Prologue .2

612 Words
NAKASUNOD lamang si Leandro kay Maita hanggang sa makapasok sila sa loob ng mansiyon ng mga Lasquite noong gabing iyon. Isinama na siya nito dito dahil nga nais na nitong ipaalam sa mga magulang nito ang tungkol sa relasyon nila. Agad nilang nakita ang Papa nitong si Señor Juancho Lasquite na kausap ang ilan sa mga tauhan nito. Napatingin ito sa kanila at mabilis na lumapit kay Maita. “Maita, hija,” bati nito sa anak, may pag-aalala sa mukha. “Saan ka ba nanggaling at gabi ka nang umuwi? Hindi mo ba alam na nauuso ngayon ang pagpapasabog sa iba’t ibang lugar? Lalo na sa mga kagubatan?” napailing pa ang señor. “Paniguradong mga taong nais manira ng lupain ang gumagawa ng mga bagay na iyon,” lumipat ang tingin nito sa kanya at kumunot ang noo. “Bakit mo kasama ang magsasakang ito? Galing ka ba sa bukirin, anak?” Lumakad palapit sa kanya si Maita, nasa mukha nito ang hindi maitatagong kaba. “P-Papa…” pagsisimula nito. “S-Si Leandro po…” inabot nito ang kamay niya at hinawakan iyon nang mahigpit. “N-Nobyo ko.” Bumahid ang matinding pagkagulat sa mukha ng ama ni Maita. Ilang sandaling katahimikan ang namagitan sa kanila. Nang muli nitong ibaling ang tingin sa kanya ay hindi niya napalampas ang talim sa mga mata ng señor. “Nobyo mo?” sarkastikong ulit nito sa sinabi ng anak. “Nawala ka na ba sa matinong pag-iisip, Maita? Nakikipag-relasyon ka sa isang hamak na magsasaka! Hindi kita pinalaki ng ganito!” bulyaw nito at hinablot ang anak palayo sa kanya. Nakita niya ang pagdaloy ng mga luha sa mukha ni Maita. Akmang hahakbang siya palapit dito subalit agad siyang na-kuwelyuhan ng Papa nito. “P-Papa…” umiiyak na pigil ni Maita sa ama nito. “Anong ginawa mong panloloko sa anak ko, hampaslupa?!” puno ng galit na tanong ni Señor Juancho sa kanya. Napayuko siya. “H-Hindi ko po niloloko ang anak niyo, señor,” puno ng takot na sagot niya. “M-Mahal na mahal—” napatigil siya nang dumapo na ang kamao nito sa mukha niya. Napabagsak siya sa sahig at agad namang nagtatakbo palapit sa kanya si Maita. Humahagulhol na ito ng iyak. “Tama na, Papa!” sigaw nito. “Nagmamahalan kami ni Leandro.” “Nagmamahalan?!” tumawa ang Papa nito. “Anong alam mo sa bagay na iyan, Maita? Beinte-kuwatro anyos ka pa lang! Marami ka pang makikilalang lalaki na mas makapagbibigay sa’yo ng magandang buhay kaysa sa hampaslupang iyan na siguradong ang gusto lang ay ang kayamanan natin!” “H-Hindi, P-Papa…” hikbi ni Maita. Hindi niya magawang matiis na makitang umiiyak ito kaya niyakap niya ito ng mahigpit subalit muli na namang hinigit ng Papa nito ang nobya palayo sa kanya. Tumayo siya subalit hindi niya na nagawang makalapit kay Maita nang hawakan siya ng dalawa sa mga tauhan ng ama nito. “Ilabas niyo ang lalaking iyan sa mansiyong ito ngayon din,” puno ng awtoridad na utos ni Señor Juancho sa mga tauhan. “Hindi ko na gustong makita ang pagmumukha mo sa harapan ko at hindi ko na rin gustong magkita pa kayong muli ng anak ko!” “Papa, parang awa mo na,” lumuhod na si Maita sa harapan ng ama nito. Hindi niya gustong makita itong ganoon. Gusto niya itong lapitan subalit masyadong malakas ang mga tauhang nakahawak sa kanya at kinakaladkad siya palabas ng lugar na iyon. Ang huling nasilayan niya na lang ay ang paghila ng ama ni Maita sa babae at ang pagtawag ng nobya sa pangalan niya.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD