Pagkatapos ng meeting ay lumabas na ng room ang ibang campus journalists. Habang kami naman ni Shane ay naiwan pa rin sa loob ng room dahil may sasabihin daw si ma’am sa amin.
Tinawag kami ni ma’am at pinaupo sa dalawang upuan na nasa harapan niya.
“Tara dito mga anak, maupo kayo rito,” tawag sa amin ni ma’am.
“Congratulations again Samantha, for being the EIC,” muling pagbati sa akin ni ma’am.
“Thank you po,” tugon ko.
Nasilayan ko ang mga ngiti mula kay ma’am, ngunit noong dumako na ako ng tingin kay Shane ay hindi ito nakangiti at nakatingin lang sa ibang direksyon.
“Oh, ikaw Shane, iha, balita ko ay magaling kang manunulat,” sambit ni ma’am.
Noong sinabi iyon ni ma’am ay agad na dumako ang tingin ni Shane kay ma’am.
“A-ah, hindi naman po, pero campus journalist na po ako since elementary,” tugon ni Shane.
“So, meron ka na rin palang foundation?”
“Opo, naimpluwensiyahan din po ako ng kapatid ko na isang campus journalist,” nakangiting sagot ni Shane.
Habang sinasabi iyon ni Shane ay naramdaman ko kung gaano siya kaproud sa kanyang sarili. Habang binabanggit niya rin ang mga salitang ‘yon ay hindi ko maiwasang kwestyunin ang kakayahan ko, na bakit ako? pwede naman siya. Sobrang doubtful ko talaga sa aking sarili.
“Tamang-tama pala at kayong dalawa ang napili ko,” sambit ni ma’am.
“Saan po?” mausisang tanong ni Shane.
“Ikaw ang magiging Associate Editor, Shane,” sambit ni ma’am.
“Associate lang?” I mean associate po?” tanong ni Shane na halata ang pagkakagulat sa kanyang mukha.
“Oo, anak. Si Samantha ang Editor in Chief, ikaw naman ang Associate Editor,” pagpapaliwanag ni ma’am.
Nahalata ko ang galak ni ma’am habang sinasabi niya ang aming mga magiging posisyon.
Ngunit ikinagulat ko ang sinagot ni Shane.
“Pag-iisipan ko po muna, ma’am,” sambit ni Shane.
“Ba-bakit anak? busy ka ba? hindi ka ba papayagan ng parents mo?” sunod-sunod na tanong ni
ma’am.
“Hindi naman po, to be honest, I am expecting that I will be the EIC,” pagsasabi ng totoo ni Shane.
“I think my parents would be disappointed in me because they are expecting that I will be the Editor in Chief of the campus journalism of our school,” dagdag pa niya.
“Oh, I am sorry, iha,” nahalata ko sa mukha ni ma’am ang symphaty niya para kay Shane.
Dahil sa sinabi na ‘yon ni Shane, hindi ko tuloy maiwasan na makonsensya. Ineexpect na pala ng parents niya na magiging EIC siya. Feeling ko tuloy inagawan ko siya ng pwesto. Feeling ko tuloy hindi nararapat sa akin ang position ng EIC.
“Ma’am, pu-pwede naman pong si Shane na lang po ang EIC,” sambit ko.
Ikinagulat iyon ni ma’am at si Shane ay biglang napatingin sa akin.
“Hindi iha, you deserved that position. I believe in both of you, kaya nga kayo ang napili ko sa dalawang mataas na position,” pagpapaliwanag ni ma’am.
“Thank you po ma’am, pero pwede po bang si Shane na lang ang maging EIC. May expectations din po kasi sa kanya ‘yong parents niya,” aking pagpupumilit.
“It’s okay ma’am, she can be the EIC. I will talk to my parents na lang po,” sambit ni Shane.
“Okay iha, but I want you to know that the position of EIC is already for Samantha, I want you to be the Associate Editor. Again, I believe in both of you. That's why I offer the two positions to both of you,” muling sambit ni ma’am na ikinataba ng aking puso.
Grabe lang ang paniniwala sa amin ni ma’am. Paano ko hindi gagalingan? Paano ko bibitawan? Paano ko hindi paninindigan.? Kung alam kong may taong naniniwala sa akin.
“It’s already late, both of you can go home,” sambit ni ma’am.
“Okay po, thank you,” tugon ko.
“Okay po,” sambit naman ni Shane.
Paglabas ng Journalism Room ay nakita ko si Jeron na naghihintay at si Shane naman ay hinintay din ng kanyang mga kaibigan.
“Oh, anong balita?” mausisang tanong ni Jeron.
“Mahabang kwento,” maikli kong tugon.
Nagkasabay kami nina Jeron, Shane at kanyang mga kaibigan sa pagbaba sa hagdan.
Sila ay nauuna sa amin at narinig namin ni Jeron ang kanilang kwentuhan.
“Oh, ano? ikaw ba ang EIC?” tanong ng isang kaibigan ni Shane.
“Panigurado nuh, siya talaga ‘yan,” sagot ng mga kaibigan ni Shane.
Halata sa mga kaibigan ni Shane na ineexpect talaga nila na si Shane ang magiging EIC.
“Ano? bakit hindi ka sumasagot? hindi ba ikaw?” mausisang tanong ng isang kaibigan ni Shane.
“Kasi kung hindi ikaw, sino naman ang iba pang deserving para sa pwesto na ‘yon?” sambit ng isang kaibigan ni Shane.
“Wala pa, hindi pa sinasabi. Can you please stop asking me regarding those questions,” tugon ni Shane at halata ko ang inis sa tono ng kanyang pananalita.
Pagkatapos sabihin ‘yon ni Shane ay nauna siya paglalakad at naiwan ang kanyang mga kaibigan.
“Hmm.. hindi siguro siya nuh?” sambit ng isa niyang kaibigan.
“Bakit Samantha? may nangyari ba kanina?” mausisang tanong ni Jeron.
“Mahabang kwento,” tugon ko.
“Kwento mo bukas huh, mauuna na ako,” sambit ni Jeron.
“Sige, ingat,” tugon ko.
Si Anne naman ay natanaw kong naghihintay sa harap ng school gate.
‘Anne, sorry natagalan,” sambit ko.
“Ano ka ba, okay lang. Oh, anong balita?” tanong ni Anne.
“Okay naman ang naging meeting Anne, naging maayos naman,” sambit ko.
“Mabuti naman kung ganoon,” tugon ni Anne.
“Anne?”
“Oh, bakit? may problema ba?” sambit ni Anne.
“Wala naman, pero naniniwala ka ba sa kakayahan ko?”
Nahalata ko sa mukha ni Anne ang pagkakagulat ng tinanong ko ‘yon.
“Bakit mo pa kailangan na tanungin ‘yan. Eh, alam mo naman na ‘yong sagot,” tugon ni Anne.
“Eh, kasi parang hindi ako deserving,” tugon ko.
“Ano ka ba, naniniwala ako sa kakayahan mo. Noong nagpasa ka ng article sabi ko sayo diba matatanggap ka. Kahit si Jeron naniniwala sa iyo. Ang dami ngang nag congrats sayo diba? Ibig sabihin noon, marami kaming naniniwala at nagtitiwala sa iyo,” sambit ni Anne na ikinataba ng puso ko.
“Bakit? May nangyari ba kanina?” pagtatanong ni Anne.
“Ako kasi ang napiling EIC sa Campus Journalism, Anne,” sambit ko.
“Congrats! ang galing mo talaga,” tugon ni Anne ng may galak.
“Thank you, kaso parang hindi naman ako deserving,” sambit ko.
“Bakit naman?” nagtatakang tanong ni Anne.
“Eh kasi first time ko lang naman, wala pa kong masyadong alam or pundasyon,” pagpapaliwanag ko.
“Ano ka ba, binigay iyan sa’yo kasi nagalingan at may tiwala sa iyo si ma’am,” sambit ni Anne.
“Kaso iniisip ko talaga kung deserving ako, bakit kaya hindi na lang si Shane ang naging EIC,” tugon ko.
“Ay, ano nga palang position ang nakuha niya,” pagtatanong ni Anne.
“Associate Editor ang inooffer sa kanya, pero sabi niya kasi sasabihin niya muna sa parents niya. Her parents are expecting na siya ang magiging EIC, naikwento niya kanina sa amin ni ma’am,” sambit ko.
“So, iniisip mo ‘yong kalagayan ni Shane nuh? Naku, Samantha kilala kita. Lagi mo munang iniisip ang ibang tao bago ang sarili mo,” tugon ni Shane.
“Feel ko kasi mas deserving siya, may experience na siya, may foundation. At saka nag eexpect kasi ‘yong parents niya. Ayoko lang na madisappoint ‘yong parents niya sa kaniya o kaya mapagalitan siya,” paliwanag ko kay Anne.
“Wala ka namang kasalanan doon, Samantha. Hindi mo kasalanan na ikaw ang napili. Feeling ko maiintindihan naman si Shane ng magulang niya. So, huwag ka nang mag-isip dyan,” pagpapaalala ni Anne.
“Hay ewan, feeling ko may inigawan ako ng posisyon,” sambit ko.
“Hindi ka nang-agaw, hindi ka nagpumilit. Kusa ‘yang binigay sayo kasi deserve mo,” tugon ni Anne.
“Salamat, Anne,” sambit ko.
“The best ka kaya,” tugon ni Anne.
“Oh paano, maghihiwalay na naman tayo. See you bukas, ingat,” sambit ko.
“See you, ingat,” tugon ni Anne.
Umuwi na ako agad sa aming bahay.
Pagkapasok ko ay nadatnan kong wala si tatay sa loob ng bahay.
Tumungo ako sa aming bakuran ngunit wala rin doon si tatay.
Nagdesisyon akong magbihis muna at hintayin na lang ang pag-uwi ni tatay. Baka kasi may ginagawa pa siya sa bukid.
Noong tignan ko ang aming kaldero ay wala pang kanin. Nakatambak din ang mga baso at plato na ginamit pa namin kaninang almusal. Baka hindi nakauwi si tatay galing bukid kaya hindi siya nakapaghugas at saing.
Nagsaing ako agad at pagkatapos ay hinugasan ang mga baso at pinggan. Pagkatapos kong maghugas ay lumabas din ako ng bahay at tumungo sa tindahan para bumili ng itlog na uulamin namin ni tatay.
Pagkatapos bumili ay iprinito ko na ang itlog. Medyo nasunog pa nga eh, kasi hindi pa ako gaanong marunong magluto. Nagwalis din ako at nilinis ang mga kalat. Sa ganitong mga panahon at sitwasyon ay naaalala ko si nanay. Naaalala ako ang pag-aalaga niya sa amin ni tatay.
Makalipas ang oras ay dumating na si tatay.
“Pasensya na anak at ginabi si tatay,” sambit ni tatay habang ibinababa ang mga ginamit niyang gamit sa bukid.
“Ayos lang po ‘tay, nakapagsaing at luto naman na po ako,” tugon ko.
Noong nakita ko si tatay na puro putik ang kanyang mga damit, pantalon, tsinelas at mga gamit ay hindi ko maiwasan na hindi maawa sa kanya. Gusto kong dumating ang panahon na hindi na niya kakailanganin pang magtrabaho, mahirapan, at sumuong sa maputik na lugar para lang kumita ng pera. Alam ko darating araw na maiaahon ko siya sa hirap at mabibigyan ng maginhawang buhay.
Naghain na ako at tinawag si tatay para mag hapunan.
“Tay, handa na po ang pagkain.”
“Sige anak, isasampay ko lamang itong damit na nilabhan ko,” tugon ni tatay.
Pumasok si tatay at naupo sa upuan.
“Kamusta ang araw mo sa school anak?” pagtatanong ni tatay.
“Okay naman po tay.” tugon ko.
“Kamusta ‘yong pinag auditionan mo, may resulta na ba?” usisa ni tatay.
“Opo tay, natanggap po ako,” tugon ko.
“Aba’y, Congrats anak,” pagbati ni tatay.
“Hindi lang po ‘yon tay. Ako rin po ang EIC sa campus journalism,” sambit ko.
“Aba’y, ano ba ‘yang EIC na ‘yan anak?” nagtatakang tanong ni tatay.
“Editor in Chief po ‘tay, parang leader po ng Journalism,” tugon ko.
“Aba’y napakagaling mo naman pala anak. Manang-mana ka kay tatay,” sambit niya habang nakangiti.
“Alam mo naman ‘tay kung kanino ako nagmana… kay nanay,” pagbibiro kong sagot.
Natawa si tatay at tumingin sa picture ni nanay na nakadisplay sa sala.
“Asawa ko, tignan mo ‘tong anak mo. Aba’y napakagaling, manang-mana sa tatay,” sambit niya.
“Panigurado ako anak, proud na proud sa ‘yo ang nanay mo,” dagdag pa ni tatay.
“Sana nga po ‘tay,” tugon ko.
“Kaya po, ‘tay? Kamusta po sa bukid?”
“Okay naman anak, medyo busy lang,” tugon ni tatay.
“Sa sabado tay huh, ibigay niyo na po ‘yong araw na ‘yon para macheck up kayo ni ate Joana,” pagpupumilit ko.
“Titignan ko pa anak,” sambit ni tatay.
Pagkatapos kumain.
“Matulog ka na anak, si tatay na ang bahala rito,” sambit ni tatay.
“Hindi tay, ako na po. Magpahinga na po kayo,” tugon ko.
“Hindi anak, ako ng bahala. Mag-aral ka na muna at gawin ang mga assignment mo,” sambit ni tatay.
“Okay po ‘tay, salamat po.”
Pumasok ako ng kwarto at ginawa ang aking mga assignment. Pagkatapos ay hindi ko na namalayan na nakatulog na ako. Nagising na lang ako kinabukasan na may naka talukbong na kumot sa akin. Siguro ay inilagay ito ni tatay.
Paglabas ko ng kwarto.
May nakahain ng pagkain at gatas sa lamesa. May iniwan ding papel si tatay na may nakasulat na, “Kumain ka muna anak bago ka pumasok, pumunta na agad ako sa bukid. Mag-iingat ka sa pagpasok,” ang nakasulat sa papel.
Kumain na ako agad at naghanda sa pagpasok.
Noong nasa school na kami ay nakasabay namin ni Anne si Shane paakyat ng hagdan. Sinenyasan ko si Anne na mauna na siya sa akin dahil balak kong kausapin si Shane.
“Sha-shane,” nauutal kong sambit.
“Yes?” tugon ni Shane.
“So-sorry, promise wala akong intention na maging EIC. Kahit nga ako eh, nagulat,” pagpapaliwanag ko.
“It’s okay, don’t worry,” tugon ni Shane na walang expression. Kaya hindi ko alam kung okay lang ba talaga sa kanya.
“Galit ka ba sa akin,” pag-uusisa ko.
“No, the problem is not you. It’s me, my capabilities. My parents are already disappointed in me. So please, do not be sorry,” tugon ni Shane.
“I am already unwanted, Samantha so do not be sorry,” dagdag pa ni Shane at umalis na agad.
Pumasok na si Shane sa room at ako naman ay naiwan sa aking kinatatayuan. Parang wala akong lakas na ihakbang ang aking paa dahil sa naging mga sagot ni Shane.