“NO puc prendre la crueltat dels espanyols als meus compatriotes. No wala labat so nagawaan ko para ed sikara.” Nakakunot ang noo ni Verona habang binabasa ang sulat ng isa sa ninunong babae ni Inang Selva. “Magkakahalo pong Kastila, Tagalog at Pangasinense.” “Sinasabi diyan na hindi niya masikmura ang kalupitan ng mga Kastila sa kanyang kababayan. Kung may magagawa lang daw sana siya dahil di na daw iyon makatarungan,” sabi ni Inang Selva. “Nang panahong iyon ay iilan lang ang mga babaeng nakapag-aral. Karamihan ay kimi at walang alam. Pero iba si Saturnina. Mulat ang mga mata at isipan niya. Pagkagaling sa simbahan ay tinitipon niya ang mga anak ng mga magsasaka para turuang magbasa at magsulat. Hindi iyon ikinatuwa ng cura paroco dito dahil wala daw utak ang mga indio. Sayang lang ang

