NAPANGITI si Alana nang marinig ang boses ni Andres na tinatawag siya. Nasisiguro niya na guniguni lang niya ang narinig. Naisip niyang baka mamamatay na siya kaya naririnig niya ang boses na iyon. Sinusubukan niyang huwag mawalan ng pag-asa pero wala na siyang makitang paraan mula nang iwanan sila roon ni Sally at selyuhan ng bomba ang bawat labasan at awang sa bahay. Kanina ay sinubukan niyang gawin ang ginawa niya noong unang pagkakataon na naranasan niya ang ganoon. But her ribs hurt like hell. Naghahabol siya ng hininga sa bawat munting pagkilos. Hindi niya mapigilang mapaiyak. Masyado siyang nasasaktan at napapagod. Sinubukan ni Ma’am Bernadette na magpakatatag para sa kanila pero hindi rin nagtagal, sinasabayan na nito ang kanyang pag-iyak. Gusto na lang niyang matapos ang lahat.

