Hindi pa rin maintindihan ni Marie ang sarili.
Kung tutuusin, wala naman ginawa si David nitong mga nakaraang araw na maaari niyang ika-inis. Hindi naman ito nang-aasar.
Pero sa tuwing nakikita niya ang lalaki, kusa pa ring bumabalik sa isip niya ang lahat ng nangyari noong una silang magkita.
Ang mayabang nitong tingin ng bumaba ito sa kotse.
Ang paraan nito ng pagsasalita na tila alam na alam ang lahat.
At higit sa lahat...
Ang unang pagkikita nilang nauwi sa hindi magandang impresyon.
"Gwapo nga," aminado niyang bulong sa sarili.
Kahit ayaw niyang tanggapin, imposibleng hindi mapansin ang hitsura ni David. Matangkad ito, malinis manamit at maayos ang tindig. Isa ito sa mga lalaking madaling mapa-lingon ang sinumang babae.
Pero hanggang doon lang.
"Hindi naman ibig sabihin na dahil gwapo siya, maganda na rin ang ugali niya," dagdag niya sa sarili.
Napailing siya.
Mas gugustuhin pa niyang makatagpo ng isang ordinaryong taong may mabuting puso kaysa sa isang lalaking halos perpekto ang mukha ngunit nakakairita ang personalidad.
Kaya nang makita niya ang halamang iniabot nito ilang araw na ang nakalipas, hindi niya alam kung ano ang dapat niyang maramdaman.
Oo, napangiti siya.
Marahil dahil hindi niya inaasahang magbibigay ito ng halaman sa kanya.
Noong una, inisip niyang baka isa na naman iyong biro.
O baka may kapalit.
Baka gusto lamang nitong magmukhang mabait sa harap ng iba.
Ngunit lumipas ang mga araw.
Wala naman itong hininging kapalit. Hindi rin nito ipinagkalat na may ibinigay itong regalo sa kanya.
At iyon ang lalong nagpa-lito kay Marie.
Napasulyap siya sa maliit na paso na nakapatong malapit sa bintana ng sala ng bahay nila. Masigla pa rin ang mga dahon nito, malinaw na inalagaan niya ng maayos.
Sa tuwing mapapa-tingin siya roon, hindi niya maiwasang maalala ang ekspresyon ni David nang iabot nito ang halaman.
Hindi mayabang.
Hindi mapang-asar.
At hindi rin mukhang nagpapakitang-tao.
Para bang...
Sinsero talaga ito.
Napabuntong-hininga siya.
"Ano ba talaga ang totoo sa'yo, David?"
Hindi niya gusto ang ideyang unti-unting nagbabago ang tingin niya rito.
Mas madali pa noong buo ang galit niya sa lalaki. Mas madali kaysa ngayon na naguguluhan siya at napapaisip kung baka may mabuti naman pala itong kalooban at siya lamang ang naunang humusga.
Ngayon...
Hindi niya na alam.
Hindi dahil gusto na niya si David.
Kundi dahil may mga kilos itong hindi tugma sa imaheng nabuo niya tungkol dito noong una silang magkrus ang landas.
Napailing siya.
"Huwag kang magpadala, Marie. Isang halaman lang iyon. Hindi ibig sabihin no'n na mabuti na siyang tao."
Ngunit kahit anong pilit niyang kumbinsihin ang sarili, hindi na maalis sa isip niya ang simpleng regalong iyon.
Hindi pala lahat ng pagbabago ay nagsisimula sa malalaking bagay.
Minsan...
Isang maliit na paso lang ang nagiging dahilan upang unti-unting mabawasan ang galit.
Samantala, lumipat ang tingin ni David sa hardin ng bahay, malapit sa balkonahe.
Nasa balkonahe siya nang hapong iyon habang saglit na umalis si Kris upang kumuha ng meryenda sa kusina.
Muli niyang nasilayan si Marie.
Abala itong nag-aasikaso ng mga halaman at ni hindi man lang siya nilingon.
At sa totoo lang...
Ayos lang iyon sa kanya.
Hindi naman niya balak na mapalapit dito.
Kung hindi lang dahil kay Kris, hindi siya bibili ng halaman bilang peace offering para kay Marie. Hindi rin siya mag-aabala pang isipin kung paano nito tatanggapin iyon.
Naaalala pa niya ang sinabi ni Kris.
"Pwede mo bang kausapin si Marie? Mabait naman siya."
Napangiti siya nang maalala iyon.
Mabait?
Kung ang pagbato nito ng mga prutas at gulay sa sasakyan niya, at pagbato rin ng isdang bangus sa kanyang mukha ang pagbabasehan, malayong-malayo iyon sa salitang mabait.
At saka lamang niya muling naalala ang isang bagay.
"Sandali... siya nga pala... siya 'yong babaeng iyon."
Ang babaeng galit na galit habang sunod-sunod na tumatama ang mga kamatis at iba pang gulay sa kotse niya.
Hindi niya agad nakilala noon.
Marahil dahil wala rin naman siyang balak alalahanin ang mukha nito. Ngunit ngayong mas madalas na niya itong nakikita, unti-unti ring bumabalik sa kanyang alaala ang mga pangyayari.
Napailing siya.
Hindi niya akalaing muli pang magtatagpo ang mga landas nila.
Kung hindi lang dahil kay Kris, malamang hanggang ngayon ay wala pa rin silang maayos na usapan.
Hindi rin niya maitatangging may inis pa rin siya rito.
Sino ba naman ang matutuwa matapos pagbabatuhan ng mga prutas at gulay ang sariling sasakyan? At batuhin ang mukha mo ng isda?
Kararating pa lamang niya noon mula sa Switzerland at kakabili pa lang niya ng kotse. Ngunit ayaw niyang magmukhang mayabang, kaya imbes na ang bagong sasakyan ang isipin, mas pinili niyang alalahanin na lamang ang nasirang pintura.
Kaya kahit sinusubukan niyang maging maayos ang pakikitungo kay Marie, hindi iyon dahil gusto niyang mapalapit dito.
Ginagawa niya iyon para kay Kris.
Ngunit hindi niya mapigilan ang sariling mapa-isip.
"Mukhang hindi lang ako ang nahihirapang pakitunguhan siya. Alam kong hanggang ngayon, hindi pa rin maganda ang loob niya sa akin."
Sa bawat pag-iwas ni Marie...
Sa bawat malamig nitong tingin...
Malinaw na hindi pa rin nawawala ang sama ng loob nito sa kanya.
At kung tutuusin...
Pareho lang sila.
Pareho silang may dahilan kung bakit hindi agad mabubura ang hindi nila pagkakaunawaan.
Ngunit may isang bagay na hindi niya inaasahan.
Sa tuwing napapatingin siya sa halamang ibinigay niya, may kung anong pakiramdam na nagsasabing baka hindi pa tuluyang sarado ang pintuan sa pagitan nilang dalawa.
At marahil...
Hindi lang si Marie ang unti-unting naguguluhan.
Siya rin.
"Hindi ko naman talaga balak makipag-ayos sa kanya."
Iyon ang paulit-ulit niyang ipinapaalala sa sarili.
Kung hindi dahil kay Kris, malamang hanggang ngayon ay dedma lamang sila sa isa't isa.
Nang maalala niya ang babaeng naghagis ng mga prutas,gulay at isda, halos mapangiti siya.
Noon, ang nasa isip lang niya ay isa itong babaeng mainitin ang ulo at padalos-dalos.
Ngunit hindi niya inaasahang aalagaan nito ang halamang ibinigay niya.
Akala pa nga niya, kinabukasan ay makikita na lamang niya iyon sa basurahan.
Ngunit naroon pa rin ang paso.
At buhay pa rin ang halaman.
Hindi niya maipaliwanag kung bakit tila gumaan ang pakiramdam niya nang mapansing inalagaan pala talaga iyon ni Marie.
"Huwag kang mag-isip ng kung anu-ano, David," saway niya sa sarili. "Ginawa mo lang iyon para kay Kris."
Iyon lang ang dapat niyang tandaan.
Dahil kung wala si Kris...
Hindi siya lalapit kay Marie.
Pero kahit ilang beses pa niyang ulitin iyon sa sarili, may isang bagay siyang hindi kayang itanggi.
May kung anong nagbago.
At maaaring hindi pa niya alam kung ano iyon...
Ngunit unti-unti na niyang nararamdaman.