PRESENT DAY…
Bumuntong-hininga si Leandro Sandoval habang nakatitig sa resort na ipinagawa niya sa loob ng mahabang panahon. Mystic Landia, alaala niya sa pangalan ng resort na iyon. Ito ang resort na nais na maitayo ng babaeng pinakamamahal niya. Ang resort na magsisilbing lugar kung saan mamumulat ang mga taong makakarating dito sa tunay na halaga ng pag-ibig, sa katotohanan na may tadhana nga sa mundong ito.
“Maita…” muling banggit niya sa pangalan nang babaeng nag-iisang may hawak ng puso niya simula noon hanggang ngayon. Napakaraming taon man ang lumipas ay hindi nagbago ang nararamdaman niyang iyon. “Ito ang gusto mo, hindi ba? Pangarap mong makatulong sa mga tao para makilala nila ang mga nakatakda para sa kanila. Sana… sana magawa ko silang matulungan kahit sa simpleng paraan.”
Ilang araw na lang ay magaganap na sa lugar na ito ang isang patitipon na pinag-planuhan niya. Ang Party of Destiny na siya mismo ang mag-ho-host bilang si Lolo Kupido. Iyon ang napili niyang pangalan dahil sa mismong Araw ng Pag-ibig nawala sa kanya ang babaeng pinakamamahal. Hinding-hindi niya makakalimutan ang araw na iyon.
Hinihiling niya na ang mga taong makakadalo sa pagtitipong iyon ay magawa ngang matagpuan ang mga nakatakda para sa kanila. Tulungan mo ako, Maita. Kung saan ka man naroroon, sana ay makita mo ang ginagawa kong ito. Mahal na mahal kita. Mahal na mahal.
Muli siyang humugot ng malalim na hininga at tinitigan ang hawak na white tuxedo mask na isusuot niya sa magaganap na party. Ito na lang ang huli niyang magagawa para sa babaeng iyon. Ito na lang ang nais niyang gawin sa natitira pa niyang taon sa mundong ito.