BOX 03

2019 Words
“HAAA!” Isang mahabang singhap ang kumawala sa bibig ng natutulog na si Alona. Parang nagising siya mula sa mahabang pagkakatulog. Nasaan ako? Madilim ang paligid. Nag-brownout ba kaya madilim ang paligid? May naramdaman siyang kirot sa ulo niya na parang nanggagaling sa loob niyon. Wala siyang matandaan na kahit na ano. Pakiramdam niya ay walang laman ang utak niya. “Mama?” tawag niya sa kanyang ina. Walang sumagot. Muli niyang pinakiramdaman ang paligid. Bakit ganito ang pakiramdam niya? Tila wala na siya sa kanyang kwarto. Pati ang kanyang hinihigaan ay hindi na isang malambot na kama. Parang sa sahig na siya nakahiga. Nahulog ba siya sa kama? Hindi naman siya malikot matulog kaya imposibleng mangyari ang bagay na iyon. Pumikit si Alona at pilit na inalala ang lahat. Hanggang sa may kumirot sa bandang likod niya at doon tila rumaragasang tubig na dumaloy sa isip niya ang lahat. Naaalala na niya! Nasiraan siya ng kotse kaya napilitan siyang maglakad pauwi sa kanyang bahay hanggang sa may isang lalaki na inatake siya. Ibig sabihin ba nito ay na-kidnap siya? Pero sino naman ang gagaw niyon? Kinapa ni Alona ang kinaroroonan niya. Bagaman at medyo kinakabahan na siya ay pilit niyang pinaglalabanan ang takot na nabubuo sa dibdib niya. Hanggang sa may makapa siya. Parang… kamay ng tao! Mabilis na binawi ni Alona ang sariling kamay sa sobrang gulat. “S-sino iyan?” Isang mahinang ungol ang kanyang narinig. Ungol ng isang lalaki! Doon na siya kinabahan. Kailangan na niyang makaalis dito! Eksaktong pagtayo ni Alona ay saka biglang bumaha sa paligid niya ang nakakasilaw na liwanag. Naitakip niya tuloy ang kanyang braso sa mga mata. Unti-unti ay lumamlam ang matinding liwanag. Marahan niyang inalis ang pagkakatakip ng braso sa kanyang mata. Sinanay muna niya ang paningin sa liwanag. At ganoon na lang ang gulat ni Alona nang makita niya ang lugar na kinaroroonan niya. Isang hindi pamilyar na silid at sa sahig ay may mga taong nakahiga! Limang katawan ang naroon. Tatlong lalaki at dalawang babae. Sa bandang kaliwa niya ay may isang napakalaking salamin na halos sakop na ang isang bahagi ng dingding. Mataas ang kisame ng naturang silid. At napakalawak ng floor area niyon. May isang nakasaradong pintuan na yari sa bakal. Nasaan ba siya? Paano siya napunta dito? At sino ang mga taong kasama niya? Patay na ba ang mga ito? Takot na takot na napaatras si Alona. Hindi niya malaman ang gagawin ng oras na iyon. Hanggang sa isa sa mga tao ang gumalaw. Isang lalaki na may malaking katawan at may makapal na bigote. Brusko ang hitsura nito. Tumingin sa kanya ang lalaki at sinapo ang sugat sa ulo. “Nasaan ako? Sino ka?!” Dahil medyo brusko itong magsalita ay natakot dito si Alona. “H-hindi ko alam. N-nagising na lang ako na nandito na—“ “Ahhh!!!” Biglang sumigaw iyong lalaki. “Ilabas niyo ako dito!!!” Sa ginawang iyon ng lalaki ay isa-isa nang nagising ang iba pang tao. Tumayo na ang lahat maliban doon sa isang babae na tila wala pa ring malay na nasa sulok. Iisa lang ang mga tanong ng lahat. Nasaan sila at paano sila napunta doon. Ngunit isang mukha ang kumuha sa atensiyon niya. Isang lalaki na kung tutuusin ay ayaw na niyang makita habangbuhay. Si Mario! Nagtama ang mga mata nila ng lalaki at tinawag siya nito. “Alona?” Lumapit pa ito sa kanya. “A-anong ginagawa natin dito?” “Sa tingin mo ba magtatanong din ako niyan kanina kung alam ko?” pagtataray niya agad dito. Ayaw pa niya itong makita. At sa pagkakataong ito pa niya nakita—sa isang lugar na wala siyang ideya kung anong mangyayari sa kanila. “Alona, sana naman ay mapatawad mo na ako sa nagawa ko sa’yo.” “Mario, wala akong oras para pag-usapan ang mga ganiyang bagay!” At iniwan na niya ito. Nakihalubilo siya sa ibang tao na naroon. Lahat sila ay may pagtataka sa mukha. “Wala po ba sa inyong nakakaalala kung paano kayo napunta dito?” tanong ng isang binatilyo na nahinuha niyang isang estudyante dahil nakasuot ito ng school uniform. Walang sumagot sa tanong nito. Ibig sabihin ay wala silang alam lahat kung bakit sila narito sa lugar na ito. Sa totoo lang ay nababahala na siya kanina pa. Kung anu-ano na ang tumatakbo sa utak niya at puro iyon negatibong bagay. Nagtamang muli ang mga mata nila ni Mario at siya ang unang umiwas. Unti-unti nang sumasakit ang ulo ni Alona sa pag-iisip. Sino ba ang mga taong ito? Bukod kay Mario ay wala na siyang kilala ng personal sa mga kasama niya. At sino ang may kagagawan kung bakit sila nandito? ISANG oras na sa tantiya ni Alona ang nakalilipas. Nanatili silang sa silid na iyon nang tahimik. Wala rin naman kasi silang maisasagot sa kani-kanilang mga katungan. Walang may alam kung bakit sila naroon at kung paano sila napunta doon. Hindi rin nila alam kung anong oras na. Gabi na ba? Umaga? Walang bintana ang silid kaya hindi nila malaman kung anong meron sa labas. Nakilala na rin niya ang mga naroon maliban sa babae na hanggang ngayon ay wala pa ring malay. Si Gio Brill iyong lalaki na brusko, si Jenny Paraiso naman iyong babae na laging nakairap at mukhang mataray at si Arvin Laudit naman iyong estudyante. Kanina ay sinubukan nilang buksan ang pinto pero kapwa iyon naka-lock at walang makapagbukas kahit na ang may pinakamalaking katawan na si Gio. Nais niyang isipin na panaginip lang lahat. Na bigla na lang siyang magigising at nasa kwarto na niya ulit siya. “This is insane!” naiinis na sigaw ni Jenny. Naiinis itong tumayo at humarap sa malaking salamin upang tingnan ang sariling mukha. Napatingin na lang si Alona sa babae habang nakatayo ito sa may salamin. Bumuntung-hininga siya. Aalisin na sana niya ang tingin dito nang bigla siyang may nakita sa salamin. Biglang napatayo mula sa pagkakaupo si Alona. “Nakita niyo ba `yon?” tanong niya sabay turo sa salamin. Lahat ay napatingin sa itinuro niya. “Bakit? Anong nakita mo?” tanong sa kanya ni Mario. “May nakita ako sa salamin. Isang maliit na ilaw na kulay pula!” Luminga-linga siya para hanapin ang kulay pulang ilaw na nag-reflect sa salamin pero wala siyang nakita. Imposible naman na mula iyon sa ilaw sa gitna ng silid. Kulay puti iyon. At isa pa, maliit lang ang kulay pulang ilaw na nakita niya tapos nawala ulit. “Oo nga! Nakita ko rin! May maliit na red light tapos biglang nawawala rin!” ani Arvin. “Dito, dito ko siya nakita.” Itinuro pa nito ang eksaktong part ng salamin kung saan nito nakita iyon. Doon din niya nakita ang kulay pulang ilaw. Kaya naman ang lahat ay tumitig sa itinuro ni Arvin at lahat ay nakumbinse na nagsasabi siya ng totoo nang muling magpakita ang sinasabi niyang ilaw. “So, ano namang meron kung may umiilaw diyan sa mirror? Makakalabas ba tayo dito dahil diyan?” galit na tanong ni Gio. Tumingin si Alona kay Gio. “Pamilyar sa akin ang ilaw na gano’n. Alam kong sa isang video camera nanggagaling iyon. Ibig sabihin lang no’n na may nanonood sa atin sa kabila ng salamin na `yan!” paliwanag ni Alona. Matapos niyang sabihin iyon ay nagulat silang lahat nang hindi na nila repleksiyon ang nakikita nila sa salamin. Doon nila nalaman na isang two-way mirror ang naturang salamin at sa kabila niyon ay may isang babae na nakatayo. Nakasuot ito ng kulay itim na gown at may maskarang itim na parang sa mga masquerade ball. At sa tabi nito ay isang video camera na nakalagay sa camera stand. Iyon nga ang pinagmumulan ng pulang ilaw. Sinasabi ko na nga ba! ani Alona sa utak niya. Agad na nilapitan ni Gio ang salamin at pinagbabayo iyon. “Sino ka?! Ilabas mo kami dito! Hayop ka!” galit na galit na sigaw nito. Hindi man lang natinag ang salamin. “Walang magagawa ang mga kamao mo sa salamin na iyan, Gio,” ani ng babae sa kabilang salamin. Mahinahon at malamyos ang boses nito. “Sino ka? Ikaw ba ang may kagagawan nito?” matapang na tanong ni Alona. “Ako si Miss Black at ako nga ang may kagagawan nito sa inyo, Alona.” “Bakit? Hindi nga kita kilala! May atraso ba kami sa’yo?” “Wala kayong atraso sa akin… Ang gusto ko lang ay maglibang. Magtanggal ng inip.” “Ano bang gagawin mo sa amin? Kidnapped for ransom ba ito? Please, tawagan mo na ang daddy ko! Marami siyang pera! Gusto ko nang umuwi!” mangiyak-ngiyak na sabi ni Jenny. Mataginting na tumawa si Miss Black. “Hindi ko kailangan ng pera, Jenny. Marami na ako niyan. Hindi na ako magpapaliguy-ligoy pa pero ang gusto ko ay makilala niyo ako kahit paano. Uulitin ko… ako si Miss Black. Ako ang succesor ng Human Auction—isang lihim na bentahan ng mga parte ng katawan ng tao o tao mismo. Sa salitang human at auction, alam niyo na naman siguro ang ibig kong sabihin. At `andito kayo para maglaro!” at ngumiti ito. Ganoon na lang ang kilabot na naramdaman ni Alona sa paraan ng pagkakangiti ni Miss Black. “Kung anong laro ito, hayaan niyong ipaliwanag ko sa inyo. Kinuha namin kayong lahat nang hindi niyo alam para may mailagay kaming chip sa utak niyo. Ang chip na ito ay kayang pasabugin ang ulo niyo oras na sumuway kayo sa kagustuhan ko. May lason din kaming in-inject sa katawan niyo kanina bago kayo magising—isang lason na kaya kayong patayin. Ngunit, napakabagal ng pagkalat ng lason na ito. Aabutin ng thirty days bago ito tuluyanga kumalat sa katawan niyo. Thirty days din tatakbo ang laro natin at sa loob ng mga araw na iyon ay magbibigay ako ng pagsubok sa pamamagitan ng cellphone na nasa mga bulsa niyo…” Kinapa nilang lahat ang bulsa nila at mula roon ay isang cellphone ang nakuha nila. Tama nga si Miss Black. “Isa-isa kayong mamatay sa bawat pagsubok hanggang sa tatlo na lang ang matira. Ang tatlong tao na iyon ay ang magkakaroon ng chance na hanapin ang “BOX”. Ang Box ay nakatago sa isang lugar at nasa loob ng Box ang antidote sa lason. Isa lang ang antidote at isang tao lang ang makakakuha niyon. Handa ba kayong magsakripisyo o magiging makasarili kayo mailigtas lang ang sarili niyong buhay?” Halos ayaw paniwalaan ni Alona ang lahat ng sinabi ni Miss Black sa kanila. Ngunit nang kinapa niya ang kanyang ulo ay may sugat siya doon na tinahi. Halatang inoperahan siya. “Bakit mo ito ginagawa?” matapang na tanong ni Alona. “Simple lang… Naiinip lang ako at gusto ko ng bagong entertainment!” At mahina itong tumawa. “Anim kayong lahat at oras na bumukas na ang pintong nasa likuran niyo ay pwede na kayong umalis sa silid na ito at umuwi sa mga bahay niyo. Tatawagan ko na lang kayo kapag magbibigay ng mga pagsubok. Tandaan niyo, bawat isa sa inyo ay may tauhan akong nakabantay. Oras na suwayin niyo ako o may pagsabihan kayong ibang tao, ia-activate ko ang chip sa ulo niyo at sasabog ito!” Nagulat na lang silang lahat nang biglang magwala si Jenny. “No! Hindi ito totoo! Niloloko mo lang kami! This is kidnapped! Kung totoo nga ang sinasabi mo, hinahamon kita, Miss Black o kung sino ka man talaga. I-activate mo ang chip na sinasabi mo and make it explode!” “Hindi uubra dito ang pagiging brat mo, Jenny…” ani Miss Black. At bumalik na sa normal ang salamin. Lahat sila ay nagkatinginan. Lahat ay kinakabahan. Maya maya ay nagulat sila nang biglang bumangon iyong babae sa sulok. Hawak nito ang tiyan nito na may umbok. “A-ang tiyan ko… M-masakit…” anito. Hindi makapaniwala si Alona. May kasama silang buntis sa larong ito ni Miss Black!
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD