Naglalakad ako sa daan habang nakapayong nang biglang may dumaang kotse.
“Grabe naman! Bulag ka bang driver ka!” inis kong sigaw matapos kong batuhin ang likurang bahagi ng kotse.
Kinabahan ako nang biglang huminto iyon. Akala ko ay may bababa para labasin ako, ngunit kaagad iyung muling umandar.
“Ma-flat ka sana!” sigaw ko pa pagkatapos ay kaagad na pinagpagan ang natalsikan kong suot.
Basa na ang aking damit. Ito pa naman ang gagamitin ko sa pag-apply. Sinipat ko ang envelope. Buti at nakasilid ang brown envelope sa plastic. Iniisip ko kung babalik pa ba ako para magpalit ng damit o hindi na. Masyado nang late kapag ginawa ko pa ‘yon. Lalo pa’t ilang metro na lang din naman ang layo ng building.
Pinunasan ko na lamang ng face towel ang bahaging nabasa. Saka ako nagpatuloy sa paglakad.
‘Matutuyo rin ito kapag natamaan na ng electric fan..’ bulong ko.
Nakahinga ako nang maluwag matapos kong marating ang entrance ng building. Tinawagan ko si Thea at sinabi niya sa ‘king pumasok na daw ako at umakyat sa fourth floor. Maluwang ang aking naging ngiti lalo pa't napapatingin sa akin ang ilang mga empleyado roon.
Nakatayo ako sa loob ng elevator at naghihintay na magsara iyon. Nang biglang magtama ang aming paningin ni William, ang number one childhood enemy ko. Nakasuot ito ng business suit habang nakatayo sa pintuan.
Nagtaka pa ako kung bakit nagsilabasan ang lahat ng mga empleyadong kasabayan ko sa loob. Yumuko pa ang mga ito para magbigay galang sa kaniya.
“Good morning, sir,” sabay-sabay na wika pa ng mga ito.
I smirked. Tiningnan niya ako mula ulo hanggang paa. Napataas ang kilay ko sa ginawa niya. Inirapan ko na lang siya at nanatili sa kinatatayuan ko.
‘Pati ba naman sa work, dala niya ang kahambugan niya. Dati sa ‘kin, ngayon naman sa mga kasamahan niya nambu-bully..’ bulong ng aking isipan habang itinatago ang inis.
Ilang sandali bago siya pumasok. Huminga ako nang malalim lalo pa't kami lang dalawa sa loob.
“Anong ginagawa mo rito?” mahinahon niyang tanong.
‘Tss..’
“None of your business..” walang interes kong sagot.
“Akala ko ba, iyon na ang huli nating pagkikita?” may panunudyo sa boses niya.
Napalunok ako nang maalala ang sinabi kong iyon.
“Hindi ikaw ang ipinunta ko rito..” iritado kong tugon na ayaw ko nang pahabain pa. Pagkuwa’y lumabas na ako nang marating ko ang floor.
Hindi ko na siya nilingon pa at tuluy-tuloy ang lakad ko. Alam kong 5th floor ang tungo niya dahil iyon ang nakita kong pinindot niya kanina. Napangiti pa ako nang makita si Thea.
“Hi, good morning..’ bati ko sa kaniya matapos makipagbesohan.
“Uy, bhe. Bakit ngayon ka lang?”
Napabuntong-hininga ako.
“Mahabang estorya, may sumira kasi agad ng araw ko..” tugon ko naman nang iikot ang mga mata.
“Always naman..” saad niya. “Halika na at ipakikilala na kita sa aming H.R Manager.”
Magiliw niya akong sinamahan sa loob. Kahit may tiwala ako sa sinabi ng kaibigan ko sa ‘kin. Hindi pa rin nawawala ang kaba ko na baka may sumalungat. Matapos akong interview-hin ng iilang mga detalye ay kaagad na akong lumabas.
Hinanap ko agad si Thea pagkatapos. Tinawagan ko siya at sinabi niya sa ‘kin na nasa accounting department na siya. Hindi ko alam kung saan banda iyon. Hanggang sa narating ko na lamang ang food court. Napahanga ako.
‘Bakit ang sosyal dito?’
Nasanay kasi ako na sa mga karinderya at simpleng restaurant lamang ako kumakain kapag nasa trabaho. First time kong pumasok sa isang malaking kompanya na gaya nito. Hinintay ko pa nang ilang sandali si Thea.
“Yes, hello?” saad ko nang sagutin ang cellphone na bigla na lamang nag-ring.
Halos mapalundag ako sa tuwa nang marinig ang sinabi sa akin ng H.R na tanggap na raw ako sa trabaho. Kailangan ko raw umakyat at mag-report kaagad sa boss ko ngayon.
Nang mamataan ko si Thea, agad ko iyung ibinalita sa kaniya.
“Ano pang hinihintay mo, tara na. Ayaw ni sir na pinaghihintay siya. Sasamahan na kita para hindi ka rin mawala,” magiliw niyang wika na halos kaladkarin na ako patungong elevator.
Napasunod ako ng tingin nang ituro sa akin ng kaibigan ko ang nakasaradong office. Hanggang doon na lamang daw siya. Aniya, bawal daw sa kanila ang lumapit sa office ng boss hangga't hindi sila tinatawag.
“Good luck..”
Sumenyas pa siya na ngumiti raw ako. Ngumiti ako nang matamis, kahit kabado na. Nilingon ko pa siyang muli bago ako kumatok at pumasok.
Bumungad sa akin ang isang malamig at mahalimuyak na amoy na tila ba nanggagaling sa isang mabangong bulaklak. Para bang gusto kong doon na lamang manatili sa loob buong maghapon.
Nilibot ko pa ng tingin ang paligid nang makita kong nakatalikod ng upo ang magiging boss ko.
‘Ang ganda ng interior design..’ Paghanga ko pa.
Tinanggal ko ang bara sa aking lalamunan at inayos ang aking boses.
“Good morning, sir. I am your newly hired secretary, Trisha Julianna Brenzuela..” pormal kong pagpapakilala.
Saka lamang siya umikot paharap sa ‘kin. Halos lumuwa ang mata ko nang makitang si William ang nakaupo sa swivel chair. Kaagad akong napalingon muli sa paligid. Nang makitang walang tao sa loob maliban lamang sa aming dalawa ay kaagad akong napakunot-noo. Pagkatapos ay kaagad siyang nilapitan para bulungan.
“Anong ginagawa mo riyan? Huwag mong sabihing ikaw ang boss?” natatawa kong saad. “Ako pa sa ‘yo, lumabas ka na bago ka pa abutan ng boss natin na nakaupo diyan sa silya niya. Pati ba naman sa office niya, William? Umayos ka,” inis kong saad sa kaniya. Habang kabadong napapalingon sa paligid dahil baka dumating ang totoo naming boss.
Kunut-noo at pagsalubong lamang ng kilay ang itinugon niya. Bahagya siyang tumayo at matalim ang tinging ipinukol sa akin.
“So, you mean, pumasok ka ng trabaho na hindi mo alam ang background nang kung sino ang magiging boss mo?” tiim-bagang niyang saad.
Hindi ako nakaimik at napatingin na lamang nang makahulugan sa kaniya.
“Masyado kang mapanghusga, Trisha.” Naglakad siya palapit sa ‘kin. “Sa tingin mo, saan ko pinulot ang perang ipinambayad ko sa ‘yo nung isang gabi?” tiim-bagang tanong niya.
Napalunok ako at hindi agad nakakibo. Tila sinampal ang aking mukha ng kaniyang mga salita. Hanggang sa napahalukipkip ako sa hiya.