MABUTI na lang at may iniabot lang si Alice kay Hymae habang nasa kuwarto pa niya si Lorrence. Hindi niya ma-imagine ang sarili kung makita siya ng kaibigan na may kasamang lalaki. Kahit alam na ni Alice ang relasyon nila ni Lorrence ay gusto pa rin niyang manatiling pribado.
Kinaumagahan na umalis ng kuwarto niya si Lorrence. Maghapon na naman siyang tutok sa trabaho. Inaasahan na kasi ang magarbong selebrasyon ng kaarawan ni Zandra.
Pagkatapos ng duty niya nagkita sila ni Marlon at Alice. Pinag-usapan nila ang magiging trabaho nila ni Alice sa function room kung saan gaganapin ang kaarawan ni Zandra. Kung hindi lang talaga kasama si Lorrence sa party ay hindi siya magtitiyagang pumunta.
Inanyayahan sila ni Marlon sa kuwarto nito at doon na sila nagbihis ng isusuot nila para sa party. Dalawang oras na lang kasi ay magsisimula na.
"Makakapunta nga tayo sa party pero hindi bilang guest kung hindi ay utusan," angil ni Alice habang pareho nilang inaayos ang ternong fitted maroon blouse at mini-skirt.
"Tiisin na lang natin tutal isang gabi lang naman," tugon niya.
Lumapit sa kanila si Marlon na nakabihis na rin at kakulay ng damit nila ang suot nito.
"Carry lang iyan mga girls! Ano'ng magagawa ninyo eh gusto ninyong masubaybayan ang galaw ng mga papa n'yo kaya tiis-tiis lang," malambot na saad ni Marlon.
"Basta huwag na huwag lang mangalantari ang Zandra na iyon baka ipalamon ko siya sa pugita," gagad ni Alice.
"Ay over! Kung si Jake, waley. Pero kung si Lorrence, ay bongga ang bukangkang ni Zandra roon," sabat ni Marlon.
Pilyang tinaliman niya ng tingin si Marlon. Kaagad naman itong nagpakita ng mga daliri na naka-peace sign.
"Hindi ako magagalit kung si Zandra ang lalapit. Pero kapag si Lorrence ang bumigay kay Zandra, baka yayanig sa barko," aniya habang inaayos ang pagkatali ng buhok.
"Okay, okay! Palaban na kayo kung palaban, girls. So ano, ready na ba kayong sumugod sa party?" hamon ni Marlon. Napangisi sila ni Alice.
"Ready na! Let's go na ba?" sabik na wika ni Alice.
"Ano ba ang gagawin namin?" tanong niya kay Marlon.
"Magsi-serve tayo depende sa request ng guest. Pero kung sawa na kayo, just tell me and I will let you exit. Remember, magdamagan ang party," ani ni Marlon.
"No problem. Hindi naman kami makikipagsabayan sa mga magpupuyat. May duty pa kaya kami bukas," pakli ni Alice.
"Okay, let's go!"
Sumunod na sila kay Marlon. Pupunta na sila sa function room. Hindi maririnig ang dagundong ng malakas na tugtugin kung nasa labas ng function room. Pero kapag nasa loob na ay halos hindi magkarinigan ang mga nag-uusap.
Marami na ang mga bisita ng celebrant pero wala pa ito. Nakaayos na ang lahat at naka-display na rin ang mga food and beverage sa mahabang buffet table. May pabilog na dance floor sa gitna ng function room.
"Maiwan kayo ni Alice rito sa service station para i-assist ninyo ang mga nangangailangan ng tulong," bilin ni Marlon sa kanila.
Napanganga siya. "What? Hindi kami na-briefing kung ano ang gagawin namin tapos iiwan mo kami nang gano'n na lang?" angal niya rito.
"Oo nga naman, Marlon. Magmukha kaming ewan na tututunganga na lang dito," sabad ni Alice.
"Ano ba naman kayo girls, siyempre kunwari lang kayong mga service crew. Obvious naman na self-service ang set-up. At saka may mga guys naman na nakatoka sa food and beverage. Tatayo lang kayo riyan na parang palamuti, kasi nga magmamasid kayo 'di ba?" malamyang wika ni Marlon.
Nagkatinginan na lamang sila ni Alice. Iiwanan kasi sila ni Marlon dahil ito ang napiling maging emcee ng programa.
"Ang awkward ng rule natin dito," nakangiwing komento ni Alice.
"Tingin ko magpapakatanga lang Tayo rito. Ginawa tayong CCTV eh," aniya habang iginagala ang paningin sa paligid.
Sunusundan nila ng tingin ang mga pumapasok. Wala nga naman silang gagawin, magmamasid lang sa paligid.
"Hindi ka ba nadedemonyo sa purong pula na bumalot sa silid na 'to?" anas ni Alice sa kaniya.
"Malapit na nga eh. Siguro dinudugo lagi ang utak ng may gusto nitong kulay," tugon niya.
Nang magsimula nang magsalita si Marlon ay saka lumitaw ang celebrant. Sabay pa sila ni Alice na napatunganga sa rumarampang si Zandra papunta sa gitna ng dance floor. Makinang na pulang fitted dress ang suot nito na halos iluwa na ang mga lobo nito sa dibdib.
"Maygad! Nagdamit pa. Naawa pa ang tela para takpan ang mga pasas niya. Ang nipis pa ng dress niya. Mukhang handang-handa siya sa buldyakan," hindi napigilang saad ni Alice.
"Birthday niya kaya bigay-todo siyang manamit. Hindi mo ba nakita ang mga preview ng pictorials niya kaninang umaga? Wagas ang mga pose niya."
"Ganito na talaga ang papel natin dito, Hymae. Ang mang-ukray sa mga tao."
"Uy Alice, huwag ka namang mandamay. Ikaw ang pasimuno."
"Hayaan mo na. Wala namang makaririnig sa atin eh.
Hindi nila tinantanan ng tingin si Zandra. Napakagaling nitong magdala ng apat na pulgadang pointed heel shoes nito.
"Sanay na sanay talaga siya 'no? Pero nahihiya ako para sa kaniya bilang isang babae. Parang inirarampa niya ang katawan para umakit ng kalalakihan. May kalandian naman ako pero kay Lorrence lang."
"Iba si Zandra. Universal woman nga iyan ng barkong 'to. Mabait naman siya eh. May topak lang. At talagang lantad iyan pagdating sa sarili," turan ni Alice.
Sinusundan ng kaliwa't kanang flash ng camera si Zandra. Lahat ng anggulo ng galaw nito ay kinukuhanan ng litrato. Iba pa ang kumukuha ng video coverage.
"Ibang klase talaga si Zandra. Tayong dalawa lang ang babae rito e. Halos mapuno na ang mga upuan ng mga kalalakihan. Sina Jake at Lorrence na lang ang wala," ani ni Alice nang masuyod ng tingin ang paligid.
"Hayun!" Turo niya sa dalawang lalaki na lumuwa sa pintuan. "Sina Lorrence at Jake nga ang mga iyon," aniya habang sinusundan ng tingin ang paglalakad ng mga ito papunta sa napiling puwesto ng mga ito.
"Don't tell me na tatayo na lang tayo rito hanggang sa mangalay ang mga paa natin," atungal ni Alice.
"Nandito nga tayo para bantayan ang partner natin, 'di ba?" pakli niya.
"Oo na. Tiisin na nga lang kahit Nagmukha na tayong mga timang dito. Sana lang hindi masira ang gabi ko."
"Tiwala lang, friend. Basta walang landiang magaganap. Ang daming lalaki sa paligid siguro naman mabusog na siya, huwag lang sa mahal ko."
Napalingon lang si Alice sa kaniya.
Pormal nang nagsimula ang party. Napuno ng mga lalaking bisita ang function hall. Halos isa-isahing lapitan at kamayan ni Zandra ang mga ito para magpasalamat sa pagdalo sa kaarawan nito. Napansin sila ni Zandra pero wala itong pakialam sa kanila dahil priority talaga nito ang mga lalaki.
"Ang sama ng ugali, inisnab lang tayo," reklamo ni Alice.
"Asa ka pa! For the boys nga lang 'to, 'di ba? Tiis-tiis lang tayo. Guguwardiya lang tayo at hindi imbitadong bisita," paglilinaw niya sa kaibigan.
Nanahimik na lamang muna si Alice habang nanonood sila sa mga pakulo ni Zandra. Giliw na giliw ang ibang mga bisita sa seksing pagrampa ni Zandra. Kinuha pa nito ang mikropono mula kay Marlon at boses na nito ang nangibabaw sa buong silid.
Napapailing sila ni Alice nang mapansin ang pagsamba ng ibang kalalakihan sa kagandahan ng modelo. Kaunting salita lang ni Zandra ay pumapalakpak o kaya ay may napapahiyaw na.
"Lakas ng tama ng ibang bisita ni Zandra. Mga tigang na siguro, kulang sa pansin," bahagyang inis na gagad ni Alice.
"Hindi lahat naninigang, ang iba riyan malamang manyakis. Iaangat lang ni Zandra ang bistida napatayo na sabay palakpak," tugon niya.
Hanggang palitan na lamang sila ni Alice ng salita habang si Zandra ang sentro ng atraksiyon ng lahat. Pati ang may matataas na katungkulan sa barko ay nakatuon ang pansin sa modelo. Bukambibig ni Zandra ang magagandang serbisyo na naibibigay ng management, kasama iyon sa pag-iindorso nito.
Ngunit nang maging special mention nito si Lorrence ay biglang napanganga si Hymae. Kinabahan siya sa mga sasabihin pa ni Zandra at sa magiging reaksiyon ni Lorrence. Pinupuri pa lamang ni Zandra si Lorrence ay nangibabaw na ang lihim na inis niya. Halatado pang titig na titig si Zandra kay Lorrence.
"See that?" tawag ni Alice sa atensiyon niya. "Sabi ko sa iyo e, malakas ang tama niyan kay Lorrence. Hindi mabubuo ang birthday niyan kapag wala si Lorrence," wika ni Alice.
Nagtiim ang mga bagang niya. "Huwag lang siyang gumawa ng eksena na hindi kaayaaya sa paningin ko dahil..."
"Manggugulo ka?" dugtong ni Alice sa sasabihin sana niya.
Bumungtong-hininga siya. "Hindi! Aalis ako at hinding-hindi na makakalapit sa akin kahit sino sa kanila," tugon niya, nanggigigil ang nakakuyom na mga palad niya.
Napangisi ang kaibigan nang makita ang mga kamay niya. "Wow huh! Palaban ka talaga."
"Hindi na uso ang pagpapakamartir ngayon, Alice."
Sinubaybayan pa nila kung ano ang gagawin ni Zandra. Tuwang-tuwa kasi ito habang ipinagmamalaki ang magandang papel ni Lorrence sa barko.
"Feeling taken niya si Lorrence," napangiwing saad ni Alice. Nilingon siya ng kaibigan pero hindi siya tumingin.
Seryoso niyang inaabangan ang bawat galaw ni Zandra. Mahirap na baka malingat siya at mawala na sa paningin niya ang nobyo. Hindi lang siya, pati si Alice at nakapako rin ang paningin Kay Jake.
Matapos ang mga pahayag ni Zandra ay binigyan na nito ng hudyat and lahat para buksan ang dance floor. Dumagundong ang malakas na tugtugin at inindakan naman ng mga sabik sa sayawan. Nagkatinginan pa sila ni Alice nang makita ang pag-umpukan ng mga kalalakihan habang ginigitnaan si Zandra na hataw na hataw sa pagkembot.
"Iyan ba ang matatawag na promotion?" hindi makumbinsing tanong niya kay Alice.
"Party na lang ito. Pinakapakonsuwelo na lang ng kompanya bilang pasasalamat sa mabentang endorsement niya," paliwanag ni Alice.
Kaniya-kaniya nang kilos ang mga naroon. Ang iba ay ninanamnam na ang masasarap na putaheng nakahalera sa mahabang buffet table. Pero si Zandra ay abala sa pagsasayaw.
Ayos na sana kay Hymae na makitang nag-e-enjoy si Zandra sa gitna. Pero ang makita niyang nilalapitan nito si Lorrence para yayaing sumayaw ay bigla siyang hindi mapakali. Napansin siya ni Alice. Humakbang siya palapit sa dance floor na sinundan naman ni Alice.
"Ano'ng gagawin mo?" nababahalang tanong ni Alice.
"Wala. Magpapakita lang ako kay Lorrence," taas-noong sagot niya.
Eksaktong kumalawit ang mga braso ni Zandra sa leeg ni Lorrence habang nakaupo pa ito nang mapansin siya nitong nanonood. Ipinakita niya ang pag-ismid niya sabay talikod. Nahuhulaan na ni Lorrence ang iniisip niya. Nang lumayo sila ni Alice ay saka ito tumanggi sa nais ni Zandra.
Kahit si Alice ay pasimpleng nagpapansin kay Jake para ilayo Ang atensiyon ng nobyo kay Zandra. Mabuti na lamang at lumapit si Louie at ito ang kumuha sa atensiyon ni Zandra.
Hindi na namalayan ni Hymae na nawala sa tabi niya si Alice. Sa dami ng tao sa loob ay hindi niya kaagad makita kung saan nagpunta ang kaibigan. Hindi na rin niya napansin ang paglaho ni Jake sa tabi ni Lorrence.
Nakita niya kung paano alukin ni Louie si Zandra ng inumin. Hindi naman tinanggihan ng modelo. Nagkatuwaan ang mga naroon habang nag-iinuman. Alam niyang hindi sumali si Lorrence sa pagtikim ng iba't ibang timpla ng alak. Hindi siya nagpapahalata na binabantayan niya ang galaw ng nobyo. Pati si Lorrence ay pasimple rin na nakatuon sa kaniya ang pansin.
Hindi nga lang maiwasan na tapunan ito ni Zandra ng tingin. Si Lorrence talaga ang nais nitong makausap pero inunahan na ni Louie. Lihim siyang Nagpapasalamat sa pagsingit ni Louie para hindi mapunta kay Lorrence ang atensiyon nito.
Pero ang inakala niya'y nakatakas na si Lorrence kay Zandra, nagkamali siya. Dahil kumalawit na ang mga kamay ni Zandra sa braso ni Lorrence. Lihim na nag-usok ang tainga niya sa nakita.
Hinila ni Zandra si Lorrence sa gitna at hiniling nitong kapares sa pagsasayaw. Walang nagawa ang inis niya nang masilayan sa gitna ang nobyo na halos lapain na ni Zandra. Gigil na umiwas siya at nag-iwan pa ng matalim na titig kay Lorrence.
Wala na siyang pakialam kung ano ang isipin ni Lorrence sa pag-walk out niya. Wala rin naman siyang karapatan para magwala sa party.