Ilang araw ng hindi kinakausap, o pinapansin man lang ni Jeff si Kristine, kaya naman napakalungkot tuloy ng pakiramdam niya dahil doon. Ngayong araw, napagpasyahan niyang maupo sa Science Garden, habang hinihintay ang kaniyang mga kaibigan. Niyaya niya kasi ang mga itong tumambay roon dahil sa nalulungkot siya at gusto niya ng makakausap.
Agad namang nagsi-oo-han ang mga kaibigan niya, iyon nga lang nauna siya sa mga ito dahil sa may quiz pa ang mga ito. Samantalang sila naman ay wala ang kanilang teacher sa huling subject nila.
Naisipan na lang niyang ilabas ang kaniyang sketch pad at nag-umpisang gumuhit roon. Kung may talent siyang ipagmamalaki maliban sa kaniyang pagsasayaw, iyon ay ang pagdo-drawing. Namana niya iyon sa kaniyang namayapang ama.
Masyado na siyang lulong sa kaniyang pagdo-drawing nang may marinig siyang nagtatawanang grupo ng mga lalakeng tila papasok sa Sciance Garden. Otomatikong napadako ang tingin niya sa entrance ng garden, at nakita ang grupo ng magkakaibigang sina Chino, Lester, Marc, Rex, at Jeffrey.
Agad ang pagbilis ng t***k ng kaniyang puso nang magtama ang kanilang mga mata. Pero agad rin namang nag-iwas ito ng tingin at tumalikod nang makita siya nito.
Napahinga naman siya nang malalim, saka nagkunwari na lang na ipinagpapatuloy ang kaniyang pagdo-drawing. Alam naman kasi niyang iiwasan na naman siya ni Jeff, kaya mabuti pa ngang ‘wag na lang niyang makitang naglalakad itong palayo sa kaniya.
“Uyyy, ‘tol, saan ka pupunta?” narinig pa niyang tanong ng isa sa mga kaibigan nito, ngunit wala siyang narinig na sagot mula sa binata.
Pagkatapos no’n ay katahimikan na ulit ang bumalot sa Science Garden. Hindi niya alam pero bigla na lang tumulo ang kaniyang luha sa kaniyang sketch pad. Mabilis naman niyang pinalis ang kaniyang mga luha, saka isinara ang kaniyang sketch pad.
Ang sakit-sakit lang talaga sa puso na matapos nitong magpakita ng kabaitan sa kaniya, ngayon naman ay iniiwasan siya nito. Daig pa niya ang may malalang sakit kung umiwas ito sa kaniya ngayon. Nasa ganoon siyang pagsisintimyento nang dumating ang kaniyang mga kaibigan.
“Oh, Tin, okay ka lang ba?” nag-aalalang tanong ng kaniyang pinsan. Agad naman niyang hinarap ang mga ito at saka tipid na ngumiti at tumango sa mga ito.
“Weeehhh! Patingin nga ng okay? Parang hindi ka naman okay eh,” sabi naman ni Grace na hinawakan pa ang kaniyang baba para matingnan nito ang kaniyang mukha.
“Okay lang ako,” tugon niya sa mga kaibigang nagsi-upuan na sa bakanteng upuang naroon. Si Grace ang naupo sa kaniyang tabi, samantalang sina Dianne at Althea naman ay sa kaniyang harapan.
“Nasalubong namin ang magbabarkada ah, galing ba sila rito? Sila ba ang nagpaiyak sa iyo?” sunod-sunod na tanong ng kaniyang pinsan sa kaniya. Mabilis naman siyang umiling sa mga ito, saka muling napaluha nang maalala ang pag-iwas sa kaniya ni Jeffrey.
“Hala! Bakit ka umiiyak?” natatarantang tanong ni Althea sa kaniya. Muli siyang umiling saka naitakip ang kaniyang mga kamay sa kaniyang mukha.
“Uyyy, cous, kilala kita. Hindi ka basta-basta iiyak ng walang dahilan, kaya magsabi ka na,” anang kaniyang pinsan sa kaniya.
Tama naman ito, hindi siya iiyak ng walang dahilan. Huminga muna siya nang malalim, saka dinukot ang kaniyang panyo sa bulsa ng kaniyang palda, at tinuyo ang kaniyang mga luha saka siya humarap sa mga kaibigan.
“Girls, tama nga kayo, luluha lang ako kay Jeff,” malungkot niyang saad sa mga ito.
“Naku! Sinasabi na nga ba namin eh. Ayan kasi may pasabi-sabi ka pa riyan na; ‘he’s nice kaya!’ Oh ano ka ngayon?” mataray namang saad sa kaniya ni Grace.
“Pst, uyyy, nasaktan na nga eh, huwag mo ng pagalitan,” saway naman i Althea rito.
“Ayyy naku, huwag natin siyang i-baby. Ganiyan talaga, para malaman niyang hindi mabait ang malditong lalakeng iyon!” nakahalukipkip pa itong nakaharap sa kaniya.
“Tama naman si Grace eh, siguro nagkamali lang ako ng pagkakakila kay Jeff. Hindi ako nakinig sa inyo,” aniya sa mga ito. Tumayo naman si Dianne sa kinauupuan nito’t lumapit sa kaniya. Naupo ito sa arm rest ng upuan saka siya nito niyakap.
“It’s okay cous, hayaan mo na ang kurimaw na iyon. Ipakita mo sa kaniya kung sino ang sinayang niya!” sabi pa nito sa kaniya.
“Teka, bakit sila ba?” nakataas naman ang isang kilay ni Grace na tanong kay Dianne.
“Hindi, loka! Ang ibig ko lang sabihin, ipakita niya kay Jeff kung ano ang nawala sa kaniya, kapag si Tin naman ang nan-deadma sa kaniya. Ikaw talaga!” sagot naman ni Dianne kay Grace.
“Ahhh, lilinawin mo kasi. Akala ko tuloy sila na para manghinayang si Jeff eh,” wika naman nito sa kaniyang pinsan.
“Tumigil na nga kayong dalawa. Ang mabuti pa, tara sa bahay para makapagmiryenda tayo, hindi iyong nagmumukmok ka rito,” yaya naman ni Althea sa kanila.
“Alam mo Althea, iyan ang pinakamagandang suhisyong naiambag mo. Oh, ano pang hinihintay natin, let’s go na!” sabi ni Grace sabay tayo nito na kanila namang sinundan. Ipinasok muna niya ang kaniyang ginamit sa pagdo-drawing kanina saka tumayo sa kaniyang kinauupuan.
“Okay ka na ba?” muling tanong sa kaniya ng kaniyang pinsan.
“Oo naman cous, thank you. Kahit papaano, medyo gumaan na ang pakiramdam ko. Saka tama kayo, ii-ignore ko na lang din si Jeffrey. Kung ayaw niya sa akin, eh di huwag!” aniya sa kaniyang pinsan.
“Korek! Ang dami-dami pang ibang guwapo rito ‘no!” sabat naman ni Grace sa usapan nilang magpinsan.
“Oh, ayan na naman kayo, gutom lang iyan! Masyado kayong mga high blood!” turan naman ni Althea.
“Oo nga, good vibes lang! Tara na nga, ano bang mamimiryenda sa inyo girl?” tanong ni Dianne kay Althea.
“Ewan ko, pero for sure mayroon iyan, kaya tayo na,” yaya na nito sa kanila kaya naman naglakad na silang palabas ng Science Garden. Nadaanan pa nila ang grupo nila Jeff, pero hindi na lang nila pinansin ang mga ito.
‘Hmp! Akala mo ikaw lang marunong mandeadma? Puwes, ako rin!’ aniya sa kaniyang isipan saka taas noong naglakad sa harapan nito.
Napasipol si Marc nang dumaan ang magkakaibigang sina Althea, Dianne, Grace, at Kristine. Hindi man lang sumulyap ni isa sa mga ito sa kanila, at dire-diretsong naglakad ang mga ito palabas ng kanilang campus. Nasundan na lang niya ng tingin ang dalagang kani-kanina lang ay mag-isang nakaupo sa loob ng Science Garden.
“Oh, ang leeg baka mabali!” sita ni Rex sa kaniya habang hinahabol ng tingin ang papalayong magkakaibigan.
Napabalik tuloy ng ‘di oras ang kaniyang tingin sa mga kaibigan. Kasalukuyan silang nasa isang bench malapit sa canteen, at doon tumambay dahil na rin sa pag-atras niya kaninang pumasok sa Science Garden, nang makita niya roon si Kristine.
“Ayan, ano? Deadmahin mo pa!” gatong naman ni Marc sa sinabi ni Rex.
“Tsk!” palatak naman niya sa mga ito.
“Hirap sa mga poging suplado eh ‘no, torpe naman!” pang-aasar pa ni Marc sa kaniya.
“Oist! Kayong dalawa, tigilan niyo na si Jeffrey. Bakit kayo, nasaan ang mga babae ninyo?” saway ni Lester sa mga ito.
“Kaya nga, kay lalakas ninyong mang-alaska, eh ni anino ng mga babae ninyo wala kaming makita,” nakangisi namang seguda ni Chino sa sinabi ni Lester na kaniyang ikinatawa, sabay appear sa dalawang kaibigan.
“Aysus! Sige magkampihan kayong mga woman hater!” sabi naman ni Rex. “Palibhasa ang susungit ninyo kaya walang nalapit sa inyong mga chicka-babes!” turan pa nito sa kanila.
“At least naman kami hindi kagaya ninyong dalawang mga babaerong walang babae! Lalo na ikaw Marc,” sabi naman niya sa mga ito sabay tawa nilang magkakaibigan.
“Ayan diyan kayo magaling! Ang alipustahin ako!” wika naman ni Marc sa kanila. “Pero puwera biro, ano na nga bang plano mo Jeff?” maya-maya’y seryosong tanong nito sa kaniya.
“Plano saan?” kunot-noong tanong naman niya rito.
“Plano kay Tin, kanino pa ba? Alangan namang sa amin?” pabirong tugon pa nito sa kaniya. Muli naman silang nagtawanan sa sinabi nito.
“Wala, hahayaan ko na lang na ganito kami,” sagot niya sa tanong nito.
“Ha? Sigurado ka?” gulat na tanong pa ni Marc sa kaniya. “Alam mo ikaw, hindi na ako magtataka kung tumandang binata ka. Daig mo pa ang babae sa pagkapihikan,” napapailing pa nitong turan sa kaniya.
“Tsk! Kung makapagsalita ka naman diyan akala mo naman nasa forty’s na tayo. Matagal pa naman iyon, saka wala naman akong matris para mangambang baka hindi na ako magkakaanak,” sabi niya sa kaibigan.
“Sabagay, pero sure ka talaga na wala kang gagawin para mapalapit kay Tin?” paniniyak pa nito sa kaniya.
“Ilang beses ka bang ini-ire ng nanay mo ‘tol? Napakakulit mo kasi eh!” sabi naman ni Rex kay Marc na ngayon ay kakamot-kamot na lang ng ulo nito.
“Kayong dalawa, imbes na ang buhay nitong si Jeffrey ang inuusisa ninyo, bakit kaya hindi na lang ninyo isipin ang mga laban na sasalihan ninyo?” wika ni Lester sa mga kaibigan.
“Oo nga, ‘di ba Marc, kasama ka na naman sa Mister and Miss SNA? At ikaw naman Captain Rex, malapit na ang intrams, kumusta naman ang practice ninyo?” tanong naman ni Chino sa mga ito.
“Aba! Parang minamaliit mo kami ah! Kahit nakapikit, kayang-kaya kong ipanalo ang team natin,” pagmamayabang ni Rex kay Chino.
“Oo nga! Title holder itong kaharap ninyo baka akala niyo!” pagmamalaki rin ni Marc sabay tapik pa nito sa sariling dibdib.
“Ang yayabang nitong dalawang ito!” sabi naman niya saka napapailing na lang na tumawa sa mga ito. Napatingin pa siya sa kaniyang relong pambisig saka dinampot na ang kaniyang bag.
“Mga ‘tol, tara na!” yaya niya sa mga kaibigan.
“Anong oras na ba?” tanong ni Chino sabay tingin sa kaniyang relos. “Hala! Tara na’t baka naghuhuramintado na naman ang tiyahin ko,” sabi nito sa kanila.
“Oo nga, baka mamaya bugahan ka na lang ng apoy ng Tita Cedes mo. Napakabait pa naman noon,” sabi naman ni Lester dito.
Napailing na lang siya saka sila sabay-sabay na naglakad palabas ng kanilang campus. Malapit lang ang barangay nilang tatlo nina Marc at Rex, samantalang sila Chino at Lester naman ay sa karatig na barangay nakatira.
Nang makalabas sila ng kanilang paaralan, ay naglakad na sila sa kanto patungo sa kanilang barangay, kung saan naman mag-aabang ng jeep ang dalawang kaibigan nila. Hinintay muna nilang makasakay ang mga ito, saka sila nagpatuloy sa kanilang paglalakad pauwi sa kani-kanilang mga bahay.
Nang matapat sila sa bahay nila Althea ay bahagya pa siyang napalingon sa bakuran ng mga ito, nang marinig ang boses ng mga babaeng nagtatawanan. Kitang-kita niya mula sa kaniyang kinatatayuan ang tumatawang mukha ni Kristine, habang nakikipagkuwentuhan ito sa mga kaibigan nito. Napangiti siya nang makitang sa wakas ay tumatawa na ito. Maaliwalas nang muli ang mukha nito at bumalik ng muli ang pagiging bubbly nito.
“Hala sige, lingon pa! Mabali iyang leeg mo riyan huyyy!” sita ni Marc sa kaniya. Napasulyap naman siya sa mga kaibigan na ngayon ay malawak ang pagkakangiti sa mga mukha ng mga ito.
“Ano, iyan ba ang walang balak gawin para kay Kristine?” tanong naman ni Rex sa kaniya.
“Tsk! Ayan na naman kayong dalawa. Napatingin lang naman eh,” kakamot-kamot sa ulong turan niya sa mga ito.
“Galigan mo ang pagde-deny Kapitan ha? Baka ipabarangay kita, para roon ka magpaliwanag,” sabi naman ni Marc sa kaniya.
‘Ang hirap talaga kapag kilalang-kilala ka na ng mga kaibigan mo. Hirap magsinungaling!’ bulong pa niya sa kaniyang sarili.
“Tsk! Umuwi na nga tayo nang hindi kung anu-ano iyang inuusisa ninyo sa akin,” sabi na lang tuloy niya sa mga ito.
“Eh, ano bang ginagawa natin ngayon?” tanong pa ni Rex sa kaniya.
“Naglalakad pauwi!” mabilis niyang sagot rito.
“Oh, iyon naman pala eh! ang labo mo T’song!” wika naman ni Marc sa kaniya.
Napapailing na lang siya sa mga ito habang ipinagpapatuloy na ang kanilang paglalakad. Oo nga naman kasi, pauwi na nga naman kasi sila. Ewan ba naman kasi niya sa sagot niya sa mga ito kanina. Nakita lang niya si Kristine, nagulo na naman ang kaniyang pag-iisip. Kaya nga siguro mas okay na rin na hindi sila magkalapit nito, dahil ngayon pa nga lang ay nawawala na siya sa kaniyang sarili eh. Ano pa kaya kapag nagkalapit na sila nito ng tuluyan? Patay!