Biyernes ngayon at tatlong araw na lang ay pasukan na ulit, ngunit dahil hindi ako nakapag-enroll kanina ay baka mahirapan si mama na hanapan ako ng school na papasukan.
Alas singko na ng hapon, mag-isa akong naglalaro sa sala nang marinig ko na nag-uusap sila mama at lola sa kusina.
Alam kong hindi magandang asal ang makinig sa pag-uusap ng mga nakatatanda, ngunit hindi ko talaga mapigilan ang maintriga. Kaya habang naglalaro ako ay pasimple akong nakinig sa kanila.
“Ililipat mo ba ng eskwelahan ang anak mo, Mira?” Rinig kong tanong ni lola kay mama. Mataas ang kaniyang tono na para bang nabigla.
“Opo Ma, hindi kasi maganda ang school system sa academy na pinasukan nya,” malumanay na sagot ni mama.
“Ayaw na nilang tanggapin ang anak ko, baka raw kuno masira ang reputasiyon ng paaralan nila,” dag-dag pa niya.
Nang marinig ko iyon ay mas lalo akong na-intriga. Tama ang hinala ko na hindi maganda ang naging pag-uusap nila ni Mrs. Valdez.
Pumuwesto ako sa mas malapit na anggulo nila mama at lola, upang mas marinig ko ng maayos ang pinag-usapan nila.
“Tapos may inalok sa akin ang dating maestra ni Alon na si Mrs. Valdez, sabi nya, kaya naman daw niyang gawan ng paraan ang anak ko... alam niyo na, pera-pera na lang,” paliwanag ni mama na ipinagtaka ko.
Tama ako na tungkol sa pera ang pinag-usapan nila, ngunit hindi ko akalain na hindi sila magkakasundo sa bagay na iyon.
“Bakit hindi mo na lang kasi hayaan na huminto iyang anak mo? Tutal, puro panunupil lang din naman ang nakukuha niya sa eskuwelahan,” suhestiyon ni lola na mariing tinutulan ni mama.
“Hindi ho pwede, Ma,” aniya.
“Sa panahon ngayon importante na may pinag-aralan ka, ayaw ko naman ho na lumaki ang anak ko nang wala siyang pinag-aralan,” paliwanag niya. Sandaling nagkaroon ng katahimikan sa pagitan nilang dalawa, bago iyon basagin ni lola.
“Kung gayon, iuwi mo na lang doon sa atin bayan, sa Lumban, doon mo na lang pag-aralin at nang makatulong din ng lolo niya sa pagbubukid,” suhestiyon muli ni lola.
Sa pagkakataon na ito ay hindi ko na napigilang sumilip sa kanila, kaya nakita ko ang pagtigil ni mama sa paggagayat ng gulay. Tumingin siya kay lola kaya napatigil din ito sa kaniyang ginagawa.
“Ma... hindi ho puwede ang gusto niyo, walang kinabukasan doon si Alon!” pagtutol ni mama. Mataas ang ang tono ng boses niya, dahilan upang mapatingin sa kaniya si lola.
“Hindi maayos ang education system sa Lumban, kulang-kulang ang mga facility, hindi katulad dito sa Calamba.”
“Aba, Teka nga, Mira! Anong gusto mong ipagpalagay? Na nagiging makasarili ako? Nagsusuhestyon lang naman ako, ah!” bulalas ni lola.
Isang malalim na buntong-hininga ang pinakawalan ni mama, pagkatapos ay dahan-dahan siyang nag-angat ng tingin kay lola.
“Heto na naman tayo, Ma! Ang sa akin lang naman, mas okay kung dito na lang mag-aaral ang anak ko, dahil—.” Hindi na naituloy ni mama ang sasabihin niya dahil biglang sumingit si lola.
“Dahil, ano? Sa trabaho mo?” aniya.
“Sinabi ko na naman kasi sayo... tigilan mo na ang trabaho mong iyan! Ipapahamak mo lang ang sarili mo at ang anak mo sa ginagawa mo!” anas ni lola. Malakas at may diin ang boses niya.
“Ano ba naman iyan, Ma! Ito na ho ang buhay na pinili ko, ang pinili namin ng asawa ko. Kaya ano man ang mangyari, ipagpapatuloy ko ang nasimulan naming mag-asawa!” hagkis na sagot ni mama.
Bawat salitang binitawan niya ay ramdam ko ang bigat, at pakiramdam ko ay para bang ako ang kausap niya. Katulad kasi ni lola, gusto ko rin na itigil na niya ang trabaho niya.
"Sige, kung iyan ang pasya mo. Gawin mo kung ano ang gusto mong gawin, hindi na ako magugulat kung isang araw—."
“Tama na, Ma!” singhal ni mama na umalingawngaw sa buong pasilyo ng bahay.
Dumaloy sa buong katawan ko ang magkakahalong pakiramdam: kaba, takot, at pagkabigla, kaya hindi ko malaman kung ano ang dapat kong gagawin.
Lalapit ba ako sa kanila para patigilin sila sa pagtatalo, o tatakbo na lang ako sa kuwarto upang hindi ko na lang sila marinig.
“Pakiusap, Ma. Tumigil na ho kayo!" huling salita na narinig ko mula kay mama, dahil mas pinili ng mga paa ko ang tumakbo sa kuwarto.
Natabig ko pa ang paso sa istante kaya nahulog ito sa sahig at nabasag, ngunit hindi ko na iyon inalintana. Dumiretso lang ako sa kuwarto ko, sinarado ko ang pinto at nagtalukbong ng kumot sa kama.
Maya-maya ay may kumatok sa pinto. Hindi ko na kailangan pang tignan kung sino iyon dahil alam ko naman na si mama iyon.
Marahil ay dahil sa pagkakabasag ng paso. Sigurado ako na alam na niyang narinig ko ang mga pinag-usapan nila ni lola.
“Alon, anak... nandiyan ka ba?” usap ni mama mula sa likod ng pinto.
Halos hindi marinig ang boses niya, parang isang sapa na malumanay nang umaagos matapos ang pagragasa ng isang bagyo.
“Pasensya na kung napagtaasan ko nang boses ang lola mo—mali ako, hindi ko dapat ginawa iyon,” sambit niya.
Habang pinakikinggan ko ang malamig niyang boses, tila ang kaniyang mga salita ay umaabot sa kaibuturan ng aking puso. Subalit wala na akong lakas para makipagpalitan ng mga salita sa kaniya, ni hindi ko na magawang ibuka ang labi ko.
Parang inulanan na rin ang mukha ko, dahil sa walang hintong pag-agos ng mainit na likido mula sa aking mata. Naging pamunas ko sa aking luha ang kumot na nakabalot sa aking katawan. Wala akong tigil sa paghikbi, hanggang sa unti-unti na akong nawalan ng boses at nakatulog.
Madilim na nang imulat ko ang aking mga mata, natuyo na rin ang mga luha sa aking mukha. Bukas ang bintana kaya dumadampi sa aking balat ang malamig na simoy ng hangin mula sa labas.
Bumangon ako at bumaba sa aking kama, at pakiramdam ko ay gumising ako sa ibang mundo. Marahil ay dahil sa aking malalim na pagkakatulog.
Humakbang ako papunta sa pinto, bubuksan ko na sana ito nang bigla kong naalala ang nangyari kaninang hapon.
Nagkuli ako kung dapat ko bang buksan ang pinto o hindi, binitawan ko ang doorknob at napaatras ng dalawang hakbang at sandaling nag-isip. Parang hindi ko yata kayang makipag-usap kila mama at lola, o kahit makita man lang sila.
Kaso naisip ko rin na kapag hindi ako lumabas, baka isipin naman nila na may kung ano na akong ginawa. Muli akong humakbang pabalik, dahan-dahan kong binuksan ang pinto at lumabas.
Tahimik akong naglakad patungo sa komedor, nang makarating ako doon ay naabutan ko sila mama at lola na naghahanda ng pagkain sa hapag. Agad silang napukaw ng presensya ko, napatigil sila sa ginawa at natuon sa akin ang pansin.
“Alon, anak! Gising ka na pala!” bungad na lita ni mama.
Para akong natutunaw na kandila sa aking kinatatayuan, dahil hindi ko na naman mapigilan ang pag-agos ng mainit na likido mula sa aking mata na akala ko ay naubos na.
Nanakbo ako patungo sa dako ni mama, at habang papalapit ako sa kaniya ay sumasaboy sa hangin ang mga butil ng luha ko.
Nang Marating ko siya ay mahigpit akong yumakap sa kaniya, habang binibigkas ang mga salitang, “P-patawad p-po, Ma!” utal-utal dahil sa mga paghikbi.
“M-mahal na m-mahal po kita!” Hinayaan ko na lang ang aking mga salita na lumabas sa aking bibig nang naaayon, mga salitang matagal ko nang gustong sabihin sa kaniya.
“M-magbabago na po a-ako, m-agiging m-masunurin na po ako a-at magiging masipag na po ako sa pag-aaral!” sambit ko.
Patuloy na umagos ang aking mga luha, at nagsilbing pamunas ko ang damit ni mama dahil sa pagkakasubsob ng aking mukha sa kaniyang tiyan.
Nang bumitaw ako sa pagkakayakap sa kaniya, ipinantay niya sa akin ang kaniyang sarili at hinawakan ang aking mukha. Pinahid niya ang mga luha sa aking pisngi gamit ang kaniyang hinlalaki, parang paintbrush na humahagod sa sarili nitong lona.
“Ikaw talaga!” aniya, sabay pagpatak ng butil ng luha sa kaniyang pisngi.
“Mahal din kita!” mahina at marahan niyang sabi. “Hindi mo kailangan magbago, hindi mo kailangan baguhin ang sarili mo, anak!”
Unti-unting humihina ang kaniyang boses sa bawat salitang lumalabas sa kaniyang labi, ngunit nauunawaan ko ang nais niyang iparating.
Hanggang sa tuluyan nang masira ang pundasyon sa kaniyang mata, dahilan upang makawala ang mga luha na naipon sa kaniyang ibabang talukap.
“Mahal kita hindi lang dahil sa anak kita... mahal kita bilang ikaw!” bulong niya sabay turo sa aking puso.
Nang marinig ko ang mga salitang iyon mula sa kaniya, isang sulyap ng liwanag ang sumilay sa aking mga mata. Para akong dinalisay sa lason na nagpadilim sa aking puso.
Kinulong niya ako sa kaniyang bisig— ang pakiramdam na makahanap ng masisilungan sa gitna ng ulan, ganoon ko ito mailalarawan.
“Tigilan na nga ninyo ang pagdadramahan!" pagsingit ni lola.
Pinakawalan ako ni mama mula sa kaniyang bisig at pinahid ang sariling mga luha, kasabay ang mga paghikbing hindi maitago.
“Pumarito na kayo, baka lumamig na itong pagkain,” dag-dag pa ni lola.
Bumaling kami sa kaniya ng tingin at napagtanto ang kaniyang matang nalulunod na rin sa luha.
“Sige po, Ma! Sabay-sabay na tayong kumain!” anas ni mama. Tumayo siya at inakay ako papunta sa hapag at sabay-sabay na pinagsaluhan ang inihanda nilang pagkain.