Hindi pa man niya nakakalahati ang nilalakaran, pagod na pagod na siya. Mukhang hindi siya aabot sa mansyon ng mga Sebastian.
“Paano ko kaya ma-co-confirm kung ang lalaking nagligtas sa kanya at si Lance ay iisa?” tanong niya sa sarili habang patuloy sa paglalakad. Nawiwili naman siya sa paglalakad. Para siyang namamasyal lang, pinagsasawa niya ang mga mata sa naglalakihang mga puno na nagpapalilim sa kapaligiran.
Malayong-malayo ang itsura ng asyenda sa kinalakihan niyang lugar. Dito sa asyenda, payapa at tahimik ang buong paligid. Paniguradong ligtas ka kahit abutan ka pa ng dilim.
May nakita siyang puting pusa na naglalakad nang mabagal. Mukhang pipilay-pilay pa ito. Nilapitan niya ang pusa na mabagal maglakad. Hindi naman siya mahilig sa ano mang mga hayop, pero naaawa siya sa pusang hindi makalakad nang maayos. Kaya naman nilapitan na niya ang pusa para tulungan makalipat ng daan.
“Hello, Muning. Tara, tulungan kita,” bulong niya sa maliit na pusa at dahan-dahang binuhat ang pusa. Patawid na sila sa kabila nang may marinig na mga yabag ng kabayong mabilis ang takbong papalapit sa kinaroroonan niya. Napalingon-lingon pa siya para hanapin ang mga yabag ng kabayong paparating.
Nakita niya ang kabayong kulay abo na patakbo sa kinatatayuan niya. Matulin ang takbo noon. Nataranta siya at hindi alam ang gagawin. Hindi alam kung paano iiwas. Napayakap siya sa pusa nang mapansing tatamaan sila ng malaking kabayo.
“Whoooh,” napatili siya at napaupo sa lupa habang yakap-yakap ang pusa. Sumunod na napansin niya ang lupang nagliparan sa kanya sa biglang paghinto ng kabayo.
“Whoooh,” narinig niya ang boses ng isang lalaki.
Nanatili siyang nakaupo sa lupa at yakap na mahigpit pa rin ang pusa.
“Miss, are you okay?” tinig ng lalaki na nakita niyang bumaba mula sa kabayo.
Dahan-dahan siyang nag-angat ng mukha. Una niyang nakita ang suot na boots ng lalaki, pataas sa maong nito, at sa plain na T-shirt nito. At nang makita ang gwapong mukha nito, nanlaki ang kanyang mga mata at napatitig rito.
“Are you okay, Miss?” tanong nito at lumapit sa kanya. Nakaupo pa rin siya sa lupa at yakap ang pusa.
“Hindi kita napansin, sorry. Tinamaan ba kita?” tanong nito na may pag-aalala.
Hindi siya nakakibo. Nanatili siyang nakamata rito. Pinakatitigan niya ang lalaki, at nasiguro niyang ito nga ang lalaking pumigil sa kanya sa pagpapakamatay, at ito rin ang lalaking nakita niya kanina na may kahalikan. Ito na nga kaya si Lance?
“I’m sorry,” paumanhin nito sa kanya at nilahad ang kamay para matulungan siyang tumayo. Nalipat ang mga mata niya sa kamay ng lalaki na nakalahad sa kanya. Iniabot naman niya ang kamay sa gwapong lalaki. Tinulungan siya nitong makatayo. Kumabog ang dibdib niya nang mahawakan ng lalaki ang kamay niya para tulungan siyang tumayo. Kabog ng dibdib na ngayon lang niya naramdaman.
“Okay ka lang?” tanong nito sa kanya at nalipat ang tingin nito sa pusang hawak-hawak pa rin niya.
“Ah, tutulungan ko lang sana siyang makalipat ng daan,” sabi niya at mabilis na ibinaba ang pusa na pipilay-pilay pa rin maglakad.
“I see. Okay ka lang ba?” tanong nito sa kanya.
“Yes, thank you,” sagot niya.
Hindi nakaligtas sa kanya ang pagtingin ng lalaki at pagsuri. Mukhang kinikilala siya nito. Huwag naman sanang makilala siya nito.
“Naliligaw ka ba sa asyenda?” kunot-noong tanong nito. Marahil napansin nito na ngayon lang siya nito nakita sa loob ng asyenda.
“Ah, hindi. Dinalaw ko kasi ang ya- I mean—ang Tiyang Flor ko,” utal-utal na sagot niya.
“Si Manang Flor?”
“Oo. Pamangkin ako ni Tiyang Flor. I’m Julia,” pakilala niya rito. Tila wala naman itong balak magpakilala sa kanya. Nais pa naman niyang masiguro kung ito nga si Lance.
“Sa bahay ni Tiyang Flor ako pansamantala umuuwi,” dagdag niya.
Tumango-tango ang lalaki sa kanya, at muli siyang sinulyapan nito, wari’y kinikilala siya nito. Maiksi na ang buhok niya at hindi glamorosa ang suot niya. Wala din siyang ano mang make-up at accessories sa katawan, kaya marahil hindi siya nito nakikilala.
“Anyway, I should go,” paalam nito sa kanya.
Hindi siya nakakibo. Nakasunod lang siya ng tingin sa lalaking hindi pa rin niya alam ang pangalan. She need to do something. Kailangan masiguro niya kung ito nga ba si Lance.
Pasakay na muli ang lalaki sa malaking kabayo nang bigla siyang may maisip para makasama pa ang lalaki at makuha ang pangalan nito. Humugot siya ng malalim na paghinga at napatili sabay hawak sa hita niya.
“Ouch, aray!” tili niya.
Napansin sa gilid ng mga mata ang paghinto ng lalaki sa pagsakay ng kabayo. Lumapit ito sa kanya.
“What happened?” nag-aalalang tanong nito.
“Masakit ang paa ko. Na-sprained yata,” inarte niya para makuha ang atensyon ng lalaki.
“Saan?” tanong nito at tiningnan ang paa niya. Tinodo niya ang pag-inarte.
“Ouch,” tili niya nang hawakan ng lalaki ang paa niya na kunwari ay na-sprained.
“Masakit ba? Okay lang ba kung sa bahay ko na tignan ang paa mo para magamot ko na rin?” prisinta nito.
Lihim siyang natuwa. ‘Yon naman talaga ang plano niya. Mapapadali ang lahat kung sasama siya sa lalaki.
“Please, ang sakit ng paa ko. Hindi ko maapak nang maayos,” maarteng sabi niya na kunwari’y masakit nga ang paa.
“Can I carry you?” he asked.
“Please,” mabilis na sagot niya na sinabayan pa ng todo arte.
“Come here,” sabi nito at binuhat siya ng lalaki pa-bridal style.
Kinawit niya ang mga kamay sa batok ng gwapong lalaki. Naaamoy din niya ang mabangong pabango nito. Mariin niyang pinikit ang mga mata at sinamyo ang mabangong binata.
“Okay lang ba dito kita isasakay?” tanong nito.
“Okay lang,” agad na sagot niya at sinakay sa kabayo. Ito ang unang beses niyang makasakay ng kabayo.
Maya-maya pa, sumunod na sumakay ang lalaki sa kabayo. Pumuwesto ito sa likuran niya habang tila nakapulupot payakap sa kanya ang mga kamay nito.
“Hiyah!” hiyaw nito at tumakbo nang mabilis ang kabayo.
Dahil sa first time niyang makasakay sa kabayo, nakaramdam siya ng takot. Kaya naman napahawak siya sa malapad na dibdib ng lalaki. Napalunok pa siya at kung hindi lang kalabisan talaga ay sasandal pa siya sa malapad na dibdib ng lalaki. Kaya lang baka makahalata na ito.
Never in her life na nakalapit siya nang ganito kalapit sa isang lalaki. Dahil nga mula pagkabata ay hinubog siya ng ama para maging asawa ni Gael Saavedra. Wala ni isang lalaki ang nakalapit sa kanya.
Napanganga siya nang makitang malapit na nilang marating ang malaking mansyon sa loob ng asyenda. Kung gaano kalaki ang natatanaw niya sa kalayuan ay mas malaki sa malapitan. Huminto ang kabayong sinasakyan nila sa tapat ng mansyon.
Agad na may sumalubong sa kanilang binatilyo. Naunang bumaba ang lalaki, patalon pa ito bumaba ng kabayo. Naramdaman niya ang kamay ng lalaki sa bewang niya para ibaba mula sa kabayo. Nakaramdam siya ng kakaiba sa paghawak ng lalaki sa maliit niyang bewang.
“Kaya mo bang maglakad?” tanong nito nang maibaba siya sa lupa.
Nag-inarte siyang nasaktan nang subukang ilakad ang paa. Napatili pa siya kunwari para mas kapani-paniwala ang drama niya.
“I’ll carry you,” sabi nito at muli siyang binuhat nito pa-bridal style.
Bago sila naglakad papasok, may inabilin pa ang lalaki sa binatilyong sumalubong sa kanila.
“Ako na po ang bahala, Sir Lance,” sagot ng binatilyo matapos ang mga bilin ng lalaki rito na tinawag ng binatilyong “Sir Lance.”
Ito nga ba ang Lance na namamahala sa asyenda? Ito ba ang Lance na hinahanap niya? Kung ganoon, si Lance Sebastian nga ang lalaking nagligtas sa kanya.
Napatitig siya kay Lance habang buhat-buhat pa rin siya papasok sa mansyon. Nakakawit ang mga kamay niya sa batok nito. Gwapo nga ito. Mas gwapo kay Gael.
Ang lalaking ito na ba ang makakatulong sa kanya para makalimot na kay Gael Saavedra? Pero paano? Paano niya gagawin ang plano kung may nobya na ang lalaking higit kay Gael?