Prologue .3

583 Words
“MAITA…” pabulong na tawag ni Leandro sa pangalan ng nobya habang pilit na sinusuportahan ang sarili upang hindi mahulog sa pagkakatungtong sa isang parte ng bintana ng kuwarto ng babae. Marahan siyang kumatok sa bintanang iyon. Nakita niya ang pagbangon ni Maita sa kama nito at nagpalinga-linga sa paligid. Muli niyang tinawag ang pangalan nito at ganoon na lang ang pagkagulat na bumahid sa maganda nitong mukha nang makita siya. Nagmamadali itong tumungo sa bintana at binuksan iyon. Nang makapasok siya sa loob ng kuwarto nito ay agad niya itong niyakap ng mahigpit. Bahagya itong lumayo sa kanya at ikinulong ang mukha niya sa magkabilang palad nito. “Leandro,” tawag nito sa pangalan niya. Napahikbi ito. “Maita…” puno ng emosyong tawag niya sa pangalan nito. Muli niya itong hinigit palapit sa katawan. Ilang linggo niya rin itong hindi nakita dahil sa pagkakaalam niya ay ikinulong ito dito ng ama nito simula noong gabing iyon. Sobra-sobra ang pangungulila niya dito kaya gumawa siya ng mapanganib na bagay at pinasok ang bahay ng mga ito. “Leandro, bakit ka nagpunta dito?” umiiyak na sabi ni Maita. “Paano kung nahuli ka ng mga tauhan ni Papa. Hindi ko kakayaning masaktan ka. Leandro, mahal na mahal kita.” Tinuyo niya ng mga daliri niya ang mga luha sa mukha nito. “Mahal na mahal din kita, Maita. Gagawin ko ang lahat para makasama ka.” Hindi pa rin tumitigil ang pagluha nito. “Nahihirapan na ako dito, Leandro,” hikbi nito. “Hindi ako magawang maintindihan ni Papa. Gusto niya pa akong ipakasal sa iba para lang malayo ako ng tuluyan sa’yo. Hindi ko magagawa iyon.” Animo’y may pumipiga sa puso niya sa nakikitang pagdurusa sa mukha ng nobya. “Hindi ko hahayaang mangyari iyon, Maita,” ikinulong niya naman ang mukha nito sa magkabilang palad niya. “Nagpunta ako rito dahil nais kong magbaka-sakali,” bumuntong-hininga siya bago nag-aalangang nagpatuloy. “M-Magbaka-sakali kung… kung nais mong umalis sa lugar na ito… k-kasama ko.” Umaasa siyang pumayag ito. Napatigil ito sa pag-iyak at hindi makapaniwalang napatingin sa kanya. “T-Tatakas tayo sa lugar na ito?” Tumango siya. “Ilalayo na kita rito, Maita,” direkta niyang tinitigan ang mga mata nito. “Gusto kong pakasalan mo ako at mamuhay tayo sa isang lugar kung saan walang mga taong hahadlang sa relasyon natin.” Sumibol ang kakaibang kislap sa mga mata nito sa sinabi niya. “M-Magpapakasal tayo?” muli na naman itong napaiyak. “B-Bubuo tayo ng sariling pamilya?” “Oo, Maita, oo,” hinalikan niya ang mga labi nito. Kanina niya pa iyon gustong gawin. Malawak itong napangiti at sunod-sunod ang naging pagtango. “Sasama ako sa’yo, Leandro, kahit saan,” niyakap siya nito ng mahigpit. “Kailan tayo aalis?” Humugot siya ng malalim na hininga at ginantihan ang yakap nito. “Bukas. Magagawa mo bang makatakas dito bukas? Pero kung hindi ay—” “Magagawa ko,” putol nito at tumingala sa kanya. “Gagawin ko ang lahat para makasama ka rin, Leandro. Eksaktong alas-tres ng hapon bukas, magkita tayo sa kubo mo sa kagubatan. Pangakong pupunta ako doon,” ngumiti ito. “Basta ipangako mong hinding-hindi mo ako iiwan.” Tumango siya, nangilid na ang mga luha sa mga mata niya. “Pangako, Maita,” garalgal na tugon niya. “Magkita tayo doon bukas. Mahal na mahal kita, tandaan mo iyan.”
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD