang huminto sa tapat niya.
"Sir, bawal po ang sigarilyo rito."
Inangat niya ang tingin at nakita ang magandang nurse na nakatunghay sa kaniya.
"Ano?" tanon pa niya bagama't narinig naman niya ang sinabi nito.
"Bawal po rito sa ospital ang sigarilyo, sir," ulit naman nito.
"Puwes, lumayas ka sa harapan ko kung ayaw mo na iyang nasa pagitan ng mga hita mo ang pagbalingan ko para makalma ang sarili ko," wika niya sa mababang timbre ng boses habang nakatitig sa mga mata nito.
Kinakitaan niya ito ng kabiglaan sa mga mata ngunit walang takot o galit na mababakas doon sa kabila ng kabastusan niya.
Hindi ito nakakurap habang nakikipagtitigan sa kaniya. Noon nag-ingay ang cellphone sa kaniyang tabi. Kaagad niya itong dinampot at tiningnan kung sinong tumatawag. Napalunok siya nang makita ang pangalan ng kaniyang ina.
"Patay kang bata ka," bulong niya sa sarili bago sinagot ang tawag.
CHAPTER ONE
NASAPO ni Kyzer ang masakit na ulo. Matindi ang hang over niya buhat sa paglalasing kagabi. Inihimpil niya ang kotse sa gilid ng kalsada upang saglit na mag-yosi sa isip na maiibsan niyon ang nararamdamang pananakit sa ulo.
'Buwisit!' inis na aniya sa kaniyang isip sabay sapo sa noo. 'Heto na naman po tayo Kyzer!' sermon niya sa sarili. Kumuha siya ng sigarilyo at sinindihan iyon tapos ay kaagad na nag-hithit-buga.
Wala siyang choice kun'di pumasok ngayon sa opisina kahit mabigat ang pakiramdam niya dahil madami siyang reports na kailangan matapos sa araw na iyan dahil ilang linggo rin siyang pa-easy-easy.
Isa siyang Intelligence Officer sa Eastland HeadHunters Intelligence Agency. Pribado ang ahensya na ito at may sariling protocol at procedure pagdating sa pagbibigay ng secret intelligence service bagama't malaki ang koneksyon sa lokal na pamahalaan.
Mas pinili niya ang propesyong ito kaysa sa business ng kanilang pamilya. Entrepreneur ang kaniyang ama at isang multi-millionaire pero mas pinili niya ang simpleng pamumuhay sapagkat nasa intelligence profession ang kaniyang puso at wala sa pagnenegosyo.
Napabuntong-hininga siya at akmang ilalagay ang sigarilyo sa ashtray nang matigilan dahil sa babaeng naka-white nun suit na tumayo sa tapat ng car window niya sa mismong driver side kung saan siya nakaupo. Tinted iyon kaya hindi siya nito makikita sa loob.
Inayos nito ang kasuotan at sinipat-sipat ang sarili. Binago-bago ang sariling ekspresyon ng mukha mula sa pagiging inosente, masungit, galit at nakakatawang mukha.
Matatawa na sana siya ngunit napaawang ang bibig niya nang ngumiti ito na animo'y nakikita siya. Bigla ay nakalimutan niya ang nadaramang sakit sa kaniyang ulo habang nakatitig dito. Angelic ang mukha nito at napaka-cute sa pagkakangiti.
Nasa ganiyang ayos siya nang biglang may sumilid sa isip niya na nagpakunot sa kaniyang noo. Parang nakita na niya ito. Pamilyar ang mukha nito sa kaniya.
Saglit niyang kinapa sa isip kung kailan at saan ba niya ito nakita.
'Haist! Bakit parang humihina na yata ang memorya mo, Kyzer?' inis na tuya niya sa sarili nang hindi ito maalala.
Naudlot siya sa pag-iisip at napamata nang kumilos ito at bumuga ng hangin sa tapat ng palad nito upang maamoy ang sariling hininga tapos ay kumindat at ngumiti ulit na wari ba ay sinasabing presko ang amoy ng hininga nito.
Napangiti siya at napailing habang nakamasid lamang sa ginagawa nito.
Kapagkuwan ay dinikdik niya sa ashtray ang sigarilyo bago ibinaba ang salamin ng kaniyang car window.
Natigilan si Sister at hindi nakakibo hanggang sa unti-unti ay mahantad ang kaniyang mukha sa paningin nito. Napatitig ito sa kaniya ganoon din siya rito.
Ngumiti siya sa nun sister na ito nang ganap na maibaba ang car window.
"Hi, Sister, I can definitely help you ensure that your breath doesn't stink, kiss me," preskong utos niya rito na sinundan ng pagkindat ng kaliwa niyang mata.
Tila naman natilihan ito at kaagad na tumalikod. Nagmamadali itong lumakad palayo, na muntik pa nga nitong ikadapa.
"Ops! Ingat ka, Sister, masyado pang maaga para lumuhod ka," makahulugang sabi niya na hindi nito pinansin.
Sinundan niya ito ng tingin hanggang sa makatawid ng kalsada at makapasok sa loob ng simbahan. Kaagad siyang napaantanda ng krus nang noon ay mapagtanto na nasa tapat pala siya ng simbahan.
•••
"MUKHANG malawak ang ngiti natin ngayon, Sea. Inspired? " nakangiting puna ni Naylor sa kaniya nang makasalubong ito sa hallway habang patungo siya sa opisina niya.
Tinawag siya nito sa kaniyang code name imbes na Kyzer.
"Sana lamang ay may maging inspiration ako," sabi naman niya habang patuloy sa paglakad.
Naramdaman niya ang pagsunod nito.
"Sa dami ba naman ng mga babae who are obsessed with you, not one of them has ever inspired you?" nang-aasar na tanong nito sa kaniya.
Huminto siya at nilingon ito, huminto rin ito sa paglakad.
"Paano ba ma-inspire kahit walang babae sa buhay, susubukan ko?" kunwa'y seryosong tanong niya rito.
"Bakit ako ang tinatanong mo?"
"Because you always appear inspired, even though no woman is obsessed with you." Kumindat siya sabay dila rito.
Natamimi ito matapos marinig ang pagbibiro niya pero nanatiling nakangiti bagama't naging manipis iyon kaysa kanina.
Napabuntong-hininga siya at napailing. Pambihira, nag-joke siya pero hindi ito natawa.
"Masakit talaga ang ulo ko," kapagkuwa'y sabi na lamang niya. "Huwag mong seryosohin ang sinabi ko, nagbibiro lang ako."
"Hangover na naman?" nakakunot ang noo na tanong nito.
Nagkibit-balikat lang siya.
Napailing ito. "Si Eynon, nag-aaya mamayang lumabas, tingin ko makakasama ako this time," seryoso nang sabi nito. "Sige na, magtrabaho na tayo." Kaagad itong tumalikod at tinugpa ang exit way ng kanilang detachment.
Napailing siya at napasunod ng tingin sa kaibigan. Palagi itong absent sa gimikan nilang tatlo. Makasama man ay parang katawang-tao lamang naman nito ang naroon at ang isip ay kung saan nandoon.
Ano kayang nakain nito ngayon?
•••
NAPAKISLOT si Kylie nang biglang huminto ang kotse niya, naiidlip na pa naman siya nang sandaling iyan.
"Kuya Mike, ano'ng nangyari?" maang na tanong niya sa kaniyang personal driver.
Nilingon siya nito sa backseat. "May huma—" naputol nito ang pagsasalita nang kalampagin ng isang lalaki ang car door sa side nito sa driver seat.
Tumahip ang dibdib niya. "Kuya Mike, bakit ba?" nababahala nang tanong niya.
"Hindi ko rin po alam, Miss Kylie. Siya ang biglang huminto na hindi man lang nagbigay ng signal kaya bahagya nating nasalpok ang hulihan ng kotse niya."
Napakunot ang noo niya. "Ano!?" wala sa loob na naitanong niya habang iginagala ang tingin sa labas ng sasakyan.
Hindi matao sa lugar na iyon at tila nga walang nakakapansin sa kanila.
"Kakausapin ko ba, Miss Kylie? Baka lalong magalit eh."
"Sandali, tatawag muna ako sa police para mas sigurado tayo." Pigil niya rito.
Tumango lang ito.
Kinuha niya ang cellphone at tumawag sa police hotline.
Muntik pa siyang mapatili nang kalampagin ng lalaking sa labas ang sasakyan sa side naman niya.
Sinubukan niya itong tingnan sa mukha upang kilalanin ang hitsura pero nahirapan siya dahil nakasumbrero ito, sunglasses at facemask pa. Kahina-hinala ang itsura nito.
Sinagot ang tawag niya at kaagad siyang humingi ng saklolo. Kaagad niyang ibinigay ang lokasyon at sinabi ang kasalukuyang sitwasyon.
Bigla ay napatili siya nang mabasag ang salamin ng car window sa side ng driver seat at bago pa man makakilos ang kaniyang driver ay naunahan na ito ng lalaking sa labas ng sasakyan. Kinulata nito ng baril ang kaniyang driver na kaagad na nawalan ng malay.
Natuog siya at hindi nagawang gumalaw kahit pa nga naririnig niya ang boses ng 117 dispatcher sa kabilang linya.
Matapos nitong i-unlock ang car door control ay tinungo nito ang pinto ng kotse sa side niya at binuksan iyon sabay umang ng baril sa kaniya.
"Huwag kang papalag kung gusto mo pang mabuhay," kalmadong banta nito sa kaniya. "Baba," mariing utos nito sa kaniya.
Nanigas siya at nawalan ng lakas sa kinauupuan, 'ni hindi magawang umiyak dahil sa labis na takot habang nakatulala sa lalaki.
Dahil natulala siya nang mga sandaling iyan ay hindi niya nagawang mag-react kaagad nang bigla na lamang ay maalis sa paningin niya ang lalaking ito dahil sa paghila ng estrangherang babae.
Imposible ang puwersa nito at nagawa pang makipagbuno sa lalaking ito sa kabila ng ayos sa puting kasuotan nito. Natigil lang ito nang magawa ng lalaki na itutok dito ang baril na mabilis nitong nakuha matapos mabitawan kanina.
Napataas ang mga kamay ng babaeng ito dahil diyan. Noon naman sila nakarinig ng sirena ng paparating na police mobile. Mabilis na pumuslit pabalik sa sasakyan nito ang lalaki at nagmadaling tumakas.
Noon lamang nanumbalik ang kaniyang lakas nang lapitan siya ng kaniyang tagapagligtas.
"Ayos ka lang ba?" kalmado ang boses na tanong nito sa kaniya. Babaeng-babae ang boses nito, maging ang mga pagkilos ay napakapino, malayong-malayo sa tila bruskong kilos nito kanina.
Hindi niya nagawang tugunin ang tanong nito bagkus ay hinagod ito ng tingin, parang hindi nito ininda ang ginawang pakikipaglaban sa lalaking nagtangka sa kaniya.
Lumapit ang mga pulis kaya umalis ang babaeng ito upang bigyan ng espasyo ang mga ito para mas makalapit at makausap siya.
"Ma'am, ayos ka lang po ba?" tanong ng isa sa mga unipormadong pulis sa kaniya.
Nagawa niyang umiling at sinulyapan ang kaniyang driver na noon ay wala pa ring malay.
Napalunok siya upang alisin ang panunuyo ng kaniyang lalamunan. "K-Kailangan po yata ng driver ko ng paramedic," bagkus ay sabi niya nang makita ang pagdurugo sa sentido ng kaniyang driver.
"Nakatawag na po kami, Ma'am. Sandali lamang po ay darating na ang paramedics," wika naman nito.
"Ma'am, maaari n'yo po ba kaming samahan sa presinto para magbigay ng statement sa pangyayaring ito, at para makapag-pa-blotter na rin kayo," suhestiyon naman ng isa sa mga pulis na ito.
Tumango siya pero kaagad na napagala ang paningin nang hindi na makita sa paligid ang babaeng nagligtas sa kaniya.
Nakadama siya ng panghihinayang, 'ni hindi man lang niya nagawang pasalamatan ito sa ginawang pagligtas sa kaniyang buhay.
Baka kung hindi ito dumating, malamang ay natangay siya ng lalaking iyon at kung saan na dinala.