JERU
“Jeru, anak, are you sure na uuwi ka na agad ng Pilipinas?” Napatingin ako sa kaniya. She’s still weak, but I could clearly feel the worry in her voice.
“Mom, you need to rest, okay? Don’t worry about me, kaya ko ang sarili ko. Alam mo naman na may mga bagay akong kailangan tapusin sa Pilipinas.”
“Let him be, Clara. You know you’ve never been able to stop him. If we couldn’t stop him before, how could we possibly stop him now?”
“Kaya nga kinakausap ko siya ngayon, Greg,” sagot naman ni Mom, tapos ay bumaling siya ulit sa ‘kin. “Kung ako lang talaga ang masusunod, gusto ko sana kalimutan mo na lang ang lahat nang nangyari noon sa inyo sa Pilipinas pero alam kong hindi madaling bagay ang hinihiling ko. But I hope soon, anak, your heart will somehow learn how to forgive. Hindi ‘yon para sa mga taong pumatay sa mga totoo mong magulang, but for yourself—so you can finally be free the past and start living your own life.”
“This is my life now, Mom. Dad. You know this is the reason why I’m still alive right now. Kahit pa nga ilang beses nila ko pinagtangkang patayin noon, heto ako, buhay at humihinga pa rin. And I will never, ever forget that you are the reason I’m still here. If you hadn’t taken me in and hidden me back then, baka nga magkakasama na rin kami sa hukay ng mga magulang ko.”
---
STA. ILAYA
2008
Kahit hirap na hirap ako sa paghakbang ay pinilit kong makalapit sa pinto. Saktong pagbukas ko ng pinto ay may taong nakatayo roon.
“Young master!” mahina pero gulat na gulat na sabi ni Dylan. “Mabuti naman at nagkamalay ka na. Halika na, kaya mo bang maglakad?” nag-aalalang tanong niya at kahit hinang-hina pa ako ay pinilit kong tumango.
Naglakad kami palayo sa room na ‘yon. Nang may madaanan kaming rest room ay pumasok muna kami ro’n. “Magbihis ka muna, Young master, hindi tayo makakalabas kapag naka-hospital gown kayo na ganyan.”
Hindi ako sumagot pero sinunod ko ang sinabi niya. Tinulungan naman niya akong magbihis dahil hirap na hirap pa rin ako. White t-shirt, pants at hoody jacket ‘yon.
“Mga damti ko ‘yan, hindi na kasi ako makalapit sa bahay niyo, Young master. Masyado nang maraming mga pulis ang nakapaligid do’n.”
“D-don’t worry… hindi naman ako maarte sa damit. Lalo at alam kong mamamatay na ‘ko.” Natigilan naman siya sa sinabi ko.
“Oo nga pala kaya kailangan nating bilisan, habang wala pang nakakahalata na wala ka sa kuwarto mo. Kaya mo bang maglakad ng normal?” Tumango lang ako ulit at pinilit kong maglakad ng normal katulad ng sinabi niya. Mahirap at masakit dahil sa sugat ko pero kailangan kong tiisin para makalabas kami ng buhay dito. “Narinig ko ‘yong mga pulis kanina sa plano nilang gawin sa inyo kaya naisip ko agad na itakas kayo,” mahinang sabi niya.
Paglabas namin ng rest room ay huminto kami sa tapat ng elevator, sa ground floor pa manggagaling ‘yong elevator at nasa fourth floor lang naman kami. Di ko alam kung sadyang mabagal lang ba ‘yong elevator ng ospital na ‘yon o sadya lang yata na ‘yon ang pinakamatagal na minuto ng buhay ko.
Saktong pagbukas no’n ay may mga pulis na palabas ng elevator. Mabilis akong kinabig ni Dylan patalikod kaya napasigaw ako.
“May problema ba?” Nag-aalalang tanong ng pulis. “May masakit ba sa ‘yo, bata?”
“Ah, wala po, bossing!” mabilis na sagot naman ni Dylan. “Eh kasi po kamamatay lang po ng tatay namin...” nag-pause pa si Dylan at parang iiyak pa. Kung wala kami sa sitwasyon naming ngayon baka nasipa ko siya sa kadramahan niya.
“Ah, gano’n ba. Sige, nakikiramay kami,” mabilis na sagot naman ng pulis pagtapos ay tinalikuran na nila kami.
Nakahinga lang kami ng maluwag ni Dylan ng nawala na sila sa harapan namin kaya nagmamadali na kaming pumasok sa loob ng elevator.
“Nawawala! ‘Yong bata sa room 406, nawawala!” Narinig naming sigaw ng isang babaeng nurse kaya mabilis na pinindot ni Dylan ‘yong close button ng elevator kahit pa nga pasara na ‘yon.
“Dapat pala hindi tayo nag-elevator,” naiiling na sabi ni Dylan. “Mas mabilis ata tayong mahuhuli dito.”
“H-hindi rin ako makakababa ng hagdanan ng ganito ang lagay ko baka lalo lang nila tayong mahuli,” sagot ko naman kahit nanghihina pa rin ako. “Let’s just pray na hindi nila tayo mahuli.”
Pagbukas na pagbukas ng elevator ay bumababa agad kami ni Dylan, mabuti na lang at ground floor na ‘yon bumukas at wala nang ibang sumakay.
“‘Yong bata hanapin ninyo!” narinig naming sigaw ng isang pulis sa likod namin.
“Diretso lang exit, Young master! Kailangan makalabas agad tayo bago nila higpitan lahat ng labasan,” mahina pero mariing wika ni Dylan. Kaya nagmamadali naman kaming lumabas ng exit.
“Hoy kayo!” Sigaw ‘yon na di namin alam kung saan galing. “Ikaw batang naka-itim na jacket! Tumingin ka rito!” Ako ‘yong tinutukoy niya kaya napatigil kami ni Dylan. “Hindi mo ba ‘ko narinig?” Galit nang sigaw niya.
“Teka, boss, may problema ka ba sa kapatid ko?” tanong naman ni Dylan.
“Wala, pero may hinahanap kami. Gusto ko lang masiguro na hindi siya ‘yon! Kaya tumingin ka rito, bata!” Hindi pa rin ako makagalaw at hindi pa rin ako lumilingon dahil sa oras na gawin ko ‘yon siguradong katapusan ko na.
Ramdam na ramdam ko ang hakbang niya palapit sa ‘kin. At sa bawat hakbang niya lalo akong kinakabahan. Napahawak ako sa braso ko.
“Nasa likod! Nasa likod ‘yong bata!” may narinig kaming sigaw. At napatakbo papunta ro’n lahat ng pulis na nandon sa harapan ng ospital.
“Tara na, Young master! Pagkakataon na natin para makalayo!” sabi naman ni Dylan kaya kahit hirap na hirap ako ay binilisan ko ang paglakad ko. ‘Yon lang ‘yong pagkakataon namin para makalayo kami sa lugar na ‘yon.
Patawid na kami ng kalsada nang may isang itim na van na tumigil sa harap namin.
“Jeru, sumakay ka na bilis!” sigaw ng babae sa loob ng sasakyan.
“Tita Clara!” para akong nakahinga ng maluwag nang makita ko na sila ni Tito Greg ang sakay ng van.
Mabilis kaming sumakay ni Dylan sa loob ng sasakyan at doon lang yata ako nakahinga nang maluwag.
“Paano niyo po nalaman?” Tanong ko sa kanila dahil nagulat din ako sa biglaan nilang pagdating.
“Tumawag ang kapatid ng Tito Greg mo, isa siya sa mga pulis dyan sa Sta. Ilaya, at alam na naming in side job ‘yang nangyari sa mga magulang mo kaya alam naming nasa panganib din ang buhay mo, Jeru.”
“Maraming salamat, Tita...” mahinang sabi ko.
“Sige na, anak, magpahinga ka na muna,” sabi niya kaya tumango lang ako.
Twice or thrice ko lang yata siya nakikita pero ang alam ko best friend niya ang Mama ko simula pagkabata kaya para na rin silang magkapatid.
Marami pa silang mga sinasabi pero hindi ko na sila naintidihan. Doon ko lang din naramdaman ang matinding kirot galing sa sugat ko at dahil doon unti-unti rin akong nakatulog.
Hindi ko alam kung gaano ako katagal nakatulog pero nang magising ako ay saktong paghinto ng van ng sinasakyan namin. Madilim na sa labas kaya hindi ko maaninag kung nasaan na kami.
“Nasaan na po tayo?”
“Gising ka na pala. Nandito tayo sa rest house namin, dito pa rin sa Sta. Ilaya pero liblib na ang lugar na ‘to walang sino mang nakakaalam at walang sino mang pwedeng makapasok nang walang permission namin dahil private property ang lugar na ‘to. At sigurado naman ako na hindi sila makakarating dito para lang hanapin ka. Sa ngayon dito ang pinaka-safe place para sa ‘yo,” sabi naman ni Tita Clara.
“Dylan, tulungan mo siyang makababa ng sasakyan para makapagpahinga siya,” utos naman ni Tito Greg at sumunod naman si Dylan.
“Hindi ko alam kung gaano tayo katagal mag-stay dito, Jeru, pero gagawa kami ng paraan para mailabas ka ng Sta. Ilaya. At kung kaya naming gawan ng paraan na mailabas ka ng bansa ay gagawin namin,” dagdag pa ni Tita Clara habang papasok na kami sa rest house nila.
“Maraming salamat po!”
“Huwag mo kaming pasalamatan, hijo...” parang naiiyak na sabi niya. “Malaki ang utang na loob ko sa Mama mo at sa ganitong paraan man lang ay makabawi ako sa ‘yo.”
Doon ko naalala ulit ang nangyari sa mga magulang ko. Hindi ko magawang malungkot kanina habang tumatakas kami sa ospital dahil sa takot ko na mahuli nila ako at tuluyang mapatay.
Pagpasok na pagpasok namin sa loob ng bahay nila ay iniupo muna ako ni Dylan sa itim na couch na naroon sa living room.
“Pwede po ba tayong manood ng news?” pakiusap ko.
“Sigurado ka ba, anak?” nag-aalala pa ring tanong ni Tita Clara.
“Gusto ko lang pong malaman kung nasaan na ang mga magulang ko. Gusto kong malaman kung anong ginawa nila sa katawan nila.” Tumango naman siya at binuhay ang t.v.
“Hanggang ngayon ay hindi pa rin malaman ng mga kapulisan, kung sino at ano ang motibo sa pagkakapatay kay Gov. Jemina Almendras-McBride at sa asawa niyang si Mr. Hudson McBride. Sa ngayon ay hawak pa rin ng kapulisan ang kanilang mga labi para sa isinasagawang imbestigasyon. At ayon sa karagdagang balita, ay ipinaghananap na rin ang anak nilang nakaligtas sa trahedyang ito. Ayon sa huling ulat ay nawawala ang bata at hanggang ngayon ay hindi pa rin nila mahanap. Kaya naman nananawagan ang mga kapulisan na sa kung sinoman ang nakakita sa anak ng mag-asawang McBride ay makipag-ugnayan lamang sa kanila, dahil nasa panganib pa rin ang buhay ng batang ito. Inaasahan ang pakikipagtulungan ng publiko sa nangyaring trahedyang ito sa Sta. Ilaya.”
Pagtapos ay nag-flash sila ng picture ng isang batang lalaki but that was not me. Kaya napatingin ako kila Tita Clara.
“Kami ang nagbigay ng picture na ‘yan kay Rico, siya lang ang mapagkakatiwalaan natin sa mga kapulisan. Siya ang kapatid ng Tito Greg mo.”
“Pero sino ang batang ‘yan? Hindi ba nila hahanapin ‘yan?” nagtatakang tanong ni Dylan.
“Hindi na nila mahahanap ang batang ‘yan dahil ‘yan ang mag-iisa naming anak,” sagot naman ni Tito Greg. “Halos kasing edad mo siya, Jeru, at last year lang siya nawala sa amin dahil sa cancer.”
“Inilabas niyo ang mukha ng sarili ninyong anak para lang itago ako?” hindi makapaniwalang sabi ko.
“Hindi rin madali para sa amin ang desisyon na ‘yan, Jeru. Pero alam ko kung nasaan man ang anak namin ay maiintindihan niya kami at alam kong ito lang ang tama naming gawin para sa mga magulang mo.”
“Pero marami pa ring nakakakilala sa totoong itsura ko, kaya sooner or later ay lalabas din ang totoo na hindi ako ang nasa picture na ‘yan.”
“Kaya nga bago mangyari ‘yon kailangan nating makalabas ng Sta. Ilaya. That was only meant to buy as some time.”
I could see the desperation in their eyes as they tried to save me.
---
And now here they are in front of me. Dinala nila ako rito sa Amerika at itinuring nila akong parang totoong anak nila.
“Mom, Dad... please take care of yourselves. Tawagan niyo ko agad kung may problema kayo rito,” pagkasabi ko no’n ay humalik na ako sa noo ni Mom.
“Mag-iingat ka, anak,” nakangiti na ring bilin niya sa akin. Alam kasi niyang ayokong umaalis ako nang masama ang loob niya sa akin o may hindi kami pagkakaintindihan. Malaki ang utang na loob ko sa kanila at hinding-hindi ‘yon maalis sa utak ko pero hindi ko kayang manahimik sa buhay nang hindi ko natatapos kung anong sinimulan ko.
Si Dad naman ay niyakap ako ng mahigpit. “Nandito lang kami palagi.” Pagtapos ay bumaling siya kay Dylan. “Ingatan mo ang anak namin, Dylan.” Nakangiti namang sumaludo sa kaniya si Dylan. Kaya lumabas na kami ng hospital room na ‘yon ni Mom. Palabas na rin naman siya dahil successful naman ang operation niya.
Di ko rin maintidihan mukhang nararamdaman na rin nila ang muling maghaharap namin ni Demetrio Esquivel kahit pa nga wala akong kahit anong sinasabi sa kanila.
“Tatawagan ko na si Ava, Boss. Sasabihin ko nang pauwi na tayo,” sabi naman ni Dylan.
“Nope! Walang sinomang pwedeng makaalam na babalik na ‘ko ng Pilipinas. We need to move silently at hindi ko ‘yon magagawa kung malalaman ni Ava na nakabalik na ‘ko ng Pilipinas.”
“Sa Agrianthropos City tayo?” paniniguro niya.
Habang naglalakad kami palabas ng hospital, hindi ko maiwasang mapatingin sa paligid. The sterile white walls, the smell of antiseptic — lahat ‘yon parang bumalik sa alaala ko. The same scent, the same fear, the same kind of night when I almost died.
Humigpit ang hawak ko sa strap ng bag ko. Hindi na mauulit ‘yon. Hindi na ako ‘yong batang takot, duguan, at tumatakbo para mabuhay. Ngayon, ako na ang magpapatakbo ng laban.
“Boss?” tawag ni Dylan, naputol ang pag-iisip ko.
“No,” sagot ko. “Let’s make sure no one traces my steps this time. Hindi na ‘ko magtatago. Pero siguraduhin mong walang makakaalam kung nasaan ako hanggang matapos ang deal.”