Isang gabi, habang nakahiga si Kris sa kanyang silid, ilang beses siyang nagbago ng posisyon sa kama. Hindi na niya alam kung anong oras na, ngunit hindi pa rin siya dalawin ng antok.
Hindi niya maalis sa isip ang mga bagay na gumugulo sa kanyang isipan.
Si Louie David Villareal.
Ang kababata ni Marie.
Ang totoong Kris na matagal nitong hinahanap.
Nang unang bumukas ang pinto at makita niya ang lalaking nakatayo sa harap niya, tila tumigil ang oras.
Hindi niya alam kung ilang segundo ang lumipas bago siya muling nakahinga ng maayos.
Ang lalaking iyon—matangkad, gwapo, at kahit seryoso ang mukha ay may bakas ng lambing sa mga mata—ay parang direktang lumabas mula sa isang bagay na hindi pa niya lubos na nauunawaan.
Pagmamahal.
O marahil...
Love at first sight.
Iyon ang unang salitang sumagi sa isip niya kahit kakakita pa lamang niya rito.
Hindi niya inaasahang mangyayari iyon sa kanya.
Ngunit narito siya ngayon...
Nakatitig sa isang lalaking halos estranghero sa kanya, at hindi na niya alam kung paano magsasalita ng maayos.
"Kris Marie Fernandez," narinig niyang sambit ng lalaki sa pangalang iyon, may bahid ng pananabik sa kanyang boses.
"I'm Louie David Villareal."
At sa sandaling iyon, agad niyang naunawaan ang lahat.
Alam niya ang kuwento ni Marie tungkol sa isang batang lalaking minahal nito noong bata pa sila—isang batang nangakong babalik, ngunit matagal na nawala sa buhay nito.
Isang batang babae na hanggang ngayon ay naghihintay pa rin sa katuparan ng kanilang pangako.
Ngunit sa halip na sabihin ang katotohanan, nagpasya si Kris na huwag banggitin ang tunay na pagkatao ni Marie.
"David," sabi niya sa halip.
At siya mismo ang nagpakilala bilang si Kris, ang kababata nitong matagal nitong hinahanap.
Kahit alam niyang mali.
Sa kanilang pag-uusap, napansin niya ang paraan ng pagliwanag ng mukha ni David habang nakikinig sa kanya.
Ang paraan nitong tumingin sa kanya na para bang may hinahanap na bahagi ng nakaraan.
Hindi niya intensiyong agawin ang taong matagal ng hinihintay ni Marie.
Gusto lamang niyang magkaroon ng pagkakataong makilala ang binata.
Kahit sandali lang.
Kahit ilang araw lang.
Kahit ilang pag-uusap lang.
Ngunit habang mas nakikilala niya si David...
Mas lalo siyang nahuhulog.
Napapatawa siya sa bawat biro nito.
Napapangiti sa bawat pag-aalala nito.
At sa bawat titig ng binata, tila may kapangyarihang pabilisin ang pintig ng kanyang puso.
"Ang daya mo naman..." bulong niya habang pinapahid ang mga luhang namuo sa kanyang mga mata.
"Hindi mo naman alam kung gaano kita nagustuhan."
Hindi kasalanan ni David.
Wala itong alam.
Naniniwala itong siya ang batang kaibigan na matagal nitong hinahanap.
At alam niyang iyon ang katotohanan.
Ngunit siya...
Pinili niyang manatiling ganoon ang isip ng binata.
Hindi dahil gusto niyang manloko.
Kundi dahil natakot siyang mawala si David bago pa man niya maranasan ang pakiramdam na mahalin.
Isang pag-ibig na ngayon lamang niya naramdaman.
At kahit alam niyang hindi para sa kanya ang lalaking iyon...
Ninais pa rin niyang angkinin ito.
Kahit sa pamamagitan ng isang kasinungalingan.
Kinabukasan, malapit ng magdapit-hapon nang matagpuan ni Marie ang kanyang pinsang si Kris na mag-isang nakaupo sa hardin.
Malayo ang tingin nito at halatang may malalim na iniisip.
Ngunit hindi iyon ang unang napansin ni Marie.
Napansin niya ang mga matang namumula.
"Kris?"
Mabilis siyang lumapit.
"Bakit umiiyak ka?"
Napatingin sa kanya ang pinsan at agad na pinunasan ang mga luha.
"Wala ito. May naalala lang kasi ako."
"Kung may problema ka, sabihin mo lang."
Umupo si Marie sa tabi nito at marahang hinawakan ang kamay ng pinsan.
"Sabihin mo sa akin. Alam mo namang laging nandito ako."
Iyon ang problema.
Iyon mismo ang dahilan kung bakit umiiyak si Kris.
Narito si Marie.
Laging nag-aalala.
Laging handang makinig.
Laging bukas ang puso para sa kanya.
Samantalang siya...
Sa likod ng mga mata niyang pilit na ngumiti, may tinatago siyang kasinungalingang unti-unting kumakain sa kanyang konsensya.
Mahal niya si Marie.
Magkasama silang lumaki.
Maraming beses siyang ipinagtanggol ng pinsan niya.
Maraming beses din itong nanatili sa kanyang tabi tuwing malungkot siya.
Hindi niya gustong saktan ang taong itinuring niyang tunay na kapatid.
Ngunit paano niya pipigilan ang kanyang puso?
Paano niya uutusan ang sarili na huwag mahalin ang lalaking kusang dumating sa kanyang buhay?
-
Kinabukasan, maaga pa lamang ay gising na si Kris.
Halos wala siyang tulog.
Sa tuwing ipipikit niya ang kanyang mga mata, mukha ni David ang agad na sumasagi sa kanyang isip.
Napabuntong-hininga siya habang inaayos ang kanyang buhok sa harap ng salamin.
"Huwag kang umasa..." mahina niyang paalala sa sarili.
"Huwag mong hayaang mas lumalim pa ang lahat ng ito."
Ngunit kahit ilang beses niya iyong sabihin, hindi pa rin niya mapigilan ang sariling puso.
Maya-maya, narinig niya ang busina ng isang sasakyan.
Si David!
Bumilis na naman ang pintig ng kanyang puso.
Lumabas siya ng silid at halos patakbong bumaba ng hagdan.
Nakapasok na pala si David sa bahay at nakatayo sa sala habang may hawak na maliit na paper bag.
Nang mapansin siya ng binata, agad itong ngumiti.
"Good morning."
Parang natunaw ang lahat ng bigat na kanina lamang ay dinadala ni Kris sa isang simpleng ngiting iyon.
"Good morning din."
Nakangiting lumapit siya.
Iniabot ni David ang paper bag.
"Nakita ko kasi kahapon na gusto mo ang strawberry bread. Kaya napadaan ako sa bakery."
Nanlaki ang mga mata ni Kris.
"Para sa akin?"
Tumango si David.
"Sana magustuhan mo."
Walang lalaking gumawa noon para sa kanya.
Isang simpleng tinapay lamang iyon.
Pero para kay Kris...
Parang napakahalaga nito.
Marahan niyang tinanggap ang paper bag.
"Salamat."
Ngumiti si David.
"Mas bagay pala sa'yo ang nakangiti."
Namilog ang mga mata ni Kris.
"Kapag nakangiti ka, mas gumaganda ka."
Hindi niya alam kung ano ang isasagot.
Ramdam niyang umiinit ang kanyang mga pisngi.
Napayuko siya habang pilit na itinatago ang ngiti.
"Binobola mo lang ako."
Mahinang natawa si David.
"Hindi. Sinasabi ko lang ang nakikita ko."
Lalong namula si Kris.
Hindi siya sanay makatanggap ng ganoong klaseng papuri.
Lalo na mula sa lalaking lihim niyang minamahal.
Napansin iyon ni David.
"Namumula ka. Nahihiya ka ba?"
Mas lalo siyang napayuko.
"Hindi."
"Talaga?" giit ng lalaki.
"Konti."
Napatawa si David.
Magaan ang tawa nito.
Nakakahawa.
Hindi namalayan ni Kris na tumatawa na rin siya.
Mula sa kusina, napansin iyon ni Marie.
Napangiti siya habang pinagmamasdan ang dalawa.
Masaya siya kapag nakikitang masaya ang kanyang pinsan.
Ngunit biglang may isang alaala ang sumagi sa kanyang isip.
Isang batang lalaki.
Isang pangakong matagal na niyang hinihintay.
At isang pangalang hindi kailanman nawala sa kanyang puso.
"Louie..."
Napatingin siya sa labas ng bintana.
"Sana dumating na ang araw na bumalik ka na."
Hindi niya alam...
Na ang lalaking matagal niyang hinihintay ay narito na.
At ang mas masakit...
Hindi niya alam na ang taong kaharap nito ngayon ay hindi ang babaeng tunay nitong hinahanap.