Naglalakad si Jeffrey patungo sa kanilang classroom nang may tumawag sa kaniya, “Jeff! Wait!”
Bigla siyang naalarma nang makilala ang boses na iyon. Binilisan niya ang kaniyang paglalakad, at hindi man lang binigyang pansin ang tumatawag na iyon sa kaniya. Alam niyang si Kristine iyon pero ayaw niyang makalapit ito sa kaniya.
Dali-dali siyang nagkubli sa CR ng mga lalake nang madaanan niya iyon. Agad siyang nagkulong sa isang cubicle at nanatili lang roon ng ilang minuto.
Hindi niya rin alam, pero biglang ayaw na niyang mapalapit sa dalaga. Hindi niya kasi kayang i-handle ang kaniyang puso sa tuwing mapapalapit ito sa kaniya. Natataranta siya kapag nasa malapit ito at hindi malaman kung paano ito pakikitunguhan.
“Uyyy ‘tol! Nandito ka lang pala eh. Nakasalubong ko si Kristine at hinahanap ka,” saad ni Rex sa kaniya, nang lumabas na siya sa cubicle na kaniyang pinagkukublihan. Inilagay niya ang hintuturo sa kaniyang labi upang sawayin ang kaibigan.
“Shhh! Huwag kang maingay! Tinaguan ko na nga eh,” tugon pa niya rito, habang inaayos ang kaniyang bag sa kaniyang balikat.
“Ha? Bakit mo naman siya tinataguan? Akala ko ba gusto mo siya? Pambihira ka naman talaga oo!” anito sabay kamot sa ulo nito.
“Eh, basta!” tugon naman niya sa kaibigan. “Halika na, baka mamaya ay ma-late tayo sa first subject natin,” yaya pa niya sa kaibigan.
“Teka lang, puwedeng jumingle? Kaya ako narito para gawin iyon eh, nakita lang kita kaya naudlot,” wika naman nito sa kaniya.
“Sige na, ang dami mo pang sinasabi, jumingle ka na! Kantahan pa ba kita?” pabirong tanong pa niya sa kaibigan.
“Gago!” tugon lang nito sa kaniya, saka ito tumayo sa urinal. Habang siya naman ay itinukod ang mga kamay paharap sa salamin, at tinitigan ang kaniyang mukha mula roon.
‘Bakit ba naman kasi hindi ako makakilos ng normal sa harapan ni Kristine? Palibhasa nasanay akong nagsusungit sa mga babae eh. Tanging kay Kristine lang ako hindi makapagsungit,’ bulong pa niya sa kaniyang sarili saka siya humugot nang malalim na paghinga.
“Wow! Ang lalim naman no’n!” wika ni Rex habang naghuhugas ito ng kamay. Napatingin naman siya rito at napangisi.
“Tsk! Kung anu-ano iyang napapansin mo, halika na nga!” sabi niya sa kaniyang kaibigan sabay akbay rito’t hinila na itong palabas ng CR.
Pagdating nila sa kanilang classroom ay agad siyang naupo sa pagitan nina Lester, at Chino, kung saan malayo ito sa kinauupuan ni Kristine. Palihim pa siyang sumulyap sa dalaga na tila naguguluhan sa kaniyang inaasal. Tumikhim naman siya sabay baling ng paningin sa kaniyang harapan.
“Uyyy, ayos ka lang ba?” Siniko pa siya ni Lester nang mapansin siguro nito ang kaniyang pagka-tense.
“Ha? Oo naman, bakit?” tanong naman niya rito.
“Eh, bakit ka rito nakaupo? ‘Di ba roon ka sa malapit sa upuan ni Kristine nakaupo?” kunot-noong tanong nito sa kaniya.
“Tsk, dito na lang ako,” tugon naman niya rito.
“Naku! Mukhang umaandar na naman ang pagiging alergy nito sa babae,” wika naman ni Chino, sabay patong nito ng mga braso sa arm rest ng upuan nito. Nakangiting nakatunghay ito sa kaniya na tila ba sinasabi nitong, ‘tama ba ako?’
“Tsk! Wala, basta rito na ako uupo simula ngayon,” sabi na lang niya sa mga kaibigan. Napasipol naman ang mga kaibigan niya sabay ayos ng mga ito ng upo.
Lihim niyang sinulyapan si Kristine sa gilid ng kaniyang mga mata, at nakita ang malungkot nitong mukha. Gusto sana niya itong lapitan kaso hindi naman niya alam kung ano ang sasabihin rito. Napahinga na lang tuloy siya nang malalim saka ibinalik sa kaniyang harapan ang kaniyang atensiyon.
*****
‘Ano naman kayang problema ng isang iyon at bigla-bigla na lang hindi namamansin? Iniiwasan ba niya ako? Pero bakit? May nagawa kaya akong hindi niya nagustuhan?’ kausap ni Kristine sa kaniyang sarili. Napakalumbaba na lang tuloy siya sa ibabaw ng kaniyang mesa habang hinihintay ang kanilang guro.
Buong klase nilang hindi man lang siya pinapansin ni Jeffrey. Hindi niya alam kung bakit pero ayaw niya ng ganoong pakiramdam. Mukhang tama sina Dianne, at ang dalawa pa nilang kaibigan na paluluhain lang siya ni Jeffrey.
Pero hindi siya basta-basta na lang susuko. Aalamin pa rin niya kung bakit ito nagkakaganoon, at bigla-bigla na lang itong hindi namamansin. Kaya naman nang mag-break time sila, lumapit siya sa puwesto ng mga ito at lakas loob na kinausap ito.
“Hi, puwede ko bang kausapin ang kaibigan ninyo?” nakangiting tanong niya sa mga kaibigan nito.
“Sure!” tugon naman ni Rex na nakaupo sa likuran ni Jeffrey, sabay tapik nito sa balikat ng kaibigan. “‘Tol, paano ba iyan, puntahan mo na lang kami sa canteen ha?” paalam pa nito sa kaibigan.
“Good luck!” sambit naman ni Marc, sabay tayo nito sa upuan nitong katabi ni Rex. Tinapik naman nina Lester at Chino ang kaibigan sa braso nito, saka nagsitayuan ang mga ito’t lumabas ng kanilang classroom.
Nang makalabas na ang mga ito ay saka naman siya naupo sa tabi ng binata. Tiningnan niya ito’t nginitian ngunit umiwas lang ito ng tingin sa kaniya.
“Kumusta?” tanong niya rito. Hindi ito umimik sa kaniyang tabi at diretso lang ang tingin nito sa harapan nito. Kahit pa black board na may sulat lang naman ang naroon.
“Galit ka ba sa akin? May nagawa ba akong hindi mo nagustuhan? As far as I know, we’re okay naman few days ago. Why the sudden change?” malungkot niyang tanong dito.
“Nothing. I’m sorry Kristine, but I have to go,” tugon nito sa kaniya sabay tayo nito’t dampot ng bag nito.
Hinawakan naman niya ang isang kamay nito upang pigilan sana ito. Ngunit sa kaniyang pagkadismaya, marahan lang nitong inalis ang kaniyang kamay sa pagkakahawak niya sa kamay nito. Nasundan na lang niya ng tingin ito nang maglakad na itong palabas ng kanilang classroom. Hindi niya alam pero naiyak na lang siya sa ginawa nitong pag-iwas sa kaniya.
Paglabas ni Jeffrey sa kanilang silid-aralan, ay napabuga siya ng hangin sabay hawi sa kaniyang buhok. Gusto niyang bumalik sa loob ng kanilang classroom para humingi ng sorry kay Kristine, pero pinigilan niya ang kaniyang sarili.
Naguguluhan kasi siya sa kaniyang nararamdaman para rito, at saka hindi talaga siya sanay na may babaeng malapit sa kaniya. Hindi niya alam kung paanong pakikitunguhan ang dalaga kaya para sa kaniya, mainam nang ngayon pa lang ay iwasan na lang niya ito.
Muli siyang huminga nang malalim saka naglakad nang patungo sa canteen. Pagdating niya roon ay inabutan niya ang kaniyang mga kaibigan na kumakain at nagkukulitan. Habang si Chino naman— as usual, nakasubsob na naman ang ulo sa libro nito’t note book.
Kung mayroong isang taong hindi nauumay mag-aral, si Chino iyon. Sobrang sipag kasi nitong magbasa at mag-note ng mga binabasa nito. Past time na nga yata nito ang pagsusulat eh.
“Uyyy, ang bilis naman ng usap niyo ni Miss Alipao,” bati sa kaniya ni Marc nang makaupo na siya sa pagitan nito at ni Chino. Tipid lang siyang ngumiti rito saka dumampot ng chichiryang kinakain ng mga ito.
“Ahhh, mukhang alam ko na kung anong nangyari,” maya-maya’y sabi ni Rex. “Nakatikim na ba ng kasungitan si Kristine mula sa supladong si Jeffrey Santos?” tanong pa nito sa kaniya. Umangat lang ang isang gilid ng labi niya saka ipinagpatuloy ang pagkain ng chichiriya.
“Patay tayo riyan!” wika naman ni Marc sa kaniyang tabi.
“Akala ko ba ay type mo si Tin?” Napalingon naman siya kay Lester nang magsalita ito sa kaniyang tapat.
“Nakow! Mukhang tinotorpe ang manok natin mga ‘tol!” sagot naman ni Rex.
“Turuan na ba natin ng mga galawang Marc at Rex?” nakangisi namang tanong ni Marc sa kaniya.
“Sira-ulo!” turan naman niya sa dalawang makulit nilang kaibigan.
“Maka-sira-ulo naman oh! It hurts you know!” wika naman ni Rex sabay hawak pa nito sa sariling dibdib nito.
“Teka, anong nangyari?” tanong ni Chino na katitiklop lang ng mga libro at notebook nito.
“Ayan kasi, aral ka nang aral, nahuhuli ka tuloy sa tsismis!” ani Marc dito. napakamot naman ito ng ulo sabay silid nito ng mga gamit sa bag nito. “Pero mabalik tayo sa iyo Jeff, anong napag-usapan ninyo ni Tin?” tanong muli ni Marc sa kaniya.
“Wala,” mabilis niyang tugon dito. Sa wala naman talaga silang napag-usapan dahil nga nilayasan niya agad ito kanina.
“Ha? Wala as in wala talaga? Ano ba naman iyan? Ang boring mo ‘tol!” nadidismayang saad ni Rex sa kaniya.
“Oy, oy, oy, kayong dalawa, tigilan niyo na si Jeffrey. Kung sabi niya’y wala silang napag-usapan ni Tin, eh ‘di wala! Hayaan na muna natin itong kaibigan natin, alam naman nating lahat na hindi madali para sa kaniya ang maging mabait sa mga babae eh,” sabi ni Lester sa mga kaibigan nila.
Napaangat namang muli ang isang sulok ng kaniyang labi saka hinarap ang mga ito. “Ewan ko nga mga ‘tol eh, nakokonsensiya ako sa ginawa ko kay Tin kanina. Pero kasi, hindi ko alam kung paano makikipag-deal sa kaniya. Alam niyo namang walang babae sa bahay namin, kaya hindi ko alam kung paano ba dapat tinatrato ang mga babae.”
Huminga pa siya nang malalim saka nakiinom ng tubig kay Chino. Tinapik naman siya sa balikat ni Chino saka siya nito nginitian.
“Okay lang iyan, ‘tol. Pero dapat maghinay-hinay ka naman baka mamaya, atakehin sa puso ang mga babaeng sinusungitan mo,” natatawang saad nito sa kaniya na kaniya rin namang ikinatawa.
“Kaya nga, para kang palaging may regla kung magsungit sa kanila!” tatatawa-tawa namang saad ni Marc sa kaniya. Pabiro naman niyang siniko ito na inilagan lang nito.
“Oh, siya, tara na’t baka mahuli tayo sa next subject natin,” yaya na ni Lester sa kanila, bago ito tumayo sa kinauupuan nito. Dinampot naman niya ang natirang mga chichirya saka inilagay sa kaniyang bag bago siya sumunod sa mga kaibigan niya.
Pagpasok nila sa kanilang silid-aralan, agad napadako ang kaniyang paningin sa kinauupuan ni Kristine. Nakita niyang malungkot pa rin ito at tila kagagaling lang nito sa pag-iyak.
Bigla namang parang may mga langgam na kumakagat sa kaniyang puso, dahil sa nakita niyang iyon. Nang sumulyap ito sa kaniya ay agad siyang yumuko, at nagpanggap na hindi nakatingin sa kaniya.
“‘Tol, lagot ka! mukhang napaiyak mo yata si Tin,” bulong sa kaniya ni Rex nang makaupo na sila sa kanilang mga upuan.
“Tsk! Umayos ka na nga ng upo riyan, Rex. Huwag mo na kasing pansinin, baka mamaya isipin niya pinag-uusapan natin siya,” saway niya sa kaibigan.
“Oh, bakit, totoo namang pinag-uusapan natin siya ah,” sagot pa nang makulit niyang kaibigan.
“Shhh, nandiyan na si Ma’am,” saway ni Chino sa kanila.
Agad naman silang umayos sa kanilang pagkakaupo, at hindi na muling nag-usap pa. Muli naman niyang sinulyapan sa gilid ng kaniyang mga mata si Kristine, na ngayon ay tahimik lang na nakikinig sa kanilang guro.
‘Sorry Tin, kung alam mo lang ang pinagdaraanan ko ngayon,’ tanging kausap niya rito sa kaniyang sarili. Napabuntong-hininga pa siya saka muling itinutok ang atensiyon sa kanilang guro.
Hindi niya alam kung hanggang kailan siya magiging matigas kay Kristine, pero sa ngayon kailangan niya iyong tiisin. Hangga’t hindi niya natututunan kung paano ang tamang pagtrato sa mga babae, hindi niya puwedeng kausapin ang dalaga.
Natatakot kasi siyang baka imbes na matuwa ito sa kaniya, baka magalit pa ito kapag pinilit niyang makipaglapit dito nang hindi pa siya handa.
Hanggang sa matapos ang kanilang klase ay hindi na siya pinatahimik pa ng kaniyang konsensiya. Lalo pa’t nakikita niya si Kristine na matamlay at walang imik. Malayong-malayo sa Kristine na nakilala niya noong unang araw nito sa paaralang iyon. Bubbly kasi ito at hindi mahirap i-approach. Pero ngayon, ni ang ngumiti ay hindi nito magawa, kahit pa kinakausap ito ng iba nilang mga kaklase.
“Ano? Konsensiya ka ‘tol? Kausapin mo na kasi!” untag sa kaniya ni Marc.
“Tsk! Huwag ka ngang magulo riyan,” saway na lang niya sa kaniyang kaibigan. Kahit pa ang totoo, tama ito sa itinanong nito sa kaniya.
“Patingin-tingin, ayaw naman lapitan,” saad pa nito sa kaniya. Nagkibit-balikat na lang siya saka nilaro ang ballpen sa kaniyang kamay.
‘Jeffrey Santos, ang laki mong torpe!’ kantiyaw pa niya sa kaniyang sarili. Eh, ano namang magagawa niya? Sa torpe siya eh, hayst!