TINITIGAN ni Kisa si Oreo na nakapuwesto sa driver's seat ng kotse niya. Nagtataka siya dahil tuwing makikisabay ito sa kanya ay siya ang nagmamaneho. She didn't know he could drive, until today.
Inabutan siya nito ng lollipop nang hindi siya nililingon. Nagtatakang tinanggap niya iyon. "Salamat. Pero hindi ako mahilig dito."
"Hindi 'yan para sa 'yo. Pinabubuksan ko lang 'yan sa 'yo dahil nagmamaneho ako."
Sinimangutan niya ito dahil napahiya siya. "Sumakit sana ang ngipin mo," aniya bago ibinalik dito ang binalatan niyang lollipop.
"Salamat," sabi nito bago isinubo ang lollipop.
"Bakit nga pala nag-volunteer ka na mag-drive ngayon?" nagtatakang tanong niya.
"Because I don't want to die young."
"Ha?"
"Wala."
Magtatanong pa sana siya pero naudlot iyon dahil sa pagtunog ng cell phone niya. Sinagot niya iyon nang hindi tinitingnan ang caller ID. Madalas naman kasi na ang mama niya ang tumatawag sa kanya nang ganoong oras para alamin kung pauwi na siya. "'Ma—"
"Kisha."
Nanigas siya nang marinig ang baritonong tinig. Kilalang-kilalang niya ang nagmamay-ari niyon kahit pa parang lasing ang nagsalita. "Stone."
"Kisha."
"What?"
"I mish you."
Noon niya nakumpirma ang hinala. "You're drunk!"
Narinig niya itong tumawa—tawang lasing. "Kaunti lang."
Ayaw man niya, nag-alala pa rin siya. "Nasaan ka?"
"Home... I want to shee you..."
"Stone—" Hindi niya natapos ang sinasabi dahil busy tone na lang ang narinig niya mula sa kabilang linya.
"Nag-aalala ka ba?" tanong ni Oreo.
Tumango siya. "'Di ba, malapit lang dito ang condo niya?"
Tumango ito, saka biglang iniliko ang sasakyan.
"Ano'ng ginagawa mo?"
"Gusto mo siyang puntahan, 'di ba? Alam kong nahihirapan kang sabihin 'yon kaya ginawa ko na para sa 'yo."
Hindi na siya umimik. Tama naman kasi ito. Pinipilit niyang mapanatiling buhay ang galit kay Stone kaya iniiwasan niya ito. Dahil alam niyang sa kabila ng lahat, lalambot at lalambot pa rin ang puso niya rito. Sa kabila kasi ng lahat ay mahal pa rin niya ito.
Pagkalipas lang ng ilang minuto ay nakarating na sila sa condominium building na tinitirhan ni Stone. Pagdating niya sa unit nito ay nagulat siya nang datnan iyon na bukas. At nang tuluyan na siyang pumasok sa loob ay nakita niya si Stone na nakahiga sa sahig. Nagkalat ang mga bote ng alak sa coffee table sa sala. Hindi na marahil nito na-lock ang pinto dahil sa kalasingan.
Agad niya itong nilapitan. Lumuhod siya sa tabi nito at marahang tinapik-tapik ang pisngi nito. "Stone!"
Dahan-dahan itong nagmulat ng mga mata. Ilang sandali itong nakatitig lang sa kanya bago ngumiti. "Kisha."
Bumuntong-hininga siya. "Ano ba'ng pumasok sa isip mo at naglasing ka? Tumayo ka riyan at lumipat ka sa kuwarto mo." Hinila niya ito patayo.
"Ako na lang ang magdadala sa kanya sa kuwarto niya," alok ni Oreo.
Bigla siyang niyakap ni Stone. "Ayoko sa iba. Gusto ko ikaw lang."
Napangiwi siya nang maamoy ang alok sa hininga nito. Pero hindi nagbago ang init na hatid sa puso niya ng yakap nito. "Ako na lang, Oreo. Mahirap kausap ang mga taong lasing. Pakilinis na lang muna ang sala. Please."
"You have to give me a bag of lollipops after this."
She rolled her eyes. "All right." Isinampay niya ang braso ni Stone sa mga balikat niya at ipinulupot ang braso niya sa baywang nito. "Stone, kaya mo namang maglakad, 'di ba?"
"Hmm..."
Naglakad ito pero pasuray-suray kaya kailangan talaga niyang alalayan ito. Nahirapan siyang buksan ang pinto pero nagawa rin naman niya. Dinala niya si Stone sa kama at pinahiga ito. Mukhang nakatulog agad ito dahil nakapikit ito.
"Ang bigat mo," reklamo niya habang minamasahe ang mga balikat niya.
"Kisha..."
"Bakit?"
"I mish you."
Malapit nang matunaw ang galit niya dahil sa mga pinagsasabi nito. Gusto sana niyang isiping may mas malalim na kahulugan kung bakit ito nagkakaganoon pero naisip niyang baka nagi-guilty lang ito.
"Matulog ka na lang, Stone. Lilipas din 'yan." Kinumutan niya ito.
"Kisa, someone came," sabi ni Oreo na nakatayo sa pintuan ng kuwarto.
Palabas na sana siya nang may mahagip ang mga mata niya. Sa isang cabinet na salamin ang bukasan ay nakita niya ang patong-patong na mga plastic container na sumakop ng tatlong palapag ng cabinet. Pare-pareho ang mga disenyo niyon at hula niya ay lagpas dalawandaang piraso ang mga iyon. Pink ang kulay ng mga iyon.
Nanlaki ang mga mata niya nang maalala niyang ganoong kulay ang pinaglalagyan niya ng mga pagkaing ibinibigay niya noon kay Stone. Inipon ba ni Stone ang lahat ng pinaglagyan niya ng pagkain?
Itinuloy niya ang paglabas ng silid para makita kung sino ang dumating. Ayon kay Oreo ay nasa kusina ang bagong dating kaya nagtungo siya roon. Isang matandang babae na may maamong mukha ang nadatnan niya sa kusina.
"Magandang gabi. Ako si Loida, ang tagaluto ni Sir Stone. Mga kaibigan ba niya kayo?" nakangiting tanong nito.
"Opo, Manang Loida," nakangiting sagot niya. "Ganitong oras ho ba kayo nagpupunta rito para ipagluto si Stone?"
"Oo. Gusto kasi ng batang 'yon na bagong luto ang hapunan niya. Pero ngayon na lang nabawasan ng oras ang pagpunta ko rito para ipagluto siya. Noon kasi, kapag tanghali ay pinapapunta niya ako rito sa unit niya upang gayahin ang pananghaliang ibinibigay sa kanya ng kaibigan niya," paliwanag nito habang inaayos sa mesa ang mga sangkap na gagamitin nito sa pagluluto.
Kumunot ang noo niya. "Ang ibig n'yo ho bang sabihin, eh, kung ano ang pananghaliang ibibigay ng kaibigan ni Stone ay iniluluto n'yo rin? Ano ho'ng ginagawa niya ro'n?"
"Kinakain niya ang bigay sa kanya ng kaibigan niya ng pananghalian at papalitan niya iyon ng iniluto ko." Tumawa ito nang mahina. "Sa palagay ko, nagpapalitan sila ng pagkain kahit iisang putahe lang naman ang inihahanda nila. Ang mga kabataan nga naman ngayon..." Natigilan ito nang mapatingin sa kanya. Gumuhit ang pag-aalala sa mukha nito. "Ineng, bakit ka umiiyak?"
Umiling lang siya at patakbong bumalik sa kuwarto ni Stone. Napatitig siya sa mga food container na naka-display sa cabinet. Hindi nga siya nagkamali. Kanya ang mga iyon.
Kinain ni Stone ang lahat ng pananghaliang iniluto niya para dito. Pero dahil nga itinataboy siya nito noon, hindi nito iyon ipinaalam sa kanya. Nagpapaluto ito ng kapareho ng putaheng inihanda niya para dito at iyon ang ibinabalik nito sa kanya. Hindi naman kasi niya kinakain ang mga ibinabalik nito sa kanya kaya hindi niya alam na iba na ang lasa niyon dahil iba na ang nagluto.
Ibig bang sabihin nito ay pareho kami ng nararamdaman para sa isa't isa?
Umupo siya sa gilid ng kama at pinagmasdan ang mukha ni Stone. Napahikbi siya. "Why can't I hate you, Stone? Bakit ba kailangang dagdagan mo pa ang rason kung bakit mahal kita?"
Dahan-dahan itong nagmulat ng mga mata. Nagtama ang mga paningin nila. Umangat ang kamay nito at masuyong pinahid ang mga luha niya. "Kisa, hanggang panaginip ko ba naman ay pinapaiyak pa rin kita?"
Humikbi siya. "Silly. You're not dreaming."
"Really? I don't believe you. The real Kisa wouldn't be here for me because she hates me." Bumangon ito at kinabig siya para ikulong sa mga bisig nito. "You're definitely a dream," mayamaya ay sabi nito. Bahagya siya nitong inilayo rito at dahan-dahang bumaba ang mukha nito sa mukha niya.
Alam niya ang binabalak nitong gawin. Pumikit siya at hinintay na dumampi ang mga labi nito sa mga labi niya.
Ang halik na iyon ang patunay na tapos na ang paghahabol niya rito. Mahal na siya nito. Pero paano na ang problema nila? Kaya bang paghilumin ng halik ang sugat sa puso niya?
"Kisa, I'm sorry," sabi nito nang pakawalan ang mga labi niya.
"Stone—" Hindi niya naituloy ang sinasabi dahil sinakop uli nito ang mga labi niya.
Naramdaman na lang niya ang paglapat ng likod niya sa malambot na kama. Noon na tuluyang sumuko ang puso niya. Buong pusong tinugon niya ang halik nito. Ipinulupot niya ang mga braso niya sa leeg nito at hinayaang tangayin siya ng kanyang emosyon.
I love you, Stone. Kahit pala pilitin ko ang sarili ko na kamuhian ka, hindi ko magawa. Hindi na mawawala ang pagmamahal ko sa 'yo. At mas masakit pala 'yong magkalayo tayo.
Nasabi niya iyon dahil habang hinahalikan siya nito ay unti-unting natutunaw ang galit sa puso niya. Napalitan iyon ng init na unti-unting kumakalat at pinaghihilom ang mga sugat ng nakaraan.
Pinutol nito ang halik para sumagap ng hangin, kapagkuwan ay isinubsob nito ang mukha nito sa leeg niya. Tumaas-baba ang dibdib nito dahil sa paghahabol ng hininga pero panay ang sabi nito ng kung ano na hindi niya maintindihan. Mayamaya pa ay narinig niya itong humihilik.
Natawa siya. "Nakatulog ang mokong."
"Ahm, Kisa, can we go home now?"
Nalingunan niya si Oreo na nakatayo sa pintuan. Nag-init ang mga pisngi niya. Nakita ba nito ang ginawa nila ni Stone? "Kanina ka pa ba diyan?" may halong paninita na tanong niya rito.
"Hindi, ah. Ganyan na ang posisyon n'yo nang buksan ko ang pinto. Ano'ng ginawa n'yo bago ako dumating?"
"Wala! Dapat ay kumatok ka muna!"
He snorted. "Kumatok naman ako, eh. Pero masyado kang busy kaya hindi mo 'ko narinig." Sa pagkagulat niya ay ngumiti ito. "So, you're still in love with him, huh?"
"Yes. Pero puwede bang tulungan mo muna ako na makatayo?"
"Gusto mo talagang tulungan kita?"
"Bakit?"
"Mukha naman kasing nag-e-enjoy ka sa posisyon ninyo."
"Oreo!"
Tatawa-tawang lumapit ito at tinulungan siya na alisin si Stone sa pagkakadagan sa kanya. Inayos niya ang nagusot na damit habang pinagmamasdan ang huli. Payapa ang hitsura nito habang natutulog. Naghihilik pa ito.
Napangiti siya. Mahal na mahal pa rin niya ang lalaking ito.
"Ano na'ng balak mong gawin?"
Ngumiti siya habang masuyong hinahawi ang ilang hibla ng buhok na tumabing sa mga mata ni Stone. "If loving Stone means forgiving everyone who hurt me in the past, so be it. I'd rather spend my whole life loving him than hating people I should have forgiven a long time ago."
Masuyong ginulo ni Oreo ang buhok niya. "Attagirl."
Napangiti siya habang nakatingin dito. "Alam mo, para kang kuya."
Isang makahulugang ngiti lang ang isinagot nito sa kanya.