Kabanata I
"Hala." Napabangon ako sa pagkakahilata at sinuot ang eyeglass ko nang makita si Doraemon na tinatangay na naman ang tuwalya ko. "Doreamon, huwag!"
Imbes na huminto ay pilyong tumingin sa akin ang puti at mabalahibong aso na isang taon nang nagpapasakit ng ulo ko. Kumawag ang buntot nito at walang anu-ano'y nagtatatakbo palabas ng aking kwarto. Napabuntong-hininga ako. Naman! Parang gusto kong batukan ang sarili dahil hinayaan ko lang na bukas ang pinto simula nang akitin ako ng malambot kong kama para humiga.
Napabuga na lang ako muli ng hangin at humabol sa alaga ko. "Doraemon!"
Muntik pa akong madulas sa pagtakbo. Napaungol ako dahil sa iritasyon. Ang lampa ko talaga! Patunay iyon kung gaano ako kapayat at kaliit. Ang tanda ko na pero mukha pa rin akong batang naliligaw kapag nakikita ng mga tao.
Try mong kumain ng gulay nang magkalaman ka.
"Nakain naman ako, ah. Nakain ako ng patatas!" sagot ko sa boses na narinig sa isipan, "Gulay rin naman iyon, hindi ba?
At seventeen years old ka na.
"Doraemon! Magpakita ka!" Sigaw ko na lang imbes na sagutin pa ang epal na isip ko. Kaya ako napagkakamalang baliw, eh.
"Kahit lumabas pa iyang lalamunan mo ay malabong masagot ka ng alaga mong may sira sa ulo." Napahinto ako nang makita ang Kuya ko na nakaupo sa sala. Humihithit siya ng sigarilyo. "Baliw," dagdag pa nito.
"Hindi ako baliw, Kuya Pao." Napanguso ako at tiningnan siya nang masama. "Sadyang pangit lang ang ugali mo." Tinaasan niya ako ng kilay na para bang hinahanap ang connect no'n sa sinabi niya. Hindi ko na lang inintindi. "At isa pa, walang sira sa ulo si Doraemon. Mahilig lang siyang maglaro. Aso kaya siya. Duh."
Tumakbo na ulit ako paalis at napangisi nang mahanap ko na ang target. Tinuro ko siya. "Aha! Akin na 'yang tuwalya ko!"
Finally ay nakorner ko na rin ang pilyo kong alaga. Kagat-kagat niya ang kawawa kong tuwalya. Nakahinga ako nang maluwag nang makitang hindi pa ito nangangatngat.
"Ibigay mo na 'yan sa akin, Doraemon. Ibibili na lang kita ng sarili mong tuwalya." panunuhol ko.
Tumingin ito sa'kin na parang naiintindihan ako. Kung sabagay, matalino si Doraemon. Kasintalino ng kanyang amo. At ako iyon, siyempre! Ibinaba niya ang walang kamalay-malay na tuwalya at nagulat ako nang kumahol ito ng malakas.
"Oo, ibibili talaga kita. Anong kulay ba ang gusto mo? Yung pink ba?" Muli siyang kumahol at kinagat ang nananahimik na tela. Natakot naman ako. "Sige, blue na lang. Blue. Pwede na ba iyon?" Kumahol siyang muli at ikinawag ang buntot. Ngiting tagumpay naman na kinuha ko ang tuwalya mula rito. Hinagod ko ang ulo niya. "Good boy."
Pagkatapos ng successful na pagsagip sa towel ko ay agad ko iyong inilagay sa labahan. Naupo ako at inindayog ang sarili sa kama na parang bata na first time makaramdam ng malambot na higaan. Ang lambot naman talaga, eh. Si Doraemon naman ay kaagad na sumampa rin at act like a boss na humiga sa tabi ko. At talagang may unan pa siya.
"Doraemon, minsan hindi ko malaman kung ikaw ba ang amo o ako, eh." Pumikit lang ito at hindi ako pinansin. Ang taray.
Nang mainip ay naisipang kong bumaba para uminom ng tubig. Nakakauhaw pala ang magligtas ng inosenteng tela. Pagkatapos kong uminom ay napakunot ang noo ko nang makarinig ng ingay sa sala. Mukhang alam ko na kung anong meron. Gaya ng inaasahan, bumungad sa paningin ko si Kuya Pao at hindi na ito nag-iisa ngayon. Sa kanyang tapat ay kaswal na nakaupo ang isang babaeng halos araw-araw ko na yatang nakikita.
Pinagmasdan ko ang suot niyang shirt at ang nagtitipid nitong denim short. Napatingin ako sa sarili ko at mahinang natawa. Tipid rin pala itong suot ko. Nasa bahay naman ako, sus.
"Hoy, Chloe, natipus ka na riyan," anang Kuya Pao. Wala na siyang hawak na sigarilyo. Mabuti naman dahil ang baho ng amoy no'n.
Okay naman talaga si Kuya, eh. Mabait siya─kung tulog─pero sadyang hindi nito kayang iwan ang mga sigarilyo niya. Pero anong magagawa ko kung iyon ang hilig nito? Ako nga hindi ko maiwanan ang mga lollipops ko, eh.
"Baka ikaw ang natipus." sarcastic na tugon ko. Napalingon naman ako sa babaeng bisita namin nang marinig ko ang mabining tawa nito. Gaya ng dati ay masyado iyong malumanay na may hatid na pang-aakit sa sino mang makaririnig nito. At hindi ko alam kung sinasadya niya ba iyon o hindi. Well, wala naman akong pakialam.
"Ang cute ng kapatid mo para matipus, Pao."
"Si Sica talaga," Sukat do'n ay biglang naging maamong tupa ang kapatid ko. Ngumiti-ngiti pa ito na animo'y isang naligaw na anghel. "Malamang ay nagmana sa akin 'yang si Chloe."
Hindi na ako nag-abalang panoorin sila at kaagad na umalis na lang. Pagkabalik sa kwarto ay naabutan kong nasa sahig na ang mala-Teddy Bear kong aso. Gumalaw ang bagsak nitong tainga at nilingon ako. Linapitan ko siya at hinagod ang balahibo nito. "Tulog na kung inaantok ka na."
Dinilaan ni Doraemon ang kamay ko at hindi na ako pinansin. Hindi ko maiwasang mapangiti habang tinitingnan siya. Ito ang view na siguradong hindi ko pagsasawaan.
--
"Chloe."
Napabalikwas ako nang maalimpungatan sa sunud-sunod na katok sa pinto. Napahigpit ang kapit ko sa kumot nang makaramdam ng lamig at napaungol sa antok. Naulan na pala ng malakas, rinig na rinig.
"Chloe, gising."
Nayamot ako nang makitang eleven-twenty na ng gabi. Naman itong si Kuya! Ang sarap na ng tulog ko, eh! Tinatamad na bumangon ako para pagbuksan siya ng pinto.
"Bakit ba?" Tiningnan ko siya nang masama pero napahinto ako sa tangkang panghahamok nang makita kong kasama niya pa rin si Sica. Gabi na, ah. Bakit nandito pa ang babaeng ito?
Apologetic na ngumiti sa akin si Kuya, animo'y nagpapa-cute. Style pa lang niya, halatang may kailangan na. "Pwede bang makitulog dito sa kwarto mo si Sica? Malalim na kasi ang gabi at malakas pa ang ulan."
"Bakit dito?" Reklamo ko. "May guest room naman."
"Parehas naman kayong babae, eh."
"Eh—"
"Sige na naman, oh."
Hay. At dahil cute ako at hindi hamak na mas mabait kay Kuya, pumayag ako. Namalayan ko na lang na nakasarado na ang pinto samantalang si Sica ay parang naligaw lang sa mall kung makapaglibot sa kwarto ko, akala mo naman marami siyang masi-sight.
Maang na napatingin ako sa kanya. Muli kong pinagmasdan ang kabuoan nito. Ngayong nakatayo siya sa harap ko ay saka ko lang mas na-realized kung gaano katangkad at ka-sexy ang dalaga. Kahiya-hiya naman ang cute kong height at kapayatan. Mukha lang akong malnourished.
Kakaiba ang sobrang pagkaputi niya at napakakinis ng balat nito, kahit peklat ay wala kang makikita. Nangingintab ang dark brown at maalon nitong buhok na lagpas dibdib ang haba na parang ang sarap haplusin at amuyin dahil mukhang mabango at malambot.
Iyong sa'yo kasi kulang sa shampoo. Maligo ka naman.
Napasimangot ako. Naliligo naman ako, eh. Palmolive pa nga ang shampoo na gamit ko. Ano kayang gamit niya? Malay natin, maging shiny rin ang hair ko.
Napalingon ako nang marinig ko ang mahinang tawa nito. Aww, bakit kaya ang lambing pakinggan ng boses niya? Kaya siguro maraming nagkakandarapa sa babaeng ito. Kung ihahanay siya sa mga magagandang nilalang sa Earth, malamang sa alamang, eh, nangunguna na siya sa pila.
Sica Cabrera.
Ang babaeng hinahangaan ng lahat sa taglay nitong ganda, alindog, yaman, at talento. Ang babaeng minalas dahil naging bespren niya ang Kuya ko. Schoolmate ko siya at may mga time na nagtatagpo ang landas namin ngunit hindi naman kami close kaya ni paglingon ay sadyang pinagdadamot ko. Cute ako, eh.
At maarte.
Tse.
"Ayos ka lang?" tanong niya. Mukha siyang naaaliw.
Sa halip na sagutin ang tanong nito ay naisip kong baguhin na lang ang usapan. "Ayos ka na ba riyan sa suot mo? Pahihiramin kita ng damit kung gusto mo."
Ako naman kasi ay naka-pajama na at malaking shirt na puti. Binigyan niya ako ng tango kaya ito na ang pinapili ko sa cabinet. Feeling ko kasi ay magkakapulmonya siya sa ikli ng suot na short. Malamig pa naman.
"Chloe?"
Nakita kong tapos na siyang magpalit. Napasimangot ako. Bakit bumagay sa kanya yung pajama na tipong rarampa siya sa isang fashion event samantalang ako, eh, mukha lang matutulog? Ang daya naman!
Ipinatong ko ang salamin sa bedside table at humiga na sa kama. Hindi ko na siya pinansin. Pumikit na lang ako. Hindi ko rin inintindi ang paggalaw ng higaan. Inaantok na ako, eh. Saka na siya manggulo.
"Mas maganda ka pala kung walang suot na salamin."
Ano raw?
Napatingin ako sa kanya at nahuling titig na titig siya sa'kin. She smiled sweetly and winked. Para namang naaning ang puso ko nang magsimula itong tumibok ng sobrang bilis. Anong problema mong puso ka?
Eh, eng gende n'ye kese! Sagot ng isang bahagi ng utak ko─na pinangalanan ko na lang na Braincell no.2─at obvious na nakikisang-ayon sa puso ko. Feeling ko nagfa-fangirling na sila. Kinilabutan ako sa pagpapabebe ng mga ito. Shut up!
"B-baliw."
Tawa lang ang narinig ko kay Sica. At nagawa pa niyang tumawa. Pumikit na lang ulit ako para lang muling mapadilat nang i-trace niya ang mata ko gamit ang daliri niya. Naaning ako ng ilang segundo sa ginawa nito.
"Problema mo? Palapa kita kay Doraemon." Hindi ko na napigilan ang magmaldita.
"Doraemon?" Tumawa siya dahilan para malanghap ko ang hininga niya. Akala mo hindi kilala yung aso ko kung makapagtanong. Pero in fairness, hindi mabaho ang hininga.
"Oo. Yung aso ko." Pasalamat siya at tulog na iyon. "Matulog na nga tayo."
Pumikit na ulit ako. Inaantok na talaga ako, eh. Bahala na siya riyan.
"Okay, good night..." Naramdaman ko ang paglapat ng braso niya sa katawan ko at maging ang paglapit nito. Weird, pero ang comfortable no'n sa pakiramdam. Siguro dahil ang lamig pa rin ngayon buhat ng ulan. "Chloe."
_____