ANG KUTOB NI LIA
SA KAHARIAN NG TRANAVANA
Habang nagkakasiyahan ang lahat ay may kakaibang naramdaman si Lia. At hindi maganda ang kutob niya dahil tila ba may kapahamakan na mangyayari o masamang magaganap. Hindi niya maipaliwanag ang kanyang nararamdaman, ngunit nag-aalala siya para sa kanyang anak na si Edward na ngayon ay malaya nang nakakalabas ng Tranavana.
“Lia, mahal ko, bakit tila hindi ka mapakali?” tanong ni Vladimir sa kanyang asawa na halata niyang may bumabagabag sa pinakamamahal niyang babae.
Tumingin si Lia sa kanyang mahal na asawa. “Vladimir, mahal ko, nag-aalala ako para sa ating anak,” pagtatapat ni Lia.
Natigilan naman si Vladimir sa sinabi ng kanyang asawa. Hindi niya alam kung bakit biglang kinabahan ang kanyang pinakamamahal na asawa.
‘‘Bakit, mahal ko? Anong bumabagabag sa iyo?” tanong ni Vladimir kay Lia.
Huminga muna nang malalim si Lia bago muling magsalita. “Mahal ko, masama talaga ang kutob ko. Pakiramdam ko may gulong mangyayari,” muling pahayag ni Lia na tila nagbigay ng babala kay Vladimir upang hanapin ang anak sa kakahuyan sa labas ng Tranavana.
Nagdesisyon si Vladimir na hanapin ang anak na si Edward.
“Mahal ko, maiwan muna kita rito. Hahanapin ko lang ang anak natin,” pagpapaalam ni Vladimir sa kanyang pinakamamahal na asawa.
Kumapit si Lia kay Vladimir. ‘‘Mahal ko, sasama ako sa ‘yo,” sabi ni Lia na tinanguan ni Vladimir dahil napansin niyang masama ang tingin ni Jacob sa kanyang asawa. Si Jacob ang bampira na labis ang tutol sa pagtira nina Haring Magnus sa kaharian ng Tranavana.
‘‘Sige, mahal ko, pumapayag akong sumama ka sa akin,’’ pagsang-ayon ni Vladimir at nagpaalam na nga ang dalawa kina Haring Magnus at Leandro na hindi naman tinutulan ang dalawa at pinasama pa sa kanila si Lucas.
SA HANGGANAN NG TRANAVANA AT LUNARIA
Hindi nagtagal ay narating na rin nina Vladimir, Lia at Lucas ang hangganan ng Tranavana at Lunaria.
Habang naglalakad ang tatlo patungo sa kagubatan ng Lunaria ay naramdaman nila na tila may sumusunod sa kanila. Tumigil sa paglalakad sina Lucas, Vladimir at Lia, pagkatapos ay nagtinginan ang dalawang lalaki bago nila puntahan ang isang malaking puno at walang sabi-sabi na pareho nilang sinakal ang puno na naging dahilan upang lumantad ang isang hunyango na naatasan ni Haring Agorn na magmatyag sa labasan ng Lunaria.
“Sinasabi ko na nga ba na may sumusunod sa amin!” galit na pahayag ni Lucas habang nakatingin kay Lizardo na isang hunyango at tapat na lingkod ni Haring Agorn.
Huminga muna nang malalim si Vladimir bago magsalita. “Anong kailangan mo sa amin?” diretsong tanong ni Vladimir sa hunyango.
Hindi nagsalita ang hunyango sa halip ay nagpupumiglas ito upang makawala kina Vladimir at Lucas ngunit sa lakas ng dalawa ay walang magawa ang hunyango. Mas lalong hinigpitan nina Vladimir at Lucas ang pagkakahawak sa hunyango.
Tumingin si Vladimir sa kanyang pinakamamahal na asawa. “Lia, mahal ko, kunin mo ‘yang baging na nasa tabi mo,” utos ni Vladimir sa kanyang asawa na mabilis naman na sinunod ni Lia.
Tumango si Lia at mabilis na kinuha ang baging nasa kalapit niya at ibinigay kay Vladimir.
“Mahal ko, narito na ang baging,” wika ni Lia habang nakatingin sa hunyango.
Hindi makapaniwala si Lia na may ganitong nilalang sa mundo ng Wolverland at hindi niya akalain na ang kanyang mismong tiyuhin ang ugat sa gulo ng Lunaria at ‘yon ay dahil sa trono ng kanyang ama na sapilitan nitong kinuha o inagaw.
Tumango si Vladimir kay Lia at mabilis na tinanggap ang baging na hinihingi niya pagkatapos ay mabilis nilang itinali ni Lucas ang hunyango sa puno.
Tumingin ang hunyango kay Lucas. “Pakiusap, Lucas, huwag n’yo akong iwan dito,” pakiusap ni Lizardo kay Lucas pagkatapos siyang igapos nina Vladimir at Lucas.
Ngumiti nang pilit si Lucas at tumingin kay Vladimir.
“Vladimir, marunong din naman pa lang magmakaawa ang isang hunyango!” wika ni Lucas.
Tumango si Vladimir at tumingin kay Lizardo. “Sa tingin mo? Papakawalan kita dito? Pagkatapos mo kaming sundan?!” seryosong pahayag ni Vladimir habang ang mga mata’y nanlilisik na nakatingin kay Lizardo.
“Paumanhin, Vladimir, naatasan lang ako ni Haring Agorn na magbantay dito sa bulwagan,” pagtatapat ni Lizardo.
Ngumisi si Vladimir at muling nagsalita. ‘‘Ang mga katulad mong balat-kayo hindi dapat pinagkakatiwalaan!” muling pahayag ni Vladimir at pagkatapos ay tumingin siya kay Lucas. ‘‘Lucas, tayo na, kailangan na nating puntahan si Edward,’’ pag-aya ni Vladimir kay Lucas na mabilis sinang-ayunan nang huli at tuluyan na nilang iniwan si Lizardo na patuloy ang pagmamakaawa.
‘‘Pakiusap! Huwag n’yo akong iwan dito!” muling sigaw ni Lizardo na hindi na pinansin nina Vladimir at Lucas.
Walang tiwala si Vladimir sa mga hunyango dahil ito ang mga tinaguriang traydor ng Wolverland. Sa madaling salita sila ‘yong mga mabuti lang kapag kaharap mo. Kaya kahit kailan ay hindi nagkaroon ng tiwala si Vladimir sa mga lahing hunyango.
Tuluyan nang iniwan nina Vladimir si Lizardo na nakagapos sa malaking puno. Alam niyang may mga kasamahan pa ito na nagmamasid si kanila. Kaya sigurado siyang ano mang oras ay may darating na mga itim na taong lobo.
Habang naglalakad sina Vladimir, Lia at Lucas patungo sa kagubatan ng Lunaria ay may mga itim na lobo ang humarang sa kanila sa pangunguna ni Aquil.
“Vladimir, anong gagawin natin?” tanong ni Lia sa asawa nang mapalibutan sila ng mga itim na lobo.
Iniikot ni Vladimir ang kanyang mga mata at pagkatapos ay nagtinginan silang dalawa ni Lucas. Si Lucas ang pinunong mandirigma ni Haring Magnus at kaya sanay na sanay siya sa mga ganitong tagpo. Si Vladimir naman ay lumaki na naturuan ng ama kung paano makipaglaban sa kaaway. Ang hindi alam ng mga lobo, si Vladimir ay kayang kumilos nang mabilis at may kakayahan siyang manghipnotismo kapag tinitigan mo ang kanyang mga mata.
Hinawakan ni Vladimir ang kamay ni Lia. “Huwag kang matakot, mahal ko, hindi kita pababayaan,” bulong ni Vladimir kay Lia.
Tumingin si Lucas kay Aquil. “Paraanin mo kami, Aquil, kung ayaw mong makaharap ang bathala,” seryosong wika ni Lucas.
Ngumisi si Aquil at hinarap si Lucas. “Sinasabi na ng aba namin. Kaya bigla kang nawala sa Lunaria. Dahil traydor ka, Lucas!” galit na pahayag ni Aquil habang nakatingin kay Lia.
Umiling si Lucas kasabay nang kanyang pagngisi.
“Hindi ako traydor! Dahil kahit kailan ay hindi ko tinalikuran si Haring Magnus na siyang tunay na hari ng Lunaria!” Nagtagis ang panga ni Lucas at muling nagsalita. ‘‘Baka nakakalimutan mo? Na inagaw lang ni Agorn ang trono ni Haring Magnus, kaya siya ang kinikilala n’yong hari ng Lunaria!” ganting tugon ni Lucas kay Aquil.
“At kung hindi naman ginawa ni Haring Agorn! Malamang naghari na ang pulang pangil sa buong Wolverland!’’ mabilis na tugon ni Aquil kay Lucas.
Kinatatakutan nang lahat ng mga itim na lobo ang masakop ng pulang pangil ang buong Wolverland dahil kapag nangyari ‘yon ay hindi na nila magagawa ang kanilang mga masamang Gawain na ngayon ay malaya nilang nagagawa sa Lunaria sa pamumuno ni Haring Agorn.
Muling ngumisi si Aquil at hinarap si Vladimir. “Kung ayaw n’yo ng gulo! Ibigay mo sa amin ang kasama n’yong babae!” wika ni Aquil na labis na kinatakutan ni Lia.
Umiling si Vladimir. “Hinding-hindi ko ibibigay sa inyo ang asawa ko! Kahit magkamatayan pa tayo!” galit na tugon ni Vladimir at hinigpitan niya ang pagkakahawak kay Lia.
Hindi papayag si Vladimir na may masamang mangyari sa pinakamamahal niyang asawa kaya nakahanda siyang ibuwis ang sariling buhay para sa asawa, maprotektahan lang niya si Lia.
Ngumisi si Aquil at sinugod na nila sina Vladimir.
“Howl!”
“Howl!” alulong ng mga lobo habang nakikipagdigmaan kina Vladimir at Lucas.
Habang abala sina Vladimir at Lucas sa pakikipagdigmaan ay nagpalit ng anyo si Lia at isang malakas na alulong ang kanyang pinakawalan.
“Howl!” alulong ni Lia na naging dahilan upang mapukaw ang atensyon ng lahat.
Gulat na gulat si Aquil nang makita niya ang putting lobo na may pulang mata na pinaniniwalaan ng lahat na magsisilang ng pulang pangil.
“Bumalik na nga ang prinsesa ng mga puting lobo!” wika ng isang itim na lobo.
Umiling si Aquil at paurong na naglakad. Hudyat na umuurong na sila sa pakikipagdigmaan. “Mga kasamahan, tayo na!” pag-aya ni Aquil sa kanyang mga kasamahan pagkatapos ay hinarap niya si Vladimir. “Hindi pa tayo tapos, Vladimir!” banta ni Aquil kay Vladimir at tuluyan na silang umalis pabalik sa kaharian ng Lunaria.
Nang masigurado ni Lia na wala na nga ang mga itim na lobo ay nagbalik na ulit siya sa pagiging tao. Pagkatapos ay muli na silang nagpatuloy sa paglalakad patungo sa kagubatan ng Lunaria kung nasaan si Edward.
SA KAGUBATAN NANG LUNARIA
Hindi nagtagal ay nakarating na sa kagubatan ng Lunaria sina Vladimir, Lia at Lucas.
Laking gulat ni Lia nang makita niya ang kanilang anak ni Vladimir na pinalilibutan ng mga itim na lobo sa pamumuno naman ni Azul habang ang kanilang anak ay nakatali sa isang puno.
“Vladimir, ang anak natin,’’ wika ni Lia habang nakatingin sa kanilang anak.
Huminga muna nang malalim si Vladimir bago nagsalita. “Huwag kang mag-aalala. Hindi ko pababayaan ang anak natin!” mabilis na tugon ni Vladimir.
Binilisan nina Vladimir ang paglalakad papalapit kina Edward.
“Subukan n’yong saktan ang anak ko! Kung hindi, maliligo kayo sa sarili n’yong dugo!” galit na pahayag ni Vladimir nang tangkain ni Azul na sakmalin si Edward na nakatali sa puno.
Ngumisi si Azul at hinarap si Vladimir. "Maligayang pagbabalik, Vladimir," wika ni Azul kay Vladimir habang nakatingin kay Lia.
Nagdilim ang mga mata ni Vladimir dahil bumalik sa kanyang alaala kung paano paslangin ni Azul ang kanyang kaisa-isang kapatid na si Edward. Ang kanyang kapatid na walang sawang pinatay ni Azul at parang baboy na kinain ng mga itim na lobo.
Ngumiti nang pilit si Vladimir at muli niyang hinarap si Azul. "Hindi ako papayag na pati ang anak ko'y paslangain mo nang walang kalaban-laban katulad ng ginawa mo sa aking kapatid!" galit na pahayag ni Vladimir.