SINUNDAN ng tingin ni Elizabeth si Jack nang kumuha ito ng malaking bato at ipinukpok iyon sa salamin ng bintana ng bus na kinalalagakan niya. Kitang-kita niya ang galit sa mukha nito. Malakas siyang napaiyak habang patuloy sa pag-iling. Wala na. Wala na itong magagawa. Pinukpok niya ng isang kamay ang salamin ng bus para kuhanin ang atensiyon ng nobyo. “Umalis ka na, Jack,” garalgal na wika niya. Alam niyang hindi siya nito naririnig pero sana naman ay makuha nito ang bawat buka ng bibig niya. “Umalis ka na,” patuloy na pagtataboy niya dito. Marahas itong umiling at nagpatuloy lang sa pagpukpok ng bato sa salamin. Nang hindi iyon umubra ay binitawan nito iyon at malakas na pinagsusuntok ang salamin. Kitang-kita niya na ang umaagos na dugo sa mga kamay nito. Nasasaktan na siya ng sobra.

