Nag-aalmusal kami nina Jisho, Lyra at Brigitte sa aking kwarto. Napakaaga nilang mang-istorbo. Nagsabi na nga ako sa pinto ng signage na “Do Not Disturb”, kinalampag pa rin nila ako. Napakagaling ng tatlong ito talaga.
“Luto ko `yan.” Pagyayabang ni Brigitte sa pritong itlog na mayroong patatas. “Luto ko rin `yang fried rice at `yang kimchi, nung isang araw ko pa `yan ginawa. Goods na `yan ngayon.”
Hindi ko na pinansin ang sinabi niya. Inaantok pa kasi ako. naglagay na lang ako ng kanin sa aking plato. Itong sina Jisho at Lyra napaka-sweet sa umaga.
“Hindi pa ba kayo nauumay sa isa’t-isa?” May tono ng pang-aasar na tanong ko sa loveteam. “Kayo na ang patunay ng forever pero huwag naman sa harapan ko ano?”
Natawa si Lyra. “Hindi mo ako masisisi. Mahal ko siya e.”
“Geh. Umay.” Sumubo ako ng kimchi. Inirapan ko sila.
Si Brigitte naman parang hinihintay kung ano ang magiging reaction ko sa mga inihanda niya. Tigasin man ito e pagdating sa pag-rate ng mga luto niya ay para siyang bata. Laging excited!
“Ano? Anong kulang? Maanghang ba? O matabang? Mapait ba?”
“Sakto lang.” Mukhang disappointed siya sa komento ko. “Dapat ba specific? Hehe. Joke lang. Bawasan mo ng konting anghang next time.”
Hindi siya umimik. Nagpabalik-balik naman sa pritong itlog at sa akin ang tingin niya. Grabe! No choice! Tinikman ko na rin ito.
“Dapat si Lee ang patikimin mo ng luto mo.” Suhestiyon ni Jisho. “Magsasabi siya ng totoo. Itong si Nate e alam mo namang favorite ka nito. Ha ha!”
“Hoy! Nagsasabi ako ng totoo ha? Practice pa. Bakit kasi nakahiligan mo ang magluto. May nililigawan ka ba?”
“Wala. Gusto ko lang may paglibangan.” Sagot niya agad pero siyempre bilang pinagdaanan ko na ang mga stage na `yan nang paulit-ulit ay alam ko na ang mga timbre ng boses at pag-iwas ng tingin na `yan.
“Sige. Sa akin ka pag mag-deny. Sabihin mo na. Kanino ka magpapa-impress, Bunsoy? Ha ha ha!”
“Wala nga!” Naglagay na siya ng pagkain sa kanyang plato. “Porke susubok ng bagong hobby, may nagugustuhan na.”
Kunwari naniniwala na lang ako sa kanya. Hindi makatingin ng deretso sa mga mata ko e. Nakakatawa din `to. Iyong huling nagustuhan niya kasi bawal nap ag-ibig. Buti naka-move-on na siya.
“Bakit pala madalas kang umuuwi nang madaling araw?” tanong ni Lyra sa akin. “May own heart business ka rin?”
Tumango ako. Walang kagatol-gatol na pagsagot. “Hanggang tingin lang ako siyempre. Hindi ko na nilapitan.”
“Binabantayan mo na naman sa bintana hanggang makatulog?” dagdag ni Jisho. “Hinahatid ng tingin para masiguradong safe?”
Tumango ako. Guilty e! Haha!
“Magpakilala ka na kaya.” Ito na naman si Brigitte. “Paibigin mo ulit. Tapos iiwan mo rin naman. Bale ikaw pala ang iiwan niya. Ha ha!”
Gusto ko nga siyang tuktukan sa ulo. Napapangiti na nga ako dahil naalala ko ang mga ngiti niya noong nag-iwan ako ng bulaklak sa bintana niya e.
“May boyfriend siya? Tinatanong ko lang. Napipigilan ka kasi e.” Usisa ulit ni Jisho. “Sama nga ako next time. Kilatisin ko kung worthy ba ng oras ng isang immortal `yan.” Nagtaas-baba pa siya ng kilay. “You’re inlove s**t. Alam ni Lee?”
“Siguro. Hindi lang niya ako tinatanong dahil alam niyang ide-deny ko lang nang paulit-ulit.”
Kung usapang pag-ibig lang din naman, hindi siya nakikialam hanggat hindi siya hinihingan ng tulong. O kaya masaksihan niyang wasted na wasted ka na, saka lang siya manghihimasok.
“Tapos ang ending, hihingi ka ng tulong para burahin ang alaala ng mahal mo! Ha ha! The irony, Nate. The irony.” Pang-aasar ni Jisho. “Nakailang bura na tayo ng memory?” bumaling siya kay Brigitte. “Wala ka pa noon, siyempre. She was so inlove with a celebrity. Pero hayun nga.”
“Hindi ko na gagawin yan ngayon `no. Kasi hindi ko siya popormahan. I-a-admire ko lang siya mula sa malayo.”
“`Di ba lalaki `yong celebrity? Bakit hindi ka na lang nagpabuntis para may remembrance ka?” Brigitte, the innocent immortal talaga! Natawa ang dalawa sa kanya. “What? Bakit ganyan kayo makatingin sa akin. Nagtatanong lang naman ako.”
“Kung magkakaroon tayo ng anak, hindi siya magiging tulad natin na immortal. Mas masakit iyong mamatayan ng anak kaysa kalimutan ka na lang ng mahal mo.” sagot ko sa kanya.
“Wala ne isa sa inyo ang nagkaroon ng anak? Sina Lyle at Neon?”
“Mayroong pamilya si Lyle. Pero noong naging kasapi siya ng Droxis, binura na rin siya sa alaala nila. Hindi ko lang alam si Neon. Maligalig ang lalaking iyon e. Baka mayroon malay lang natin.”
Hindi naman open ang dalawang iyong pagdating sa mga buhay pag-ibig nila. Palaging sinasabing mas gugustuhin na lang nilang mag-training pero may doubt pa rin ako. Impossibleng walang nagpatibok sa puso nila. Mausisa nga sila sa mga susunod na araw.
“They’re here.” Saad ni Lyra.
Bukas ang bintana. Siguro ay binulong na naman ito ng hangin sa kanya. Mataas itong kinaroroonan namin e. Hindi maririnig ang tunog ng mga sasakyan sa parking space.
“Kaninang madaling araw, naalimpungatan ako sa lakas ng hangin.” Pagkukwento niya. “Iniwan ko kasing bukas ang binatana.”
“May masamang balita ba?” tanong ko agad. “Ano ang sabi ng hangin?”
“Malungkot ang Puno ng Pag-asa. Hindi ko rin maunawaan dahil samu’t-sari ang himig na narinig ko kagabi dahil sa mga lawiswis ng mga dahon. Mayroon yatang bumulong sa kanya na puno ng panibugho.”
“Napakalayo na ng Paraiso pero umabot pa rin dito ang kanyang pighati? Napakatsismosa naman talaga ng mga dahon.” Tatawa-tawa si Brigitte. “Naku! May ambag sa digmaan `yang powers mong `yan?”
“Noon.” Sagot ni Lyra. “Nalalaman ko sa pamamagitan ng lawiswis ng mga dahon na mayroong parating na kalaban.”
“Ah pero hindi naman nagsasalita iyong mga dahoon ano?” pangungulit pa ni Brigitte. “Horror `yon! Mga tsismosang dahon. Ha ha!”
“Hindi. Loko-loko.” Ako na nga ang sumagot. Gusto ko na talaga siyang hampasin. “Ang nararamdaman ni Lyra ay iyong emosyon sa hangin. Hindi naman ganoon kalayo ang Paraiso dito. At kung patungo ang direksyon ng hangin ay hindi impossible ang sinasabi ni Lyra. Lalo na at mayroong koneksyon ang Pag-asa sa ating kapangyarihan.”
“Sino kaya ang taong `yon? Sana ay maging mapayapa ang kanyang isipan.” May pag-aalalang sabi ni Lyra. “Anglungkot ko tuloy paggising ko.”
“Bilhan mo ng burger at spaghetti `yang girlfriend mo para matanggal ang lungkot.” Pang-aasar ko kay Jisho. “Nagpaparinig lang talaga `yan. Ha ha!”
-
Tagabantay ako sa pagsasanay. Iniikot-ikot ko itong arnis. Masigla ang mga estudyante. Kahit nasa biladan sila ay walang nagrereklamo. Kaiba sa mga nakaraang buwan, naging mas masigasig sila at nakikipagcooperate sa lahat ng pagsasanay.
Nararamdaman ko ang aking edad dahil ang mga guro ngayon ay mga dati rin naming estudyante. Nakaka-proud naman talaga! Sarap pagkukuryente hanggang mangisay! Haha! Just kidding!
Nandito na rin sina Lyle at Neon sa field. Kanina pa sila dumating pero ngayon lang nagpakita. Napakagaling! Deretso na sila sa pagsasanay. Walang pahinga-pahinga dahil sobra rin silang late.
“Kayang-kaya niyo naman kahit wala kami.” Bungad ni Lyle sa akin. “Best leader ka kaya.”
“Shuttap ka.” Iniamba ko ang arnis sa kanya. “Hindi ko toka ngayon para sa pagsasanay. Ayokong malugi ako sa oras `no. Bukas pa ako e.”
Isinuot ko na ang aking jacket.
“Teka. Saan ka pupunta? Tapusin mo na `tong session.” Pipigilan pa talaga niya ako. Naku! Hindi pwede!
“May importante akong pupuntahan.” Kokontrahin pa sana niya ako pero tinaasan ko na siya ng kanang kamay ko. Sa palad ko na lang siya makipag-usap. Haha! “Hephep! Alam ni Lee na skip ako sa pagsasanay ngayon. Nagpaalam na ako last week pa. So, please, excuse me.”
---
Nasa Zone 7 na ako. Malaking responsibilidad din itong bagong teritoryo ko pero fulfilling dahil pinaghirapan ko ito. Simula n`ong napanalunan ko ito ay pinaigtingan na ang barrier at nagpapasok na rin ako ng mga evacuees. Kaya bukod sa Paraiso ay bukas ang Zone 7 para sa mga nais ng mas tahimik na pamumuhay. Hindi maipapangako na walang manggugulo pero mas safe.
Tumigil ako sa tapat ng isang restaurant, Her Love. There she is. Busy siya sa pagkuha ng orders ng customer. Naghanap na ako ng paparkingan saka nagmamadaling pumasok sa resto.
“Uy, sorry late. Good morning!” Magiliw kong bati sa kanya. “May ginawa pa kasi akong importante.”
“Good morning. Sakto lang naman. Thank you talaga.”
Nagsuot na ako ng green apron. Kukuha na rin ako ng orders. Nagtataka ang mga customers na ako ang waitress. Kilala naman kasi nila ako dito bilang pinuno ng Zone 7. Lumapit ako sa table eight. Binigyan ko ng masamang tingin itong mga `to.
“Orderin niyo `yong pinakamahal ang presyo.” Mahina kong sabi sa kanila.
“Bossing naman…”
“Bilisan niyong umorder.”
Haha! Mga riders ko talaga itong mga `to. Actually, halos ng customers ngayon ay mga kakilala ko. Sinabihan ko silang magpanggap na hindi ako kilala kung hindi ay malilintikan sila sa akin.
“Seri, ito `yong orders noong mga `yon oh.” Binigay ko sa kanya ang order slip. “Parang mapapalaban ka sa pagluluto ngayon ah. Ha ha!”
“Kaya nga e. Lucky charm ka talaga.”
“Opkors naman! Maglalagay lang ako ng pampaswerte sa labas para pumasok pa ang mga customers. Pabuksan na rin natin ang second floor.”
Nagpaskil lamang ako ng buy one, take one sa labas. Tumawag ako ng isang binatilyo. Inutusan ko siyang ipamigay ang mga flyers.
“`Toy kapag marami ang pumunta dito bibigyan kita ng bonus.”
“Talaga po?”
“Oo naman. Kaya mamigay ka na doon sa mataong lugar.”
Takbo naman siya agad. Haha! `Yan! Sana ay marami siyang matawag na customers. Tapos mahaba ang pila dito sa labas. Blockbuster ang resto kung sakali!
“Nate…” Nilingon ko si Seri. Naputol naman ang pagdi-daydream ko. “Parang sobra na `tong pabor na ginagawa mo para sa akin.”
“Sakto lang `to. Pang-welcome sa`yo dito sa Zone 7. To new life and beginning…”
Hindi ako nakakilos nang niyakap niya ako. “Thank you talaga. Thank God, you found me again…”
Huh? Marahan akong kumawala sa yakap niya. “Anong ibig mong sabihin?”