NAHULOG ang loob ni Alana kay Blu. Sa unang pagkakataon, nakaramdam siya ng romantic feeling towards opposite s*x. Hindi iyon agad nag-bloom tulad ng mga napapanood sa TV at pelikula. Unti-unti ang paglago ng espesyal na damdamin. Naisip niyang ganoon siguro talaga sa totoong buhay.
Alam ni Alana na may sariling buhay si Blu sa Amerika, pero naniniwala siya na pinahahalagahan nito ang pamilyang talagang pinanggalingan. Naniwala siya na mas pipiliin nito ang tumira at magsimula ng panibagong buhay kasama sila. Makulay ang nakita niyang hinaharap para sa kanila. Masaya.
Noong mga panahon na iyon, hindi inakala ni Alana na puwedeng maging napaka-complicated ng lahat. Hindi niya inakala na magbabago ang ikot ng mundo niya. Naramdaman niya na espesyal din ang pagtingin sa kanya ni Blu. Hindi siguro kasinlalim ng feelings niya pero naroon ang admiration. Naramdaman niya ang pagmamalasakit nito.
Maayos at masaya ang lahat nang isang araw, bigla na lang nagbago ang pakikitungo sa kanya ni Blu at inianunsiyo na magbabalik na ito sa Amerika. Nasaktan siya nang sobra, lalo sa kaswal nitong pagsasabi na hindi naman nito pinlano ang pananatili sa bansa, na gusto nito ang buhay sa ibang bansa. Nasaktan siya nang sabihin ni Blu na mali siya ng akala na may espesyal na namamagitan sa kanila.
Sa huli, nalaman din ni Alana ang dahilan ng biglang pagbabago ni Blu at ang desisyon nitong magbalik na sa Amerika. Si Jose Maria ang dahilan.
“I love you. I’ve been in love with you since forever, Alana. You should know that. You should’ve felt it.”
Kulang ang sabihing ikinagulat ni Alana ang mga narinig mula kay Jose Maria. Parang nayanig nang bahagya ang kanyang mundo. Dapat nga siguro ay hindi na iyon nakakagulat. Dapat ay alam na niya. Dapat ay matagal na niyang naramdaman. Eighteen siya noong unang beses niyang marinig mula kay Sir Ernest na bagay silang dalawa ni Jose Maria. Kailangan niyang aminin na na-flatter siya na gugustuhin ni Sir Ernest ang isang katulad niya para sa anak nito. Pagtinging-kapatid lang ang mayroon siya kay Jose Maria kaya hindi niya sineryoso ang sinabing iyon ni Sir Ernest. Pinaniwalaan din niya na pagtinging-kapatid din lang ang turing sa kanya ni Jose Maria.
Nang marinig din ni Alana ang pagiging bagay nila ni Jose Maria mula kay Lolo Jose, nalaman niya na gusto ng buong pamilya na magkatuluyan sila ng kaibigan. Hindi niya maintindihan noong una hanggang sa ipaliwanag sa kanya ni Nanay Delia. Magiging presidente ng bansa si Jose Maria balang-araw. Mula pagkabata, inihahanda na ito para sa pinakamataas na puwesto sa gobyerno. Kailangan ni Jose Maria ng asawang magugustuhan ng lahat. Minsang naging Cinderella ng bansa si Ma’am Bernadette. Mahal ito ng mga mamamayan. Hinuhubog si Alana para maging katulad ni Ma’am Bernadette. Inihahanda siya para maging katuwang ni Jose Maria. They hoped she would be a future First Lady.
“First Lady? Iyon po ba ang ibig n’yong sabihin noong sabihin n’yong I was meant to do something great? You envisioned me to be a first lady to your grandson president?” puno ng hinanakit na sabi ni Alana kay Lolo Jose. Hindi niya sigurado kung ano ang mas ikinakasama ng kanyang loob. Iyong pakiramdam na para siyang niloko at ginamit o iyong parang in-underestimate ang kakayahan niya. First Lady? Gusto niyang matawa at magalit nang sabay.
Ilang sandaling pinagmasdan siya ni Lolo Jose bago ito sumagot. “Iyon ba talaga ang palagay mo? Iyon ba ang gusto mong paniwalaan?”
“First Lady? I can be the next president of this country!”
Napangiti si Lolo Jose. Totoong saya ang nasa mga mata nito. “Then be the next president of this country.”
Ang totoo, medyo ikinagulat ni Alana ang nasabi niya kay Lolo Jose. Hindi niya deretsong maamin sa sarili ang sekretong hangarin at pangarap na maging presidente ng bansa. Madalas niyang sabihin na gusto lang niyang makatapos ng Law at maging ganap na abogada. Hindi niya sigurado kung paano sisimulan ang political career. Dahil maraming taon na rin siyang nakatira sa tahanan ng mga politiko, alam niya kung gaano karumi sa mundong iyon. Alam niya na walang permanenteng kaibigan at kaaway. Pero alam din niya ang iilang mabuting aspeto ng politika. Kung paano makatulong sa mga mamamayan. Kung paano babaguhin ang takbo ng mga bagay-bagay. Kung paano gamitin ang kapangyarihan sa mabuti.
Gusto ni Alana na tulungan si Jose Maria sa mga gusto nitong gawin, sa pagtulong. Pero hindi talaga niya makita ang sarili bilang first lady ng bansa at bilang asawa ni Jose Maria.
Dahil masyadong lulong si Alana kay Blu, hindi niya napapansin na nasasaktan na niya ang matalik na kaibigang si Jose Maria sa pakikipaglapit niya sa kapatid nito. Hindi siya aware sa pagseselos nito at paghihirap ng kalooban. Hindi niya napansing napapadalas na ang paglalasing nito. Hindi niya nalaman kung gaano na niya nasasaktan si Jose Maria hanggang sa gimbalin siya ng balitang namatay ito sa aksidente isang gabi. Nakainom lang si Jose Maria pero hindi talaga lasing. Nakakatawa na kung kailan nagmaneho ito nang hindi lasing, saka naman naaksidente.
Bago nangyari ang aksidente, nagawa pang tumawag sa kanya ni Jose Maria.
“I love you, Alana. Kaya naman hahayaan kong maging masaya ka sa taong mahal mo. It’s okay, sweetheart. You can be happy. Hindi ako magiging selfish dahil hindi selfish ang nagmamahal. Iyon siguro ang pinakaimportanteng aral na natutunan ko sa lahat ng pinagdaanan at patuloy na pinagdadaanan ng mga magulang ko. If you love someone, set them free. I will always love you. Always, Alana.”
Hindi na nakapagsalita pa si Alana dahil abala siya sa pag-iyak at ayaw niyang malaman iyon ni Jose Maria. Kung magsasalita siya, tuluyang kakawala ang hikbi sa kanyang lalamunan. Naghalo-halo sa kanyang dibdib ang pagmamahal, awa, at kawalang magawa. Gusto niyang bawasan ang sakit na nararamdaman ni Jose Maria pero hindi niya alam kung paano gagawin.
Nang mamatay si Jose Maria, parang may parte rin sa kanyang puso ang namatay. Sobra siyang nalungkot at nagdalamhati. Hindi man sila pareho ng nararamdaman, hindi rin maikakaila na isa si Jose Maria sa mga taong maituturing na mahalaga sa kanyang buhay. Walang duda ang pagmamahal niya sa matalik na kaibigan.
Hindi pa man gaanong nakaka-recover si Alana sa biglaang pagkamatay ni Jose Maria, nagsimula uli ang panibagong kalbaryo. Kalbaryo na nagdala sa kanya sa sitwasyon niya ngayon...
Hindi man lang sumagi sa isipan ni Alana na makukulong siya sa isang bahay na sasabog anumang sandali. Paano ba siya nalagay sa ganoong sitwasyon? Masyado niyang na-underestimate ang mga kayang gawin ni Sally. Alam niya ang mga kuwento tungkol sa babaeng nahumaling kay Sir Ernest at ginawang misyon ang pahirapan at gawing miserable ang buhay ni Ma’am Bernadette. Ang alam ni Alana, iiwan na sana ni Sir Ernest si Ma’am Bernadette para kay Sally. Hindi iyon natuloy dahil nagbunga ang huling beses na p********k ng mag-asawa, si Juan Miguel/Blumentritt. Sa paniniwala ni Sally, si Blu ang dahilan ng pagkabigo nito. Nalipat ang obsession ng baliw na babae sa inosenteng bata. Dalawang beses nitong tinangkang patayin si Blu. Kaya naman gumawa ng paraan si Ma’am Bernadette para mailayo ang anak. Ibang pamilya ang kinalakhan ni Blu. Lumaki ito sa ibang environment. Hindi na-expose sa mundo ng politika. Blu was a gifted musician, a Juilliard virtuoso.
Hindi inakala noon ni Alana na madadamay siya, na mababaling din sa kanya ang atensiyon ni Sally. Isang tanghali, bigla na lang siyang nilapitan ng babae sa fast-food restaurant na malapit sa university at madalas niyang kainan tuwing tanghalian. Mabait ang mukha ni Sally kaya hindi siya nagkaroon ng masamang kutob na gagawan siya nito ng masama. Hindi naman siya nito ginawan ng masama noong araw na iyon kundi nagpakilala lang.
Ikinagulat ni Alana na makaharap ang babaeng nagpakomplikado sa buhay ng mga Tolentino. The lady was like a legend and a myth to her. Hindi niya pinaniwalaan ang mga kuwento hanggang sa personal niyang naranasan ang kalupitan nito.
Noon una, simple pero nakakainis na panggugulo lang ang ginagawa ni Sally sa kanya. Madalas siya nitong sundan kahit saan. Nakuha nito ang contact numbers niya, madalas siyang tawagan at padalhan ng text message.
“Ikaw ang dahilan kung bakit namatay si Jose Maria.”
“How can you not fall in love with Jose Maria? Bakit si Blu ang minahal mo? Paano mo nagawang saktan nang ganoon ang isang lalaki na walang ibang ipinakita sa `yo kundi pagmamahal at kabutihan?”
“Sa palagay mo ba patuloy kang mamahalin ng mga Tolentino pagkatapos ng ginawa mo kay Jose Maria?”
“Paano ka magiging masaya kung alam mo na kamatayan ang naging resulta ng selfishness mo?”
“Sinaktan mo si Jose Maria.”
“Namatay si Jose Maria na malungkot at wasak ang puso.”
“Ang tagal hinintay ni Jose Maria na mahalin mo rin siya katulad ng naging pagmamahal niya sa `yo. He had always been there. Hindi ka iniwan. Palaging nakasuporta. Ano ang iginanti mo?”
Dahil nga masyado pang emotional sa pagkamatay ni Jose Maria, madaling naapektuhan si Alana. Maraming pagkakataon na alipin siya ng guilt. Minsan, hindi siya makagalaw sa sobrang guilt. Alam niya na sinasadya ni Sally na pahirapan siya, pero alam din niya na totoo ang lahat ng mga sinabi nito. May mga pagkakataong hindi niya mapigilang mapaiyak. She had felt so bad about herself. Patuloy niyang tinatanong ang sarili kung bakit hindi niya nagawang mahalin si Jose Maria. Patuloy niyang sinisisi ang sarili sa pagkamatay ng matalik na kaibigan.
Kahit lunod din sa sariling kalungkutan, si Lolo Jose pa rin ang tumulong kay Alana. Ang matanda ang nagpaintindi sa kanya na hindi niya kasalanan ang nangyari. Nalaman nito ang panggugulo sa kanya ni Sally.
“Minahal ka ni Jose Maria. Minahal ka ng apo ko na umaasang mamahalin mo rin siya sa kaparehong paraan. Nasaktan siya nang malamang hindi pareho ang feelings ninyo pero alam ko at alam mo rin na hindi ka niya kailanman pipilitin. Love shouldn’t be a burden. It should free you. Hindi niya gugustuhin na maging ganito ka. Hindi niya gugustuhing pahirapan mo ang sarili mo. Lalong hindi niya gugustuhing nagpapatalo ka sa isang babaeng alam mong gusto ka lang pasakitan. You remember everything I’ve told you? You’re meant to be something great. You’re a survivor. You’re a fighter.”
Agad na-realize ni Alana na tama ang sinabi ni Lolo Jose. Mula noon, hindi na niya hinayaang ma-harass siya ni Sally. Kapag nalaman niya na ang babae ang tumatawag ay hindi na niya iyon sinasagot. Binubura na niya ang text messages nito nang hindi binabasa. Kapag personal siyang pinupuntahan, ginagawa niya ang lahat para makaiwas. Kung talagang hindi siya nito lulubayan, natutuhan niya kung paano lumaban.
“Aren’t you just a typical bully?” nang-uuyam na sabi ni Alana kay Sally. Nasa labas sila ng university na pinapasukan. “Hindi ka na ba talaga manalo-nalo kay Ma’am Bernadette na pati ako, pinag-aaksayahan mo ng panahon? You’re so childish. So petty. Hindi ko mapagdesisyunan kung maaawa ako sa `yo o ano. Lubayan mo na ako. Hindi na ako apektado ng mga pambatang pambu-bully mo.” Hindi na niya binigyan ng pagkakataon si Sally na makapagsalita, mabilis na siyang pumasok sa loob ng university.
Iyon siguro ang pinakamalaking pagkakamali ni Alana—ang sabihang typical si Sally. The crazy woman was all about drama and flair. Mas ikinatutuwa nito na mas mahirapan ang mga taong gusto nitong pahirapan. Kinailangan nitong patunayan sa kanya na walang typical sa pagkatao nito, kahit na sa kasamaan.
Kaya naroon si Alana sa sitwasyon na iyon.
Isang gabi, kagagaling lang niya sa klase nang dukutin siya ng dalawang lalaki. May ipinaamoy sa kanya at nawalan siya ng malay. Paggising niya, mag-isa na lang siya sa loob ng bahay na hindi pamilyar sa kanya. Nagising siya dahil sa pagtunog ng isang maliit at mumurahing cell phone. Nag-aalangan man, sinagot pa rin niya ang tawag. Si Sally ang nasa kabilang linya.
“How are you, my darling?” tanong nito sa nasisiyahang boses.
Masakit pa ang ulo ni Alana pero unti-unting bumalik sa kanyang isip ang mga nangyari sa kanya. Hindi siya nagkamali sa hinala na si Sally nga ang may pakana ng pagdukot sa kanya.
“Ano ang ginawa mo sa akin? Ano ang kailangan mo? N-nasaan ako?”
Tumawa si Sally. “Ngayon takot na takot ka na. Nasaan ang tapang na ipinakita mo sa akin noong isang araw, ha? Naaalala mo ang mga sinabi mo sa akin? Ang mga salitang ginamit mo? Typical. Petty? Childish? Ngayon, masabi mo pa kaya ang mga bagay na `yon?”
Sunod-sunod ang paglunok ni Alana. Hindi na maganda ang kanyang pakiramdam at mas lumalala pa iyon sa paglipas ng bawat sandali. Iba ang kaba sa kanyang dibdib. Iba ang takot na nararamdaman niya. Mas malala pa noong makita niyang nakahandusay ang kanyang lola at hindi na humihinga. Mas malala kaysa noong si Tiya Rosing na ang mag-aalaga sa kanya. Mas malala kaysa noong magising siyang nakadagan si Bogart sa kanya.
May malakas na boses na sumisigaw sa isip ni Alana. Mamamatay na siya. Alam niyang hindi na simpleng harassment ang gagawin ni Sally. Hindi na basta salita ang pang-aatake nito sa kanya. Kailangan niyang makaalis sa lugar na iyon.
“Huwag mong tangkain man lang na lumabas ng bahay. Sa sandaling buksan mo ang mga pinto at bintana ay sasabog ang buong bahay. Hindi ako nagbibiro. Pero kung hindi ka maniniwala, okay lang din. I love explosions. It’s so beautiful. Prettier than fireworks. Pero bigyan mo naman sana ng pagkakataong mailigtas ka ng mga taong nagmamahal sa `yo. I’m giving them twenty-four hours. Sa loob ng mga oras na `yon, kailangan mo lang maghintay. Do you have faith in your people? In Blu? Do you think he’ll find you?”
“Nasaan ako?”
“Bakit ko sasabihin sa `yo? All you have to know for now is you’re going to die in twenty-four hours. Stay put and think about the wonderful life you had.”
“Bakit mo `to ginagawa, Sally? Wala naman akong masamang ginawa sa `yo.” Ikinainis ni Alana ang pagkabasag ng kanyang boses. Namasa ang kanyang mga mata at agad na napaiyak. Nang maalala na ganoon ang reaksiyong gusto ni Sally mula sa kanya at ikinatutuwa nito ang paghihirap niya, marahas niyang pinahid ang mga luha at pilit na pinatatag ang dibdib.
“I’ll enjoy blowing you up, Alana. It’s been nice knowing you.”
Noong una, hindi malaman ni Alana kung bakit parang nananabik at nasisiyahan si Sally sa kamatayan niya. Pero nalaman din niya na mahalaga siya kahit na paano sa pamilyang kinamumuhian nito. Sa pagkamatay niya, masasaktan ang mga Tolentino, lalong-lalo na si Blu na matagal na nitong gustong pasakitan at patayin.
“Makakalabas ako sa bahay na `to, Sally,” pangako ni Alana. “Hindi ko pa alam kung papa’no pero hindi ako uupo lang at maghihintay. Makakahanap ako ng paraang makalabas ng bahay na ito. Ipinapangako ko sa `yo. Gagawin ko ang lahat. Hindi kita bibigyan ng satisfaction.”
“Good luck with that.” Naputol na ang koneksiyon pagkasabi niyon.
Nang mga sumunod na sandali, maingat na pinag-aralan ni Alana ang bahay na kinaroroonan. Luma na ang bahay na may dalawang palapag. Wala nang mga pinto sa loob kaya malaya siyang nakaikot. May mga lumang gamit pero hindi niya gaanong inusisa. Luma man ang bahay, nakasara pa rin iyon. Intact ang mga jalousie. Nalaman niya na hindi nagbibiro si Sally dahil nakita niya ang mga wire mula sa salamin ng jalousie. Intact ang hagdanan. Intact din ang kisame. Wala siyang lalabasan.
Sa loob ng ilang oras, hinayaan ni Alana na matakot. Hindi siya makagalaw noong una hanggang sa maging aligaga na. Parang sasabog ang kanyang utak. Hindi siya makapag-isip nang matino. Mayamaya, naalala niyang magdasal. Nagdasal siya nang nagdasal hanggang sa kahit paano ay nakalma niya ang sarili. Hiniling niyang sana, may makahanap kaagad sa kanya. Alam niya na kaagad pipindutin ni Sally ang trigger ng bomba sa sandaling dumating ang sinumang magliligtas sa kanya. The explosion would be Sally’s new way to torture Blu and Ma’am Bernadette. Sa kabila niyon, umasa pa rin si Alana. Ayaw niyang tanggapin na iyon na ang kanyang katapusan.
Hindi pa siya handang mamatay. Napakarami pa niyang gusto gawin sa buhay. Maraming pangarap na kailangan pang abutin. Ni hindi man lang niya nasabi sa mga taong mahalaga sa kanya kung gaano niya kamahal ang mga ito.
She was too young to die.
Humingi si Alana ng guide at tulong mula sa Panginoon. Pagkatapos magdasal, pilit siyang naghanap ng paraan para makalabas. Ilang beses niyang inikot ang bahay. Habang lumilipas ang mga oras ay nawawalan siya ng pag-asa. Ilang beses din niyang hinayaan ang sarili na umiyak. Humahagulhol na nakiusap siyang iligtas siya ng kung sinumang nilalang na nakakarinig sa kanya. It was pure torture.
Base sa cell phone na iniwan doon, nalaman ni Alana na isang oras na lang bago matapos ang palugit. Susuko na sana siya. Ipapaubaya na lang niya ang lahat sa Panginoon. Sinabi niya sa sarili na kailangan na lang niyang tanggapin ang kanyang kapalaran. Inikot niya sa huling pagkakataon ang bahay. Napansin niya ang isang bahagi ng kisame na puno ng agiw. Hindi niya mapaniwalaan na hindi niya iyon napansin nang mas maaga. Iyon ang bahagi ng kisame na nade-detach. Ang lusutan kung may kailangang ayusin sa kisame. Hindi iyon mahahalata dahil sa kalumaan ng bahay at sadyang ginawa para hindi mahalata. Hinawi niya ang mga agiw at sandaling pinag-aralan ang bahaging iyon.
Naisip ni Alana na baka maging ang exit na iyon ay wired. Natakot siya na baka kapag ginalaw niya ang bahaging iyon, bigla na lang sumabog ang bahay. Pero naisip niya na wala nang panahon para matakot. Makikipagsapalaran na siya. Kung mamamatay siya, mamamatay siyang lumalaban at gumagawa ng paraan. Kung hindi siya magbabaka-sakali, gagawin niyang napakadali ang lahat para kay Sally.
Nakahanap si Alana ng lumang mesita na yari sa rattan. Mukhang masisira na iyon pero nakaya pa rin ang bigat niya nang tumuntong siya. Humugot siya ng malalim na hininga bago hinawakan ang bahaging iyon ng kisame at unti-unting itinulak. Pumikit siya habang naghihintay ng pagsabog. Hindi iyon nangyari.
Muli siyang dumilat at tumingin sa bahagi ng kisame na nagkaroon ng puwang. Sumibol ang pag-asa sa puso niya nang malaman na hindi nilagyan ng wire o bomba ang bahaging iyon ng bahay. Dahil selyado ang bahay, naisip siguro ni Sally na huwag na lang mag-abala. O hindi rin nito napansin.
Sinubukang maglambitin ni Alana sa kisame. Siniguro muna na kakayanin ang bigat niya ng medyo nabubulok nang mga kahoy. Hindi naman bumigay ang kisame pero umiingit sa bawat galaw niya. Taimtim siyang nagdadasal habang pilit na iniaangat ang katawan sa kisame. Hindi madaling gawin pero hindi niya hinayaan ang sarili na sumuko. Nagpursige siya hanggang sa tuluyan niyang maiangat ang katawan.
Ilang sandali siyang naghabol ng hininga pagdating sa taas. Hindi niya pinansin ang alikabok na pumapasok sa kanyang mga baga sa bawat paghinga. Nakadapa siya at nakatukod ang dalawang siko. Iginala niya ang tingin sa paligid. Madilim. May mga nakapa siyang wire pero umasa siya na dating parte iyon ng linya ng kuryente ng bahay. Sinanay muna niya nang bahagya ang mga mata bago nagsimulang gumalaw. Hindi niya sigurado kung saan ang bagsak niya. Naisip niya na kailangan lang niyang maghanap ng butas na malulusutan.
Mainit at maalikabok sa loob ng kisame. Halos hindi makahinga si Alana. Wala rin siyang gaanong nakikita. Habang lumilipas ang mga sandali, namamatay ang pag-asang kasisibol lang sa kanyang dibdib. Nang makaaninag ng siwang, mabilis niya iyong nilapitan. Masyadong maliit ang puwang. Sinubukan niyang palakihin pero hindi kaya ng puwersa ng kanyang kamay ang mga bakal kung saan nakadikit ang bubong.
“I am meant for something great,” sabi ni Alana sa kanyang sarili. Gumapang na naman siya at naghanap ng ibang puwang, umaasang magkakaroon siya ng pagkakataong makalabas. “I was born to survive.”