Marahang inayos ni Marie ang mga sariwang bulaklak na kararating lamang sa flower shop.
Isa-isang hinawi ng kanyang mga daliri ang mga talulot ng puting rosas bago niya inilagay ang mga iyon sa isang malaking plorera. Palagi niyang sinisigurong sariwa at kaaya-ayang tingnan ang bawat bulaklak na ibinebenta nila.
Hindi lamang iyon negosyo para sa kanya. Isa iyong bagay na minahal niya simula pa noong bata siya.
Napangiti siya habang pinagmamasdan ang makukulay na bulaklak na nakahanay sa loob ng tindahan. Kung may isang lugar na nagbibigay sa kanya ng kapanatagan, iyon ay ang flower shop.
Para bang bawat bulaklak ay may sariling kuwento.
May namumukadkad.
May nalalanta.
May bagong itinatanim.
At may matiyagang naghihintay sa tamang panahon upang mamulaklak.
Napabuntong-hininga siya.
"Parang buhay lang."
Hindi niya namalayang napadako ang isip niya sa mga taong lumipas.
Napakarami na ng nagbago.
Ang batang si Kris...
Ngayon, halos wala ng nakakakilala sa pangalang iyon. Lahat ay Marie na ang tawag sa kanya. Maging siya ay nasanay na ring tumugon sa pangalang iyon.
Ngunit sa kaibuturan ng kanyang puso...
Si Kris pa rin siya.
Ang batang nangakong maghihintay sa pagbabalik ni Louie.
Naalala niya ang araw na umalis siya sa South Cotabato.
Hindi niya iyon ginusto.
Kung maaari lamang, mas gugustuhin niyang manatili roon kasama ang kanyang pamilya.
Sanay siya sa simpleng buhay.
Gigising ng maaga.
Tutulong sa kanyang ina sa paghahanda ng mga paninda.
Minsan ay sasalubungin ang kanyang ama na bagong dating mula sa dagat.
Hindi man marangya ang kanilang pamumuhay, puno naman iyon ng pagmamahalan.
Ngunit habang lumalaki silang magkakapatid, lalo ring naging kapos ang kanilang kinikita. Halos hindi na magkasya ang perang iniuuwi ng kanyang ama.
Ang kinikita naman ng kanyang ina sa pagbebenta ng isda ay sapat lamang para sa pang-araw-araw nilang pangangailangan.
Bilang panganay, alam niyang nahihirapan na ang kanyang mga magulang.
Kaya nang alukin sila ni Auntie Lorie na doon muna siya tumira sa Maynila upang makapag-aral, hindi agad siya nakasagot.
Ayaw niyang iwan ang kanyang pamilya.
Ayaw rin niyang lumayo sa lugar na puno ng alaala nila ni Louie.
Ngunit nakita niya ang pag-asa sa mga mata ng kanyang mga magulang.
Alam niyang para rin iyon sa kinabukasan niya.
Kaya kahit halos hindi niya mapigilan ang pagluha noong araw ng kanyang pag-alis, tinanggap niya ang desisyong iyon.
Hindi niya malilimutan ang unang araw niya sa bahay ng kanyang tiyahin.
Maganda ang bahay.
At napakalayo sa maliit nilang tahanan sa probinsya.
Pakiramdam niya noon ay para siyang batang naligaw sa isang lugar na hindi niya kinagisnan.
Ngunit agad siyang sinalubong ng mainit na yakap.
"Welcome home," nakangiting sabi ni Auntie Lorie.
Hindi siya tinrato nito bilang bisita.
Hindi rin bilang pamangkin lamang.
Tinuring siya nitong anak.
Iyon ang dahilan kung bakit naging magaan ang loob niya rito.
Makalipas ang ilang sandali, may isang dalagitang bumaba mula sa hagdan.
Halos mapasinghap si Marie.
Parang nakaharap niya ang sarili.
Magkasingtangkad sila.
Halos magkapareho rin ang hugis ng kanilang mga mukha.
Nakangiti itong lumapit.
"Hi! Ako si Kris."
Napakurap si Marie.
"Ako rin..."
Natawa ang dalawa.
Nang marinig iyon ni Auntie Lorie, hindi rin nito napigilang matawa.
"Sinasabi ko na nga ba. Magugulat kayo."
Ngunit hindi pa roon natapos ang pagkagulat ni Marie.
Nang ipakilala ng buo ang kanilang mga pangalan, lalo siyang napanganga.
"Kris Marie Fernandez."
Pareho.
Pati apelyido.
Sandaling nagkatinginan ang dalawa bago sabay na natawa.
Para bang isang pambihirang biro ng tadhana.
Mula noon, halos hindi na sila mapaghiwalay.
Magkasabay silang pumapasok sa paaralan at sabay ding umuuwi. Kapag namimili ng damit ang kanyang pinsan, gusto nitong pareho rin ang suot nila. Kapag nagpagupit ito, nais din nitong pareho sila ng hairstyle.
Noong una, nahihiya si Marie.
Hindi siya sanay sa ganoon.
Ngunit tuwing nakikita niyang masayang-masaya ang kanyang pinsan, hindi niya ito matanggihan.
"Masaya kaya kapag napagkakamalan tayong kambal!" masiglang sabi ni Kris.
Napapangiti na lamang siya.
Hanggang sa dumating ang panahong nasanay na rin siya.
Maging ang kanilang mga kaklase ay madalas malito kung sino ang tunay na Kris.
Isang araw, habang nasa paaralan sila, tinawag ng guro ang pangalan niyang, "Kris Marie Fernandez."
Pareho silang napatayo.
Nagtawanan ang buong klase.
Mula noon, may isang nagbiro.
"Bakit hindi na lang si Marie ang itawag sa isa?"
Nagkatinginan silang dalawa.
"Ako na lang ang Kris," mabilis na sabi ng kanyang pinsan. "Ikaw ang Marie."
Hindi na siya tumutol.
Para sa kanya, pangalan lamang iyon.
Ang mas mahalaga ay ang pagmamahal na ibinigay sa kanya ng kanyang tiyahin at pinsan.
Mula noon...
Marie na ang naging tawag sa kanya ng halos lahat ng taong nakapaligid sa kanya.
At sa paglipas ng mga taon, nakilala na rin niya ang sarili sa pangalang iyon.
Subalit sa kaibuturan ng kanyang puso...
May isang batang si Louie pa ring tumatawag sa kanya sa pangalang "Kris."
At iyon ang pangalang hindi kailanman mabubura sa kanyang alaala.
Nang matapos nila ang kolehiyo, muling nagbago ang takbo ng kanilang buhay.
Hindi na sila mga estudyanteng sabay pumapasok at umuuwi.
Panahon na upang tuparin ang mga pangarap na matagal na nilang pinag-uusapan.
Isang gabi, habang sabay silang umiinom ng tsaa sa balkonahe ng bahay, biglang nagsalita si Auntie Lorie.
"May naisip akong negosyo para sa inyong dalawa."
Nagkatinginan sina Marie at Kris.
"Hindi ko gustong umasa lang kayo sa ipon ng pamilya. Mas maganda kung matututo kayong bumuo ng sarili ninyong pangalan," patuloy ni Lorie.
"Anong negosyo po iyon, Mommy?" usisa ni Kris.
Ngumiti si Lorie bago tumingin kay Marie.
"Ikaw ang magsabi."
Napakurap siya.
"Ako po?"
Tumango ang kanyang tiyahin.
"Hindi ba bata ka pa lang, mahilig ka ng magtanim ng mga bulaklak?"
Napangiti si Marie.
Naalala niya ang maliit na bakuran ng kanilang bahay sa South Cotabato.
Kahit walang mamahaling paso noon, masaya na siyang magtanim sa mga lumang lata, sirang timba at plastik na lalagyan.
Kapag may namumukadkad na bulaklak, para bang may munting tagumpay siyang ipinagdiriwang.
Hindi niya akalaing hanggang sa pagtanda niya ay dala pa rin niya ang hilig na iyon.
"Flower shop."
Mabilis siyang napatingin kay Auntie Lorie.
"Ikaw ang mamamahala roon."
Hindi niya maitago ang saya.
Mahal na mahal niya ang mga halaman at bulaklak.
Samantala, pumalakpak si Kris.
"Kung gano'n, gusto ko naman ng coffee shop!"
Napatawa silang tatlo.
"Talagang gusto mo ng kape," biro ni Marie.
"Siyempre! Mas gusto kong makakita ng mga taong nagkukuwentuhan habang umiinom ng kape kaysa buong araw na mag-aayos ng mga bulaklak."
"Hindi mo naman kayang alagaan ang mga halaman."
"At hindi mo rin kayang gumawa ng espresso."
Sabay silang natawa.
Iyon ang naging simula ng pangarap nilang dalawa.
Magkaiba man ang lokasyon ng flower shop at coffee shop, pareho nilang itinuring na bunga iyon ng pagmamahal at pagtitiwala.
Halos araw-araw silang nagkikita.
Kapag natatapos ang trabaho ni Marie, dumaraan siya sa coffee shop.
Kapag maluwag naman ang oras ni Kris, dumadalaw ito sa flower shop upang kumustahin siya.
Parang hindi pa rin sila naghiwalay kahit magkaiba na ang kanilang pinamamahalaang negosyo.
Napangiti si Marie habang inaalala ang mga panahong iyon.
Marami na silang pinagdaanan.
Ngunit nanatiling ganoon ang pagmamahalan nilang magpinsan.
Hindi lamang dahil pareho sila ng pangalan.
Kundi dahil itinuring nila ang isa't isa bilang tunay na magkapatid.
Humugot siya ng malalim na hininga bago muling tumingin sa mga bulaklak.
Madalas siyang tanungin ng mga customer kung bakit wala pa siyang nobyo.
Ngumingiti na lamang siya.
Hindi na niya kailangang magpaliwanag.
Paano nga ba niya sasabihin na ang puso niya ay matagal ng may hinihintay?
May mga lalaking nagtangkang mapalapit sa kanya.
May mga nagbigay ng bulaklak.
May mga nag-iwan ng liham.
At mayroon ding hindi madaling sumuko.
Si Jorge.
Hindi na niya mabilang kung ilang beses siyang niyaya nitong lumabas.
Hindi rin niya maalala kung ilang ulit niya itong tinanggihan.
Sa kabila noon, hindi nagbago ang pakikitungo ni Jorge sa kanya.
Sa halip na magalit, ngumiti lamang ito.
"Kung hindi mo kayang mahalin ako, puwede ba kitang maging kaibigan na lang?"
Hindi niya inaasahan ang mga salitang iyon.
Karamihan sa mga lalaking nanligaw sa kanya ay tuluyang lumalayo kapag nabigo.
Ngunit si Jorge ay nanatili.
Walang pamimilit.
Walang hinanakit.
Kaibigan lamang ang hiling nito.
At iyon nga ang naibigay niya.
Mas madali para sa kanya ang magkaroon ng isang mabuting kaibigan kaysa magbigay ng pag-asang hindi naman niya kayang panindigan.
Hindi dahil wala siyang tiwala sa pag-ibig.
Kundi dahil may isang pangakong matagal na niyang iniingatan.
Isang pangakong nagsimula sa ilalim ng malaking punong akasya.
Isang batang lalaki ang nangakong babalik.
At isang batang babae ang nangakong maghihintay.
Napatingin siya sa langit na tanaw mula sa salaming bintana ng flower shop.
Hindi niya alam kung nasaan na si Louie.
Hindi rin niya alam kung naaalala pa siya nito.
Marahil ay marami ng nagbago sa buhay nito.
Marahil ay mayroon na rin itong mga bagong kaibigan.
Baka iba na rin ang mga pangarap nito.
Ngunit sa tuwing sumasagi sa isip niya ang batang masayang ngumiti habang isinusuot ang kalahati ng kuwintas sa kanyang leeg, hindi niya mapigilang maniwalang may mga pangakong hindi basta nawawala sa paglipas ng panahon.
Ngumiti siya ng banayad.
Hindi niya kailangang habulin ang tadhana.
Kung nakalaan silang magkita muli...
Darating din ang araw na iyon.
At hanggang hindi pa dumarating ang araw na iyon, patuloy niyang aalagaan ang mga bulaklak na nagbibigay-kulay sa kanyang mga umaga.
Tulad ng isang halamang nangangailangan ng pag-aaruga upang mamukadkad, naniniwala siyang ang tunay na pag-ibig ay hindi minamadali.
Dumarating ito sa tamang panahon.
At kapag dumating iyon...
Makikilala niya agad ang taong matagal ng hinihintay ng kanyang puso.