Chapter 2

2239 Words
UNANG nakapasok si Dion sa CLC Network kung saan ay isa sa stock holders ang stepfather ni Rain. Tinulungan ito ng mama niya at ni Lucio matapos makapasa sa audition. “Congrats, hijo! I told you, basta sundin mo lang lahat ng gusto ko, makukuha mo rin ang inaasam mo,” narinig niyang sabi ng kaniyang ina sa binata. Mariing kumunot ang noo niya. Naabutan niya na nag-uusap ang dalawa sa parking lot ng TV network. Hindi alam ng mama niya na nasa loob siya ng kotse ni Dion. “Thanks, Tita. Promise, gagawin ko ang lahat ng makakaya ko. Utang ko sa inyo ang tagumpay na ito,” nakangiti namang wika ni Dion. “Sige na, babalikan ko pa si Lucio sa loob,” paalam ni Emma saka lumisan. Hindi alam ni Rain kung kailan naging close si Dion sa mama niya, na tila may malalim na ugnayan ang mga ito. Bago namatay ang ina ni Dion ay may alitan na nabuo rito at sa kaniyang ina. Hindi rin noon nakilala ni Dion ang mama niya dahil sa lola ito lumaki. Ang alam niya ay kusang nag-audition si Dion sa talent agency ng network kaya ito nakapasok. Tinulungan din pala ito ng mama niya. Nagkunwari siyang tulog nang pumasok si Dion. Nakabukas lang ang kotse simula nang iwan siya nito roon may kalahating oras din ang nagdaan. Mabilis ang pag-angat ng career ni Dion simula nang naging viral ito sa social media. Isa ring online sensation si Dion, influencer, at isa sa tinitingalang product endorser at fashion model. Pero maraming kilala ring artista ang naiuugnay sa binata. Hindi pa siya gaanong kilala ng madla dahil kasisimula pa lamang niya sa product endorsement. Mahigpit ang kompetisyon sa showbiz. Kailangan niyang makagawa ng ingay upang umangat at mapansin ng mga tao. Isa iyon sa mabisang marketing strategy. Kinabukan din niyon ay bumalik sa CLC Network si Rain at nag-audition pero hindi siya umabot sa kota. Maraming mas talented at maganda kaysa kaniya. Dismayado siya ngunit hindi sumuko. Kailangan kasi makapasa muna siya sa audition bago siya gabayan ng kaniyang ina katulad ng nangyari kay Dion. Bumalik na lamang siya sa studio ng local branch ng talent agency ng stepfather niya. Freelancer lang siya rito. May bago siyang endorsement project na naka-schedule ang taping sa araw na iyon. Dahil hindi siya mahatak-hatak ng kasikatan ni Dion, kumapit na siya sa kaniyang stepfather. Kilalang businessman si Lucio. Pag-aari nito ang international talent agency na merong sangay sa Paris France, Turkey, at New York. Nakikilala na rin sa Asia ang agency nito, at tumatangap ng Asian talents. Maliban sa talent agency, merong hotel and casino sa New York si Lucio, meron din sa Pilipinas, condominium, real estate properties, at yacht and golf clubs sa Clark. Nakatiyamba ang mama niya dahil nakabingwit ng bilyonaryo. Ang laki ng binago ni Lucio sa buhay nilang mag-ina. Kahit hindi niya hiniling, binigyan siya ng ginoo ng kotse, isang unit sa condominium nito roon sa Pasig City. Tiba-tiba silang mag-ina, lalo na kung masolo nila ang mana. Sino ba naman ang tatanggi sa oportunidad na iyon? Hindi na rin siya apektado na matawag silang mag-ina na gold digger ng mga tsimosang kapitbahay nila noon sa Pampanga. Hindi naman nagkulang ang kaniyang ina sa pag-aalaga sa asawa nito. Sinusuklian nila ng alaga ang yamang natatanggap mula sa ginoo. Busy sa rehearsal ng bagong endorsement niya si Rain nang tumawag ang mama niya. Ayaw nitong tumigil kaya sinagot na niya nang makatiyempo. Lumabas siya ng studio. “Ma, bakit? Nasa rehearsal pa ako,” iritableng sagot niya sa tawag ng ina. “Matagal pa ba ‘yan? Baka puwedeng umuwi ka muna rito sa bahay!” eksaheradong sabi nito sa kabilang linya. “Ano ba ang nangyari?” “Hindi ako makahinga!” “Ano?!” Nataranta na siya. “Wait! Magpapaalam ako sa manager ko,” aniya saka pinutol ang linya. Mabuti pinayagan siya ng manager na umuwi dahil sinabi niya na merong emergency. Nabinbin pa siya sa traffic. Nakailang tawag na siya sa numero ng ina pero hindi nito sinasagot. Inalipin na siya ng kaba. May hika pa naman ang mama niya, at kapag inaatake ng nerbiyos ay hirap huminga. Mahigit isang oras siyang nakipaggitgitan sa traffic bago nakarating sa mansiyon. Aligaga na ang mga kawaksi dahil hinimatay umano ang kaniyang ina. Pati si Lucio ay napausad ang inuupuang wheelchair makalapit lang sa kaniyang ina na nakahiga na sa sahig. Dumating ang ambulance car at naisugod kaagad sa ospital ang mama niya. Siya na lamang ang sumama rito dahil nahihilo si Lucio. She called all saints for her mother’s recovery, pero nagkamalay rin ang ina pagdating ng opital. Pina-admit pa rin niya ito. Panic attack ang nangyari rito. “Ano’ng nangyari?” tanong nito nang mahimasmasan. Naroon na sila sa private ward ng ospital. Nakahinga rin siya nang maluwag. “Inatake ka ng nerbiyos. Ano ba kasi ang nangyari?” aniya. Inalalayan niya’ng makaupo ang ina. “Hindi ko kinaya ang ibinalita sa akin ni Lucio kanina, anak,” mangiyak-ngiyak na sabi nito. “Ano ba ‘yon?” “Natagpuan na ang matagal nang hinahanap niyang anak.” Nawindang siya, napatayo. “Natagpuan!” bulalas niya. “Oo, at darating na nga raw sa Linggo kaya magpapahanda ng welcome party si Lucio.” Nataranta na rin siya. “P-Paano niya nalaman na anak nga niya iyong nakita?” “Eh, may matandang babae raw na lumapit sa secretary ni Lucio, at sinabi nga na ina siya ng babaeng nabuntis noon ni Lucio. Lalake pala iyong anak niya at binata na, twenty-eight years old. Noong pina-DNA test nila, positive,” umiiyak nang kuwento nito. Ilang sandali siyang walang kibo. Malaking problema nga sa mama niya ang pagdating ng anak ni Lucio, pero para sa kaniya, wala silang karapatang kumontra. “Huwag na po kayong mag-alala, Ma. Hindi ka naman kalilimutan ni Tito Lucio, eh,” sabi niya. “Eh paano kung maghari-harian ang anak niya at hindi ako magustuhan? Baka wala akong makuhang mana.” Lumuklok siya sa tabi ng ina at hinagod ang likod nito. “Hindi po mangyayari ‘yan. May karapatan kayo sa ari-arian ng asawa mo dahil legal kayong kasal. Huwag nga kayong overacting diyan. Basta magpakabait ka sa stepson mo, magkakasundo kayo.” Tumango ang ginang. Kumalma rin ito nang yakapin niya. Nang bumuti ang pakiramdam ng kaniyang ina ay pinayagan din sila ng doktor na umuwi. LINGGO ng gabi. Ayaw sanang dumalo ni Rain sa welcome party para sa darating na anak ni Lucio. Pero napilit siya ng ginoo. Tinapos lang niya ang taping para sa endorsement at umuwi sa mansion kasama si Dion. Maraming bigateng bisita na imbitado sa party, at excited na makilala rin ang anak ni Lucio. “Hindi ko alam na may anak pala si Sir Lucio,” sabi ni Dion nang lulan sila ng kotse niya pauwi ng mansiyon. Ito ang nagmaneho. “Matagal na niyang pinahahanap ang anak niya, kaso walang nakaaalam,” sabi niya. “Paano nila nakita at saan?” “Ang lola mismo ng anak niya ang lumapit sa secretary ni Tito Lucio. Ayon, pina-DNA ang anak at positive.” “You mean, may asawa dati si Sir Lucio?” “Wala, may naanakan lang na babae. Naging talent daw sa agency ni Tito Lucio iyong babae, isang part-time model na pinay. Nagkaroon sila ng secret affair, pero ayaw ng babae magpakasal dahil mas mahal niyon ang boyfriend na pinoy. Pero nabuntis iyong babae bago umalis. Hindi na naghabol si Tito kasi nabalitaan niya na iba-ibang lalaki ang sinamahan ng babae matapos manganak. Tumira pa sa US iyong babae kasama ang bagong boyfriend,” kuwento niya. Base rin iyon sa naikuwento ni Lucio sa kaniyang ina. “I’m glad Sir Lucio found his long-lost son. Pero sana makasundo ninyo siya,” komento ni Dion. “Sana nga,” aniya sa malamig na tinig. Pagdating sa mansiyon ay marami nang tao. Alas siyete na ng gabi at magsisimula na ang party. Hinanap ni Rain ang kaniyang ina. Kasama ito ni Lucio sa harap ng ginawang munting entablado sa malawak na lobby ng mansiyon. Hindi na siya nagbihis at suot lang ang pulang dress na terno sa kaniyang three inches sandals at shoulder bag. Nagpalit naman ng black suit si Dion. May ilang kilalang celebrities din na dumalo, mga negosyanteng kaibigan ni Lucio. Mula roon sa dulong round table ay napansin niya ang anxiousness ng kaniyang ina. Hindi mapakali ang mga mata nito habang nakatayo sa gawing kaliwa ni Lucio na may hawak sa microphone. Gumala rin ang paningin niya sa paligid. Maaring naroon na sa mansiyon ang anak ni Lucio at naghihintay na tawagin. Malapit sa hagdan patungong second floor ang stage, na marahil ay doon bababa ang anak ni Lucio. Dinaig pa ang debut party ng rich kid, may red carpet. May five-layer cake pa, buffet foods, cocktails, with luxurious catering services. “Good evening, ladies and gentlemen! Thank you all for coming tonight to witness and welcome my long-lost son. I searched for him for more than two decades but failed to find him. And I was grateful because God gave me a chance to meet my son before I died. No words could express how happy I am now,” Lucio’s short speech. He cried before he proceeded. “Tonight, let’s all welcome my only son!” Itinaas nito ang kanang kamay at itunutok sa hagdanan. Napatingin lahat sa itaas. Ang focus ni Rain ay sa kaniyang ina na tila lamay ang dinaluhan. Hindi ito tumingin sa hagdan, sa halip ay nakayuko. Nag-aalala na siya rito. “Hey! Are you alright?” tanong ni Dion sa kaniya. She nodded. “Nag-aalala lang ako kay Mama,” aniya. Inakbayan siya ni Dion at hinagkan sa ulo. “Huwag kang mag-alala, magiging okay rin ang mama mo.” She sighed and raised her head to see her stepbrother. But the time seemed to stop ticking, the world stopped moving, or even her heart temporarily stopped beating when she saw the guy stepping down the stairs. She guessed he was a six-foot-tall, hunk, had wavy three inches of hair, had a shaved beard, and was gorgeous wearing a gray tuxedo. Lumapit sa ama nito ang lalaki at yumakap kay Lucio. At nang humarap ito sa kaniya ay pumintig nang husto ang pulso ni Rain, sobrang bilis na tila aatakehin siya sa puso. Nawalan ng lakas ang kaniyang mga tuhod at napakapit sa braso ni Dion. Niyapos naman siya nito at inalalayan paupo sa silya. Binigyan siya nito ng tubig, na kaagad niyang nilagok. Hinahapo siya. Gusto niyang magpasampal kay Dion nang magising siya, pero wala siya sa panaginip. Hindi rin siya nagmalikmata sa nakita. “Rain, okay ka lang?” nag-aalala nang tanong ni Dion, todo hagod sa kaniyang likod. She cleared her throat and inhaled heavily. “I-I want some fresh air,” sabi niya. Sinamahan naman siya ni Dion sa labas ng mansiyon, sa parking lot. Doon ay nahimasmasan siya. “Ano’ng problema?” usisa ni Dion. Nakatayo ito sa harapan niya. “Hindi ito totoo. Panaginip lang ito,” nahihibang nang wika niya, pinapalo ang itaas ng dibdib. Inalog na ni Dion ang balikat niya. Tumitig siya rito. “Ano ba ang pinagsasabi mo? Bumalik na tayo sa loob baka hinahanap ka na ng mama mo.” She tilted her head. “Ayaw ko. Umalis na tayo rito, Dion.” “Aalis? Dito ka nakatira, Rain.” “I mean, ihatid mo ako sa condo. Doon na muna ako.” “Teka nga. Ano ba ang nangyayari sa ‘yo?” Hindi siya nakakibo, ni hindi nakahuma nang hilain siya ni Dion pabalik sa lobby ng mansiyon kung saan ang pagdiriwang. Kumakain na ang mga bisita. Hinanap niya ang kaniyang ina. Kasama pa rin ito ni Lucio sa harap ng entablado. “Wait, kukuha ako ng food natin,” paalam ni Dion. Nakatayo lang siya sa tabi ng mesa. Hindi pa rin siya maka-get over sa natuklasan. It’s a nightmare to know that her stepbrother was her ex-boyfriend Kaiden! Ang lalaking isinumpa niya na huwag na sanang mag-cross ang kanilang mga landas. Saka niya naalala na American-Turkish pala ang tatay ni Kaiden na hindi nito nakita. Pero sabi ni Kaiden ay kilala nito ang mukha at pangalan ng ama. Ayaw lang niyong makasama ang ama dahil inisip nito noon na inabandona ito. Apelyido ng stepfather nito ang pinagamit dito ng ina. Hindi na siya mapakali. Nagmamadaling umalis siya sa lobby at patungo sa banyo roon sa ground floor. Ngunit bago niya marating ang pasilyo patungong banyo ay hinarang siya ng malaking katawan ng lalaki. Nanuot sa ilong niya ang matapang nitong pabango. Pamilyar sa kaniya ang presensiya nito. Mula sa dibdib nito ay umangat ang kaniyang paningin sa mukha nito. At kamuntik na siyang mawalan ng balanse sa pagkagulat. “Hi, babe! Long time no see,” bati ng lalaki sa baritonong tinig. “K-Kaiden,” sambit niya sa nangangatal na tinig. Walang kurap siyang nakatitig sa guwapong mukha ng lalaki. Pilyo ang ngiti nito, tila may masamang binabalak. But his silly smiles reminded her of when she first fell in love with Kaiden’s killer yet alluring smile. “Rain, the only woman in this world who could make me insane,” he said in a husky voice. Pinanawan na ng wisyo si Rain, hindi maawat ang pagtahip ng kaniyang dibdib.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD