So sino nga ba si Lanie? Ano ang mga katangian at katauhan ng ating bidang babae sa kwentong ito? Sino ang nakakabaliw na si Lelanie Fernandez?
Well, let's get to know her.
YEARS AGO...
"Alien! Lanie! Lanie! Alien!!!"
Awtomatiko akong napalingon sa batang sumisigaw. Kandahaba pa ang leeg ko para lang makita ito. Anak ng titing! Nasa harap ko lang pala. Sobrang tangkad kasi na hanggang beywang ko lang.
"Lanie alien! Wahahahah!"
Naku! Kaaga-aga pinapainit ang ulo ko!
Humanda ka sa akin Bukaw! Ang gago naming kapitbahay na madalas nambubully sa akin. Kaedad ko lang ito pero hindi kami magkaklase. Bobo kasi kaya nasa pinakahuling section—sa section G. Samantalang ako ay nasa section F. Hehe. At least hindi last, diba!
"Lanie alien! Malaki ang mata!"
Aba't tar4ntado talaga!
"Bukaw bansot supot!" ganti ko naman na lalong nagpalala ng panunukso nito sa akin.
Papansin talaga! Akala mo naman hindi amoy panis na laway ang damit. Araw-araw yatang hindi naliligo ang tar4ntadong ito!
"Alien! Alien! Alien!"
Alien pala, ha! Pwes, patitikimin kita ng super kamao ng isang alien!
Kaagad itong tumakbo nang makitang palapit ako. Mahahaba ang mga biyas ko kaya mabilis ko itong naabutan.
Dinakma ko ang buhok ni Bukaw at hinatak saka ko ito binigyan ng right punch! Sapol sa mukha!
"WAAAAH! Mama!" iyak nito na hindi pa rin makatayo mula sa pagkakabuwal.
"Lanie!"
Napalingon ako at nakita ko si mader, my beloved mother earth na may dala-dalang walis tingting. Ilang saglit lang ay habul-habol na niya ako at pinagpapalo na ng walis.
Ako nga pala si Lelanie Fernandez. Bunso at ang nag-iisang babae sa aming limang magkakapatid. One of the boys, sabi nila.
Wala na kaming tatay. Namatay ito sa impiksyon sa baga. Mag-isang itinaguyod ni mama ang aming pamilya. Napag-aral niya kami sa pamamagitan ng pagtitinda niya ng mga prutas sa kanto. Tumutulong din ang pinakapanganay naming si kuya Dan. Naglalako siya ng prutas sa tulak-tulak niyang kart.
First year high school ay napilitan siyang tumigil sa pag-aaral dahil sa pagpanaw ng ama namin at tumulong na lamang kay mama para mapag-aral kaming mga nakababatang kapatid niya.
Eight years old pa lang ako nang mamulat sa katotohanang mahirap lang kami at pangit ako. Oo, ganoon talaga ang buhay. Tall, dark and handsome daw ang mga kuya ko sabi ng mga kapitbahay namin. Bakit daw ako, tall at dark lang ang meron? Syempre, babae ako. Alangan namang tawagin ko ang sarili ko na handsome, diba? Pretty dapat 'yon!
Pero tampulan talaga ako ng tukso ng mga kalaro ko. Malaki kasi ang mga mata ko, maitim at buhaghag ang kulot na buhok. Obobs pa. Pero simula noong nag-high school na ako at naging kaibigan ko ang transferri na si Dimples, ang super-duper pretty at matalino kong friend ay unti-unti nang nagbago ang lahat sa akin.
Hindi na ako obobs. Tinutyutor niya ako minsan kapag sinipag siya—ay mali! Ako pala. Tamad nga kasi akong mag-aral. Pakiramdam ko kapag nagbasa ako ng isang buong pahina ng libro ay nagkaka-blood clot ang utak ko.
Bukod kay Dim may dalawa pa akong kaibigan. Si Suzette na half-german. Maganda pero lumuluwa lagi ang malaking bilbil nito sa suot na crop top. Nagmumukha siyang bilao minsan. Sarap nguyain.
Ang isa naman naming friend ay si Letticia. Maganda sana at maputi pero weirdo. Lagi siyang may suot na makapal na glasses at bangs na nakatakip sa kaniyang mga mata. Ayaw niyang tinititigan siya sa mga mata at ayaw niyang nakikita ang mga mata niya. Weird, diba? Mabait naman siya at tahimik pero huwag ka dahil wagas 'yon manlait sa mga taong hindi niya magugustuhan.
Lahat sila ay magaganda maliban sa akin. Oo, masakit isipin pero ako talaga ang pinakapangit sa grupo. Iiyak na ba ako? Huhu! T4e! Bakit naman ako iiyak? Maganda kaya ako sa paningin ng mama ko! Tsaka, ang tunay na kagandahan ay wala sa mukha o balat.
Nasa ngipin 'yan! At maganda ang mga ngipin ko kaya lagi akong nakangisi! Ang dami ko tuloy naging kaibigan dahil mukha raw akong approachable. Naks! English yowrn o!
Isa pa, wala akong pakialam kahit pa mukha akong inihaw na pusit at kahit pa ako ang pinakahuli sa listahan ng mga babaeng magaganda. Ang importanti ay busog ako palagi at hindi mabaho ang hininga!
*
Masaya naman ang highschool life ko kahit na wala akong suitors katulad ng napakagandang si Dimples. O boyfriend tulad ng maharot na si Suze. O kahit na secret admirer ng tulad weird na si Lettie.
Walang papansin sa akin dahil maitim ako at hindi marunong mag-ayos. Buong araw ba naman nakabilad sa araw sa paglalaro sa kanto. Tapos uuwi sa bahay na may bangas dahil nakikipag-away na naman.
Mahilig din ako sa outdoor sports kaya normal na sa balat ko ang init. Mukha na nga akong letsong Lanie, eh.
Araw-araw akong nakikipaglaro ng volleyball sa school kahit tirik ang araw. Sa bahay naman kapag walang pasok ay nakikipagpatintero ako sa mga kalaro ko sa labas at umuuwi ang mga itong laging may sapak sa mukha. Paano kasi, tinutukso nila akong alien.
Pero sa kabila ng pambubully na natanggap ko, hindi pa rin ako pinanghinaan ng loob. Hindi naapektuhan ang kompyansa ko sa sarili dahil noong nagpaulan ang langit ng confidence ay naka-cobra ako kaya dilat na dilat ang mga mata ko! Sinalo ko na lahat pati ang pagiging maingay dinamay ko na! May bunos pang kakapalan ng mukha.
Hanggang sa nag-third year high school ako ay papansin pa rin itong si Bukaw bansot. Malaki na pero bansot pa rin.
Isang umaga, paglabas ko ng bahay ay narinig ko na naman ang boses niyang tinutukso ako.
Okay! Nasaan na ba 'yong parang asong ulol na kumakahol ng pangalan ko?
Alien pala, ha!
Nilapitan ko siya na nakatayo sa tindahan ni Aling Mema. Si aling Mema na madalas may yema sa bibig at sumasama ang pusteso sa pagnguya.
"Siraulo ka, ah! Hindi ka pa ba nanawa sa alien mo?!"
"Hindi. Pangalan mo na 'yon, eh!"
Napaisip pa ako sa sinabi niya at in-imagine ang mga letra sa pangalan ko.
Lanie...
Namilog ang mga mata ko.
"Alien nga!!!"
Natawa si Bukaw at nahawa na rin ang mga kasama niya na kasing edad lang din namin.
"Hoy, Bukaw! Baka kakatukso mo ay mainlab ka sa akin!"
Lalong lumakas ang tawanan.
Kung anu-ano pa ang sinasabi ni Bukaw na nakakasakit ng damdamin ko. Hindi na ako nakapagpigil at sinuntok siya sa bunganga.
Tanggal ang dalawang ngipin niya sa harap.
Siya na si Bukaw bungal.
"WAAAAH MAMA!!!" Tumakbo siya pauwi.
Nanakbo na rin ako bago pa man magtawag ng back up si Bukaw bungal.
Hingal-kabayo ako nang dumating sa harap ng pinto ng maliit naming bahay. Ganito na lang palagi ang eksena ko tuwing uuwi, parang hinahabol ng aswang. Paano ba naman, lagi akong napapaaway sa labas.
Kumapit ako sa hamba ng pintuan saka suminghap ng hangin pero napigilan ko ang hininga nang makita ko ang isang gwapong tsinito.
Maputi siya, makinis, matangkad, matangos ang ilong, singkit at... Yummy.
"Bakit may gwapo kaming bisita?!"
Siya si kuya CE, short for Chung-Eun Lee. Half-korean kaya yummy. Kaibigan ng pangatlo kong kuya, si kuya Jake.
Opa! Woaaaah... Biglang naghugis puso ang mga mata ko. Na-love at first sight kasi ako. Kaso nang tumama ang paningin ko kay kuya Jake ay bigla na lang itong naging hugis palakol.
"Ano?" maangas na tanong ko.
"Magsaing ka don!"
Nakanguso akong pumasok. Langhiya! Parang nakaangat sa ere ang mga paa ko nang dumaan na ako sa harap ni kuya CE.
"Hi!"
Aghk! Napahawak ako sa dibdib ko. Tinamaan ng samurai ni kupido ang puso ko! Nag-hi kasi si first love sabay ngiti nang matamis. Ang puti pa ng ngipin! Grr! Hindi katulad ng ngipin ng mga kuya ko, brown!
Teka, bakit ba brown ngipin nila?
"Chocolates. Gusto mo?" offer sa akin ni kuya CE.
Ahh, kaya pala brown!
Malugod ko naman itong tinanggap.
"Magsaing ka na don! T4ngina mo nagpapakyut ka pa nagmumukha kang pusa na may sore eyes!"
"T4ngina mo rin kuya Jake!"
"Ma! Si kulot nagmumura!"
Luh! Siya kaya ang nauna!
Hinampas niya pa nga ako ng damit niyang kakahubad lang. Amoy suka na may halong naphthalene! Ano ba 'yan!
***
Ang araw na iyon ay hindi ko malilimutan. Hindi dahil natampal ako ni mama gawa nang nagmura ako, kundi dahil sa araw na iyon ay nagsimulang maging abnormal ang puso ko.
Sa araw na iyon ay natutong humanga sa lalaki ang isang titibo-tibong si Lelanie Fernandez.