1

3529 Words
SHE WAS going to die. Ganito pala ang pakiramdam, naisip ni Alana habang gumagapang sa kisame at pilit na naghahanap ng kahit maliit na butas na puwede niyang lusutan. Basang-basa na ang mukha niya sa pinaghalong pawis at luha. Masakit na ang buong katawan niya, parang gusto nang bumigay pero hindi niya hinayaan ang sariling panghinaan ng loob. Hindi niya magawang tumigil na lang at hintayin ang kamatayan. Kung mawawala siya sa mundo sa ganitong paraan, gusto niyang lumaban hanggang sa huling sandali ng kanyang buhay. Hanggang humihinga siya, hindi siya titigil sa paghahanap ng paraan para makalabas ng bahay na iyon. Parang sasabog ang dibdib ni Alana sa sobrang bilis ng t***k ng kanyang puso. Nararamdaman niya ang mabilis na pagdaloy ng dugo sa kanyang mga ugat sa buong katawan. Her brain seemed hyperalert. Napakarami niyang naiisip at parang sasabog na rin ang kanyang ulo. Alam niya na anumang sandali, sasabog din ang bahay na kinaroroonan at sana, makalabas muna siya bago iyon mangyari. “Diyos ko, tulungan N’yo po ako. Please, tulungan N’yo po ako...” Hindi na niya mabilang kung makailang beses na niya iyong sinambit. Narinig ni Alana dati na kapag nasa bingit ng kamatayan ang isang tao, parang nagpa-flash sa harap nito ang naging buong buhay. Totoo yata dahil naaalala niya ang naging buhay niya kahit gusto sana niyang i-focus ang buong isip sa ginagawang pagtakas. Itinuturing niya ang sarili na ulila kahit buhay pa siguro ang kanyang ama. Isang taong gulang lang siya nang mamatay ang kanyang ina kaya hindi na niya naitanong kung sino ang naging katulong nito para mabuo siya. Nanilbihan bilang yaya ang kanyang ina sa pinakamakapangyarihang pamilya noon, ang pamilya ng presidente ng bansa. Kinuha ito para alagaan ang mga apo ng presidente, sina Jose Maria at Juan Miguel Tolentino. Nagtapos ng Nursing ang ina ni Alana, iginapang ng kanyang lola ang pag-aaral nito. Kahit hindi yaya ang inasam ng lola niya na maging trabaho ng kanyang ina, maituturing na malaking karangalan pa rin na mapagsilbihan ang First Family. Ipinagbuntis si Alana ng kanyang ina at kahit anong pilit ng lola niya, hindi  gustong sabihin ng kanyang ina kung sino ang kanyang ama. Inisip pa nga na isa sa mga gabinete o isa ring politiko. Hindi sinasabi ng kanyang ina dahil may-asawa siguro ang lalaki. Nakabuo rin ng hindi magandang speculation ang tiyahin niyang hindi na nawawala ang galit sa kanyang ina na baka anak siya ng presidente mismo, ni Jose Tolentino. O `di kaya ay anak siya sa labas ni Ernest Tolentino, ang nag-iisang anak ng presidente.  Hindi isang Tolentino si Alana, iyon ang kanyang nasisiguro. Hindi na rin siya gaanong nagkaroon ng interes na hanapin pa ang kanyang tunay na ama. Importante noon sa kanya na malaman kung saan siya galing. Para kasing hindi kompleto ang kanyang pagkatao. Pero paano siya magsisimula sa paghahanap? Walang iniwang anumang clue ang kanyang ina. Napakabata pa niya noong iwan siya nito kaya wala siyang ideya kung paano ito maakit sa mga lalaki, kung ano ang mga tipo nito sa lalaki. Mas pinagtuunan ni Alana ang ilang mahahalagang pangyayari sa kanyang buhay. May mataas siyang mga pangarap at gusto niyang matupad ang mga iyon. Naniniwala siya na kung itinadhana, mahahanap at mahahanap din niya ang kanyang ama. Pagkamatay ng ina, ang lola na ni Alana ang kumupkop sa kanya. Mahal niya ang kanyang lola at mahal din naman siya nito, pero naramdaman niya ang bitterness nito. Pinag-aral ng matanda ang kanyang ina para may mag-ahon dito sa hirap. Ipinagmamalaki ng lola niya ang kanyang ina sa halos lahat ng kakilala. Kahit yaya, nagsisilbi pa rin ang anak nito sa pinakaprominenteng pamilya sa bansa. Maganda ang kita. Maganda ang sustento.  Pero hindi pa man natatapos ang ipinapagawang bahay, nabuntis na ang ina ni Alana. Ang pera na para sa matanda ay napunta sa mga pangangailangan ni Alana. Her grandmother did not exactly liked her sudden unplanned existence. Hindi masamang tao ang kanyang lola. Masyado lang siguro itong maraming hirap na dinanas at ginustong magkaroon ng mas masaganang buhay. Nang mamatay ang ina ni Alana, ipinagluksa iyon nang husto ng kanyang lola. Matindi ang naging galit nito sa mga Tolentino na hindi man lang prinotektahan ang anak nito habang prinopotektahan ng nanay niya ang bunsong anak ng mga Tolentino. Namatay rin ang pag-asa ng lola niya sa mas magandang buhay. Nagkaroon pa ito ng sanggol na kailangang alagaan at ibigay ang lahat ng pangangailangan. Sinustentuhan si Alana ng mga Tolentino pero sa palagay ng lola niya, kakarampot lang iyon. Sinubukan niya na huwag gaanong magdamdam sa matanda kahit parang wala siyang ginagawang tama sa paningin nito. Kahit parang lagi itong galit sa kanya. Mas inintindi niya kung bakit ganoon ang inaasal nito sa kanya. Mahirap sa maraming pagkakataon pero palagi niyang inaalala ang magagandang bagay na nagawa no lola niya para sa kanya. Hindi siya nito kailanman ginutom. Hindi siya pinagsuot ng maruruming damit. Kahit salat sa mga luho, ibinibigay naman nito sa kanya ang lahat ng pangangailangan. Elementary pa lang si Alana, ginusto na niyang maging lawyer balang-araw. Tinawanan siya ng lola niya at sinabing hindi iyon mangyayari. Baka ni hindi siya nito mapag-aral ng college. Masyado na itong matanda para magtrabaho pa. Pinagkakasya na lang nila sa pang-araw-araw na gastos ang sustento na ibinibigay ng mga Tolentino.  Hindi pa nakakatatapos ng high school si Alana nang atakehin sa puso ang matanda at mamatay.  Napunta siya sa tiyahing si Rosing na naging malupit sa kanya. Araw-araw nitong ipinamumukha sa kanya kung paano na ang kanyang ina ang paborito ng kanyang lola. Ang kanyang ina ang pinag-aral dahil mas matalino. Araw-araw sinasabi ni Tiya Rosing sa kanya na malandi ang nanay niya at hindi karapat-dapat sa lahat ng ibinigay ng kanilang lola. Tinatanggap ng tiyahin ang sustento mula sa mga Tolentino pero kapiranggot lang ang napupunta sa kanya, minsan pa nga ay wala. Ginagastos nito ang pera sa mga anak at sa pagsusugal. Inalila si Alana ng tiyahin. Siya ang gumagawa ng lahat ng gawaing-bahay. Madalas siyang inuubusan ng ulam. Tiniis niya ang maraming araw na ginutom siya at pinagod nang husto. Nagpasalamat siya na kahit paano, pinag-aaral siya sa public school. Baka raw kasi itigil ang sustento kapag nalaman ng mga Tolentino na hindi na siya nag-aaral. Tuwing Pasko at birthday ni Alana, pinapadalhan siya ni Mrs. Bernadette Tolentino ng mga regalo. Mga damit at sapatos, at mga laruan noong bata siya na naging gadgets o gaming consoles noong hindi na siya puwede sa laruan. Mula nang mapunta siya sa poder ni Tiya Rosing, hindi na niya nahawakan man lang ang lahat ng regalong iyon. Ang mga sakim na pinsan niya ang nagpakasawa ng lahat. Maagang nabiyuda ang tiyahin ni Alana. Isang araw, nagulat na lang siya nang mag-uwi ito ng lalaki na mas bata nang mahigit sampung taon at mas batugan pa sa kanyang mga pinsan. Madalas samahan ng lalaki si Tiya Rosing sa sugalan at madalas pang uminom ng alak. Ang hindi alam ni Alana, hiniling pala ng tiyahin niya sa mga Tolentino na lakihan ang ipinapadalang sustento para sa kanya. Tumataas ang mga bilihin at dumadami ang kanyang mga pangangailangan. Napunta ang lahat ng iyon sa kinahuhumalingang boyfriend ng tiyahin. Hindi sigurado si Alana kung gaano katagal siya magtitiis. Ang kapalaran siguro niya ang nagdesisyon para sa kanya. Isang Sabado, umalis ang buong pamilya para bumisita sa isang namatay na kamag-anak sa probinsiya at gabi na ng Linggo ang balik. Iniwan si Alana sa bahay para may magbantay. Natuwa siya dahil kahit sandali lang ay makakahinga siya. Wala kasi siyang kamag-anak na hindi naubusan ng iuutos at ipagagawa.  Ang inakala ni Alana na magandang weekend ay isa palang kalbaryo. Natutulog siya nang maramdamg halos hindi siya makahinga. May nakadagan sa kanya. May naramdaman siyang malambot pero masangsang na bagay sa kanyang mga labi. Mabilis na rumehistro sa isip niya ang nangyayari. Nakilala kaagad niya ang pamilyar na bulto at amoy ni Bogart, ang live-in partner ni Tiya Rosing. Hindi niya alam kung paano ito nakabalik nang gabing iyon pero sigurado siya na pagsasamantalahan siya nito. Alana fought like hell. Sinampal at sinuntok siya ni Bogart sa sikmura pero hindi siya sumuko. Nanlaban siya kahit halos mawalan ng hininga dahil sa suntok. Dahil siguro sa pagwawala, nagawa niyang matuhod ang pinakamaselang parte ng katawan ng m******s. Ibinigay niya sa pag-atake ang natitirang lakas. Dahil hindi inaasahan ang atake, nasaktan nang husto si Bogart. Ilang sandaling hindi ito makahinga. Inalis nito ang mga kamay na pumipigil sa kanyang mga kamay kaya nakawala siya. Itinulak niya ito palayo sa kanya. Hindi lumilingong tumakbo si Alana. Ibinigay niya ang lahat ng lakas sa paglayo. Nakarating siya sa pinakamalapit na presinto. Hindi na kailangan pang magtanong ang mga pulis kung may masamang nangyari sa kanya, halatang-halata na iyon sa kanyang hitsura. Kaagad nadakip si Bogart nang gabing iyon.  Galit na galit noon si Tiya Rosing. Pinalayas siya nito at naghanap ng perang pampiyansa sa live-in partner. Walang ibang mapupuntahan noon si Alana. May mga kaibigan naman siya, pero wala siyang lulugaran sa mga ito. Ayaw rin niyang maging pabigat sa kahit na sino. Naglakas-loob siyang magpunta sa bahay ng mga Tolentino, bitbit ang kakarampot na gamit.  Pipindutin na sana ni Alana ang doorbell nang bumukas ang malaking gate at lumabas ang isang magarang sports car. Nakatingin siya sa sasakyan. Bigla siyang kinabahan nang huminto iyon. Lumabas na rin ang isang uniformed guard para sitahin siya.  Bumukas ang driver’s seat ng sports car at bumaba ang isang matangkad na lalaki. Medyo payat ito at tisoy, nakasuot ng malaking dark glasses pero nakilala pa rin ni Alana kung sino ito. Jose Maria Tolentino, ang panganay na apo ng dating presidente ng bansa. Kilala niya si Jose Maria dahil kahit sa murang edad, active na ito sa mga charity at public service. “Who are you?” tanong nito, bahagyang nakataas ang isang kilay. Arogante ang unang impression ni Alana kay Jose Maria. Pero nang tumagal, nalaman niya na confident lang ito, hindi talaga arogante. Siguro ganoon talaga ang demeanor ng mga taong lumaki bilang apo ng makapangyarihang tao. “Ako po si Alana. Anak po ako ni Melinda.” Nagpasalamat si Alana na hindi siya nautal sa pagsagot kay Jose Maria. Hinubad ni Jose Maria ang suot na shades. Bahagyang umawang ang mga labi nito sa pagkagulat. “You’re Yaya Milly’s daughter?” Tumango si Alana. Nagpasalamat siya na hindi pa rin nakakalimutan ni Jose Maria ang kanyang ina kahit maraming taon na itong patay. Hindi na tumuloy si Jose Maria sa lakad nito. Ibinigay nito sa guwardiya ang susi para maipasok uli ang sasakyan sa garahe at pinatuloy siya sa tahanan ng mga Tolentino. Sinamahan siya ng binata hanggang sa loob ng mansiyon. Dinala siya nito kay Mrs. Bernadette Tolentino na abalang-abala noon sa loob ng library. Masaya-masaya siyang tinanggap sa tahanan ng mga Tolentino, trinato nang tama. Matagal na raw siyang gusto bisitahin ni Ma’am Bernadette pero pinagbawalan daw ito ng kanyang lola. Sustento lang daw ang tatanggapin niya at hindi na mapapalapit sa pamilya. “Hindi ko ho gustong makaabala o makabigat,” panimula ni Alana habang nakayuko. Nahihiya siya pero wala talaga siyang pagpipilian. Kailangan niyang lunukin ang pride at pakapalin nang kaunti ang mukha. She had to survive. “Wala na ho kasi akong ibang mapupuntahan. Hindi ko naman ho kayo inoobliga na tulungan ako dahil sa nangyari sa nanay ko. Sinisiguro ko po sa inyo, wala ho akong kinikimkim na galit o sama ng loob. Nagkataon lang po na... Nagkataon lang po na wala na ho akong ibang malalapitan. Sana po matulungan n’yo po akong makahanap ng trabaho.” Nagsalubong ang mga kilay ni Ma’am Bernadette, nagtataka. “Ang alam ko nasa poder ka ng tiyahin mo mula nang mamatay ang lola mo. May nangyari ba?” Hindi kaagad nakasagot si Alana. Kahit hindi naging mabuti si Tiya Rosing sa kanya, kapamilya pa rin niya ang mga ito; ang natitira niyang kamag-anak at kadugo. “Something definitely happened. Tell us,” sabi ni Jose Maria sa mariing boses. Sandaling nag-alangan si Alana bago niya sinabi ang totoong nangyari, ang totoong kalagayan niya kasama ang kamag-anak. Hindi siya nagpapaawa. Hindi niya hinihingi ang simpatya ng mga Tolentino. Gusto lang niyang maging tapat. Kung gusto niyang pagkatiwalaan siya ng mga ito, hindi dapat siya magtago ng kahit anong bagay. Nagulat ang mag-ina sa nalaman. Ilang sandali na hindi nakapagsalita sinuman sa mga ito. “Bakit hindi ka nagsabi kaagad?” ang nasabi na lang ni Ma’am Bernadette, bahagyang nanlalaki ang mga mata. “Hindi n’yo po ako obligasyon,” sagot ni Alana habang nakayuko pa rin. “Pero sana ho matulungan n’yo ako ngayon.” “Of course, hija. You’re welcome here,” sabi ni Ma’am Bernadette. “Hindi ho ako papayag sa libreng pagtira. Gusto ko po sanang pagsilbihan ang pamilya katulad ng ginawa ng nanay ko. Magtatrabaho po ako kapalit ng sustento na ibibigay n’yo sa akin.” Ayaw sanang pumayag ng mag-ina pero nagpumilit si Alana. Magtatrabaho siya sa malaking bahay ng mga Tolentino. Sanay na ang kanyang katawan sa trabaho. Napatunayan na niyang kaya niyang pagsabayin ang trabaho at pag-aaral.  Binigyan siya ng kuwarto kasama ang ibang mga kasambahay. Mabait ang mga Tolentino sa lahat ng kasambahay pero hindi maikakaila na mas espesyal ang trato kay Alana. Minsan ay naiilang siya sa mga ibinibigay ng pamilya pero hindi rin naman niya matanggihan. Dapat niyang aminin na kailangan niya ang mga ibinibigay sa kanya. Pinag-aral si Alana sa isang private school. Ginawa niya ang lahat para makakuha ng full scholarship. Marami pa rin siyang pangangailangan at hindi siya pinabayaan. Minsan, hindi na niya kailangan pang humiling. Tuwing pasukan, kompletong binibili ng mayordoma ang lahat ng mga kailangan niya sa school. Naging napakabuti ng pamilya Tolentino kay Alana. Hindi siya itinuring na iba. Nagkaroon siya ng malaking pamilya sa mansiyon. Si Jose Maria ang itinuturing niyang pinakamalapit na kaibigan. May mga pagkakataon na hindi niya talaga mapaniwalaan na naging matalik silang magkaibigan. Hindi siya nito kailanman trinatong kasambahay kundi bilang isang matalik na kaibigan. Naranasan ni Alana ang pag-aalaga ng isang ina mula kay Nanay Delia, ang mayordoma, at kay Ma’am Bernadette na naging napakabuti sa kanya. Madalas siyang tumulong sa ginang sa napakaraming charity works. Naging karamay rin siya sa naging pagdadalamhati nito. Alam niya ang kuwento ng pagkalayo ng anak nitong si Juan Miguel na ang bagong pangalan ay Blumentritt o Blu. Sa kanya rin minsan nasasabi ni Ma’am Bernadette ang lahat ng sama ng loob nito sa asawa. Para siyang nagkaroon uli ng lola sa katauhan ng mayordoma na si Nanay Delia. Maituturing na pinagsamang lolo at ama para kay Alana ang dating presidente ng bansa na si Jose Tolentino. Noong una, sobra siyang natakot sa matanda. Tuwing nakikita niya ito ay nagtatago siya at nauutal tuwing kinakausap siya. Nanlalamig siya nang husto at kinakabahan. Tipikal na reaksiyon siguro ang ganoon sa lahat ng taong katulad niya. Pagkatapos ng isang termino, hindi na muling tumakbo si Jose Tolentino. Nanatiling malakas ang boses nito sa mundo ng politika pero ipinapaubaya na nito ang lahat ng gawaing pampulitikal sa anak na si Ernest. May maliit na farm noon sa Tagaytay ang mga Tolentino. Pagkatapos ng pagiging abala sa politics, nagpupunta ang dating presidente sa farm para mag-relax at mag-unwind. Ito mismo ang nagbubungkal ng mga lupa at nagtatanim. Karamihan pa raw sa mga puno sa paligid, ito ang mismong nagtanim mula pagkabata. May mga pagkakataon na sumasama sina Alana at Jose Maria sa farm. Sinusubukan ni Alana na maging palaging magalang. Hindi pa man inuutos ang mga bagay o gawain ay ginagawa na niya. Unti-unti na niyang sinasanay ang sarili sa presensiya ng dating presidente dahil napakabait naman nito. Palaging magiliw sa kanya. Palaging nakangiti. Palaging pinupuri ang matataas na grades niya sa eskuwela. Isang weekend, hindi nakasama si Jose Maria sa farm dahil sa isang importanteng charity work. May ibang kasambahay naman silang kasama pero kabadong-kabado pa rin si Alana. Isinama siya ni Lolo Jose sa lahat ng puntahan nito sa farm. Hindi niya sigurado kung paano kikilos, kung ano ang mga sasabihin. Jose Maria was a natural charmer. Napakadali para sa kaibigan na magsimula ng isang maganda at masayang kuwentuhan. Idagdag pang napakaganda ng relasyon nito sa lolo. Hindi alam ni Alana kung paano magiging si Jose Maria. “Bakit ka kinakabahan, hija?” tanong ng dating presidente ng bansa. “Nakakatakot ba ako?” Nag-angat ng ulo si Alana mula sa binubungkal na lupa na pagtatamnan ng ilang native na kamatis. Nanlalaki ang kanyang mga mata. Nang rumehistro sa isip ang huling tanong ay mabilis siyang napailing-iling. “Hindi po! Hindi po kayo nakakatakot.” Ang mukha na siguro ng dating presidente ang pinakamaamong mukha na nakita niya.  “Kung gano’n, bakit hindi mawala-wala ang kaba mo sa akin?” Nanatili ang ngiti sa mga labi nito. Sandaling nag-isip siya ng magandang sagot. “Siguro dahil presidente kayo ng bansa. Ang pinakamakapangyarihang tao sa Pilipinas. Mr. President.” “Hindi na ako presidente.” Umiling si Alana. “Once a Mr. President will always be Mr. President. Narinig ko po minsan na sinabi n’yo sa isang kausap n’yong mahalagang tao. Siguro po, ganoon din ang paraan ng pag-iisip ko. Habang-buhay na po kayong magiging presidente sa paningin ko. Siguro po kaya ako kinakabahan kasi natatakot akong gumawa ng hindi kanais-nais sa paningin n’yo o makapagsalita ng nakaka-offend. Kinakabahan ako dahil hindi siguro ako worthy. Hanggang ngayon po, medyo hindi pa rin ako makapaniwala na nakakaharap at nakakausap ko kayo.” Itinigil ni Lolo Jose ang ginagawa at sandaling itiningala ang ulo sa langit, pagkatapos ay tumingin sa kanya. “I’m still a normal person, Alana. Katulad ng marami, katulad mo. You can always talk to me.” Umiling siya. “Hindi ka lang po basta katulad ng iba, katulad ko. You lead a country. Napakarami n’yo pong magagandang nagawa sa bansa.” “I wish I had done more.” Sinalubong ng matanda ang kanyang mga mata. “Don’t look down on yourself. You are great. Someday, you’re gonna do something great. Nakikita ko sa mga mata mo ang determinasyon at pagpupursige. You are a survivor, Alana. Sa batang edad, napakarami mo nang naipanalong laban. Marami ka nang pagsubok na nalampasan. Sa kabila ng mga pagsubok at paghihirap, nagagawa mo pa ring gawin ang mabuti. Nagagawa mo pa ring mangarap nang mataas. You are meant to be someone great. You are a survivor. Huwag na huwag mong kalilimutan ang mga bagay na iyon tungkol sa sarili mo.” Kung ibang tao siguro ang nagsabi ng mga iyon kay Alana, hindi siya maniniwala. Pero iba pala kapag si Lolo Jose ang nagsabi. Nakita niya ang sincerity sa mga mata nito. Ipinaramdam nito sa kanya na pinaniniwalaan nito ang bawat salitang binitiwan. Kaya naman nadagdagan ang confidence niya sa sarili. Naniwala rin siya na kaya niya.  Mas naging malapit sila ni Lolo Jose mula nang weekend na iyon. Unti-unting naging komportable si Alana. Unti-unti, naging mas komportable na siya sa isiping itinuturing niyang lolo ang dating presidente ng Pilipinas. Madalas siyang tumulong sa farm at kahit na sa malawak na garden nito sa Maynila. Kay Lolo Jose niya nasasabi ang kanyang goals and dreams. Nakikinig siya nang mabuti sa bawat opinyon nito sa kahit na anong bagay. Pinakikinggan din nito ang mga opinyon niya kahit nagko-contradict minsan sa opinyon nito. Nagkaroon siya ng interes sa politics at public service dahil din kay Lolo Jose. Maging ang course na kukunin niya sa college ay hiningi niya ang opinyon nito. Para sa kanya, napakahalaga ng bawat sabihin ni Lolo Jose. “Economics or Law? Hindi mo sigurado kung ano ang mas gusto mo? Hindi ka pa sigurado kung gusto mong maging ekonomista o abogado?” Tumango si Alana. “Sa palagay ko po magiging mahusay ako sa dalawang fields. I just can’t do both?” Nabuhay ang interes niya sa economics dahil kay Jose Maria. “Why not?” Napabuntong-hininga siya. “Alam n’yo naman pong hindi ako gaanong mahusay sa multitasking.” Tumango si Lolo Jose. “So, pumili ka ng uunahin at hindi ng igi-give up.” “Sa palagay n’yo po, ano ang kailangan kong unahin?” Nakangiting tinapik-tapik ng matanda ang kanyang kamay. “Ikaw lang ang makakasagot ng bagay na `yan. Ikaw lang ang nakakaalam. Hindi ako ang dapat na sumagot. Magiging mahusay ka naman kahit ano ang piliin mo. Ikaw na rin mismo ang nagsabi.” Bahagyang nainis si Alana pero tinimbang niya nang maigi. Inalam niya kung ano ang talagang gusto niya. Mas pinili niyang kumuha ng Political Science. Napagpasyahan niyang maging abogado muna. Sinuportahan siya ni Lolo Jose. Sinuportahan siya ng lahat. Nasa Law school na si Alana nang makilala niya ang bunsong apo ni Lolo Jose, si Blumentritt. Kaagad silang nagkasundo. Si Blumentritt ang sanggol na inalagaan at prinotektahan ng kanyang ina. Pinatay si Melinda dahil inakalang nakahara ito sa daan palapit kay Blumentritt na tinangkang dukutin noong sanggol pa lang. Mabait si Blu. Noong una, inakala ni Alana na pagtanaw lang ng utang-na-loob sa kanyang ina ang dahilan ng magandang pakikitungo nito. Katulad ni Jose Maria, mabait ang kapatid nito.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD