"Mella, saan ka ba galing? Kanina ka pa hinahanap ng Ate Grace mo, nag-aalala na siya sa'yo," bungad ng Nanay niya pagdating sa bahay nila. "Oh?" "Hindi ka raw niya matawagan. Ano bang nangyayari at paano ka napunta kina Mrs. Alvarez?" tanong ng Nanay niya nang tuluyan na siyang makapasok sa loob ng bahay. Lalay ang balikat na naupo sa sofa. Pagod siya, pagod na pagod. Hindi lang ang katawan niya kundi pati ang isip. "Ano pong sabi ni Ate?" matamlay na tanong niya. "Gusto ka raw niyang makausap, importante. Kaya tawag siya nang tawag sa'yo, eh hindi ka naman daw niya matawagan," sagot ng Nanay niya at inabutan siya ng tubig sa baso. "Uminom ka muna, mukhang pagod na pagod ka," puna nito. "Salamat po," at ininom ang tubig sa baso. "Saan ka ba nanggaling, anak? At ano bang nangyayari sa

