Nang makapasok si Marie sa kusina upang maghanda ng maiinom para sa kanilang dalawa, nanatili si Kris sa sala.
Hindi niya namalayang napatingin siya sa salaming nakasabit sa dingding.
Naroon ang kanyang repleksyon.
Ngunit habang tinititigan niya ang sarili, tila hindi na niya nakikita ang dating Kris na kilala niya.
Parang may ibang taong nakatingin sa kanya mula sa loob ng salamin—isang taong hindi niya lubos na makilala.
"Kailan ako naging ganito?" tanong niya sa sarili.
Lumaki siyang tapat.
Palaging itinuturo ng kanyang ina na mas masakit ang kasinungalingan kaysa sa katotohanan.
Naaalala pa niya noong bata siya. Kapag nadadapa siya habang naglalaro at sinisisi ang kapitbahay sa halip na aminin na sarili niyang kapabayaan ang dahilan, hindi siya titigilan ng kanyang ina hangga't hindi siya umaamin.
"Mas mabigat ang pasan ng sinungaling kaysa sa taong tapat kahit mahirap," madalas nitong sabihin.
Kahit gaano kahirap ang isang sitwasyon, mas mabuting piliin ang katotohanan.
Iyon ang paniniwalang kinapitan niya sa buong buhay niya.
Ngunit, siya mismo ang sumira sa prinsipyong iyon.
Napabuntong-hininga siya.
Idiniin niya ang mga daliri sa sentido, na para bang sa simpleng pagkilos na iyon ay mababawasan ang bigat na nakadagan sa kanyang dibdib.
Hindi niya maintindihan kung bakit hindi niya nagawang ituro si Marie.
Napakadali sanang sabihin...
"Siya ang hinahanap mo."
Tatlong salita lamang.
Tatlong salitang maaaring magbigay ng kaligayahan sa dalawang taong matagal ng naghihintayan.
Ngunit hindi niya iyon nasabi.
Sa halip, pinili niyang angkinin ang isang pangalang hindi naman para sa kanya.
Napapikit siya.
Naalala niya ang paraan ng pagngiti ni David habang kausap siya.
Ang paraan nitong mahinahong nakikinig.
At ang mga mata nitong tila nagbabago tuwing nakikita siya.
Kahit alam niyang hindi talaga para sa kanya ang mga tinging iyon.
Magalang.
Maginoo.
At walang bahid ng pagmamataas.
Hindi niya alam kung bakit tila nanlambot ang kanyang puso sa simpleng pakikitungo nito.
Marahil...
Matagal na rin niyang hinihintay ang isang taong magpapabilis ng t***k ng kanyang puso.
Hindi lamang niya inaasahang ang taong iyon ay ang kababata ng sarili niyang pinsan.
Sa isang saglit, naalala niya ang mga taong tahimik niyang nasaksihan ang paghihintay ni Marie.
Ang mga gabing umiiyak ito ng palihim habang hawak ang kalahating puso sa dibdib, umaasang isang araw ay may kakatok sa pinto at si Louie iyon.
Naalala rin niya ang pakiramdam na minsan niyang tinago sa sarili.
Inggit.
Hindi iyong inggit na may masamang hangarin.
Kundi iyong uri ng inggit na nararamdaman kapag nakikita mong may isang taong may pinaniniwalaang pag-ibig at pangakong pinanghahawakan, samantalang ikaw, sa lahat ng mga taong iyon, ay hindi pa nakaranas ng ganoong uri ng pagmamahal.
At ngayon...
Biglang narito na ang taong iyon.
Narito na si Louie.
Sa pangalang David.
At sa halip na ituro niya sa kanyang pinsan, siya mismo ang kumapit sa pagkakataong isipin nitong siya ang batang matagal nitong hinahanap.
"Kasalanan."
Iyon ang tanging salitang paulit-ulit na umalingawngaw sa kanyang isip.
Maya-maya, bumalik si Marie na may dalang dalawang baso ng malamig na juice.
Nakangiti pa rin ito, tulad ng dati.
Walang kamalay-malay sa digmaang nagaganap sa isip ng kanyang pinsan.
Iniabot nito ang isang baso sa kanya.
"Mas okay ka na ba?"
Tumango si Kris at pilit na ngumiti.
"Oo."
Ngunit hindi iyon totoo.
Malayo sa katotohanan.
Umupo si Marie sa tabi niya at inayos ang sarili sa sofa. Mahigpit nitong hinawakan ang baso, isang nakasanayang kilos nito tuwing may malalim na iniisip.
"Hindi mo kailangang ikuwento kung ayaw mo," mahinahong sabi ni Marie.
Iyon ang isa sa mga bagay na gusto niya sa kanyang pinsan.
Hindi ito mapilit.
Marunong itong maghintay hanggang handa kang magsalita. Ang tanong, paano niya ba sasabihin ang totoo?
At lalo lamang lumalim ang konsensiya ni Kris.
"Bakit ikaw pa ang niloloko ko?" bulong niya, halos hindi marinig.
Sa lahat ng tao...
Ito ang nakasama niya sa paglaki.
Kasabay niyang tumawa.
Kasabay niyang umiyak.
At kasama niyang bumuo ng mga pangarap.
Pero ngayon, heto...ano ang ginagawa niya? Ang maglihim ng isang kasinungalingan?
Naalala niya ang gabing nagpaiyak sa kanya ang unang lalaking nakipaghiwalay sa kanya noong college.
Si Marie ang nanatili sa tabi niya buong gabi.
Walang "Sinabi ko na sa'yo."
Walang panghuhusga.
Yakap lamang ang ibinigay nito hanggang sa tuluyan siyang mapagod sa pag-iyak.
Naalala rin niya ang gabing nagbenta sila ng mga bulaklak hanggang madaling-araw dahil sa isang malaking order.
Pareho silang pagod.
Halos hindi na makatayo.
Ngunit magkasama pa rin silang tumatawa habang nag-aayos ng mga sanga at dahon.
At ngayon...
Siya mismo ang unti-unting sumisira sa pangarap na matagal ng iniingatan ng kanyang pinsan.
At wala ni katiting na kaalaman si Marie tungkol doon.
Ngumiti pa ito habang umiinom ng juice, tila walang kamalay-malay sa kaguluhang nagaganap sa isip ng babaeng katabi nito.
Samantala, halos hindi makalunok si Kris.
Tinitigan niya ang basong hawak niya at pinanood ang mga patak ng tubig na dumadausdos sa gilid nito.
Iyon na lamang ang kaya niyang pagtuunan ng pansin.
"Kung aamin ako ngayon..."
Huminto ang kanyang paghinga.
"Mapapatawad kaya niya ako?"
Pumasok ang tanong na iyon sa kanyang isip.
Ngunit kasabay nito ang mukha ni David.
Ang paraan nitong tumingin sa kanya
Ang malumanay nitong boses.
At ang pakiramdam na naging espesyal siya sa paningin ng isang taong hindi naman talaga para sa kanya.
Muli na namang nanaig ang takot.
Takot na tuluyang mawala ang lalaking ilang araw pa lamang niyang nakilala.
Mahina siyang napailing, tila sinusubukang itaboy ang sariling kaisipan.
"Isa lang..." bulong niya sa sarili.
"Isa lang itong kasinungalingan."
"Aayusin ko rin ito."
Inulit niya iyon sa sarili ng ilang ulit, na para bang isa iyong panalanging kailangan niyang paniwalaan upang makaya niyang ipagpatuloy ang kanyang ginagawa.
Ngunit hindi niya alam...
May mga kasinungalingang kapag sinimulan, hindi na nananatiling maliit.
Lumalaki ang mga iyon habang lumilipas ang panahon.
At ang isang kasinungalingang tila kaya niyang kontrolin ngayon ay maaaring maging dahilan ng sakit na hindi na niya kayang pigilan balang-araw.
Habang si Marie ay tahimik na umiinom ng kanyang juice, walang kamalay-malay sa katotohanang unti-unti ng nawawala ang hangganan sa pagitan ng katotohanan at kasinungalingan.
Napansin ni Marie ang bahagyang pag-aalinlangan sa mukha ng kanyang pinsan.
Hindi iyon bago sa kanya.
Matagal na niyang kilala si Kris at alam niyang may mga pagkakataong kailangan lamang nito ng oras bago mailabas ang tunay na nasa isip. Sa isip niya meron lang problema si Kris na hindi pa handang sabihin sa kanya.
Kaya sa halip na tanungin pa ito, nagpasya siyang baguhin na lamang ang paksa.
"Alam mo..." panimula ni Marie habang saglit na napatingin sa bintana.
"Kaninang nakita ko si David, parang may bagay sa kanya na... pamilyar."
Napalunok si Kris.
"Hindi ko lang masabi kung ano."
Biglang nanigas ang mga daliri ni Kris sa paligid ng baso.
At sa isang iglap, tila nawala ang lahat ng ingay sa paligid niya.
Dahil alam niya kung ano ang ibig sabihin ng sinabi ni Marie.
Hindi lamang pala si David ang nakakaramdam ng kakaibang pamilyar sa pagitan nila.
Unti-unti na ring may naaalala si Marie.
At sa pagkakataong iyon, unang pumasok sa isip ni Kris ang isang nakakatakot na tanong.
Hanggang kailan niya kayang itago ang katotohanan?