Pawis na pawis si Jasmin nang magising. Panaginip lang! Parang totoong-totoo ang lahat. Hanggang ngayon ay malakas pa rin ang kabog ng dibdib niya kahit gising na siya.
Bangungot!
Napausal siya ng dasal dahil doon. Hindi niya kakayanin kung mangyari iyon sa tunay na buhay! Diring-diri talaga siya.
Tumayo siya nang bahagyang makabawi at lumabas ng kanyang silid para uminom ng tubig. Parang ayaw na niyang matulog ulit dahil baka masundan pa ang panaginip na iyon.
Kahit paano ay kumalma si Jasmin matapos siyang makainom ng tubig. Daig pa niya ang hinabol ng sampung aso sa sobrang kabog ng dibdib niya.
Bumalik siya sa kanyang kwarto at muling nahiga ngunit para na siyang tinakasan ng antok. Napatingin siya sa orasan doon. Alas kwatro palang ng umaga.
Pinilit niyang muling makatulog. Baka kasi antukin siya mamaya sa klase.
Ngunit hindi siya pinatahimik ng kanyang panaginip. Sa tuwing pipikit siya ay ang mala-demonyong ngiti ni Nilo ang kanyang nakikita. Tila ba nagbabadya ng ito ng panganib sa kanya.
Kaya ang ending, bumangon na lang siya bandang alas singko upang tulungan ang ina na maghanda ng almusal. Alam niyang gising na ito ng ganoong oras.
"Ang aga mo namang nagising?" nagtatakang tanong ng kanyang mama.
"Binangungot ako, ma. Hindi na ako inantok," sagot niya. Siya na ang kumuha sa kaldero kung saan sila nagsasaing. Kinuha niya ang kaning natira kagabi at inilagay sa isang plato. Pagkatapos ay hinugasan niya ito para salangan ng sinaing.
"Ano ba ang napanaginipan mo?" tila nag-aalalang tanong ng ina sa kanya.
"Wala lang, ma, talaga lang nahirapan na 'ko bumalik sa tulog," pag-iwas niya.
Ayaw niyang bigyan pa ng alalahanin ang kanyang mama. Marami na itong problema sa nakatatandang kapatid niya. Ayaw na niyang dumagdag pa sa iisipin nito.
"Nakakasama mo pa ba iyong Harry na kamag-aral mo?" maya-maya ay tanong nito sa kanya. Nilingon niya ito at nakitang abala ito sa ilulutong agahan at hindi naman nakatingin sa kanya.
"Mabait po si Harry, ma," mahina niyang sagot dito.
"Hindi naman ako nagdududa sa iyo, anak. Alam 'kong marunong kang kumilatis ng tao. Ngunit nagpapa-alala lang ako sa iyo lalo pa at hindi siya kasundo ng kapatid mo," paliwanag nito sa kanya.
"Alam 'kong nag-aalala lang si Kuya sa akin, ma. Pero wala siyang dapat na ipag-alala kay Harry dahil mabait na tao siya."
Doon na siya nilingon ng ina ngunit ilang segundo ring nakatitig lang ito sa kanya. "May tiwala ako sa iyo. Malaki ka na. Alam mo na ang tama at mali. Sana lang ay huwag mong pagsisihan ang mga desisyon mo."
Magsasalita pa sana siya nang biglang pumasok ang papa niya sa kusina. Nagising na pala ito.
"Aba! Ang aga ng bunso ko, ah!" biro nito sa kanya.
Ngumiti siya sa ama at inalok ito ng kape.
Hanggang sa pagpasok ay dala-dala ni Jasmin ang mga sinabi ng ina. Naiintindihan niya ito kung nag-aalala man ito sa kanila. Magulang ito at ang tanging kagustuhan nito ay mapabuti silang magkapatid.
Sabagay, mas mainam na rin siguro na napag-usapan nila iyon ng ina dahil ayaw naman niyang maglihim sa mga ito. Na kahit na pinapaiwas na siya ng mga ito kay Harry ay patuloy pa rin siya sa pakikipaglapit dito.
"You're spacing out," bati ni Harry sa kanya nang sumapit ang breaktime ng araw na iyon. Hindi niya napansin nang tumabi ito sa kanya bench sa ilalim ng puno na paborito nilang tambayan tuwing vacant period nila.
"Ha? Si Amy?" nabiglang tanong niya rito.
"Kasama ni Glen," sagot nito sa kanya. Ang Glen na tinutukoy nito ay ang manliligaw ni Amy.
"Ah... Kanina ka pa?"
"Medyo. Is there a problem?" tinitigan siya ni Harry.
Bigla na naman siyang nailang sa paraan ng pagtitig nito sa kanya. Nanunuot naman kasi iyon hanggang sa kaibuturan ng pagkatao niya papunta sa puso niya.
"Ano na naman 'tong si Harry? Mas lalong hindi na 'ko makapag-isip ng maayos," tanong niya sa isip.
Naiilang na iniwas niya ang tingin kay Harry. "Ba-bakit?"
"Kanina ka pa wala sa sarili," sagot nito na hindi pa rin inaalis ang tingin sa kanya.
"Ah... Iyon ba? Ano, kasi... ang aga 'kong nagising kanina, madaling araw pa lang kaya antok na antok ako," pagdadahilan niya.
Alam niyang may katotohanan naman iyon kaya kahit paano ay hindi pa rin siya nagsisinungaling.
Pero bakit hindi siya makatingin ng deretso kay Harry?
"Hello? Ikaw ba naman ang titigan ng ganoon, hindi ka ba mawawala sa sarili?" depensa niya sa sarili.
Hindi na sumagot si Harry kaya nilingon niya ito. Nakatitig pa rin ito sa kanya pero hindi naman nagsasalita.
"Bakit na-naman gan-yan ka makatingin?" nabubulol na tanong niya rito at muling iniwas ang mga mata kay Harry.
"Nothing."
Hindi na siya nagsalita pa at ganoon din ito hanggang sa matapos ang kanilang breaktime. Magkasabay pa rin silang bumalik sa kanilang classroom. Habang nasa daan ay nakasalubong nila sila Nilo at kasama pa ng mga ito ang kanyang Kuya Jake.
Masama ang tinging ipinupukol ng kapatid niya kay Harry. Samantalang si Nilo ay nakangisi lang sa kanilang dalawa.
"Nandito pala si Jasmin, pare," nakakalokong saad ni Nilo. Hindi rin niya gusto ang uri ng pagsuyod nito ng tingin sa kanya. Naramdaman na lang niya na hinila siya ni Jake papunta sa likuran nito.
"Jasmin, ang tigas talaga ng ulo mo!" singhal sa kanya ng Kuya Jake niya.
"P're, easy ka lang," kunwari ay saway dito ni Nilo. Ngunit alam niyang hindi iyon ang totoong intensyon nito. "Magkaibigan lang naman sila, hindi ba, Jasmin?"
Hindi siya sumagot. Si Nilo naman ay ngumisi lang ulit sa kanya bago binalingan si Harry. "Magkaibigan lang naman kayo, kaya may pag-asa pa 'ko."
Gusto niyang isigaw sa pagmumukha ni Nilo na walang-wala itong aasahan sa kanya. Ngunit pinigila niya ang sarili dahil ayaw niyang muling pagsimulan iyon ng away.
Bukod sa ayaw niyang muling mapahamak ang kapatid niya, alang-alang sa kanilang magulang, ayaw din niyang malagay sa alanganin si Harry.
"Kita mo na, pretty boy? Hindi pa sayo si Jasmin," nang-iinis na saad ni Nilo kay Harry. "Malakas yata ang backer 'ko!"
"Halika na, Harry, huwag mo na silang pansinin," aya niya kay Harry.
Nag-alala siya nang makitang naikuyom na nito ang kamao. Hindi niya hahayaang mapahamak ito dahil iyon naman ang gusto nitong Nilo na ito.
Nakakalokong nagbigay pa kunwari ng daan si Nilo sa kanilang dalawa. Maging ang mga alipores nito ay tumabi rin para makadaan sila. Ngunit ang Kuya Jake niya ay hindi natinag doon at masama pa rin ang tingin sa kanila.
Lalagpasan na sana nila ito nang pigilan siya nito sa braso. "Huwag mo 'kong kalabanin, Jasmin. Layuan mo ang lalaking iyan."
Pinalis niya ang kamay ng kapatid niya at hinila na palayo roon si Harry.
Naiinis siya sa kapatid! Minsan na nga lang siyang kausapin ay pinagbabantaan pa siya nito. Gusto siyang palayuin kay Harry samantalang ito nga ay hindi naman nakinig sa kanya nang balaan niya ito tungkol kay Nilo. At siya pa yata ang masama para rito. Sila ni Harry?
Iniwasan na lang niya na pag -usapan ang tungkol doon at ganoon din naman si Harry. Hindi na rin ito kumibo pa hanggang sa mag-uwian na.
May practice ang basketball team sa araw na iyon kaya alam niyang hindi niya ito makakasabay sa pag-uwi. Dumaan muna siya sa library para isauli ang hiniram na libro noong isang araw. Pauwi na siya nang makita si Harry sa canteen kasama ang ilan sa mga miyembro ng team. Ngunit hindi lang ang mga ito ang naroon. Maging ang mga miyembro ng cheering squad ay naroon din. At siyempre pa, naroon si Sidney at katabi nito si Harry.
Nakaramdam siya na tila may kumurot sa kanyang dibdib nang makitang ngumiti si Harry nang may ibulong dito si Sidney.
Dati ay maramot sa ngiti si Harry pero nang maging malapit silang dalawa ay madalas na siyang ngitian nito. Hindi ba dapat ay maging masaya siya sa pagbabagong iyon ni Harry? Ngunit bakit nakakaramdam siya ng sakit?