Prologue .4

853 Words
MABILIS na tinakbo ni Leandro ang daan patungo sa parte ng kagubatang iyon kung saan naroroon ang kubo niya nang makita ang lumalagablab na apoy na tumutupok doon. Hindi niya maipaliwanag ang takot na bumalot sa buong pagkatao niya nang mga oras na iyon. “Maita… Maita…” patuloy na banggit niya sa pangalan ng nobya, naglalandas na ang mga luha sa mukha niya. Ilang beses man siyang natalisod at nadapa ay hindi niya na inalintana iyon. Kailangan niyang makarating doon. Kanina pa dapat siya nagpunta sa lugar na iyon subalit dahil sa isang kasamahan niyang magsasaka na humingi ng tulong sa kanya patungkol sa trabaho ay nahuli siya. Hindi siya nito tinantanan hanggang sa hindi niya ito tinutulungan. Napatigil siya sa parte ng kagubatang iyon na tinutupok na ng apoy. Hindi niya na makita ang kubo doon. Iginala niya ang paningin sa paligid at nagulat pa nang makita si Señor Juancho doon na galit na galit na inuutusan ang mga tauhan nitong naroroon na umaapula sa apoy. Tumigil ito sa pagsasalita nang makita siya. Napuno ng poot ang buong mukha nito at lumapit sa kanya. Isang malakas na suntok ang pinadapo nito sa mukha niya. “Hayop ka!” pagmumura nito. Kinubabawan siya nito at kinuwelyuhan. “Ikaw ang may kagagawan nito! Nasaan ang anak ko?!” sunod-sunod nitong pinagsusuntok ang mukha niya. Umagos na ang luha sa mukha niya. Hindi niya na pinigilan itong saktan siya. Hindi niya na magawang maramdaman ang sakit mula sa mga suntok nito dahil sobra-sobra ang sakit na nararamdaman niya sa puso niya. Hindi. Imposible. Hindi nangyayari ito. Hindi maaaring mawala si Maita. “Ikaw ang pinuntahan niya dito, hindi ba?!” puno ng pait at sakit na wika ng señor. “Kaya siya tumakas dahil sa’yo! Walang hiya ka! Kung hindi nakita ng isa sa mga trabahador dito na nakita niyang tumungo dito si Maita ay hindi ko pa malalaman ang mga kalokohan niyo! Alam mo na laganap ngayon ang pagpapasabog sa iba’t ibang lugar pero kung saan-saan mo siya pinapupunta! Hayop ka! Ibalik mo ang anak ko!” Napabagsak na ang señor sa pagkakaupo sa lupa at doon humagulhol. Tumingin ito sa mga tauhang nakapalibot sa kanila. “Anong itina-tanga niyo diyan?! Hanapin niyo ang anak ko!” Pinilit niya ang sariling lumuhod sa harapan ng señor. “P-Patawarin niyo ako,” hagulhol niya. Wala na siyang pakialam kung lumalapat na sa lupa ang mukha niya. Wala na siyang pakialam sa lahat. Hindi niya alam kung gumagana pa ba ang utak niya. Hindi niya magawang tanggapin ang pangyayaring ito. “Patawarin?” ulit ng señor. “Hinding-hindi kita mapapatawad! Ipagdasal mo na hindi kasama sa pagsabog na ito si Maita! Hindi puwede akong iwan ng anak ko!” muli na naman itong napahagulhol. “Maita, anak…” Ilang sandali ang lumipas nang makita nila ang paglapit ng isang tauhan. Tumayo si Señor Juancho at hinarap ito. “Nakita mo ang anak ko?” tanong nito. Yumuko ang lalaki at umiling. “Tupok na tupok na po ng apoy ang kubong nakatayo sa lugar na ito. Halatang iyon talaga ang pinuntirya ng mga nagpasabog,” may ipinakita itong isang kuwintas. “Ito lang po ang nakita namin.” Napasinghap si Señor Juancho at inabot ang kuwintas. Pagkatapos ay pabagsak itong napaluhod sa lupa. “Maita, anak… hindi maaari… hindi…” Hindi niya na alam kung humihinga pa ba siya. Ramdam na ramdam niya ang pamamanhid ng buong katawan niya at siguradong ilang sandali lang ay mawawalan na siya ng ulirat. Hindi nangyayari ito. Bakit? Bakit kailangang mangyari ng bagay na ito? Naramdaman niya ang muling pagdapo ng malakas na suntok sa mukha niya na nakapagpabagsak sa kanya sa lupa. “Pinatay mo ang anak ko! Walang hiya ka!” sigaw ni Señor Juancho at walang tigil na pinagsisipa siya. Hinayaan niya lang ito. May karapatan itong gawin ang bagay na ito sa kanya. Kasalanan niya ang lahat ng ito. Siya ang nagpapunta dito kay Maita. Siya ang nahuli ng dating at hinayaan itong mapahamak. Hindi niya na kaya ang sobrang sakit na nararamdaman. Pakiramdam niya ay may mga paang patuloy na winawasak ang puso niya. Muling napabagsak ng upo sa lupa ang señor. “Lumayas ka sa lugar na ito,” nangangatal na ang tinig nito. “Lumayas ka dito bago kita mapatay! Ilayo niyo ang lalaking iyan!” Hindi niya na nagawang maintindihan ang sunod na mga nangyari. Ang alam niya lang ay may kumakaladkad sa kanya patungo sa isang lugar. Wala na siyang pakialam kung saan mang lugar siya ipatapon. Wala na siyang pakialam kung anumang gawin ng mga ito sa kanya. Wala na siyang pakialam sa buhay niya. Dahil wala na ang taong pinakamamahal niya. Wala na si Maita. Ipinikit niya ang mga mata. Sana ay isang masamang panaginip lang ang lahat ng ito. Sana ay magising na siya. Maita… Patawarin mo ako… Mahal na mahal kita, iyon lang ang mga salitang tumatakbo sa isipan niya hanggang sa tuluyan na siyang nawalan ng malay kasabay ng paglalaho ng mundo niya.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD