At nagsimula na nga ang practice nila Kristine para sa Mister and Miss Campus Crush. Magkasama sila ngayon ni Jeffrey sa kanilang campus gym at hinihintay ang kanilang turn para rumampa sa stage. Nakatingin siya rito habang ang binata naman ay focus ang tingin sa mga rumarampa sa entablado.
Napakaguwapo nitong pagmasdan kahit pa napakasuplado ng mukha nit0. Matangkad si Jeffrey na sa tantiya niya ay nasa five feet, eleven inches ang height nito. Makapal ang mga kilay nito, singkit ang mga mata nitong nakakadagdag sa pagiging suplado look ng binata, matangos ang ilong, full lips, mestiso, at macho. Parang ang sarap-sarap tuloy magpayakap dito.
“Candidate number four, from section three Primrose, Kristine Alipao and Jeffrey Santos!” anunsiyo ng tumatayong choreographer nila.
Agad naman siyang ngumiti nang ubod ng tamis, saka nag-umpisang rumampa patungo sa gitnang bahagi ng stage. Kung saan sila magtatagpo ni Jeffrey at magpo-pose na nakahawak sa balikat nito, habang nakahawak naman sa kaniyang baywang ang binata. Seryoso itong nakatingin sa kaniya habang siya naman ay pinapungay ang kaniyang mga mata, habang matamis na nakangiti sa binata.
“One, two, three, rampa forward!” sabi ng choreographer nila saka sila magkasabay na rumampa paharap sa stage at nag-pose doon.
Pagkatapos nang huling pose nila ay maarte siyang umikot, saka maarteng kumikembot na naglakad pabalik sa back stage. Lihim pa siyang napapangiti nang makita ang paglunok ni Jeffrey habang nakatingin ito sa kaniya. Nang sulyapan niya ito ay agad naman itong nag-iwas ng paningin sa kaniya.
‘Hmmm, Mister Santos, naaakit ka na ba sa akin ng lagay na iyan?’ tanong pa niya rito sa kaniyang isipan.
“Bravo! Ganoon dapat ang mga attitude ninyo sa araw ng event ha?” sabi ng kanilang choreographer matapos ang huling pareha na rumampa sa stage. “Talent portion tayo! I-ready na ninyo ng partner ninyo ang talent na gagawin ninyo,” narinig niyang saad ng kanilang choreographer.
Bigla silang nagkatinginan ni Jeffrey dahil hindi naman nila napaghandaan ang portion na iyon ng contest. Paano naman silang makakapaghanda, kung hindi nga siya pinapansin man lang ng binata sa kanilang classroom?
“Anong ita-talent ninyo number four?” tanong sa kanila ng choreographer nila. “Ayyy, hindi puwedeng wala ha,” sabi pa nito sa kanila nang hindi sila agad nakaimik.
“Ahm, pag-uusapan muna namin saglit,” sagot na lang niya rito.
“Sige, pero bilisan ninyo ha kasi kailangan nating i-practice iyon. I-approach niyo lang ako sa baba ng stage kapag may naisip na kayo.” Itinuro pa nito kung saan ito pupuwesto na kaniya namang tinanguan.
“Okay, gora na ako roon,” paalam pa nito sabay lakad na nitong palayo sa kanila. Napahinga naman siya nang malalim saka hinarap si Jeffrey.
“So, any talent that pops into your mind?” tanong niya rito.
“Marunong ka bang kumanta?” tanong nito sa kaniya. Tabinge naman ang kaniyang ngiting napatingin rito, sabay iling habang hawak sa kaniyang batok. “Sumayaw, marunong ka?” muling tanong nito sa kaniya.
“Yes! Pero anong sayaw naman ang sasayawin natin?” balik tanong niya rito.
“Salsa,” mabilis nitong sagot sa kaniya.
Nanlaki naman ang kaniyang mga mata sa sinabi nitong iyon. Hindi niya akalaing iyon ang isa-suggest nitong sayaw sa kaniya. Alam niyang masyadong intimate ang pagsayaw ng salsa, at hindi nila maiiwasan ang mag-body contact sa sayaw na iyon. The sexier the movement, the better!
“Sure ka?” alanganing tanong pa niya rito.
“Bakit, hindi ka ba marunong sumayaw ng salsa? Puwede naman nating i-practice after nito,” seryosong sagot lang nito sa kaniya.
“Marunong ako ng salsa, kaya lang—“ napakagat pa siya ng kaniyang labi, dahil sa isiping magkakadikit sila ng husto ni Jeffrey sa pagsasayaw niyon.
“Then, let’s do it!” sabi pa nito saka ito mabilis na bumaba ng stage upang kausapin ang kanilang choreographer na ngiting-ngiti naman habang kausap si Jeffrey.
‘Oh man! Bahala na nga!’ bulong na lang niya sa kaniyang sarili.
“Mhy, sasayaw kami ni Kristine, may music ka ba riyan na pang-salsa?” tanong ni Jeffrey sa baklang choreographer nila.
“Wow! Sure kayo? Masyadong sexy ang sayaw na iyon ah, pero oo may music ako rito. Palitan niyo na lang sa susunod na practice natin,” sabi pa nito sa kaniya.
“Ano ba iyong music mo? Kung may Despacito, iyon na lang,” aniya rito.
“Perfect! Sige, mag-ready na kayo ng partner mo at kayo na ang susunod,” nakangiting saad ni Mhy, kaya naman naglakad na siyang pabalik sa kinaroroonan ni Kristine. Aware siyang may pagka-sexy ang sayaw na isinuggest niya, pero kasi wala na siyang maisip na ibang sayaw, kaya iyon na lang ang kaniyang isinuhistiyon dito.
“Ready?” tanong pa niya kay Kristine. Tumango naman ito sa kaniya at ngumiti.
‘Damn that smile!’ bulong pa niya sa kaniyang sarili.
“Candidate number four!” tawag na sa kanila ni Mhy.
“It’s okay if we make mistake today, walang practice eh,” bulong pa niya kay Kristine na medyo nanlalamig ang kamay nang hawakan niya iyon.
Huminga pa ito nang malalim nang nasa gitna na sila ng entablado. Nang tumunog na ang kanilang sasayawin ay agad nitong iginalaw ang baywang nito, na medyo nakapagpanganga sa kaniya.
Doon lang nag-sink in sa kaniyang isipan kung gaano ka-sexy ang kanilang sasayawin. Kaya nang mag-umpisa na iyon, mukhang mas siya pa ngayon ang maraming maling galaw, kaysa kay Kristine, na tila nag-e-enjoy na sa kanilang sinasayaw.
Nang umikot ito sa kaniya ay nasundan na lang niya ito ng tingin. Nang mapatapat na ito sa kaniyang harapan ay hinawakan niya ito sa baywang at pinaikot, saka muling naghawak sila ng kamay, at muling inikot ito at gumiling sa kaniyang harapan, habang nakatalikod ito sa kaniya at hawak naman niya ito sa baywang.
Masyado siyang naaakit sa paggalaw ng baywang nito habang nagsasayaw sila. Kaya hanggang sa matapos ang kanilang sayaw ay na kay Kristine lang nakatutok ang kaniyang atensiyon. Bawat galaw at indayog nito sa saliw ng tugtog na kanilang sinasayaw ay tila nanunuyo ang kaniyang lalamunan. Napaka-seductive kasi ng sayaw na iyon, at hindi niya maintindihan kung bakit pa niya na-i-suggest iyon kanina.
Pareho silang hinihingal nang matapos ang kanilang pagsasayaw. Nagpalakpakan naman ang kanilang mga kasama na nakapagpagising sa kaniya. Doon lang niya binitawan si Kristine sa baywang nito’t yumukod sa harapan ng kanilang mga kasamahan.
“Ang galing! So iyan na talaga ang talent ninyo ha? Konting practice na lang para mas malinis iyong sayaw ninyo. Pero all in all, mahusay!” ngiting-ngiting turan ni Mhy sa kanila.
“Thank you!” tanging sagot niya rito, saka sila umalis sa stage upang ang ibang kasali naman ang magpakita ng talent ng mga ito.
Naupo siya sa monoblock na nasa ibaba ng stage, habang si Kristine naman ay nagtungo sa grupo ng mga babaeng kalahok, upang makipagkuwentuhan. Napailing na lang siya habang pinagmamasdan ang dalagang ngiting-ngiti, habang nakikipagkuwentuhan sa mga babae.
*****
Matapos ang napaka-daring na sayaw nina Kristine, at Jeffrey ay agad siyang lumayo rito, dahil walang tigil sa mabilis na pagkabog ang kaniyang dibdib. Tila nagpa-party ang puso niya sa loob ng kaniyang dibdib, dahil sa paglalapit nila ng binata kanina. Aaminin niyang kinilig at na-excite siya kanina habang nagsasayaw sila ni Jeffrey.
Ramdam na ramdam din niya ang mumunting init na gumagapang sa kaniyang katawan kapag nagdidikit ang kanilang balat. Tila siya nakikiliti sa bawat paglalapat ng kanilang mga balat, lalo na sa tuwing hahawakan siya nito sa kaniyang baywang. Ramdam niya ang maingat nitong paghawak sa kaniya.
“Uyyy, ang galing ninyo ni Jeffrey kanina. Hindi namin alam na marunong siyang sumayaw,” puri sa kaniya ni Liza, isa sa mga kalahok sa contest.
“Hmmm, well, biglaan lang din iyong sayaw namin. Hindi naman kasi namin alam na may talent pala,” nakangiting sagot niya rito.
“Oh? Wala pang practice iyon ha, paano na lang kung mayroon na?” wika naman ni Ayesha sa kaniya. Nangitian na lang niya ang dalawang babae saka pasimpleng sumulyap sa kinauupuan ni Jeffrey. Nakatingin ito ngayon sa direksiyon nila, pero hindi naman niya sigurado kung sa kaniya nga ba ito nakatingin.
“Hmp! Hindi naman magaling, nadala lang sa paggiling!” maya-maya’y narinig niyang kumento ng isang babaeng tingin niya’y kalahok din sa Mister and Miss Campus Crush.
“Naku, girl huwag mo na lang pansinin iyang si Cielo. Kulang lang sa aruga iyang babaeng iyan,” bulong naman sa kaniya ni Ayesha. Napabungisngis naman siya sa sinabi nito sa kaniya na mukhang ikinainis lalo ng babaeng nagngangalang Cielo.
“Hoy! Kayong mga pangit kayo, pinagtsitsismisan niyo ba ako?” mataray nitong tanong sa kanila.
“Huh? At bakit ka naman namin pagtsitsismisan aber?” ganting tanong naman ni Liza rito.
“Aba malay ko sa inyo. Baka naiinggit kayo sa akin kaya niyo ako pinag-uusapan,” nakairap pang saad nito sa kanila.
“Ayyy, iba! Ang feeling mo naman masyado, girl! Excuse me lang ha, hindi ka kaingit-ingit!” mataray ring saad ni Ayesha rito. “Tara na nga girls, umalis na lang tayo rito’t baka mahawaan pa tayo ng kayabangan,” yaya pa nito sa kanila ni Liza kaya napasunod na lang sila rito. Naiwan namang umuusok ang ilong ni Cielo sa kanila. Hindi na lang nila pinansin ito’t lumayo na lang rito.
“Girls, thank you. See you na lang on our next practice, bye!” paalam niya sa dalawang bagong mga kaibigan, saka siya naglakad pabalik sa stage upang kuhain ang kaniyang gamit.
Wala na si Jeffrey sa kinauupuan nito kanina, malamang na nakaalis na ito kanina pa. Napasarap kasi ang pakikipagkuwentuhan niya sa dalawang babae kanina. Nang maisukbit niya ang kaniyang bag sa kaniyang balikat ay saka siya humakbang palabas sana ng gym, nang harangin siya ng tatlong estudyante.
Nakahalukipkip pa ang babaeng nasa gitna, na nakilala naman niyang si Cielo. Iiwas na sana siya sa mga ito nang magsalita si Cielo.
“Huwag mong iisiping dahil parner mo si Jeffrey sa contest, magkakagusto na siya sa iyo,” sabi nito sa kaniya.
“Ahm, excuse me?” kunot-noong tanong niya rito.
“Huwag mo akong ma-excuse, excuse me riyan! Hindi ka magugustuhan ni Jeffrey, tandaan mo iyan!” sabi pa nito sa kaniya, na kaniya namang ikinagulat. Hindi niya alam kung saan nanggagaling ang babaeng kaharap niya ngayon, pero hindi niya ito maintindihan.
“I don’t kow what you are talking about. Kung nagagalit ka kasi partner ko si Jeffrey, why don’t you talk to him if he wants you to be his partner?” naiiritang pahayag niya rito. Ayaw na ayaw pa naman niya ng may nagte-treat sa kaniya, dahil hindi niya uurungan ito.
“Aba’t matapang ka ha. Transferee ka lang dito, at baka hindi mo kilala kung sino ang binabangga mo?” wika pa nito sa kaniya na tila nananakot.
“You know what ladies, yes you’re right, hindi ko nga kayo kilala, but you don’t know me either. Kaya tingin ko patas lang tayo. Now if you’ll excuse me,” aniya sa mga ito saka niya nilampasan ang mga ito.
Dire-diretso lang siyang naglakad palabas ng gym nang may humila sa kaniyang bag. Agad naman siyang napahinto dahil sa gulat. Nang lumingon siya ay nakita niya si Cielo na akmang sasampalin siya, ngunit may kamay na sumalo sa kamay nito.
Napalingon siya sa kaniyang likuran at tiningnan kung sino ang nagmamay-ari ng kamay na iyon. Ganoon na lang ang kaniyang pagkagulat nang makitang kay Jeffrey pala ang mga kamay na iyon.
“J-Jeff?” namumutlang sambit ni Cielo.
“You don’t have the right to hurt anyone in this campus,” matigas na sambit ni Jeffrey rito, habang salubong ang mga kilay nitong nakatitig sa babae.
Dahil sa kabiglaan, hindi na makapagsalita ang kawawang babae sa kaniyang harapan. Para bitiwan na ito ni Jeffrey, hinawakan niya ang kamay nito at maharang tinanguan.
“I’m okay Jeff, you can just let her go,” sabi niya rito.
Tinitigan naman siya nito saka unti-unting pinakawalan ang kamay ni Cielo. Sa takot, mabilis namang nagtatatakbo ang grupo ni Cielo palayo sa kanila.
“Thank you,” naiusal na lang niya rito na tinanguan lang naman nito, saka siya iniwan nito sa gym.
Imbes na matakot dahil sa nangyari kanina, napangiti pa siya dahil sa isiping hindi naman pala siya iniwang mag-isa ni Jeffrey sa gym. Isa pa, ipinagtanggol lang naman siya nito sa malditang si Cielo. Kaya naman ngayon, magaan ang kaniyang pakiramdam na naglakad ng palabas ng gym. May ngiti pa siya sa kaniyang mga labi habang binabaybay ang daang palabas ng kanilang campus gate.