Kabanata 2

1605 Words
Nang mga sumunod na araw ay naging mas malapit kaming tatlo nila mama at lola sa isa’t isa, at ginugol namin ang aming oras na magkakasama. Para akong preso na nakatakas sa bilangguan—masayang sinasamantala ang bawat araw at oras na kasama ang mga mahal ko sa buhay. Sa ngayon ay masasabi kong ito na yata ang pinakamasayang mga araw ng buhay ko, kung puwede nga lang sana ay huwag na itong matapos. Ngunit alam ko naman na ang oras ay patuloy na umuusad, at gumagawa ng mga pagbabago sa paglipas ng panahon. Dahil ganiyan naman ang ikot ng buhay; walang permanente, lahat ay posibleng mag-iba at magiba. Lunes ngayon, at sa araw na ito ang simula ng bagong taon ng pasukan. Gaya ng napag-usapan namin ni mama, sa public school na lang niya ako ipinatala. Maaga akong ginising ni mama upang hindi ako mahuli sa unang araw ko sa klase, kaya bago mag-alas otso ay nasa school na kami. Naglalakad na kami ngayon sa hallway ng school patungo sa aking classroom. Sa totoo lang, wala naman itong pinagkaiba sa private school na pinanggalingan ko, parang mas maganda pa nga ito kung tutuusin, at hindi hamak na mas malawak. Sa kaliwang bahagi ay may malawak na courtyard, habang sa kanan naman ay may covercourt. At mukhang disiplinado rin talaga ang mga estudyante dahil malinis ang kapaligiran, at higit sa lahat walang mga tambay. Napapaisip tuloy ako kung talagang public school ito. Ilang saglit pa, huminto kami sa tapat ng isang classroom. Marahil ay ito na ang hinahanap namin. “Uhmm, excuse me. Dito po ba ang room ng grade 4, section sampaguita?” magalang na tanong ni mama sa babaeng gurong abot bewang na ang buhok. “Opo,” tugon nito. “Siya po ba yung transferred student?” tanong niya, at itinuro ako. “Opo ma’am,” sagot ni mama. “Amelia Espiritu,” pagpapakilala ng guro, sabay lahad ng kaniyang kamay. “Ako ang maestra sa section na ito.” Tinanggap ni mama ang kamay nito at nagagalak na nakipagkamay. “Magandang umaga po ma’am Espiritu,” bati niya. “Almira Foster po.” “Magandang umaga din,” pagbati ng guro pabalik kay mama. “Ikinagagalak ko na makilala ka.” “Ikinagagalak ko rin na makilala po kayo,” anas ni mama. “Wala na naman po akong dapat asikasuhin, ano po?” tanong niya. Tumango ang guro bilang pagsang-ayon. “Oo,” sagot niya. “Kung gayon ay maiwan ko na po sa inyo itong anak ko,” sabi ni mama. Hinawakan niya ako sa ulo at hinimas ang buhok ko, bagay na madalas niyang gawin upang ipaalam sa akin na wala akong dapat na ikabahala. “Sige, ako na ang bahala sa kaniya,” nakangiting sambit ng guro na ngayon ay tatawagin ko nang ma'am Espiritu. Ipinantay ni mama ang kaniyang sarili sa akin, at inayos ang aking buhok. “Ipapasundo na lang kita sa pag-uwi mo, ha?” bulong niya sa akin, at binigyan ako ng isang halik sa noo. “Sige po, Ma,” tugon ko, at binigyan din siya ng isang halik sa pisngi. “Magpapakabait ka, ha? Huwag kang matakot makipagkaibigan dahil hindi na ito ang dating mundo mo,” paalala ni mama. “Sige na, pumasok ka na sa loob, hinihintay ka na ng mga kaklase mo.” Bago umalis si mama ay yumakap pa ako ng mahigpit sa kaniya, pagkatapos ay inakay na ako ni ma'am Espiritu sa loob ng class room. Nakatayo ako sa tabi ni ma’am, at nakararamdam ako ng hiya dahil lahat sila ay nakatingin ng diretso sa akin. Sinusubukan kong waksiin ang kaba sa aking dibdin, ngunit kahit anong isipin ko ay hindi pa rin ito mawala. “Okay class, listen!” wika ni ma’am Espiritu. “Magkakaroom kayo ng kaklse na transfered student, at inaasahan ko na maging mabait kayong lahat sa kaniya.” “Nagkakaintindihan ba tayo?” tanong niya na agad naman sinagot ng mga estudyante niya. “Opo, ma’am!” sabay-sabay nilang sabi. “Magpakilala ka sa kanila, anak," utos sa akin ni ma'am Espiritu, kaya dahan-dahan kong umabante at tumayo ng diretso. “K-kamusta kayo?” aniko, utal-utal dahil sa kaba. “A-ako si Wave... Wave Foster. Siyam na taong gulang, ikinagagalak ko na makilala kayo,” matipid kong pagpapakilala. “Ang ganda naman ng pangalan ni Wave, sobrang makabuluhan!” nakangiting sabi ni ma’am Espiritu. Lalo tuloy akong nahiya. “Batiin niyo rin siya, class!” saad pa niya, gayon naman ang ginawa nila. “Ikinagagalak kitang makilala, Wave!” masaya at sabay-sabay na sabi ng ilan, habang ang iba naman ay nagsabi lamang ng isang maikling, “Kamusta!” Magulo, maingay, ngunit masaya silang lahat na bumati sa akin, kaya... natutuwa ako. Ngayon lang kasi ako nakaranas ng ganito—mabati na para bang tanggap nila akong lahat. “Maaari mong okupahin ang upuan na iyon, anak,” anas ni ma'am Espiritu, nang nakaturo sa bakanteng upuan sa tabi ng isang batang babae sa harapan. Imbis naman na sa upuan ako tumingin, sa batang iyon napadpad ang aking mga mata. Nagkataon pa na nakatingin din ito sa akin, kaya nagtama ang aming mga mata. Nakakahiya, kaya agad kong inilihis ang aking paningin—yumuko ako upang itago ang aking mukha, at dahan-dahan na lumakad patungo sa upuan at umupo doon. Medyo naiilang lang ako, pakiramdam ko kasi ay ang daming mata na nakatingin sa akin. Salamat at agad na rin naman nag-umpisang magturo si ma’am Espiritu, kaya sa kaniya ko na lang itinuon ang aking pansin. Sa dalawang oras na lumipas ay wala akong ibang ginawa kundi ang makinig at magsulat, bagama’t palihim kong inoobserbahan ang mga bagay-bagay. At base sa aking obserbasyon, wala naman ditong pinagkaiba ang sistema ng pagtuturo sa private school. Bawat asignatura ay may iba’t ibang guro na nakaatas upang magturo, ang unang pinag-aralan namin ay Filipino na siyang nakaatas kay ma’am Espiritu. Recess na, ngunit mas pinili kong huwag umalis sa aking upuan, naiilang pa rin kasi ako sa aking mga kaklase. Ang iba sa kanila ay sobrang ingay, ngunit sa oras ng klase lang iyan ng ikalawa naming asignatura. Marahil, sadyang takot lang sila kay ma’am Espiritu. Nakasilip ako sa bintana, naghihintay na matapos sa oras ng recess, nang maya-maya ay may biglang kumihit sa aking balikat. Dahan-dahan kong ipinihit ang aking ulo—yung batang babae na katabi ko, siya ang kumuhit sa akin. Nakangiti siya sa akin na, tapos inalok sa akin ang kinakain niyang wafer. “Gusto mo?” tanong niya. Lumipat ang tingin ko sa wafer—isang ipiraso na lang ang laman nito, kaya napatanong ako sa aking sarili. Seryoso ba siya? Pagkinuha ko iyan baka sabihin niya ay patay gutom ako. Ibinalik ko ang aking tingin sa kaniya. Handa na sana akong magsalita, ngunit bago pa man ako makapagsalita ay nagsalita na siya. “Ah, oo nga pala!” aniya, at inilahad ang kaniyang kamay. “Ako si Athena,” pagpapakilala niya sa kaniyang sarili. Ang kaniyang aksyon ay nagpapaalala sa akin sa isang tao mula sa dati kong paaralan na nam-bully sa akin. Baka may masama din siyang balak sa akin, kaya tinanggihan ko ang kamay niya at ngumiti na lang pagkatapos ay nag-iwas ng tingin. Ngunit muli niya akong tinanong. “Hindi ka ba magre-recess?” “Baka magutom ka,” dagdag pa niya, kaya ibinalik ko ang aking tingin sa kaniya. “Busog pa ako,” aniko, mahina ang boses ko, sapat lang upang siya lang ang makarinig. “Salamat na lang sa pag-aalala,” dagdag ko pa. Ngumiti siya ngunit agad niyang ikinubli ang kaniyang mukha, para bang pilit niyang itinatago ito sa akin. Naguguluhan ako sa kaniya, ngunit ipinagkibit-balikat ko na lang ito. Hinintay ko siya, dahil baka may sasabihin pa siya sa akin. Ngunit ilang segundo na ang lumipas, ngunit ikinukubli pa rin niya ang kaniyang mukha. Nagpakawala ako ng buntong-hininga. Pinagtitripan ba ako nito? Tapos biglang may sumulpot na tatlong batang lalaki sa aking harapan, at hinampas ng isa sa kanila ang armchair aking. Habang ang kalapit ko naman ay napahiyaw sa gulat. Tumingin ako sa kanila at isa-isa silang kinilatis; itong dalawa na nasa likod ay halatang takot, tapos itong nasa gitna na parang lider nila, halatang matapang lang dahil may kasama. “Matapang ka ba?” nakangising tanong sa akin ng nasa gitna, akala mo naman ay natatakot ako sa kaniya. “Labanan mo nga ako kung matapang ka!” saad pa nito. Sabagay... magandang simula iyan upang takutin ang kalaban mo, kaya nga lang sa akin ay hindi iyan uubra. Itinaas pa nito ang manggas ng damit niya, nagpapakita siya ng muscles, sa tingin ko? Wala naman kasi akong nakikita. “Hoy, Eugene!” pagsingit ng aking katabi, si Athena. “‘Di ba sabi ni ma’am, maging mabait sa kaniya?!” bulalas niya. Napatingin ako sa kaniya, at base sa nakikita ko ay walang bakas ng takot sa kaniyang mukha. Ibig sabihin, kung ang isang babae na tulad ni Athena ay hindi natatakot sa kanila, sapat na itong ebidensya para malaman ko na hindi talaga sila mapanupil. “Pasensya na, hindi kasi ako mahilig makipag-away,” saad ko, tapos tumayo at nakipagpantayan sa kanila ng laki. “Ngunit handa naman akong lalabanan ka... kung kinakailangan,” hamon ko, malalim at nagbabanta ang aking tono, dahilan upang mapaatras sila. “Huwag mo nang pansinin ang mga iyan, Wave,” anas ni Athena. Hinawakan niya ako sa aking braso, senyales upang ako ay tumigil. “Mga duwag naman ang mga iyan,” dagdag pa niya, na ikinagalit naman ng tatlo.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD