“Hindi mo lang maalala pero nagkita na tayo noon. Kakalabas ko ng school. Muntik na akong ma-holdup. Pero napadaan ka. Nakamotor. Anggaling nga. Hindi nagbago ang itsura mo. `Yon ba ang kapangyarihan mo? Looking young palagi?”
“Ha? Ah. Oo. Medyo ganun nga.”
Napakasinungaling mo naman Nate! E simula n`ong araw na `yon madalas ko na siyang dalawin. Siyempre ay hindi niya nararamdaman ang presensya ko. Ten years na rin pala ang lumipas. Hindi nagbago ang pagtingin ko sa kanya.
Pinihit ko na siya paharap sa resto. “Gawin mo na kung saan ka magaling. Magtatawag pa ako ng customers.”
“Ipagluluto kita mamaya. Goodluck diyan!” Kumaway siya bago pumasok sa resto.
Wala siyang kapangyarihan. Isang dahilan kung bakit pinoproteksyonan ko rin siya sa abot ng aking makakaya. Dumadami na kasi ang masasamang loob at wala siyang kakayahang maipagtanggol ang kanyang sarili. Hay naku, Nate! Napakarupok mo naman talaga!
Itong resto? Isa `to sa mga pangarap niya. Pinamana kasi sa kanya ng kanyang mga magulang ang mga recipe nila ng special ramen and sushi.
Tuwang-tuwa itong mga kilala kong customers dahil hindi ako pwedeng magsungit. Hindi uubra ang mainitin ang ulo dito lalo at ang alam ni Seri ay isa akong anghel na hindi makabasag pinggan.
Lima kaming volunteers. Bale ako lang pala ang walang bayad dahil iyong apat ay ako ang magbabayad sa kanila. Pero sinabihan kong magpanggap na kusang-loob ang kanilang pagtatrabaho dito.
“Humanda kayo sa akin talaga.” Pagbibiro ko sa apat bang bagong customers. “`Yong mahal ang orderin niyo ha. Minsan ko lang kayo pagsilbihan.”
“Oo naman, Bossing!”
Good! Kung sa suporta din lang ay maasahan ang mga ito. Ganoon din sa pakikipagbasag-ulo, mas maasahan talaga sila. Ha ha!
Lumipas na naman ang isang maghapon. Malapit nang magsara ang resto. Salamat naman! Nakakaramdam na kasi ako ng p*******t ng likod. Ha ha! Kailangan ko na naman yata ang acupuncture session. This immortal body is aching like hell!
Nag-stretching muna ako. Saglit lang mga plato, mamaya-maya tayo magtutuos. Pagsasabay-sabayin ko kayo ng nasa kabilang mesa.
“Tulungan na kita diyan. Wala na akong gagawin sa kusina.” Si Seri. Inumpisahan niyang iurong ang mga plato. “Mukhang hindi maitatago ng younger looking mong mukha ang edad mo ha. Hehe. Joke lang naman.”
“Grabe ka naman sa akin. Nagkataon lang na nakita mo akong nag-inat.” Inurong ko na ang kabilang mesa. “Closing time na?”
Tumango siya. “Marami na tayong benta ngayong araw. Magagalit na sina tatay at nanay kung sosobrahan ko pa ang sipag gayong nakabawi na sa puhunan ngayon.”
Mag-aalas-sais na nang malinis namin ang buong resto. Naghanda si Seri ng dinner para sa aming mga tumulong sa kanya. Kitang-kita ko sa peripheral view ang ngiti ng apat. Isang makahulugang ngiti na napapatingin sa akin.
“Ah Boss Seri—”
“Maupo kayo. Kakain na tayo.” Pinaningkitan ko sila. Ano ba at balak niyo pang mag-escape ha. “Upo. Nakakahiya kay Seri kung hindi kayo kakain. Saka pagod na pagod rin kayo sa pagsisilbi kanina.”
“Celebration `to, Guys, kasi successful ang opening ng second week natin. Kunin ko lang iyong ibang foods sa kitchen.”
Natahimik ang apat nang nagtungo si Seri sa kitchen.
“Walang aalis. Sinasabi ko sa inyo.” Mahina ang boses ko pero may tono ng pagbabanta.
Natawa pa ang mga loko. “E Bossing, para sana moment niyo na. Ano ka ba naman. Pagkakataon.”
Ngumiti ako pero sarkastiko. “Baka gusto mong bawasan ko ang sweldo mo?”
Oh, de makailang beses na umiling! Takot rin naman e. Hindi naman nagtagal ay bumalik na galing kusina si Seri. May bitbit-bitbit siyang malaking tray.
“Dinner para sa mga masisipag kong volunteer.” Pagkalabag niya ng sa mesa ay siya namang pagkalansing ng chime sa entrance.
Pareho-pareho kaming napalingon. What the hell are they doing here?! Sina Rich, Lee at Nuie and dumating! Naamoy yata agad ni Rich ang masarap na pagkain. Iyong ngiting-ngiti siya pero ang tingin niya ay nakatuon sa mesa.
“Hi! I hope open pa ang resto.” Walang expression na bulalas ni Lee.
“Anong ginagawa niyo dito?” Tanong ko agad pagkalapit ko sa kanila. “Pasara na e. Wala nang ingredients. `Di ba, Bossing?” Bumaling ako kay Seri. Kinindatan ko siya para sumang-ayon sa akin.
“Nagdala kami.” Tinaas ni Nuie ang isang plastic ng grocery. “Narinig kasi namin ang usap-usapan na may masarap na Japanese resto dito e. Ipapaluto na lang namin sana `to kasi tamad na kami. Pwede ba?”
“Ramen ang niluluto dito. Hindi kung anu-anong Japanese foods.” Kontra ko agad sa kanya.
Lumapit sa amin si Seri.
“Magandang hapon sa inyo.” Wala na! Nangiti na si Nuie. “Ako pala si Seri. Ikinagagalak ko kayong makilala.”
Nakipagkamay siya sa kanila. Maliban kay Lee na tinanguan lang siya.
Bumaling siya sa akin. “Mga kaibigan mo sila?”
Tumango ako. “Pero busy sila kaya akala ko hindi sila pupunta.”
“Well, heto na kami.” Masiglang sabi ni Rich. “Gutom na rin ako. Sobrang pagod ko sa pagsasanay. Pwede nang maupo? Masakit na talaga ang binti ko. Nilakad namin hanggang dito. Muntik pa kaming maligaw.”
“Patingin ako ng mga dala niyong ingredients.”
Binigay ni Nuie ang bitbit niyang grocery kay Seri. “Basta dumaan sa apoy pwede na. Hindi naman kami maselan.” Napatingin siya sa mesa na kinaroroonan ng apat. “Uy!”
“Upo ka na muna.” Pinihit ko siya paharap sa mesa. “Relax ha? Dahil pagod kayo, chill lang muna kayo diyan.”
Nagtungo na si Seri sa kusina. Sinundan na rin siya ng apat. Pagtutulung-tulungan na nilang iluto kung ano man ang dala nila.
“Hindi ito magandang sorpresa ha? Bakit kayo nandito?”
Lee pointed at Rich using her eyes. Tumitingin sa menu naman si Rich. “Mura naman ng foods dito. Uy gusto ko itong Tsukemen. Available pa?” Excited pa siyang bumaling sa akin pero nagbago agad ang ekspresyon niya dahil seryoso akong nakatingin sa kanya. “Bakit? May kasalanan ako?”
“Rich, bakit ka nga ba nagyaya dito?” Natatawang tanong ni Nuie. “Pagdating na pagdating sa XXU e hinahanap ka. Ibibida sana niya sa`yo `yong powers niya sa Paraiso.”
“Hinintay mo na sana ako. Hindi ba makahintay `yan?”
Umiling siya. “Makakalimutan ko na. Ha ha! saka curious ako e. Bakit ganon `yong ngiti nina Jisho at Brigitte. Tapos nadulas si Brigitte. Sabi niya may jowa—”
“You’re too loud.” Pambabara ni Lee sa kanya. “Pwede bang pakihinaan mo rin ang boses mo dahil rinig na rinig ka na hanggang sa kusina?”
Nasabi na ni Lee ang gusto kong sabihin. Naku! Malilintikan sa akin ang dalawang `yon talaga! Napakadaldal!
“Magpapahangin lang ako sa labas.” Lee excused herself but it’s actually a signal na mag-uusap kami nang kami lang. “May smoking area dito?”
“Samahan na kita…”
Lumabas na kami ng resto. Lumayo lang kaming konti. Nagsindi na rin ako ng yosi. Pambawas kaba sa nararamdaman. Humithit-buka muna ako nang ilang beses.
“Anong plano mo?”
That’s the jackpot round question. Agad-agad naman siyang magtanong.
“Wala bang level one na question? `Yan agad?”
Nangiti siya saka humingi ng isang stick sa akin. Sinindihan ko na rin ito saka binigay sa kanya.
“Marami ka nang minahal. Iba-ibang personalidad. Iba-ibang tao at pagkatao. Anong balak mo ngayon? Buburahin ba natin ang alaala niya?”
Kaiba sa kanya, wala akong hinihintay na reincarnation. Kung sino ang mapusuan ko sa isang panahon, hindi ako nagdadalawang isip na iparamdam na mahal ko sila. Pero gaya ng sinabi naman niya, binubura rin namin ang alaala nila.
“Wala naman kaming relasyon. Hindi na kailangang gawin `yon.”
“Sigurado ka ba diyan?”
Tumango ako. “Okay na ako sa ganito. Suporta-suporta lang kung kailangan niya.”
“She looks nice. Why don’t you give it a try?”
“Weh? Ikaw ba `yan? Seryoso ka sa advice mo?”
Humithit muna siya ng sigarilyo. Tinapon niya ang upos sa paanan niya saka inapakan. “All this ime, lagi kang nagpaparaya. Subukan mo kaya ngayon? May pag-asa nang maging normal ang lahat, Nate. Baka ito na iyong hinihintay mo.”
“Bakit ganyan kang magsalita bigla?”
“Malapit nang mabasa ni Rich ang mga nakasulat huling pahina.” Nakangiti pa nitong saad. “Ang matagal nating pinaghahandaan ay maisasakatuparan na. Hindi ba’t rason iyon para gawin niyo na ang mga bagay na makapagpapasaya sa inyo? Alangan naman sina Jisho at Lyra lamang ang mayroong happy ever after sa inyong pito.”
“Damn you! Ayoko ng ganyang tono ng pananalita mo. Maililigtas natin ang sangkatauhan na walang sinasakripisyo ni isa sa atin. Pasok na nga tayo sa loob. Pangit mong kausap.” Inapak-apakan ko na rin ang upos ng sigarilyo ko. “Mas makabubuting hanggang doon lang para na rin sa kaligtasan niya. Ayokong maging makasarili naman.”
Tinalikuran ko na siya. Nakailang hakbang na ako subalit hindi pa rin siya sumusunod kaya nilingon ko na siya. Ano na naman ang tinitingala niya sa langit?
“Lee, walang magagawa ang pagtunganga mo. Ano bang iniisip mo diyan? Nababahin ka ba at kailangan mong masilaw diyan? Hindi naman nakakasilaw ang buwan.”
“Iniisip ko lang kung kailan ulit magkakaroon ng Gloriole.”
“Para ano? Para makita mo ulit si Raio? Maging fair ka naman kay Rich. Kahit bali-baliktarin mo ang mundo, patay na ang babaeng minahal mo.”
“Siyempre, hindi siya si Raio. Anglayo-layo nilang dalawa. Magaslaw si Rich, walang disiplina sa pakikipaglaban, ne hindi nga niya makabisado ang mga Teknik sa paggamit ng powers niya. At isa pa pala, madali siyang magtiwala na baka ikapahamak pa niya. Wala siya sa kalingkingan ni Raio”
“Pero wala na nga si Raio!” Hindi ko na nga napigil ang sarili ko. Napaka-unfair niya kasi. Si Rich ang kasama namin. Dapat tanggapin niya iyon. “Huwag mong hahanapin ang wala sa kasalukuyan, Lee. Dahil iyong sinasabi mong walang disiplina ay ginagawa niya ang lahat para matuto at matulungan tayo kahit sa huli ay maari siyang masaktan.”
“Hindi siya masasaktan dahil mayroon na siyang nagugustuhan.”
“That’s it! Kaya nagpuputok ang butse mo. Finally! You’ve come to your senses. Marunong ka na ring magselos. Ha ha! That’s nice. Parang kailangan kong i-congratulate si Rich.” Iiling-iling kong sabi na may kasama pang pagpalakpak. “You’re finally human, Lee. Congratulations.”