Chapter 21 - Secret Conversation
~Tagapagsalaysay~
(Part na inaalagaan ni Manang Rosa si Winter habang bumibili ng gamot si Russell)
Nang matapos nang palitan ni Manang Rosa ng damit si Winter, may biglang kumatok sa pinto kaya naman naglakad siya papunta doon para pagbuksan kung sino ang kumakatok.
Akala niya ay si Russell ‘yung kumakatok pero naisip rin niya na imposible naman na makabalik na agad si Russell dahil kaaalis lang nito.
Pagkabukas niya ay nagulat siya kung sino ang nabungaran niya.
"Ay! Charlie! Ikaw pala. May kailangan ka ba kay Gino? Wala siya ngayon dito sa kwarto niya,” sabi ni Manang Rosa sa ama ni Russell.
Hindi siya nagpo po dito kahit ito ang amo niya dahil parang mag-ina na ang turingan nila.
Siya kasi ang nag-alaga dito simula pa n’ong bata pa ito kaya naman komportableng komportable sila sa isa’t isa.
"Saan ba siya nagpunta, Manang?" tanong naman nito sa kaniya.
Napangiti siya ng maisip ang itsura ni Gino kanina nang sabihin niya ‘yung pagbili ng gamot.
Hindi niya lubos maisip na ang tamad n’yang alaga na laging dumedepende sa mga katulong nila ay nagprisintang siya na ang bibili n’ong pinabibili niya para lang sa dinala nitong babae sa bahay nila.
"Lumabas lang para bilhan ng gamot ang batang ito." sagot niya sabay tingin kay Winter.
"Manang sumunod ka sa’kin sa office ko. May mahalaga akong sasabihin sa’yo tungkol kay Gino at sa batang ‘yan." seryosong sabi naman nito kaya napatingin siya rito ng may pagtataka ngunit hindi na siya nagtanong pa at sumunod siya rito papunta sa office nito.
...
..
.
"Ano? Sinasabi mo bang ‘yung batang ‘yon ay—”hindi na natapos ni Manang Rosa ang sasabihin niya dahil napatakip siya sa kaniyang bibig sa gulat sa mga nalaman niya.
"Oo. Lahat ng sinabi ko sa’yo ay hindi muna dapat makarating kay Gino. Gusto ko, siya ang makaalam ng lahat ng ito sa sarili niya."
Nagkaroon ng katahimikan sa pagitan nilang dalawa.
"‘Di ko agad nakilala ang batang ‘yon kanina dahil napangunahan ako ng gulat. Akala ko ay nagdala ng kung sinong babae dito si Gino sa bahay kaya tuloy, nagtalo kami kanina..." pambabasag ni Charlie sa katahimikan.
"Hahaha! Para talaga kayong aso at pusa ni Gino." nakatawang saad ni Manang Rosa.
"Oo nga pala Manang. Maiba tayo. Tumawag nga pala sa’kin si Yvonne. Malapit na daw siyang umuwi dito galing sa business trip nila sa London. Alam mo naman ‘yung asawa kong ‘yon. Once in a blue moon lang kung umuwi dito sa bahay. Magiistay daw siya dito hanggang matapos ang partyng ipapadaos ko para kay Gino." nakangiti ngayon si Charlie.
"Masyado na rin kasi naming napapabayaan ang batang ‘yon. Masyado kaming nagiging busy sa mga trabaho namin at hindi na namin namamalayan na nagkukulang na kami ng atensyon sa kaniya." napaltan ang ngiti niya ng pagkalungkot.
"Naiintindihan naman yata ni Gino ‘yon. Ang gawin n’yo na lang ay minsan, kumain kayo sa labas ng buong pamilya n’yo para hindi maisip ni Gino na talagang wala na kayong pakealam sa kaniya." suhestyon naman ni Manag Rosa sa kaniya.
"Ang totoo n’yan, gusto ko nga sana pero nahihiya ako sa batang ‘yon na magsabi ng gan’yang mga bagay. Hindi na kasi siya bata na madaling aluin." napapakamot pa siya sa ulo habang nagsasalita.
"Naku Charlie. Manang-mana talaga sa’yo yang anak mo. Parehas kayong hindi marunong magsabi ng totoong nararamdaman n’yo sa ibang tao." natatawang sabi ni Manang Rosa.
Napangiti na lang si Charlie dahil sa sinabi sa kaniya ng matanda.
Mayamaya ay nakarinig sila ng tunog ng motor.
"Oh! And’yan na yata si Gino." sumilip pa ni Manang Rosa sa labas ng pinto ng office ni Charlie.
"Basta Manang. ‘yung sinabi ko sa’yo ha."
"Oo, sige. Wag kang mag-alala." nakangiting sabi pa nito saka lumabas na.
Doon na nga siya tinanong ni Gino kung bakit umalis siya sa kwarto nito at iniwanan ang pinaaalagaan nitong babae sa kaniya.
Nagkunwari pa nga siya na hindi niya kilala kung sino ang tinutukoy nito at umarte rin siyang sumasakit ang likod niya kahit ang totoo ay hindi naman talaga sumasakit ‘yon.
*—***—*
Madaling araw...
Gumising na si Manang Rosa.
Nakasanayan niya nang gumising ng gan’on kaaga para mamalengke at gumawa ng agahan para kina Gino pero bago siya lumabas ng bahay ay dumaan muna siya sa kwarto ng alaga.
Marahan n’yang binuksan ang pinto at sumilip.
"Husmiyo por pabor!" bigla n’yang nausal sa gulat dahil sa nakita.
Bigla niya ring naisara ang pinto pero hindi naman iyon naglikha ng ingay.
Nakita niya kasing magkatabi ang dalawa sa kama ni Gino at yakap-yakap pa nito ang pinaalagaan nito sa kaniyang si Winter.
Huminga muna siya nang malalim saka muling binuksan ang pinto at sumilip ulit sa loob.
Tinignan niya ulit ‘yung dalawa.
Doon niya nakita na parang wala namang malisya ang pagtatabi ng dalawa at kilala rin naman niya ang alaga niya. Hindi ito gan’ong klase ng lalaki na gagawa ng gan’ong kalokohan.
Kinilig naman siya.
Ngayon niya lang nakitang gan’on si Gino.
Kahit kailan kasi ay hindi ito nagdala ng kahit sino sa bahay nila.
Ni hindi ito nakikipagkaibigan sa kahit kanino.
Napakabugnutin din at laging may topak pero napapansin niya n’ong mga nakaraang araw na pa iba iba na ang mood nito.
Minsan masaya, minsan naman parang pinagsakluban ng lupa. Minsan din para namang lutang.
Akala niya ay may problema lang ito pero ngayon ay natanto niya na ang sanhi ng pagiging gan’on nito.
Napangiti naman siya sa naisip niya.
Sa nakikita niya, mukhang masayang-masaya si Gino na kasama nito si Winter.
Masaya rin siya para sa alaga niya dahil ramdam na ramdam niya noon ang paghahanap nito ng atensyon sa mga magulang nito na hindi naman napupunan ng mga ito dahil sa sobrang pagtatrabaho pero ngayon, meron na itong pinagkakaabalahan.
Ramdam at alam niya rin naman na mabuting tao si Winter at tiwala siya roon.
Nang makontento na siya sa pagtingin sa dalawa ay dahan-dahan niya na ulit na isinara ‘yung pinto saka lumabas na ng bahay para mamalengke na hindi pa rin maalis sa kaniyang mukha ang ngiti.
~Russell~
Minulat ko ang mga mata ko pero nagulat ako pagkamulat ko n’on ay nakakita ako nang maraming taong mga nakasuit na puti at mga nakagown.
Nakatayo rin ako katabi si Dad.
Nagtingin-tingin ako sa paligid ko at mukhang nasa simbahan kami.
Mukhang may magaganap rin na kasalan kasi ang daming mga bulaklak na pangkasal pero ang ipinagtataka ko, bakit nandito ako sa unahan.
Hindi pa naman ako ikakasal.
Biglang naputol ang malalim kong pag-iisip ng magpalakpakan ang mga tao at pumasok ang isang babaeng nakapang kasal.
Siya siguro ‘yung bride.
Ang ganda sobra n’ong suot niya.
Umurong ako kasi baka sabihin nila ako yng groom dito pero pinigilan ako ni Dad.
Ang weird pero sumunod na lang ako sa kaniya.
Nanatili akong nakatayo lang sa kung saan ako kanina pa nakatayo.
Habang papalapit ng papalapit ‘yung bride ay mas lalaong lumillinaw sa paningin ko kung sino iyon.
Nanlaki ‘yung mga mata ko.
Winter?
Teka! Anong ginagawa niya dito tsaka bakit siya nakapangkasal?
Kanino naman kaya siya ikakasal?
Pagkalapit niya sa’kin, ngumiti siya na parang nahihiya.
Nakabelo pa rin siya pero medyo aninag ko ang mukha niya.
Hinila niya ko papunta sa harapan ng pari.
Saglit lang...
Ano bang nangyayari?
Naguguluhan na talaga ako.
Kami ba ang ikakasal dalawa?
Bakit naman kami ikakasal?
"You may now kiss the bride." biglang sabi n’ong pari kaya napatingin ako kay Winter.
Humarap naman siya sa’kin.
Biglang kusang gumalaw ‘yung mga kamay ko para alisin ‘yung belo na nakaharang sa mukha niya.
Nawala sa isip ko ang pagkalito sa mga nangyayari at bigla akong nakaramdam ng kaba.
Lumakas din ang pintig ng puso ko.
Pumikit ako para supresahin ang sarili ko sa kung gaano ba kaganda si Winter sa ilalim ng belong iyon.
Kung panaginip man ‘to...
Ayaw ko nang magising pa...
Nang tuluyan ko ng matanggal ‘yon ay minulat ko na ang mga mata ko...
"Manang Rosa?!" nagulat kong sabi saka parang susunggaban na ako ni Manang Rosa ng halik.
"AAAAAAAAAAAAAAAAAAAAAAAHHHHHHHHHHHHHHHHHHHHHHHHHHH!" sigaw ko saka naman ako nahulog sa sahig.
Tumama ‘yung ulo ko sa may cabinet kaya naman nagising talaga ako sa sakit.
"Aray!" hawak ko ang ulo kong sabi habang namamaluktot sa sakit.
Nalaglag kasi ako sa kama ko dahil sa pagsigaw ko at ang lakas ng pagkakatama ng ulo ko doon sa cabinet.
Bullsh*t!
Ang sakit sobra n’on ah!
Putakte naman kasing panaginip yon!
Ay hindi!
Bangungot pala!
Bakit si Manang Rosa na ‘yung naging bride ko?!
Diba dapat si Winter ‘yung ikikiss ko!
Kaasar naman oh!
Dapat pala ‘di na ako pumikit!
"Oh! Gino! Anong ginagawa mo dyan?" napatingin ako sa nagsalita sa tabi ko.
"AAAAAAAAAHHHHHHHHHHHHHHHH!" sigaw ko ng mabungaran kong si Manang Rosa ‘yon at ang lapit n’ong mukha niya sa’kin katulad n’ong sa panaginip ko.
Nananaginip pa rin ba ako?
"Oh! Anong nangyari sa’yo? May masakit ba sa’yo?" sabi niya na nag-aalala.
Nahimasmasan na ako at napagtanto ko ng reality na ‘to at wala na ako sa dreamland.
"A-Ahh... W-Wala Manang. Don't worry. Im fine,” sabi ko na lang sa kaniya.
"Ganon ba? Mukhang maganda ng naging tulog mo kanina ah...” sabi niya na may nakakalokong ngiti.
Bigla naman akong may naalala.
Si Winter!
Tiningnan ko agad ‘yung kama ko pero wala ng Winter doon.
"Manang! Asan na si Winter? Umuwi na ba siya?" tanong ko naman sa kaniya.
Nag-isip pa siya saglit.
"Ah! siya ba?!"
"Oo Manang siya nga."
"Kung siya ang tinatanong mo eh...." pabitin na sabi niya.
"Ehhhh....?" sabay ko sa pag ehhh niya.
"Kanina pa siya umalis umaga,” sabi niya na ipinagtaka ko naman.
Umaga?
Bakit? Anong oras na ba?
Tiningnan ko ‘yung wallclock sa kwarto ko at napanganga ako kasi 11 o'clock na.
Napapikit ako ng mariin.
Ibig sabihin, nagising siya na katabi niya ko?
Kaasar!
Baka isipin niya may ginawa ako sa kaniyang ‘di maganda!
Ang plano ko kasi ay bago siya magising ay aalis ako sa tabi niya pero ‘di ko inaakala na mapapahaba masyado ‘yung tulog ko.
Masyado siguro akong napagod kagabi sa pag-aasikaso sa kaniya.
May naalala ulit ako itanong kay Manang.
"Manang, kamusta naman siya kanina? Ayos na ba siya n’ong umalis siya? Wala na ba siyang sakit?" sunod sunod kong tanong sa kaniya.
"Teka, Gino. Isa-isa lang. Oo, mukhang ayos na naman siya. Nagpasalamat pa nga siya sa’kin bago siya umalis tsaka ‘yung damit mo, siya na daw ang maglalaba n’on at ibabalik niya na lang sa’yo,” sabi niya.
Hindi naman ako makapaniwala.
Sinabi sa kaniya lahat ni Winter yon?
Haba n’on ah...
Pero buti naman at ayos na siya.
"Naku! Ito talagang batang ‘to. Tingnan mo nga, hindi mo nga kinain tong dinala kong pagkain sa’yo kagabi. Dalian mo na at bumaba ka na para makakain ka na ng agahan mo." lumabas na siya pagkatapos sabihin ‘yon dala ‘yung pagkaing hindi ko kinain kagabi.
Nakahinga na ako nang maluwag.
Buti na lang at ayos na si Winter.
Napangiti ako.
Naalala ko kasi n’ong magkatabi kami kagabi.
Para ako ngayong tangang pangiti-ngiti dito.
Umupo ako sa kama ko habang parang tanga pa ring nakangiti saka ako humiga.
Nakatingin ako sa kisame at nagflash ‘yung mukha ni Winter doon habang mahimbing siyang natutulog.
Nagpabiling-biling ako sa kama ko.
Hindi ko alam pero pakiramdam ko, sobrang saya ko talaga.
Normal rin ba sa lalaki ang kiligin kasi ngayon pakiramdam ko, kilig na kilig ako.
Accccckkkk!
I sound like gay pero wala akong magagawa, ‘yun ang nararamdaman ko ngayon eh.
(Biling dito... Biling doon)
Tingin sa kisame...
Magfaflash ‘yung mukha ni Winter...
Mapapangiti ulit at biling dito biling doon ul-
"Gino, nakalimutan ko pala—”napatigil ako sa pagbiling biling sa kama ko nang biglang bumukas ‘yung pinto at magsalita mula doon si Manang Rosa.
Napatayo ako bigla.
Napatikhim ako atsaka nahihiyang tumingin kay Manang.
Nakangiwi siya ngayon pero inayos niya rin agad ‘yung ekspresyon niya.
"Ano nga ba ulit sasabihin ko?" nag-isip pa siya saglit.
"Ahhh! Oo nga pala Gino. Medyo malapit na daw umuwi ‘yung Mommy mo galing London. Uuwi daw siya para sa birthday celebration mo."
Biglang nag-iba ‘yung atmosphere dito sa kwarto ko n’ong marinig ko ‘yung sinabi ni Manang.
Nawala rin ‘yung masayang pakiramdam ko kanina.
Na spoil.
Naglakad ako papuntang cabinet ko at kumuha ako ng damit doon na maisusuot ko.
Sinundan lang ako ng tingin ni Manang.
"Anong araw ba siya darating?" malamig na tanong ko.
"Ehhh.. Ngayong huling linggo ng buwan daw, sabi sa’kin ni Charlie..." biglang nagbago ‘yung mood ko.
"Don't cook breakfast for me. I won't eat here." pumasok na ako sa loob ng C.R at binuksan ko ‘yung shower kahit na nakadamit pa ko.
"Aalis ka na naman ba kapag dumating dito ‘yung Mommy mo?" rinig kong tanong niya sa labas pero hindi ako sumagot.
"Haaayy. Ikaw talagang bata ka... gan’on ka ba talaga kagalit sa kaniya na sa tuwing uuwi siya dito sa birthday mo eh pumupunta ka sa mga lugar na hindi ka mahahanap at babalik ka dito kapag nakaalis na siya?" hindi pa rin ako sumasagot.
"Pagbigyan mo na ‘yung Mommy mo. 17th birthday mo ‘yon. Kahit man lang magpakita ka sa kaniya... Sinasabi ko ‘to sa’yo dahil baka pagsisihan mo rin yang ginagawa mo sa kaniya sa huli." pinatay ko na ‘yung shower ng marinig ko na bumukas at pagkay sumara rin ‘yung pinto. Ibig sabihin ay lumabas na si Manang sa kwarto ko.
Napasuntok ako sa pader na kaharap ko.
Gusto ko siyang makita.
Gustong gusto pero pinangungunahan ako ng takot na kapag nasanay na naman ako sa presence niya at iiwan niya lang naman ako dito eh masasaktan lang ulit ako.
F*ck!
Mukhang magcecelebrate na naman ako ng birthday ko mag-isa sa isang lugar na malayo dito...