Chapter 6

2134 Words
Nagpatuloy sa pagiging mailap si Jeffrey kay Kristine. Palagi pa rin niya itong iniiwasan at tinataguan sa tuwing makakasalubong, o makikita niya ang dalaga. Hindi na rin naman siya muling nilapitan pa ni Kristine, that makes his life easy. He was contented with staring at her secretly and watching her from afar.  Until one day, nagkaroon ng problema para sa magiging representative ng kanilang section. Kailangan nila ng isasalang para sa Mister and Miss Campus Crush, na gaganapin sa kanilang paaralan bilang bahagi ng kanilang nalalapit na school festival. Hindi puwede si Marc dahil kasali na ito sa pangkalahatang kumpitisyon ng kanilang paaralan. “Okay class, now, I want to hear your suggestions kung sino ang kukunin nating representative para sa gaganaping Mister and Miss Campus Crush,” anang kanilang adviser matapos magturo nito ng huling subject nila. “Ma’am, tinatanong pa po ba iyan? Si Marc na po at si Kristine, bilang sila naman ang Muse at Escort ng section namin,” sagot ng isa sa mga kaklase nila. “Okay, puwede si Kristine, pero hindi puwede si Marc dahil lalaban na siya sa Mister and Miss SNA. Anyone else?” muling tanong nito sa kanila. Tahimik lang siyang nakamasid sa kanilang guro hanggang sa marinig na lang niyang magsalita ni Marc. “Ma’am si Jeffrey na lang po. Tutal, wala namang laban ang volleyball team, kaya puwedeng-puwede siyang maging representative natin,” anito sa kanilang guro sabay ngisi pa nito sa kaniya.  “Okay, very good then. Ipaaalam ko na kay Mr. Encinares ang tungkol dito, at babalitaan ko na lang kayo kung kailan mag-uumpisa ang practice. Any questions?” tanong pa nito sa kanila. Akmang magtataas siya ng kamay upang umapela nang pigilan ng mga kaibigan niya ang kaniyang mga kamay. “Wala na po Ma’am!” sabay-sabay pang tugon ng mga sira-ulo niyang kaibigan. “Okay, then. Good bye class, see you tomorrow,” paalam nito sa kanila sabay tayo nito sa upuan nito at naglakad ng palabas ng kanilang classroom. Doon lang siya binitiwan ng mga kaibigan niya. “Walang hiya naman mga ‘tol, bakit ako ang isinuggest ninyo?” pabulong pa niyang tanong sa mga kaibigan habang nakakunot ang kaniyang noo. “Aba’t sino ang gusto mong i-suggest namin? Si Jojo? Ni hindi nga aabot sa height ni Kristine ang isang iyon eh,” tugon naman ni Rex sa kaniya. “Kaya nga. Isa pa, lahat kaming apat ay may kani-kaniyang pinagkaka-abalahan, mag-ambag ka naman uyyy!” wika naman ni Marc sa kaniya. “‘Tol, walang personalan, contest lang ito. Itayo mo ang bandera ng ating mahal na section,” nakangisi namang saad ni Chino sa kaniya.  Napakamot naman siya sa kaniyang ulo saka napasulyap sa upuan ni Kristine. Mukha namang hindi bothered ang dalaga, at nagkibit balikat lang itong dinampot ang mga gamit nito sa upuan nito’t, nag-umpisa na ring maglakad palabas ng kanilang classroom. “Oh, oh, oh, tingin pa nga!” pang-aasar ni Rex sa kaniya nang sundan niya ng tingin ang papalayong si Kristine. “Huwag mo ng subukang takasan, o taguan pa si Kristine, dahil ngayon wala ka ng magagawa. Tiisin mo na lang muna iyang contest na iyan, ‘pag natapos na, eh ‘di balik na kayo ulit sa normal ninyong mga buhay,” sabi naman ni Lester sa kaniya. Eh, ano pa nga ba ang magagawa niya? Nariyan na iyan at wala na nga siyang kawala pa sa sitwasyon nila ngayon ni Kristine. Napahinga na lang siya nang malalim saka kakamot-kamot ng kaniyang ulong nagligpit na lang rin ng kaniyang mga gamit. ***** “Hmmm, mukhang masaya yata tayo ngayon ah,” bati ni Dianne kay Kristine nang datnan siya nitong nakaupo sa swing sa may park na katabi ng kanilang school. Napasulyap naman siya sa kaniyang pinsan na ngayon ay nakaupo na sa kaniyang tabi. “Nasaan iyong dalawa?” kunwa’y tanong niya rito. “Nasa CR, pero susunod na rin ang mga iyon. Pero bakit ka masaya ngayon?” tanong nito sa kaniya. Napangiti naman siya saka napakagat labing ibinaling sa kaniyang harapan ang kaniyang paningin. “Uyyy, Kristine Alipao, iyang mga ngiting iyan mukhang may ibang dahilan ah! Spill!” pangungulit pa nito sa kaniya. Muli siyang tumingin sa kaniyang pinsan saka nagniningning ang mga matang ngumiti rito. “Kasali ako sa Mister and Miss Campus Crush!” kinikilig pa niyang saad dito. Hindi siya kinikilig dahil kasali siya roon kundi, dahil sa makakapareha niya si Jeffrey. “Wow! Eh, sino naman magiging partner mo?” tanong ulit nito sa kaniya. Muli siyang napakagat sa kaniyang pang-ibabang labi saka nahihiyang umiwas ng tingin sa kaniyang pinsan. “Si Jeff,” mahinang tugon niya rito, ngunit sapat na iyon para marinig siya nito.  “Hala! At kinikilig ka pa riyan! Akala ko ba ay iiwasan mo na rin iyang supladong lalakeng iyon?” tanong pa nito sa kaniya. “Eeeiii! Cous, how can I, kung si Ma’am ang namili sa aming dalawa ‘no! And isa pa, hindi ko naman ipinagsiksikan ang sarili ko ah!” maarte niyang turan sa kaniyang pinsan.  “Ayyy, ewan ko sa iyong babae ka, kapag ikaw lang iiyak-iyak na naman dahil diyan sa supladong maldito na iyan, kukurutin pa kita lalo sa singit!” litaniya naman nito sa kaniya. Napahagikhik naman siya sa tabi nito saka itinulak niya ang kaniyang sarili sa swing na kaniyang kinauupuan. “Don’t worry, kapag umiyak ako, hindi ko ipapakita sa iyo,” sagot niya rito at sinabayan pa niya iyon ng bungisngis. “Ewan ko sa iyo!” tanging nasabi nito at gaya niya ay itinutulak na rin ito ang sarili sa swing. Masaya lang talaga siya na mapapalapit siyang muli kay Jeff at hindi na ito makakaiwas pa sa kaniya. Siyempre mag-partner sila sa contest, kaya wala na itong choice! Ilang sandali pa at dumating na rin sina Althea at Grace. “Hmmm, bakit mukhang masaya yata iyang pinsan mo Dianne?” tanong ni Grace sa kaniyang pinsan na kaniya namang ikinalingon. Inihinto naman nila ang swing na kanilang kinauupuan, saka sinulyapan ni Dianne ang mga bagong dating nilang kaibigan. Naiikiot pa ng kaniyang pinsan ang eyeballs nito, saka bagsak ang mga balikat na sumagot kay Grace. “Ayyy, naku, makaka-partner lang naman niya sa Mister and Miss Campus Crush si Jeffrey Santos!” anito sa mga kaibigan nila. Napalapit naman si Grace sa kaniya at humawak pa ito sa kadena ng swing na kaniyang kinauupuan bago iyon inalog. “Bruha ka! Akala ko ba ay kakalimutan mo na iyang kabaliwan mo sa kurimaw na iyon?” tanong pa nito sa kaniya.  “May sinabi ba akong gano’n?” kunot-noong tanong naman niya rito. “Eh, kung sinsasabunutan kaya kita ngayon?” masungit namang turan nito sa kaniya na kaniyang ikinatawa.  Sa pagkakatanda kasi niya hindi naman niya sinabi sa mga ito na kalilimutan na niya si Jeff. Ang sabi niya ay iiwasan na lang niya ang lalake, pero hindi ibig sabihin no’n na kalilimutan na lang niya ito. “I said, iiwasan ko siya but not to forget him kaya!” maarte niyang saad dito. Nag-make face naman ito sa kaniya saka siya nito inirapan, at humalukipkip na naupo sa haligi ng swing na kinauupuan niya. “Naku, Mary Grace, hayaan na natin iyang babaeng iyan at nahihibang na talaga iyan kay Jeff. Anyway, good luck sa inyo,” sabi naman ni Althea na nakaupo naman sa kabilang panig ng swing malapit kay Dianne. “Thanks girls!” nakangiti niyang turan sa mga ito, saka muling tumingin sa kanilang harapan, habang mahinang pinaaandar ang swing.  Ang totoo, nae-excite na siya sa magaganap sa pagitan nila ni Jeffrey sa mga susunod na mga araw. Gustong-gusto na niyang makita kung paano ito kikilos sa kaniyang harapan sa tuwing magpa-practice sila. Napapakagat labi pa siya habang lihim na kinikilig sa kaniyang naiisip. ***** Hindi naman mapakali si Jeff sa kusina ng kanilang bahay habang hinihintay niyang mainin ang kaniyang sinaing, at maluto ang kaniyang nilalagang baboy. Iniisip pa rin kasi niya hanggang ngayon ang tungkol sa pagiging magkapareha nila ni Kristine sa isang event ng kanilang paaralan. Matapos niyang paghirapang iwasan, taguan, at takasan ang dalaga, ngayon naman ay tila tuksong pagsasamahin sila sa iisang event. “Uyyy, Jepoy iyong niluluto mo umaapaw na!” untag sa kaniya ng kuya Jefferson niya. Para naman siyang natauhan sa sinabi ng kaniyang kuya, kaya mabilis siyang kumilos upang patayin ang kalan.  “Ano ba iyang iniisip mo at parang wala ka sa sarili mo?” tanong pa ng kuya niya sa kaniya.  “Wala naman Kuya,” nahihiyang tugon niya rito.  “Sus, kung wala, bakit para kang lutang diyan?” hindi naniniwalang tanong nito sa kaniya.  Napakamot naman siya sa kaniyang ulo saka sinilip ang kaniyang sinaing kung luto na ba iyon. Nang hindi na dumikit ang kanin sa kaniyang daliri ay pinatay na niya ang kalan, at saka tiningnan naman ang nilagang baboy na kaniyang niluluto. Tinikman pa niya iyon saka muling binuksan ang kalan, upang tiplahan ang kaniyang niluluto’t ilagay ang mga gulay nito.  “Ako kasi ang isinali ni Ma’am sa Mister and Miss Campus Crush eh,” tugon niya sa kaniyang kuyang umiinom ng tubig sa tabi ng ref. “Hmmm, oh, eh, anong problema naman doon? Dati ka naman nang nasasali sa mga ganiyan ‘di ba?” tanong pa nito sa kaniya saka ito lumapit sa lababong malapit sa kaniyang kinatatayuan. “Opo, kaso kasi iba na ngayon eh,” nahihiyang saad niya rito. “Paanong naiba?” kunot-noong tanong muli nito sa kaniya, nang matapos na nitong hugasan ang basong ginamit nito. Nakapamaywang pa ito ngayon sa kaniyang tabi. “Eh, basta Kuya iba na kasi ngayon. Huling beses akong sumali sa mga ganoon ay noong grade six pa ako,” tugon niya rito, saka muling binuksan ang kaldero kung saan nakalagay ang nilagang baboy na kaniyang niluluto. “Sus, pareho lang iyon. Contest ng papogian pa rin naman iyon, kayang-kaya mo na iyan,” sabi pa nito sa kaniya. Muli naman siyang napakamot sa kaniyang ulo saka pinatay ang kalan at gas.  “Huwag mo nang masyadong iniisip pa iyan, daanin mo na lang sa suplado looks mo ang labanan, saka sa makalaglag ‘P’ mong ngiti! Naks!” taas-baba pa ang mga kilay nitong sambit sa kaniya, sabay tapik nito sa kaniyang balikat.  “Anong ‘P’ Kuya?” naguguluhang tanong pa niya rito nang hindi niya nakuha ang ibig sabihin nito. “Ayyy naku! ‘P’ as in puso! Ikaw talaga, ano bang iniisip mong ‘P’? Ikaw ha?” nanunuksong turan pa nito sa kaniya. “Akala ko panty eh,” tatawa-tawang sagot naman niya rito na ikinatawa na rin naman ng kaniyang kuya. “Loko! Pero puwede rin,” sabay tawang muli nito. “Oh, siya, maghain na nga tayo nang makapagpahinga na. Si Papa Kap nga pala?” maya-maya’y tanong nito sa kaniya. “Nasa barangay pa yata eh. Pauwi na rin naman siguro iyon,” sabi naman niya saka siya nagsandok ng kanin sa lagayan upang ilagay sa kanilang lamesa.  Ang kuya naman niya ay naglagay na rin ng mga plato, at kubyertos sa kanilang mesa. Matapos niyang ilapag ang kanin sa kanilang lamesa ay siya namang pasok ng isa pa niyang kuya. “Uyyy, handa na pala ang hapunan! Ang galing mo naman bunso!” bati pa nito sa kaniya saka ito nagtungo sa lababo para maghugas ng kamay nito. “Kuya Jeffril, iyong allowance ko ha, huwag mong kalilimutan,” paalala niya sa kaniyang kuya. Ito kasi ang panganay at ang katu-katulong ng kanilang ama sa pagpapaaral sa kanila ng Kuya Jefferson niya. “Puwede kumain muna tayo bago ang usapang salapi?” pabirong saad naman nito na kanilang ikinatawa ng kaniyang Kuya Jefferson. “Sabi ko nga eh, pero wala pa si Papa Kap eh,” sabi niya rito. “Nandito na ako mga anak.”  Sabay-sabay pa silang napatingin sa b****a ng kanilang kusina nang magsalita ang kanilang ama. Isa-isa naman silang nagsipag-mano sa kanilang ama bago ito naghugas ng kamay sa kanilang lababo. “Akala namin Papa Kap sa barangay ka na naman titira eh,” pabirong saad ng kaniyang Kuya Jeffril. “Akala ko nga rin eh,” ganting biro naman nito saka naupo sa puwesto nito. “Halina kayo para maaga tayong makapagpahinga,” yaya na nito sa kanila. Nagsisinuran na rin naman sila at dumulog na sa kanilang hapag-kainan. Hindi na muna niya iisipin ang tungkol sa event sa kanilang school.  Sa ngayon kasi masaya siyang kasalo nilang magkakapatid ang kanilang amang palaging busy sa pamamahala ng kanilang barangay. Simula kasi ng pumanaw ang kanilang ina, hindi na ito napirmi sa kanilang bahay. Kaya naman ang mga ganitong pagkakataon ay hindi nila pinalalampas.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD