Tatlong oras na ang nakakalipas. Hindi pa rin natatapos ang pagpapalakas ng harang ng Paraiso. Naiinip na rin si Nuie. Ang babaeng `to parang laging naninibago sa tagal ng proseso.
“Ilan na ba ang mga bagong silang dito sa Barangay 48?” pinagmamasdan niya ang mga batang nagsasanay kasama ang mga binatilyo. Tinuturuan nila ang mga ito ng mga basic sa self-defense. “Parang hagdan na ang mga bata oh! Haha!”
“Hindi ko alam. Itanong mo na lang sa mga namumuno ng bawat barangay. Magce-census ka ba?”
“Tsk! Animnapong barangay ang bumubuo sa Paraiso. Kung taon-taon ay mayroong pinapanganak nasa sampung bata…” Sandali siyang natahimik. Nag-kwenta yata siya sa isipan niya. “Lee! kailangan na ng family planning ng mga evacuees! Kahit malawak itong Paraiso makukulangan din tayo sa pagkain at mga pangunahing pangangailangan.”
“Magagawan iyan ng paraan. Marami naman tayong mga ari-arian sa iba’t-ibang panig ng bansa. Dalhin na doon ang ibang evacuess.”
“Tama ka naman doon. Pero sana dumating na iyong panahon na wala nang katatakutan ang mga mamamayan dito. Sana ay hindi mapalitan ng lungkot ang mga ngiti nila.”
Kahit ako ay ganoon din ang gabi-gabi kong hinihiling. Sana ay bigyan kami ng Panginoon ng sapat na lakas pagdating ng pagtutuos.
Lumapit sa amin ang mga bata. Kumakain ang mga ito ng ice candy. “Para po sa inyo!” Inabot kay Nuie ng kalbong bata ang dalawang piraso ng ice candy. Kulay berde ito. “Pandan flavor `yan, Ate. Gawa ng nanay ko po.”
“Salamat! Tapos na ba ang inyong pagsasanay?” Inabot sa akin ni Nuie ang isa. “Anggagaling niyo ah!”
“Opo. Talaga po?” sagot ng babaeng nakatiristas ang buhok. “Idol po namin si Master Raahn. Anggaganda po ng mga Euvettarius sa Personal. Dati kasi sa mga munumento lang namin sila nakikita.”
Ang mga bayani ng Paraiso. Nakakatuwa ang mga batang ito. Ginagawa pa nila ang pose ng Euvittarius.
“Kayo ay magsanay mabuti ha?” Bilin ko sa mga ito. Mukhang masigasig nga sila. “Paglaki niyo baka sina Raahn na ang magsanay sa inyo. Gusto niyo ba iyon?”
Magiliw na sumagot at nag-okay ang mga ito. Kasabay pa ng pagtalon-talon. Ang mga mandirigma ng hinaharap. Naki-usosyuso na rin ang mga bata sa ginagawang ng mga Guardians. Ginagaya-gaya pa ng mga ito ang mga postura nila.
Biglang natawa si Nuie.
“Bakit?”
“Naalala ko si Brigitte. Ganitong-ganito rin siya noong bata pa siya. Ginagaya niya ang stance natin. Akala pa niya ay singbilis siya ni Neon. E binabagalan lang ni Neon ang pagtakbo niya para maabutan siya ni Brigitte.”
Siya lamang ang Guardian na masasabi kong pinalaki talaga namin. Kahit noong unang beses siyang nagkaroon ng dalaw sobrang panic nina Neon at Lyle dahil sa gitna ng pagsasanay ay umatungal siya ng iyak.
“Tanggap na kaya niya ang kapalaran natin?”
“Wala siyang pagpipilian. Dahil iyon ang kailangang maganap.”
“Nag-aalala ako. Ngayong mayroong isa pang Itinakda, paano kung hanapin din niya?”
“Malalaman naman natin. Sa ngayon, hindi ko iniisipin ang ikalawang Itinakda. Baka isa lamang iyong patibong upang maging kampante tayo.”
“Pero pinapahanap mo siya.”
“Para makasigurado tayo dahil kung mauunahan tayo ng kalaban ay magiging katapusan na ng mundo.”
“Ano na kaya ang itsura ng salot ngayon `no?”
“Malapit na. Nararamdaman kong malapit na natin siyang makaharap.”
Dumating sina Eirol at Mille sakay ng motor. Angkas ni Eirol si Haiku samantalang sina Ulap at Zeo ay nakaangkas kay Mille.
“Anglawak po ng Paraiso! Saka angbabait ng mga tao.” Bulalas ni Zeo. “Nakita po namin si Ate Rich. Nakikipaglaro sa mga nakakatanda.”
“Anong laro?” Usisa ko naman. Pero may hinala na ako kung ano.
Natawa si Mille.
“`Yong baraha po,” sagot ni Ulap. “Master, hindi sila ordinaryong tao. Ano po? May nakikita kasi akong kakaiba sa kanila.”
“Anong kakaiba?” tanong ni Haiku. “Nakita ko lamang ay iyong liwanag na bumabalot sa kanilang tirahan.”
“Ang tinutukoy niyo ba ay iyong mga nakatatanda sa malapit sa b****a?”
Tumango si Eirol. “Oo. Sa Barangay Fifteen. Ang tatlong matatanda ang kalaro ni Rich.”
Hindi lamang sila mga ordinaryong evacuees. Mga hunters rin sila tulad ng Euvettarious. Subalit gawa ng katandaan ay kinakailangan na rin nilang manatili dito sa Paraiso. Siguro ay higit libo na ang mga napatay nilang halimaw.
Napansin ko ang matamang panonood ni Haiku sa mga Incognito. Kumuha siya ng bato. Initsa niya ito sa barrier. Namangha siya ng tumalsik ito pabalik sa kanya.
Inulit niya pa ito. Tumilamsik ulit ang bato. Nangolekta siya ng maraming bato. Sa kanyang kaliwang kamay ay nagbibilang siya. Tatlong Segundo? Sa bawat tatlong Segundo ay binabato niya ang barrier. Anong ginagawa niya?
Nagulat ang mga Incognito nang sa panglimang bato ay lumusot ito sa barrier. Ganun rin ang mga sumunod pa.
“Haiku....”
Nagtataka itong tumingin sa akin.
“Anong ginagawa mo?”
Umiling siya. “Hindi ko po alam. Basta parang may nagasabi sa akin na batuhin ko ang barrier kada tatlong Segundo.” Naiiyak nitong lahad. Napahawak siya sa ulo niya. “Aray! Master! Marami ang mamamatay! Dadanak ang dugo sa Paraiso!” Napapasigaw na siya sa sakit.
“Nuie! Ang mga bata!” agad inilayo nina Nuie ang mga bata. Itinutok ko kay Haiku ang aking kanang kamay. Lumabas dito ang akin alab para maging barrier at hindi kumawala ang kapangyarihan niya
Pumasok ako sa pumapaikot na alab. Namimilit si Haiku habang hawak-hawak ang kanyang ulo. Nilapitan ko siya saka binuhat.
“Dadanak ang dugo. Masasawi lahat ng inosente.”
Paulit-ulit niya itong sinasambit. Sino ka ba talaga, Haiku?
Humigpit ang hawak niya sa aking braso. Mainit ang kanyang palad. Kahit alab ang akin kapangyarihan ay para pa rin akong napapaso.
“Palakasin ang barrier…” Mahina at nahihirapan ang kanyang boses. “Kailangan ang Itinakda. Baguhin ang tadhana.”
Dahan-dahan niya akong binitawan hangga’t tuluyan na siyang nawalan ng malay.
-
Minabuti naming sa malapit na bahay lang pagpahingain si Haiku. Tiningnan siya ng isa sa mga kasama naming Incognito na bihasa rin sa panggagamot.
Marahil daw ay gawa ng sobrang paglalaro kaya siya nagcollapse. Sinubukan ko ulit silipin ang kanyang memorya subalit gaya ng dati ay walang malinaw na imahe akong makita. Bukod sa mga pasulpot-sulpot ng isang sira-sirang kumunidad.
Nangamatay ang mga tao. Sunog ang mga gusali. Parang wala nang nabubuhay. Nakakabahala ang mga nakikita ko kaya itinigil ko na. Kaaway ka ba o kakampi, Haiku? Saan ka ba galing?
Narinig ko na ang boses ni Rich. Bumukas na nga ang pinto.
“Anong nangyari sa kanya?”
“Sobrang pagod daw kaya nahimatay.”
Dinama niya ang noo ni Haiku, hanggang sa braso, pinisil niya ang palad nito. “Tsk. Sa susunod may timer na ang paglalaro mo.” Tumingin siya sa akin. “Oh, baka pinagalitan mo pa siya?”
Ano? Angsama ng tingin sa akin e. Nakikinita-kinita ko na. Isa siyang konsintidor na magulang kung nagkataon!
“Hindi pa nga gumigising `yan. Hintayin mong magising. Pagagalitan ko talaga.”
Ginatungan ko na nga para mas mainis siya. Akala mo naman ganoon ako kasama para magalit sa bata. Naalala ko iyong nakita daw siyang nakikipaglaro ng baraha. Makaganti nga dito.
“Ano? Natalo ka ba sa sugal?”
“Sugal ka diyan. Hindi ako nakipagsugal.”
“So, nagsisinungaling ba ang mga bata? Nakita ka daw nila. Kalaro sina Lola Pransing.”
Oh, de naumid siya. Hayan na naman iyong pag-iwas-iwas niya ng tingin.
“Pinabigyan ko lang naman sila. Uling lang pustahan. Angdudumi nga ng mga mukha nila! Haha!” Natutop niya ang bibig niya. “Ops. Joke lang. Malabo na kasi ang paningin nila. Medyo nadaya ko sila konti. Ha ha!”
“Magsanay...” Napatingin kami kay Haiku. Napapikit naman siya. “Kailangang magsanay… Opo Master…”
Sumipa ito buti at nasangga ko ng kanang kamay ko.
Natawa si Rich. “Nasobrahan nga sa Training. Hanggang panaginip e! Sige pa! Sipain mo si Lee! Haha!”
Iniayos ko siya ng higa. Kinumutan ko hanggang balikat. Iyong hindi siya makakagalaw agad. Lumikha ako ng hand seal. Nagkaroon ng barrier ang kanyang hinihigaan.
“Para saan ang harang na `yan? Hindi naman siya mamaw. Bata lang si Haiku.”
“Para gumaling siya agad at makabalik sa pagsasanay.”
Sinungaling ka, Lee! Ang totoo ay kinakabahan ako dahil hindi ko malaman ang pinagmulan ni Haiku. Bakit may kung ano siyang pangitain ng delubyo? Tulad ba siya ni Ulap na nakikita ang hinaharap?
“Lee…” May kung anong lungkot na sambit ni Rich sa pangalan ko.
Nilingon ko siya. Nakatitig siya kay Haiku.
“Nararamdaman kong busilak ang kanyang puso. May tiwala ako sa kanya. Sana ay pagkatiwalaan mo rin siya gaya nina Zeo at Ulap.”
“Hindi pwedeng basta-basta ako magtitiwala sa taong hindi ko alam ang pinagmulan. Malaking palaisipan sa akin ang pagkatao ni Haiku. Sana maunawaan mo rin. Ikaw na muna ang magbantay sa kanya.”