“Julia, hija, nakarating ka!” bulalas ni Yaya Flor nang makita siya.
Sa wakas, nakarating siya sa pabahay sa loob ng asyenda. Mula sa may gate, nilakad na niya kaya halos lawit na ang dila niya nang marating ang mga pabahay. Iilan lang ang mga pabahay sa loob ng asyenda. Kung baga, pahingahan lang ng mga tauhan sa loob ng asyenda. Pero napag-alaman niyang ang Yaya Flor niya ay doon na literal na nakatira. Wala na kasi ang mga anak nito sa San Rafael. Nagsipag-asawa na daw ang mga ito at lumipat na ng ibang bayan. Pinapasyal-pasyal na lang daw ng mga ito si Yaya Flor.
Bago siya nagtungo sa San Rafael, nakausap na niya ang kanyang Yaya Flor sa problemang nais niyang takasan. Nais muna niyang maka-iwas sa daddy niya na panigurado galit na galit sa kanya, dahil iisa lang ang misyon niya ay hindi pa niya nagawa. ‘Yon ay ang makasal siya kay Gael Saavedra. Lalayo na muna siya pansamantala. Pag malamig na ang lahat, saka niya haharapin muli ang daddy niya.
“Yaya Flor,” magiliw na tawag niya sa dating tagapag-alaga. Niyakap niya ito nang mahigpit. Alam niyang hindi siya pababayaan ng Yaya Flor niya. Anak ang turing nito sa kanya.
Dahil nagka-edad na, kaya lang naman umuwi si Yaya Flor sa San Rafael. At dahil nga wala na ang mga anak nito at mag-isa na lang, kaya daw namasukan na lang ito sa Hacienda Sebastian. Ang Hacienda Sebastian daw ang pinakamalaking asyenda sa bayan ng San Rafael. Mukha nga naman ito ang pinaka-malaki dahil lawit na ang dila niya nang marating ang bahay ng Yaya Flor niya.
Pumasok sila sa loob ng katamtamang laki ng bahay na yari sa kahoy. Isang palapag lang ‘yon at sa pagpasok mo, kita na lahat: sala, kusina, isang silid at banyo. Napalunok siya habang pinagmamasdan ang kabuuan ng bahay. Walang screen ang mga kahoy na bintana, pero mukhang presko naman. May maliit na sala set na kahoy, mukhang komportable naman. Ganoon rin ang dining, kahoy na mesa at dalawang mahabang kahoy ang upuan.
“Pasensya ka na, Julia ah. Dito na lang kasi ako namamalagi, hindi na ako lumalabas ng asyenda,” sabi ng Yaya Flor niya. Marahil napansin ang pagkailang niya sa bahay.
Sanay siya sa karangyaan. Isa siyang Santillan, isa ang pamilya nila sa kinikilala sa bayan ng San Sebastian. May malalaking negosyo ang kanyang ama, kasama na riyan ang Saavedra Santillan Hospital. May malaking share ang pamilya nila sa ospital na ‘yan, kung saan isa ring doktor ang Kuya Dylan niya.
Nasa kanya na ang lahat: pera, ganda, talino, lahat, lahat na sa kanya na. Ngunit kahit nasa kanya na ang lahat, hindi pa rin niya naiwasan ang masaktan at mabigo sa larangan ng pag-ibig. Tinanggihan kasi siya ng isang Gael Saavedra. Kaya nga siya napadpad ng San Rafael para gamutin muna ang sugat at sakit na likha ng pagkabigo niya kay Gael.
“Dito na muna ang magiging silid mo ah,” sabi ni Yaya Flor nang magtungo sila sa silid na wala namang pintuan, tanging kurtina lang ang tumatakip sa pasukan.
Muntik pa siyang mapangiwi nang makita ang papag. Walang malambot na kama. Ganoon rin ang isang bintana na may tabing lang na kurtina at pumapasok ang malamig na simoy ng hangin.
Pilit siyang napangiti. Kailangan niyang pagdaanan ang mga bagay na ito para magamot ang sugat niya, para makalimutan na niya si Gael Saavedra. Para sa pagbabalik niya ng San Sebastian, bagong Julia Santillan na ang haharap sa mga tao roon.
Napahawak siya sa maiksing buhok. Nagawa din niyang paputulan ang maganda at mahaba niyang buhok. Parte ng kanyang pagbabago. Humugot siya ng malalim na paghinga at ngumiti. Paulit-ulit na binubulong sa sarili na kaya niya ang bagong buhay.
“Sana magustuhan mo ang pamamalagi mo dito, Julia, at sana makatulong ang pamamalagi mo dito sa asyenda para maghilom ang sakit na nararamdaman mo,” litanya ng Yaya Flor niya sa kanya.
“Salamat po, Yaya Flor, sa pagtanggap sa akin dito. Wala na po kasi akong ibang mapupuntahan,” sagot niya at niyakap ito. Para na rin kasi niyang nanay si Yaya Flor. Matagal din niya itong nakasama sa bahay nila kaya malapit siya rito.
Pinaghanda din siya ni Yaya Flor ng mga pagkain na galing sa asyenda. Mayaman ang asyenda dahil kumpleto ito. May gulayan at prutasan at may palaisdaan din daw sa may dulo na para daw sa mga tauhan, para may mapagkuhanan daw ang mga ito ng makakain.
“Mabait po siguro ang may-ari ng asyenda,” sabi niya habang kumakain ng inog na mangga. Ngayon pa lang yata siya nakakain ng ganito katamis na mangga.
“Mabait ang mga Sebastian, lalo na sa amin, mga katiwala nila dito sa asyenda,” sagot ng Yaya Flor niya habang pinanghihiwa pa siya ng mangga.
“Tanim din po ba ito dito sa asyenda?” usisa niya dahil masarap talaga ang mangga.
“Ah, hindi. Galing ‘to sa kabilang asyenda, sa napangasawa ni Ma’am Iya,”
Tumango-tango lang siya sa sinabi nito at naalala ang lalaki at ang babaeng nakita niya kanina sakay ng kabayo. ‘Yon kaya si Iya at ang asawa nito? Binaba niya ang kinakaing mangga at sumulyap kay Yaya Flor. Hindi siya puwedeng magkamali. Ang lalaking nakita niya kanina ang pumigil sa kanyang magpakamatay, at masasabi niyang nagligtas sa buhay niya. Kaya hanggang ngayon, buhay pa siya.
“Andito po ba ang anak ng may-ari ng asyenda?” tanong niya. Curious kasi siya kung sino ang lalaking nakita niya kanina sa asyenda, ang lalaki ding pumigil sa kanya sa pagpapakamatay.
“Si Sir Lance ang namamahala dito. Halos dito na nga rin siya sa asyenda nakatira.”
“Lance,” ulit niya sa pangalang binanggit ni Yaya Flor. “Andito po ba siya sa asyenda ngayon?” pang-uusisa niya. Nais niyang makasiguro kung ang lalaking nakita niya kanina ay ang lalaking nagligtas sa kanya sa kamatayan. Hinding-hindi niya makakalimutan ang gabing ‘yon. Ang gabing handa na niyang wakasan ang kanyang buhay dahil kay Gael Saavedra. Ang gabing ‘yon din siya nakakita ng lalaking higit kay Gael, mas gwapo kay Gael at mas appealing kay Gael. At higit sa lahat, napabilis ng lalaking ‘yon ang t***k ng kanyang puso.
“Oo, si Sir Lance kasi ang namamahala sa asyenda, kaya dito na siya nakatira. May malaking bahay sa gitna ng asyenda, doon ang mansyon ng mga Sebastian,”
Tumango-tango siya kay Yaya Flor. Aalamin niya kung si Lance nga ang lalaking ‘yon. At kung ito si Lance, kailangan niyang gumawa ng paraan para mapalapit kay Lance. Buong buhay niya, nakasentro lang kay Gael Saavedra, sa pagiging Mrs. Saavedra niya. Wala siyang ibang lalaking nakitang hihigit pa kay Gael. Para sa kanya, si Gael na ang pinaka-gwapo, appealing, matalino, lahat, lahat na kay Gael. Until that night she met this man better than Gael Saavedra.
She is Julia Santillan. She can do anything to get what she want. Siguro nga nabigo siya kay Gael, but not this time. Sisiguraduhin na niya ang kanyang tagumpay.
Pumasok sa isip niya ang babaeng kasama ng lalaki kanina. Naghalikan pa nga ang mga ito. Bigla siyang kinabahan at nagkibit-balikat. Paano kung may asawa na ito?
“Binata pa po ba si Lance?” tanong niya kay Yaya Flor na kinagulat pa nito.
Sumilay ang ngiti sa mga labi ni Yaya Flor nang sulyapan siya. May kakaiba sa tingin at ngiti nito.
“Julia, hija, binata pa si Sir Lance,” nakangiting sagot nito.
Si Lance nga kaya ang lalaking nakita niya kanina? Paano kung hindi? Paano kung si Iya pala ‘yon, ang sinasabing kapatid ni Lance, at asawa pala nito ang lalaki kanina.
“Si Iya po, andito?” hindi niya mapigilang itanong. Kailangan kasi niyang malaman na.
“Wala si Iya dito. Sa pagkakaalam ko, nasa San Sebastian,” sagot ng Yaya Flor niya.
Napangiti siya. Si Lance nga marahil ang nakita niya kanina. Pero sino ang babaeng kahalikan nito? Muli niyang sinulyapan si Yaya Flor.
“Huling tanong na lang po, Yaya Flor,” nahihiyang sabi niya.
“Ano ‘yon?”
“May nobya po ba si Lance?”
Matagal bago nakasagot si Yaya Flor. Nakamata ito sa kanya. Tila alam na niya ang sagot. Panigurado, nobya ni Lance ang babaeng kahalikan nito kanina. Humugot siya ng malalim na paghinga at nagkibit-balikat.
“May nobya si Sir Lance, si Claire,” may lungkot sa tono ni Yaya Flor.
“I see,” nalungkot niyang sagot.
Kung saan-saan na umabot ang isip niya kay Lance, may nobya naman pala ito. At sa nakita niya kanina, mukhang malalim na ang samahan ng mga ito. Sa nakita niyang paghahalikan ng mga ito, tiyak na umabot na hanggang kama ang mga ginagawa ng mga ito.
“Hindi ko gusto si Claire para kay Sir Lance,”
Napaangat ang ulo niya at napatingin kay Yaya Flor. “Bakit ho?”
“Napaka-arte ng babaeng ‘yon. Kung manamit, parang binibilad ang katawan sa mga tao,” may inis na sagot nito.
“Matagal na po ba sila?” usisa niya. Ewan niya, wala pa ngang katiyakan na iisang tao lang ang pinag-uusapan nila ni Yaya Flor pero todo usisa na siya.
“Isang taon mahigit siguro,”
“Matagal na rin pala,” bulong niya. Nakaramdam ng lungkot. Nakakita na siya ng pag-asa kanina, muli na namang nawala dahil may nobya pala itong si Lance.
Matapos kumain, nagpaalam siyang mamasyal muna sa labas. Pinayagan naman siya ni Yaya Flor. Sabihin lang daw niya na pag may nakakita sa kanya, sabihin niyang pamangkin siya nito.
Malawak at mapresko ang asyenda at halatang sagana sa tanim. Mukhang maganda ang lupa. May iilang mga pabahay na magkakatabi para sa mga tauhan sa asyenda. At mula sa kinatatayuan niya, natatanaw niya ang malaking mansyon. Malayo-layo rin mula sa kinatatayuan niya pero kitang-kita niya kung gaano kalaki ang mansyon.
Mayaman nga siguro ang mga Sebastian. Mas mayaman pa ba sa mga Saavedra?
“Saan ko kaya makikita ang Lance na ‘yon?” bulong na tanong niya habang nakatingin sa abot-tanaw niyang mansyon. Hindi kasi siya mapakali hangga’t hindi niya nasisigurado kung si Lance nga ba ang lalaking pumigil sa kanya magpakamatay, at ang lalaking natatanging nakahigit kay Gael Saavedra sa paningin niya.
Nagtaas siya ng mukha at inayos ang buhok. Naka-maong pants siya at designer brand na damit. Maganda siya, alam niya. Mas maganda siya sa babaeng kahalikan ng lalaking ‘yon kanina. Sinimulan niyang maglakad habang naka-focus ang mga mata sa mansyon. Malayo pero pupuntahan niya.