HINDI mapakali si Kisa. Closed door kasi ang ginawang selection match sa pagpili ng bagong starting line ng SBT. Nakapinid ang lahat ng pinto ng gym kaya wala siyang pagpipilian kundi ang maghintay sa tapat niyon. Todo ang dasal niya na sana si Stone ang mapili.
Umupo siya sa baitang ng hagdan sa harap ng gym. Pagkalipas pa ng ilang minuto ay may narinig siyang malakas na hiyawan mula sa loob. Tumayo siya at eksaktong pagpihit niya paharap ay bumukas ang pinto at iniluwa niyon si Stone na nagulat nang makita siya, pero ngumiti rin naman.
"Kisa!"
Napangiti siya dahil sa nakita niya sa mukha nito. He looked excited for some reason and even before she could react, he hugged her tight and lifted her up in his arms, making her squeal in surprise. Napakapit siya sa mga balikat nito sa takot na baka mabitawan siya nito. "Stone!"
"I made it, Kisa! Nakapasok ako sa special five!"
Napasinghap siya. "Really?"
"Oo!" Tumatawang umikot-ikot ito habang karga pa rin siya.
"What a heartwarming scene."
Sabay sila ni Stone na napalingon sa nagsalita. It was Snap, accompanied by a very beautiful girl.
"Captain. Monique," bati ni Stone sa mga ito, saka siya maingat na ibinaba.
Napatitig siya sa magandang babae. Pamilyar sa kanya ang mukha nito. Mayamaya ay napasinghap siya. "Ikaw 'yong angel na nakita ko noon." Huli na nang ma-realize niyang nasabi niya pala iyon nang malakas.
Ngumiti si Monique. "Masaya akong naaalala mo ako. Nagkita na nga tayo sa court noon." Inilahad nito sa kanya ang kamay nito. "I'm Monique, the team's new manager."
Pinanlamigan siya ng katawan. New team manager? Ito ang bagong team manager ng SBT? Nag-aalangan man, nakipagkamay siya rito at pinilit na ngumiti na rin.
"Congratulations again, Stone," nakangiting sabi ni Monique. "Sa umpisa pa lang, alam ko nang malaki ang potensiyal mong maging parte ng starting line. Naniniwala akong malaki ang maiko-contribute mo sa team."
Ngumiti si Stone. "Thank you, Monique. Kung hindi mo 'ko inirekomenda kay Coach, hindi ako makakapasok sa team."
Parang nanigas ang panga niya habang pinapanood ang pag-uusap ng dalawa. Stone was smiling at Monique. Samantalang siya, isang taon ang hinintay bago siya nginitian ng lalaki. Tama nga si Cloudie. Kapag mahal mo na ang isang tao, mas doble ang sakit.
"Kisa!"
Pinukol niya ng masamang tingin si Snap pagkatapos siya nitong sigawan malapit sa tainga niya. "Bakit?"
"Hindi mo naririnig? Tumutunog ang phone mo."
Noon lang niya napansin na nagri-ring nga ang cell phone niya. Dinukot niya iyon mula sa bulsa ng kanyang pantalon. Kaibigan ng mommy niya ang tumatawag. "Yes, Tita Pilar?"
"Kisa, hija, ang mommy mo, dinala sa ospital. Pumunta ka na rito. Ngayon na."
Napasinghap siya. "Saang ospital, Tita?"
Sinabi nito ang pangalan ng ospital. "Bilisan mo, hija."
"Opo." Tinapos na niya ang tawag.
Dala ng labis na pagkataranta ay hindi na siya nakapagpaalam kina Stone. Tumakbo na siya papunta sa parking lot. Nanginginig ang kamay niya kaya hindi niya mabuksan-buksan ang pinto ng kotse. Napamura siya sa inis.
Until a warm hand covered hers.
Nag-angat siya ng tingin sa taong humawak sa kamay niya. "Stone."
"Ako na'ng magda-drive," he said firmly, leaving no room for argument.
Tumango na langsiya. Ibinigay niya rito ang susi ng kotse niya bago siya lumipat sa passenger side. Pag-upo niya ay eksaktong pumuwesto na rin si Stone sa likod ng manibela. Mabilis nitong pinaandar ang sasakyan.
"Saang ospital tayo pupunta?" kalmadong tanong nito.
"Chai General Hospital," sagot niya sa nanginginig na boses. Niyakap niya ang kanyang sarili. Nanginginig ang buong katawan niya dahil sa takot. Makakaya niya ang lahat pero hindi ang mawala ang kanyang ina. Ito na lang ang pamilya niya at mahal na mahal niya ito.
Hinawakan ni Stone ang kamay niya. Sa kung anong dahilan ay biglang nakalma ang buong sistema niya. Hindi ito nagsasalita pero sapat na ang init na hatid ng kamay nito upang mapanatag siya. Unti-unting kumalat ang init patungo sa kanyang puso.
"Thank you, Stone," bulong niya rito.
***
"MAMA! Pinag-alala mo ako!" sermon ni Kisa sa kanyang ina.
Tumawa lang ito. Nakahiga ito sa hospital bed nito sa isa sa mga private rooms ng ospital na pinagdalhan dito. Ang sabi ni Tita Pilar ay bigla na lang daw hinimatay ang kanyang ina habang nasa kalagitnaan ng board meeting ng kompanya. Furniture designer ang mama niya sa Lozario Furniture na pag-aari ng asawa ni Tita Pilar.
Ang sabi ng doktor na sumuri sa kanyang ina ay overfatigue ang sanhi ng pagkahimatay nito. Maayos naman na daw ang kalagayan nito kaya nakahinga na siya nang maluwag at nagagawa na niyang sermunan ang ina.
"Kisa, I'm okay. Napagod lang talaga ako," nakangiting pag-aalo sa kanya ng mama niya. "Pasensiya ka na kung pinag-alala kita."
Gusto niyang umiyak pero pinigilan niya ang sarili. Ito naman kasi ang mag-aalala kapag ginawa niya iyon. Niyakap na langniya ito. "'Ma, alam kong busy ka dahil ikaw na ang namamahala sa isang branch ng Lozario Furniture. Pero puwede namang magpahinga, 'di ba? 'Di bale. Pag-graduate ko, magtatayo agad ako ng business ko para hindi mo na kailangang magtrabaho."
"Masaya akong marinig 'yan, anak. Pero tandaan mo na gagawin ko ang lahat para lang patuloy na maibigay sa 'yo ang maginhawang buhay na meron tayo ngayon. Alam mo naman kung gaano kita kamahal, 'di ba?"
Sumakit ang lalamunan niya sa pagpipigil na umiyak. Tumango na langsiya. Kumalas na rin siya sa pagkakayakap dito at pinilit na ngumiti. "'Ma, ibibili ko muna kayo ng food sa paborito mong restaurant. Okay lang ba kung iwan muna kita rito?"
"Oo naman. Pabalik na rin ang Tita Pilar mo," nakangiting sagot nito.
Niyakap uli niya ito bago siya lumabas ng kuwarto. Paglabas na paglabas niya ay pumatak na agad ang mga luha niya. Dumeretso siya sa emergency exit at umupo sa pinakamataas na baitang ng hagdan. Niyakap niya ang sarili at saka pinakawalan ang mga luha.
"Kisa."
Hindi siya nag-angat ng tingin kahit narinig niya ang tawag ni Stone. Naramdaman niya ang pagpatong nito ng varsity jacket sa mga balikat niya, pagkatapos ay umupo ito sa tabi niya.
"Kumusta na ang mama mo?" tanong nito.
Pinahid niya ang mga luha bago sumagot. "Nag-collapse siya dahil sa overfatique. Pero ang sabi naman ng doktor niya ay okay na siya. Pahinga lang daw ang kailangan niya."
"Kung gano'n, bakit ka umiiyak?"
"Natakot kasi ako. Mula nang maghiwalay ang mga magulang ko, kay Mama na umikot ang mundo ko. Siya na lang ang pinagkakatiwalaan ko, siya na lang ang kakampi ko at alam kong siya na lang din ang nagmamahal sa akin. She's my everything. Ganoon kataas ang paghanga, respeto, at pagmamahal ko kay Mama dahil mag-isa niya akong pinalaki at itinaguyod. Kahit alam kong nahihirapan siya, hindi siya nagkulang sa akin. Kaya natakot ako sa ideyang baka mawala siya sa akin. Hindi ko alam ang gagawin ko kung sakaling may masamang mangyari sa kanya. Siya na lang ang meron ako." Napahagulhol uli siya.
Inakbayan siya ni Stone at pinasandal nito ang ulo niya sa dibdib nito. "Sshh... everything's gonna be all right soon, Kisa."
"I miss him..." pabulong na sabi niya, pagkatapos ay pumikit siya.
She felt Stone stiffen. Matagal-tagal din bago ito nagsalita uli. "Who?"
"My father. Malabo na ang memory ko sa kanya pero naaalala ko na kapag may sakit si Mama noon, kami ni Papa ang nag-aalaga sa kanya. Naisip ko lang. Kung nandito siguro si Papa ngayon, hindi ako matatakot nang ganito. Siguro ay hahawakan niya ang mga kamay ko at sasabihin niyang huwag akong mag-aalala dahil magiging okay rin si Mama. Siguro kung nandito siya, aalagaan niya kami ni Mama.
"Bakit gano'n, Stone? Bakit kahit pinipilit ko ang sarili ko na magalit kay Papa, nami-miss ko pa rin siya? Bakit sa mga ganitong pagkakataon ay hinihiling ko pa rin na sana ay nasa tabi ko siya? Bakit kahit iniwan niya ako ay mahal ko pa rin siya? Na tuwing nakakaramdam ako ng panghihina, siya pa rin ang pinaghuhugutan ko ng lakas?"
Marami pa siyang gustong sabihin pero hindi na niya naisatinig dahil napaiyak na siya. Tanga na nga siguro siya para hilingin pa rin na sana ay naroon ang kanyang ama dahil nangungulila siya rito. Iyon ang totoong dahilan kung bakit ayaw niyang harapin ang kanyang ama. Baka kasi kapag nakita niya ito ay hindi na niya ito pakawalan pa. Baka magmakaawa siya rito na huwag na uli siya nitong iwan. At ayaw niyang gawin iyon.
The image of a little girl with curly hair wearing a pink ballet dress flashed into her mind. "Pero mas pinili niya ang batang babaeng iyon kaysa sa akin na tunay niyang anak." Napahikbi uli siya. "'Yon ang pinakamasakit sa lahat, Stone. 'Yong ipinagpalit niya ako sa anak ng babae niya. Bakit mas mahal niya ang batang 'yon? Inabandona niya ako para mag-alaga ng anak ng iba? I hate that little girl. Habang nagpapakasaya siya sa piling ng papa ko, hindi niya alam kung gaano ako nasasaktan, nalulungkot, at nangungulila dahil sa pagkawala ng ama ko. I hate that child!"
Lalong humigpit ang pagkakayakap ni Stone sa kanya. Isinubsob nito ang mukha nito sa pagitan ng leeg at balikat niya. Nagulat siya nang maramdaman ang pagpatak ng mainit na likido sa kanyang balat. Base na rin sa pagtaas-baba ng mga balikat nito, umiiyak din ito gaya niya.
"I'm sorry, Kisa. I'm sorry. I'm sorry," paulit-ulit na sabi nito. "I really am."
Hindi niya alam kung bakit nagso-sorry ito sa kanya. Maybe he was sorry for her sad past. Naisip niyang maaaring naaawa ito sa kanya kaya gusto siya nitong damayan. And his compassion and readiness to offer her comfort was very much appreciated.
"Kisa, hindi ka na masasaktan ng batang 'yon," sabi ni Stone. "Pangako, hindi ko hahayaang masaktan ka uli niya."
Nagpatuloy siya sa pag-iyak. Hindi niya alam kung paano nito nasabi iyon pero umaasa siyang maaalis nga nito ang sakit sa puso niya.
For now, it was enough for her that he was holding her.